Chapter 5

2090 Words
CHAPTER 5 Nash's POV Dahil hindi naman dumidilim dito sa Domus, wala ring oras. Ang sabi ni Bash, wala raw talagang oras sa mundong ito, para bang nakahinto ang panahon sa lugar na ito. Bukod sa walang oras at walang pagdilim, hindi na rin kami nakakaramdam ng gutom at antok sa lugar na ito. Talagang wala kang pagkakabalahan kundi ang magbawas ng kasalanan mo. Hindi ko alam kung mababagot ba ako sa ganitong buhay pero sa karanasanan ko naman, hindi ko pa iyon naiisip. "Oo nga pala, p're. Kailangan ba lahat ng mga nangyayari sa akin ay sasabihin ko? Ibig kong sabihin, para maiwasang hindi na bumalik ang kasalanan ko sa pahina ko?" tanong ko sa kasama ko. Naupo kami sa isang upuan na nadaanan namin. Ito lang yata ang nag-iiba sa mga ginagawa namin, ang pag-upo at pagtayo. Bumaling ang tingin niya sa akin. "Hindi, p're. Kailangan lang ay hindi mo na iyon ulitin, iyon lang." Tumango ako. Napakasimple lang pala. Isinandal ko ang likod ko sa pader. Hindi ko akalain na talagang nangyayari ito ngayon, namatay ako...at muling nabuhay. Masyadong malayo sa katotohan pero ito na nga ang nangyari. Napunta ang isip ko sa ibang kasalanan ko na nabasa ko sa pahina ng Crime Dictionary. Pinagdudugtong ko ito para mag-isip ng paraan na magawa ko silang burahin ng maramihan. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako tatagal sa ganitong pamumuhay dito at ayoko rin namang magtagal, kaya kailangan kong mabura ang lahat nang iyon sa lalong madaling panahon. Ang rule lang naman ay huwag nang ulitin ang kasalanang nagawa mo na. Ibig sabihin, kahit nabura na sa pahina ang isang kasalanan, hindi mo pa rin iyon dapat makalimutan para lagi mong makalkula ang mga ikikilos at sasabihin mo. Madali namang tandaan na 'huwag kang magsisinungaling,' pero kapag dumating na ang pagkakataong madami na ang kasalanang nabura ko, maaring doon na ako magsimulang malito. "Pare, ilan na ba ang nabura mong kasalanan sa pahina mo?" tanong ko muli sa kasama ko. Sumandal siya gaya ko, tila tumulala at inisip ang isasagot sa akin. "Ayos lang ba kung hindi ko sabihin ang mismong bilang? Nakakahiya kasi, baka mas marami ang akin kaysa sa 'yo. Basta, marami na. Bakit ba?" aniya. Ngumisi ako. "Sige, nakakahiya nga ang ganoong tanong. Pero kung madami na, paano mo nagagawang tandaan lahat nang iyon at paano mo nagagawang iwasan na hindi na maulit ang parehong kasalanan na nabura mo na?" Alam kong sobrang dami kong tanong. Mula yata ng magkasama kami ni Bash ay wala na 'kong ginawa kundi ang magtanong sa kanya at wala na rin siyang ginawa kundi ang sagutin ang mga iyon. "Kusa mo iyong maaalala at maiisip. Walang paliwanag pero kapag madami na rin ang nabura mo, maiintindihan mo ang sinasabi ko." Napatango na lang ako. Kapag ganyang sinabi niyang paliwanag ay tatahimik na ako, panatag na akong hindi ko naman pala sila makakalimutan. Posible kaya dahil iyon sa wala naman kaming ibang iniisip kundi ang pagbura sa kasalanan namin? Dahil nga wala naman sa isip namin ang alaala ng buhay namin noon. "Naisip mo na ba kung paano mabubura ang iba mo pang kasalanan?" si Bash naman ang nagtanong ngayon. "Habang nakikita ko ang paligid, hindi ko alam kung paano ko ba 'yun gagawin," sagot ko. Madaming uri ng kasalanan sa mundo, ang pag-iisip nga lang ng hindi maganda sa kapwa ay kasalanan na. At kahit simpleng pag-iisip lang 'yon, mahirap 'yon iwasan. Dahil tiyak na kapag may taong gumawa sa 'yo ng bagay na hindi mo nagustuhan, tiyak na r'on palang makakapag-isip ka na ng hindi maganda tungkol sa kanya at maaring kahit nabura mo na ang kasalanang iyon ay babalik lang 'yon. Pinagod mo lang ang sarili mo. May ganoon akong kasalanan, sa tingin ko natural na rin iyon gaya sa pagsisinungaling. Pero kung ikukumpara ang dalawa, mas madali gawin ang hindi magsinungaling kaysa sa isa. Kaya iyon ang pinili kong unahin. Sa gitna ng pag-iisip, bigla akong nakaisip ng isang ideya. "Pare, 'diba ang kailangan lang ay gawin mo ang kabaliktaran ng pagkakamali mo?" paglilinaw ko. Agad na tumango si Bash. "Oo," aniya. Tumayo ako. "Pare, puwede bang humingi ng pabor? Magbilang ka hanggang isang daan. Kailangan sa loob ng pagbibilang na iyon ay makabalik ako rito." Kumunot ang noo niya sa akin. "Huhulaan ko, ang naiisip mong burahing kasalanan ay may kinalaman sa pagiging late, 'no? Nash, imposible 'yang gusto mo. Masabayan mo lang ang pagbibilang ko ay magagawa mo nang—" "Dalawang kasalanan ang balak kong burahin. Habang nagbibilang ka, gagawin ko ang isa. Sapat nang rason 'yon para hindi ako makapangdaya, 'diba?" Naikuyom ko ang kamao ko, umaasang papayag sa ideya ko si Bash. Bahagya akong nakampante nang napabuntong hininga siya. "Ano bang kasalanan ang gusto mong burahin?" tanong niya. Hindi ko siya sinagot, kusa na lang gumalaw ang mga paa ko para tumakbo palayo sa kanya. Kahit hindi siya magbilang, ayos na sa akin iyon. Mahalaga sa akin ay nasabi ko ang importanteng gawin. Ayon sa pagkakaintindi ko, ang dapat lang gawin ay burahin ang kasalanan at huwag nang uulitin. Kaya sa palagay ko, walang magiging epekto kung sinubukan mong burahin pero pumalpak ka. Katamaran. Iyon ang isa sa dalawang kasalanan na gusto kong burahin ngayon. Hindi ko alam kung paano ko naging kasalanan ang bagay na iyon at ano ang ginawa kong mali noon. Pero kung tama ang pagkakaintindi ko, kailangan ko lang gawin ang isang bagay na magpapatunay na mababago kong hindi na ako ganoon. Ang pangalawang kasalanan na balak kong burahin ay ang galit. At isang tao lang naman ang naiisip kong maaring rason bakit ako nagtatanim ng galit sa puso ko...ang taong nakaharap ko kanina. Tumakbo ako kasi gusto kong maabutan ang lalaking iyon. Hindi ko alam kung bakit, pero naramdaman ko ang presensya niya sa malapit. Ibig sabihin, bumaba ulit siya rito sa no level. Hinahanap ko siya hindi para ulitin ang away kanina...gusto kong makipag-ayos at gusto kong mawala agad ang galit na nararamdaman ko. Hindi ko alam kung magagawa ko ba talaga, pero gusto kong subukan. Maari naman iyong mangyari kung kakausapin ko siya ng mahinahon, 'diba? Naisip kong pagsabayin ang dalawang kasalanan na ito dahil sa tingin ko ay bagay silang pagsamahin. Kung may gagawin akong isang pagkilos, mawawala ang kasalanan kong kamataran. At siyempre, ang kilos na gagawin ko ay ang pagbura sa isa pang kasalanan ko na galit. Pinabilang ko si Bash para gawin kong eskperimento. Hindi ko kasi sigurado kung uubra ang balak kong 'to, pero naisip ko lang 'yon bilang posibleng suporta sa plano ko. Walang oras sa mundong ito, pero kung kayang magbilang, puwede mo na 'yong gamitin bilang sukatan. Napahinto ako sa pagtakbo nang makaharap ko na ang lalaking pakay ko. Magkalayo pa kami, pero mula sa pwesto ko ay tanaw ko na siya. Nakatulala siya nang abutan ko, nakatanaw siya sa liwanag mula sa labas. Unti-unti akong naglakad palapit sa kanya. Hindi pa rin siya kumikilos, pero alam kong alam niyang nandito ako. Napalunok ako at naikuyom ko ang kamao ko nang halos ilang pulgada na lang ang lapit niya sa akin. "Hoy, kaya mo ba 'ko nilapitan..." Huminto siya sandali sa pagsasalita at humarap sa akin, nakangisi siya at muling nagsalita. "...para magpakamatay?" Mabilis ang naging pangyayari. Kusa na lang gumalaw ang katawan ko para iwasan ang lumilipad na kapiraso ng konkreto papunta sa akin. "Ano bang problema mo?!" singhal ko. Nakapamulsa siyang humarap sa akin, ibinaling niya na ang buo niyang katawan. Nakangisi na naman siya nang harapin ako. "Kung hindi kita kayang iwasan, papatayin na lang kita!" Hindi pa ako nakakasagot ay pinaangat na naman niya ang kapiraso ng haliging tinanggal na naman niya. Tumakbo ako palayo para iwasan iyon. Pero paglingon kong muli sa likuran ko ay nakita kong malapit na itong bumagsak sa akin. Alam kong ano mang oras ay babagsakan ako nito, kaya wala na rin akong nagawa kundi ang huminto at gamitin muli ang kamay para protektahan ang sarili. At kagaya ng inaasahan ko, napagana ko na naman ang virtus ko. Huminto sa ere ang kapiraso ng sementadong kapiraso ng haligi sa itaas, para itong nakalutang. Nang ibaba ko ang kamay ko, bumagsak ito. Namangha lang din ako na bumagsak siya sa pwesto kung saan ko gusto. Nawala ang ngisi sa kanyang labi nang harapin ko siyang muli. Napalitan iyon ng gigil na mukha dahil siguro iniisip niyang hindi niya nagawa ang gusto niya. "Alam mo bang kasalanan ang pumatay? Kapag pinatay mo ko—" "Nasa pahina ko na ang kasalanang 'yan at wala namang magbabago kung papatay ako ulit dito!" Nagulat ako sa naging sagot niya, hindi ko inasahan na ganoon ang sasabihin niya. At ang mas masakit pa rito, imbes na mag-usap kami at magka-ayos para mabura ang kasalanan ko, lalo itong nagbaga. Lalong tumindi ang galit ko sa lalaking ito at tila dumoble pa yata ang kagustuhan kong magantihan siya. Ganti...dahil sa salitang iyon, ngayon ko nakumpira...may kinalaman nga siya sa pagkamatay ni mama. At hindi lang basta may kinalaman, siya mismo ang pumatay sa mama ko! Nabura sa isip ko ang plano kong alisin ang dalawa kong kasalanan sa Crime Dictionary. Wala na akong pakialam kung hindi ko pa sila maiaalis sa ngayon, tutal naman walang epekto sa listahan kung mauulit ang parehong kasalanan na nagawa ko na, susulitin ko na iyon sa ngayon. Ako naman ang ngumisi ngayon sa kanya. "Gusto mo 'kong patayin? Sige, gawin mo...kung kaya mo." Naging hudyat ang hamon kong iyon para ulitin niya ang atakeng ginawa niya. Ang haliging kaninang ginamit niya para ibato sa akin ay muli niyang pinalutang. Hindi pa sa ganoon nagtatapos ang ginawa niya, pinira-piraso niya ito at parang mga balang isa-isang pinalipad papunta sa akin. Hindi nawawala ang ngisi sa mukha ko. Para lang maliit na alikabok ang bawat pirasong mabilis na bumubulusok papunta sa akin dahil sa paghawi ko rito gamit ang kanang kamay ko. "Salamat sa mga atake mo, alam ko na ngayon ang virtus ko," pagmamalaki ko. Habang ibinabato niya sa akin ang mga tipak na iyon ay naglalakad ako palapit sa kanya. Unti-unti at dahan-dahan...tila natutuwa akong panoorin kung paano siya mainis na balewala sa akin ang atake niya. "Mamatay ka na!" sigaw niya nang maubos ang mga pirasong nakalutang. Kaya lahat ng pinabagsak ko ay muli na naman niyang kinontrol at inihanda para atakihin akong muli. "Hindi ka pa ba nagsasawa? Walang epekto sa akin ang kahit anong atake mo...alam mo kung bakit? Kasi, kaya kong mapawalang-bisa ang virtus mo...dahi iyon ang virtus ko!" anunsyo ko sabay halakhak. "Manahimik ka!" aniya at kahit narinig na ang sinabi ko ay itinuloy niya pa rin ang atake. At kagaya ng inaasahan naming pareho, walang nangyari sa naging atake niya. Tuluyan na akong nakalapit sa kanya...magkaharap kami at kitang-kita ko kung gaano siya nanggagalaiti na nalapitan ko siya nang walang kahirap-hirap. "Alam mo ba kung ano ang pinagsisisihan kong ginawa mula nang makapasok ako rito sa Domus?" tanong ko sa kanya. Nakangisi lang ako habang siya ay masama ang tingin sa akin. Ipinagpatuloy ko ang pagsasalita, "Iyon ang isipin na alisin ang galit ko sa 'yo...dahil kahit magmakaawa ka pa sa harap ko, hinding-hindi kita mapapatawad sa pagpatay mo sa mama ko!" Isang suntok ang ibinagay ko sa kanya pagkatapos ng salitang iyon. Nasundan ang suntok na iyon ng maraming beses. Nakahiga na siya at nakapatong ako sa dibdib niya. Hindi tumitigil ang kamao ko sa pagsuntok. Tila sa patuloy na pagsuntok ko ay nababawasan ang bigat ng dibdib ko. "Papatayin kita!" wala sa sariling sigaw ko. Pero hindi na tumama sa kanya ang sumunod kong suntok. Naramdaman ko na lang na may humila sa akin palayo sa kanya. "P're tama na! Kumalma ka na!" aniya. Pagtingin ko sa kanya ay saka ko naramdaman ang hingal sa pinaggagawa ko. Tahimik lang akong tumingin sa kanya sandali at agad ko ring ibinaling ang tingin sa lalaking nakaaway ko, naging masama at halos manlisik na ang mata ko sa sobrang galit. "Akala ko ba gusto mong magbawas ng kasalanan? Ano 'tong ginawa mo?!" pagalit sa akin ni Bash. "Hindi ko kayang patawarin ang taong pumatay sa iisang taong importante sa akin..." mahina kong bigkas. Marahas akong iniharap ni Bash sa kanya. "Sira ka ba talaga?! Hindi ibig sabihin na may nakalista ka nang kasalanan sa Crime Dictionary ay hindi na iyon madagdagan!" Natulala ako sa kanya. "Ano?" "Nash, oo at walang epekto kung patuloy kang magalit. Pero kapag nagkaroon ka ng panibagong kasalanan dito sa Domus, mas bababa ang tiyansa mong makalabas pa rito!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD