CHAPTER 7
Nash's POV
Pagkatapos ng pag-uusap namin ni Bash ay aminado akong kinabahan ako kasi akala ko, iiwan na niya ako dahil sa naging sagutan namin. Pero mabuti na lang at mabuting tao talaga siya at hanggang ngayon ay magkasama pa rin kami.
Lalo akong nagpursige na maka-akyat na ng level dahil nahihiya na ako sa kasama ko, hindi siya makabalik sa level 3 dahil sinasamahan niya ako rito.
Naging abala na kami sa pag-iisip ng paraan para makapagbura ako ng mga kasalanan ko. Habang nag-iisip kami ay hindi ko maiwasang itanong sa kanya kung gaano karami ang kasalanang nabawas niya bago siya nakaakyat sa level 3.
Pero gaya nu'ng nakaraan, ayaw niya pa ring sabihin ang eksaktong bilang...sabi niya lang ay marami. At huwag daw akong mainip dahil darating din ang pagkakataon na makakaakyat ako sa level 1.
Nagpatuloy din ang pagtatanong ko sa kanya nang mapansin ko na iba na pala ang kulay ng kwintas niya sa akin kung saan nakasulat ang pangalan niya at ang numero ng bahay niya r'on.
Sinabi niya sa akin ang lahat ng kulay ng mga kwintas: puti para sa no level, dilaw para sa level 1, kahel para sa level 2, pula para sa level 3, berde para sa level 4, at asul para sa level 5. Kapag daw nakatuntong ka na sa level 5, puwede ka na ring umakyat kay Creator basta burado na ang lahat ng kasalanan mo.
Nabanggit din ni Bash ang tungkol sa sinasabi niyang mga pagmamay-ari naming bahay. Kung hanggang saan ang level mo, naroon ang bahay mo. Kasamang umaangat ito kapag umangat din ang level mo.
Tunay na madami pang hiwaga ang maaring hindi ko pa alam, hindi ko pa naiintindihan ng lubusan ang punto bakit ako nabuhay muli sa mundong ito, pero kahit papaano ay iniisip ko na lang na matibay ang naging hiling ko noon para makapagbagong buhay.
Dahil nga walang araw o oras sa mundong ito, hindi ko magawang matantiya kung gaano na ako katagal dito. Basta pagkatapos ng naging pagtatalo namin ni Bash ay nagawa ko pang magbura ng tatlo ko pang kasalanan.
Hindi ko na rin nakita pang muli ang lalaking iyon pagkatapos kong mawalan ng malay. Nahiya na rin akong itanong kay Bash kung may balita siya sa taong 'yon dahil ramdam kong ayaw niya rin muna problemahin ang isang iyon. Mabuti na rin itong huwag muna siyang bumaba rito sa no level, maging banta na sana sa kanya ang nangyaring iyon.
Wala namang bago sa kwento ng buhay ko, puro paglilibot at pagsusubok na magbawas sa listahan ang palagi naming ginagawa. Kapag naiisipan namin, humihinto at tumatambay kami ni Bash sa bahay ko para r'on muling magkwentuhan.
"P're, maitanong ko lang...hindi ba parang may mali sa pangalan natin?"
Kumunot agad ang noo sa akin ni Bash. "Anong mali?"
"Wala lang, napansin ko kasing magkatunog ang pangalan natin."
Napalitan ng isang ngiti ang kunot sa noo niya. "Ah! Sadya 'yan, lahat tayo rito ay halos magkakatunog ng pangalan."
"Bakit? Anong rason?"
"Ang alam ko, hindi lang Domus ang mundong ginawa ni Creator. Nakabukod ang iba dipende sa kung paano niya ito pinaghiwalay. Kaya lahat ng magkakasama sa isang mundo ay magkakatunog ang pangalan," paliwanag niya.
Napatango na lang ako at tila nawalan na ako ng itatanong. Hindi talaga nauubusan ng bagay na ikamamangha ko ang lugar na ito.
Muli kaming bumalik sa paglilibot, hindi ko alam kung pare-pareho ba ang lugar na nadadaanan namin pero iba-ibang tao naman ang nakikita namin.
Hanggang sa mahinto kami sa paglalakad. Nakakita kami ng isang grupo ng mga lalaking tila may kung anong pinagkakaguluhan.
Nakakaisang hakbang palang ako para lapitan upang makiusisa pero mabilis akong napigilan ni Bash. "Huwag kang makikipag-away, maliwanag?"
Ngumisi ako sa kanya at mahinahong inalis ang kamay niyang nakaharang sa dibdib ko. Mas pinili kong huwag na lang siyang sagutin dahil baka kami pa ang unang mag-away.
Sinundan ako ng kasama ko sa paglalakad, patago akong napangisi dahil alam kong gaya ko ay gusto niya ring makiusisa sa nangyayari.
Nawala ang ngisi ko nang makita na pinapalibutan ng limang lalaki ang isang bata. Hindi naman batang-bata, dalaga na rin siya pero tingin ko ay mas matanda pa rin ako sa kanya.
"Uulitin mo lang ang ginawa mo, tulungan mo lang kaming makaangat ng level."
Iyon ang naabutan kong sinabi ng isang lalaki sa kawawang babae. Bago ako makapagsalita ay naningkit ang mata ko sa kung paano umakto ang babaeng kaharap nila. Nakasandal lang ito sa pader at tila kampanteng-kampante na hindi siya aanuhin ng mga lalaking ito. Gusto kong bawiin ang sinabi kong nakakaawa siya.
"Sige na, pumayag ka na—"
"Mga pare, hindi yata tama na mang-abuso kayo ng isang bata?"
Agad na nabaling ang tingin ko kay Bash nang mauna siyang magsalita. Akala ko ba huwag makikipag-away?! Bakit parang mas mukha pa siyang makikipag-away kaysa sa akin base sa tono ng boses niya?
Bumaling din ang tingin ng mga lalaki sa aming dalawa. Nakita ko pa ang pagsama ng tingin sa amin ng batang babae na tinulungan namin. Nagagalit ba siyang nangialam kami?
"Sino naman kayo?! Bakit ba kayo nangingialam?" sabi ng isa sa kanila.
"Pare, mahinahon naman akong nakikiusap sa inyo. Huwag 'yung babae—"
Nanlaki ang mata ko nang biglang kwelyuhan ng isang lalaki si Bash. "Kung hindi siya ang gigipitin namin, sige...kayong dalawa na lang. Gagamitin namin ang virtus ninyo para maka-angat!" aniya.
Naikuyom ko ang kamao ko nang maalala ko ang sinabi sa akin ni Bash tungkol sa maaring uri ng taong makakaharap mo rito. May mga handang tumulong, manloko, at gaya nila... ang manggamit para lang umangat. Talaga palang makakaharap ko ang mga gaya nila.
Kailangan kong mag-ingat, ang kasalanan kong 'pagpatay' ay kasalanang nakuha ko rito sa Domus...kaya hangga't maari ay dapat kong maiwasang magalit at maisip na patayin ang mga ito. Hindi dapat umabot sa ganoon para hindi na bumigat pa ang pagkakamali ko.
Walang batas sa lugar na ito na nagbabawal gawin ang alin man sa tatlong bagay na nabanggit ko, pautakan na lang kumbaga. Ang dapat mo lang naman iwasan ay madagdagan ang kasalanan mo at maibalik ang kasalanang nabura mo na.
Kung tutuusin, maari mong gamiting taktika ang pananatili ng isang kasalanan sa listahan mo para magamit mo iyon upang maka-angat o maging pabor sa 'yo ang mangyayari. At sa lagay na ito, tingin ko ay isa na sa mga kasalanan nila ang ginagawa nilang ito.
Muling nabaling ang tingin ko sa bata, nananatili pa rin siyang nakasandal sa pader at nakahalukipkip. Tila naghihintay na may ibang mangyari. Hindi ko alam kung bakit panay ang pagbalik ng tingin ko sa kanya, pakiramdam ko kasi ay may ginagawa siya para mabaling muli ang tingin ko sa kanya.
"Nakakaawa naman kayo, bata lang ba ng kaya n'yo?" hindi ko napigilan ang sarili kong makisawsaw sa kanila.
Kaya ako naman ang kinuwelyuhan ng isa sa kanila. "Hoy bata, hindi mo yata alam ang kaya kong gawin? Kaya kitang tunawin dito mismo sa kinatatayuan mo."
Ngumisi ako sa kanya. "Iyon ba ang virtus mo? Sige nga, gawin mo nga sa akin," paghahamon ko.
Agad kong ginamit ang virtus ko, ilang segundo na niya 'kong hawak pero dahil walang nangyayari sa akin ay nagawa niya rin akong bitiwan.
"Anong ginawa mo?!" aniya at kitang-kita sa mukha niya ang gulat.
Gusto kong magsinungaling. Gusto kong sabihin na kaya kong burahin ang lahat ng virtus nila kung kinakailangan pero hindi na ako puwedeng magsinungaling, kapag ginawa ko 'yon—
"May kakayahan siyang burahin ang virtus n'yo kung gugustuhin niya."
Nagulat ako nang magsalita ang babae. Umayos na siya ng tayo at naglakad palapit sa akin. Hindi ako nakapagsalita hanggang sa makatabi siya sa akin. Nakakunot lang ang noo ko dahil sa pagtataka sa sinabi niya. May kinalaman ba sa pagababasa ng isip ang virtus niya? Kung ganoon, kaya ako napapatingin sa kanya ay dahil nararamdaman ng virtus ko na ginagamit niya sa akin ang virtus niya.
Hindi naalis ang tingin ko sa kanya, seryoso ang mukha niya at muli siyang humalukipkip. "Kung ako sa inyo, bibitiwan ko na rin ang kasama niya. Dahil kapag nagalit ang isang ito, mas lalo kayong magiging kawawa," sabi pa ng babae.
Napalunok ako at ibinaling ko ang tingin sa kanilang lima. Nanlaki ang mata ko nang binitiwan nga ng lalaki si Bash. Malalaki lang ang katawan nila pero nagawa silang utuin ng isang bata.
Galit na tumingin sa akin ang lalaking iyon, dinuro niya kaming tatlo at saka nagsalita, "May araw din kayo sa amin!" Pagkatapos ay itinutok niya naman ang hintuturo niya sa babae. "At ikaw, swerte ka lang ngayon dahil dumating sila! Pero sa susunod na pagkikita natin, mananagot ka!"
Hindi na kami nakapagsalita pa, pinanood na lang namin silang maglakad palayo sa amin.
Nang makalayo na sila ng tuluyan ay saka lang nagsalita si Bash. "Mabuti na lang alam mo na ang virtus mo, kundi yari talaga tayo," aniya.
Hindi ko siya sinagot, lihim kong pinasalamatan ang sarili ko dahil nadiskubre ko iyon agad bago ito nangyari.
Hinarap ko ang batang babae, magsasalita sana ako pero nauhanan na niya ako, "Lahat ng sagot sa pinagtataka mo ay iisa lang, iyon ay dahil sa virtus ko," aniya at tumingin sa akin. "Telepathy. Kaya kong utusan ang isip mo na ilipat sa akin ang iniisip mo," paliwanag niya.
Sumingit sa usapan si Bash, "Hindi ba parang psychometry 'yon?"
"Ang virtus na 'yon ay kaya lang bumasa ng isip ng iba, pero iba iyon sa virtus ko. Matalino lang ako kaya ko nagawang malaman ang iniisip niya," sagot naman niya.
Masama siyang tumingin sa akin. "Hindi ko nakakalimutan na tinawag mo akong bata kanina. Para sabihin ko sa 'yo, hindi na ko bata!"
Sa tingin niya sa akin ay mas nagmumukha siyang bata, pero ayoko na lang siyang patulan at pansinin. Agad akong napaatras. "Pasensya na!" sabi ko.
"Sino ka ba? Ano bang kailangan sa 'yo ng mga lalaking iyon?" muling tanong ni Bash.
"Kesh ang pangalan ko. Nalaman nila ang virtus ko at gusto nilang gamitin iyon para maka-angat sila."
Ako naman ang nagtanong, "Paano naman nila magagawa iyon?"
Bumaling naman ang tingin niya sa akin. "Pagtulong. Isang paraan iyon para maka-angat ka. Kapag pumayag akong makipagtulungan sa kanila at tumulong kami sa mga bagong salta o sa mas mababang level sa amin, mas mapapabilis ang pag-angat namin."
Agad na sumama ang tingin ko kay Bash. Ngumisi siya ng nakakaloko. "Sorry! Kapag sinabi ko 'yun sa 'yo, baka ikaw na ang umiwas sa akin. Saka maniwala ka, hindi panggagamit ang motibo ko sa 'yo. Gusto talaga kitang tulungan, totoo rin na isa sa mga kasalanan ko rati ang pagsisinungaling."
Napabuntong hininga ako, sabagay, madami naman siyang naitulong talaga sa akin. Kahit naaasar ako na pinagmukha niya akong tanga dahil hindi niya iyon sinabi at hindi ko rin naisip, palalampasin ko na lang din dahil ayokong maging mag-isa. May mga mabuting naidulot din naman ang mga sinabi niya sa akin, hindi ko rin itatanggi na siya ang nagbigay ng linaw sa isip ko tungkol sa mga nangyari.
Hindi ko na siya sinagot, bagkus ay nagtanong akong muli kay Kesh, "Mas tama bang gawin iyon kaysa magbawas ng kasalanan?"
"Totoo na maka-aangat ka rin kapag masipag kang magbawas ng kasalanan. Pero para sa akin, mas madaling gawin ang magbigay ng tulong para maka-angat dahil wala namang deadline sa pagbubura ng kasalanan sa Crime Dictionary, at sa totoo lang ay ginagamit kong advantage ang mga kasalanan ko para magamit bilang skill bukod sa virtus ko. Mas madami kang kasalanan, madami ang magagamit mo para maka-angat ng mabilis."
Napangisi ako sa ideyang sinabi ni Kesh, mas maganda nga iyon at mas madali pa kaysa pahirapan ang sarili kong mamili ng aalisin o magbawas ng mga kasalanan. Tingin ko ay magkakasundo kami ng batang ito dahil pareho kami kung paano mag-isip, idagdag pa na maganda ang virtus niya.
"Kung ganoon, ayos lang ba sa 'yo na sa amin ka na lang makipagtulungan?" tanong ko.
Kahit anong pag-usapan namin, seryoso pa rin ang mukha niya. "Oo, dahil mas may pakinabang ang virtus mo kaysa sa limang lalaking iyon," aniya.
Iyon na ang simula ng samahan naming tatlo. Gaya ni Bash, nagkwento sa akin si Kesh ng mga bagay na nalaman niya tungkol sa mundong ito. Nalaman ko rin na level 2 na siya, mas mababa sa lalaking kasama ko.
Napag-usapan naming maganda talaga ang Team work sa pagkakataong ito. Kapag pare-pareho naming tinulungan ang isa't isa at magkakasama kaming tumulong sa iba, mas mapapabilis ang pag-akyat ko sa level 1.