CHAPTER 6
Nash's POV
Tila sinampal ako ng paulit-ulit nang marinig ko ang sinabi niyang iyon. Bakit hindi ko iyon naisip? Bakit hinayaan ko ang sarili kong magpakain sa galit at isiping ayos lang ang ginagawa ko?
Napaupo ako nang makaramdam ako ng pag-init ng katawan ko. Para akong inilagay sa mainit na silid, kumakalat ang init na iyon sa buong katawan ko. Habang nakakaramdam ako nito, sumulyap ako sa lalaking nakaaway ko. Wala pa rin siyang malay, ganoon nga siguro kalala ang nagawa ko.
"Ayos ka lang, Nash?" usisa ni Bash sa akin.
"H-hindi...ah—!"
Hanggang sa napahiga na ako dahil sa sobrang init ng pakiramdam ko. Hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari.
Sa huling pagkakataon, narinig ko ang tawag sa akin ni Bash, "Hoy, p're!"
Pero pagkatapos n'on, naging blanko na ang lahat.
***
Pagmulat ng mata ko, inisip kong panaginip lang ang mga nangyari...inaasahan ko na makikita ko ang sarili ko sa dati kong buhay kasama ang mama ko.
Pero nang makita ko ang puting kisame, alam ko nang hindi panaginip ang lahat. Pagbangon ko, natagpuan ko ang sarili ko sa isang kwarto na purong puti na naman ang paligid. Pati ang malambot na hinigaan ko ay puti lang din.
Inilibot ko ang tingin ko sa paligid, walang kahit ano rito kundi ang kamang hinihigaan ko at ang upuan sa tabi ko. Kumunot ang noo ko habang nag-iisip kung paano ako nakarating dito. Hanggang sa mabalikan ko ang mga nangyari.
Hinanap ko sa paligid si Bash, pero sa tingin ko ay umalis siya para hayaan akong makapaghinga.
Nanatili akong nakaupo sa higaan habang nakayuko. Sumariwa sa ala-ala ko ang lahat ng nangyari sa akin at sa lalaking pumatay sa mama ko. Tandang-tanda ko kung gaano pa niya ipagmalaki na nakapatay siya...hindi manlang niya naisip na kapamilya ko ang taong pinatay niya. Masaya pa siya naglalaban kami at tila gusto na lang din niya akong patayin para matahimik umano ang buhay niya.
Madiin kong ikinuyom ang kamao ko dahil sa mga naiisip ko. Hindi ko alam kung ano ang basehan ng Creator na 'yon sa pagpili ng mga taong bubuhayin niyang muli. Pero ang mga tulad ng lalaking iyon na pumatay sa mama ko ay hindi na dapat binibigyan ng pagkakataon na makabalik pang muli sa mundo namin! Dapat lang siyang mamatay at mabulok dito bilang kabayaran sa mga kasalanan niya...isa siyang mamamatay tao!
"Gising ka na pala..."
Bumaling ang tingin ko sa lalaking nagsalita. Seyoso ang mukha ni Bash nang maupo siya sa upuan na katapat ko. Dahil sa tingin niya sa akin ay bumalik sa alaala ko ang paalala niya sa akin kanina.
"Nasaan ako? Anong lugar 'to?" panimula ko.
"Nasa Domus ka pa rin, at itong kwartong ito ay pansamantala mong bahay dito sa no level ground."
Muli na namang kumunot ang noo ko. "Paanong nangyari 'yon?" hindi na yata mauubos ang tanong sa isip ko.
"Alam mo naman walang katapusan ang kahabaan ng lugar na ito, 'diba? Ibig lang sabihin, kaya ng Domust na bigyan tayong lahat ng sari-sarili nating tirahan dito. Alangan naman magpagala-gala lang tayo palagi sa paligid. Kaya kahit ang gaya mong no level palang ay may matutuluyan na dito habang nandito pa kayo o kung wala na kayong balak umangat pa."
"Paano mo naman nalaman na ito ang kwarto para sa akin?"
"Sa likod ng kwintas mo, nakalagay ang room number mo. At kung itatanong mo pa paano ka napunta rito, binuhat kita at dinala rito para makapagpahinga," muling paliwanag ni Bash.
Umayos ako ng upo sa kama at nahihiyang tumingin sa kanya. "Ang dami ko na talagang utang na loob sa 'yo," alinlangan kong sabi.
"Alam mo, 'wag mo na intindihin 'yon. Ang intindihin mo ngayon ay ang bagay na kinasangkutan mo!" pagalit niya sa akin.
Napakamot ako sa ulo nang maaalala ko ang sumunod na mangyari pagkatapos kong mapatumba ang lalaking iyon. "Nawalan ako ng malay dahil nakaramdam ako ng matinding init ng katawan. Parusa ba 'yon sa ginawa kong p*******t sa kanya?"
Nakita ko ang inis sa mukha niya at tila bakas ang malaking tandang pananong sa reaksyon niya dahil sa naging tanong ko. "Sira kang talaga! Hindi parusa ang naramdaman mo! Ang pakiramdam na 'yon ay patunay lang na nadagdagan ang kasalan mo na nakalista sa Crime Dictionay."
Galit talaga ang mukha niya sa akin, pero halata pa rin ang pagmamalasakit dahil patuloy siyang nagpaliwanag sa akin, "Pare uulitin ko sa 'yo, hindi dahil may nakalista ka nang kasalanan sa pahina ay hindi ka na rin magkakaroon ng panibagong kasalanan. Nash, mabigat ang ginawa mo! Alam mo bang bababa ang pag-asa mong lalo maka-angat dahil sa nangyari kanina?!" singhal niya.
Aminado naman akong na-kontrol talaga ako ng husto ng galit na naramdaman ko. Hindi ko alam kung anong hiwaga ang mayroon, basta iba ang epekto sa akin kapag nararamdaman ko ang presensya niya sa malapit. Kumukulo ang dugo ko at nagkakaroon ako ng pag-iisip na patayin siya.
"Pasensya na, hindi ko talaga alam ang tungkol doon. Saka hindi ko naman din inasahan na sa ganoon mauuwi ang lahat, maniwala ka sana...sinubukan ko talaga makipag-ayos kaso siya ang naunang umatake sa akin. Noong una ay pinagtatanggol ko lang ang sarili ko, hanggang sa hindi ko na namalayan na kinain na pala ako ng galit," paliwanag ko.
"Huwag kang humingi sa akin ng tawad dahil wala namang mababago 'yan kahit magsisi ka pa, dahil wala namang koneksyon sa akin o sa kasalanang nagawa mo ang pagsisisi at paghingi ng tawad," aniya.
Alam ko naman ang tungkol sa sinabi niya. Hindi ko lang talaga matanggap na naging pabaya ako. "May magagawa ba ako para mabura ang kasalanan kong iyon?"
"Siyempre meron, gaya lang din ng ibang kasalanan mo ay dapat mo itong iwasang hindi na maulit at hangga't maari ay gawin mo ang kabaliktaran ng kasalanan na iyon. Nash makinig ka, iba ang kasalanang nabuo rito sa Domus sa kasalanang nakaukit na talaga sa dating pagkatao mo."
Agad na kumunot ano noo ko. "Anong ibig mong sabihin?"
"Kung sa normal na kasalanan, isang beses mo lang magawa ang pagbura ay kusa na itong mawawala sa pahina mo at kapag napanatili mong hindi na ito mauulit ay sigurado nang nabawasan na nga ang mga nakalista sa tabi ng pangalan mo. Pero ang kasalanang tumatak na nandito ka sa mundong ito, mahirap burahin. Kailangan mong patunayan ng paulit-ulit na hindi mo na talaga iyon magagawa ulit, ito rin ang rason bakit sinabi kong mababa ang pag-asa na umangat ang isang taong nagkaroon ng panibagong kasalanan dito," muli niyang paliwanag.
Napalunok ako bigla. Ngayon ko lalo naramdaman ang pagsisisi sa ginawa ko. Mas naintindihan ko ngayon bakit uminit ng ganoon katindi ang katawan kanina, parang ipinatikim sa akin ang pakiramdam ng masunog sa dagat-dagatang apoy.
"Natingnan mo na ba ulit ang Crime Dictionary kung anong kasalanan ang nadagdag sa 'yo?"
Bilang tugon sa naging tanong niya ay mabilis kong binuksan ang pahina ko r'on sa pamamagitan ng pagbigkas sa salitang, "Aperio."
Ilang sandali lang ay lumitaw na sa tabi ko ang isang liwanag at nasa loob nito ang pahina ko. Agad kong inisa-isa ang lahat ng kasalanan ko para mabasa kung ano ang nadagdag.
"Pagpatay..." hindi makapaniwalang sambit ko.
Narinig ko ang pagbuntong hininga ni Bash. "Gaya ng inasaahan ko, iyon nga. Kaya ngayon kung gusto mong mabura agad ang kasalanang 'yan iwasan mo na ang lalaking iyon at huwag mo na ulit tatangkaing—"
"Hindi ko 'yon kayang gawin!" putol ko sa pagpapaliwanag niya. Napatayo rin ako dahil sa pagkabigla. Muli akong nagsalita, "Hindi ko kayang tiisin na makitang buhay ang taong pumatay sa mama ko...samantalang ang mama ko, hindi ko na alam kung nasaan siya at kung ano nang nangyari sa kanya. Alam mo ba kung gaano kasakit na wala kang maalala pero alam mong patay na ang mama mo?"
Ilang segundong katahimikan ang namayani sa paligid naming dalawa. Nakatayo pa rin ako at nananatiling nakaupo si Bash.
Naputol ang katahimikan nang magsalita na siya, "Akala mo ba sa lahat ng taong nandito ikaw lang nakakaramdam niyan?" Umangat ang tingin niya sa akin, tumayo siya para harapin ako dahilan para mapaatras ako ng bahagya.
Ipinagpatuloy niya ang sinasabi niya, "Nash, hindi lang ikaw ang nakakaalala ng kapirasong memorya galing sa nakaraan. Kung masakit sa 'yong mawalan ng ina at malamang nandito ang taong gumawa n'on...pare mas masakit na buong buhay mong tinatanong sarili mo kung ikaw nga ba ang pumatay sa asawa mo at kung bakit mo iyon ginawa!"
Tila natikom ang bibig ko. Hindi ko alam kung talagang nasa ugali ko na dati pa ang pagkakaroon ng makitid na utak, pero lalo akong nagisisisi sa mga nagagawa ko rito habang nagtatagal. Bakit ba nagsalita ako na parang hindi ko iniitindi ang mararamdaman ng kasama ko?
Nagulat ako sa ginawang pag-amin niya, hindi ko akalain na masasabi niya sa akin ang tungkol sa bagay na iyon.
Maaring gaya ko, iyon ang pinakatumatak sa isip niya bago siya namatay. Maaring nagsisisi siya na pinatay niya ito o kung bakit humantong ba sa p*****n iyon.
"Nash, hindi lahat ng taong nakapatay na ay masama. Minsan, hindi lang din nila ito sinasadya. Sana maisip mo 'yun," dugtong pa niya.
Napaupo akong muli sa kama. Napahawak ako sa ulo ko at bigla ko na lang sinabunutan ang sarili ko. "Pasensya na sa mga nasabi ko...hindi ko lang talaga kayang gawin ang sinabi mong pigilan ko ang sarili ko na patayin siya. Saka, puwede namang magkaibang tao kayo. Maaring ikaw ay hindi mo sinasadyang mapatay ang asawa mo...pero iba ang lalaking ito!"
Sandali akong tumigil sa pagsasalita para bumitiw sa pagsabunot sa sarili ko. Muli ko siyang hinarap at saka ko ipinagpatuloy ang sinasabi ko, "Nakita mo naman ang pag-uugali niya, halatag tuwang-tuwa pa siya na nakapatay siya. Parang sanay na nga siya sa ganoong gawain at maaring hindi lang ang mama ko ang napatay niya."
Sinagot niya ako ng seryoso, "Gaya nating dalawa, maaring isang alaala lang din ang alam niya tungkol sa pagkatao niya. Ibig lang sabihin, maging siya mismo ay walang ideya sa mga nagawa niya noon. Kaya huwag mo siyang husgahan na para bang alam mo na ang lahat sa kanya.
"Sige, wala nang panghuhusga, wala nang pambibintang, at wala na ang kahit ano! Pero hind mo ako mapipigil na patayin ang lalaking iyon!"
Siya naman ang napaupo ngayon at napasabunot sa kanyang sarili. "Talaga bang mas gusto mo pang lalo kang mahirapang mabura ang kasalanang 'yan sa 'yo?! Alam mo bang maselan ang ganyang kaso?! Kung sa normal na kasalanan ay walang epekto kahit ilang beses mo iyon maulit, ang kasalanang nabuo mula rito sa Domus ay mas lalong nagiging mahirap burahin kapag ipinagpatuloy mo. Naiintindihan mo ba ang sinasabi ko, Nash?"
Napalunok ako. Alam ko ang ibig niyang sabihin, at nagpapasalamat ako sa paliwanag niya dahil mas lalo kong naintindihan ang tungkol sa kasalanang nadagdag habang nandito sa Domus. Ang problema lang, ako ang hindi niya maintindihan...
"Bash, kung ikaw ba ang nalagay sa sitwasyon ko, matitiis mo bang makasalubong palagi ang taong pumatay sa mama mo? Kaya mo bang patuloy na magpanggap na walang alam para lang masiguro mong makakalabas ka pa rito?"
Nakita ko ang paglunok niya. Tila hindi niya inasahan na magtatanong ako ng ganoon.
Napaiwas siya bigla ng tingin sa akin. "Hindi ko alam...dahil hindi ko rin alam ang pakiramdam ng mawalan ng magulang at hindi ko na rin sila maalala—"
"Isipin mo na pareho tayo ng sitwasyon, malaman mo na hindi pala ikaw ang pumatay sa asawa mo at makasalubong mo siya ngayon din...makakaya mo bang pabayaan lang siya?"
Kitang-kita ko na nahihirapan siya sa isasagot niya sa akin. "Nash, huwag mong ipasa sa akin ang tanong! Hindi kita pinipigilang patayin ang lalaking iyon dahil alam kong galit ka sa kanya. Pero ayaw din kitang maiwan dito at habang buhay nang tumira rito, kaya bilang kaibigan ay iyon ang payo ko sa 'yo...iwasan mo na lang siya at ipagpatuloy mo ang pagbawas sa kasalanan mo. Nang sa ganoon ay—"
"P're, maaring magtagal nga siguro ang pagbura ko sa bagong kasalanan ko rito. Pero hindi naman ibig sabihin n'on ay makakalimutan ko nang magbura ng iba ko pang kasalanan. Puwede ko namang isabay ang pagbura sa iba ko pang kasalanan habang hinahanap ko ang lalaking iyon. Pangako ko sa 'yo, kapag napatay ko na siya, gagawin ko ang lahat para mabura ang kasalanang 'pagpatay' sa pahina ko sa Crime Dictionary."