Chapter 8

2118 Words
CHAPTER 8 Nash's POV Gaya nga ng napag-usapan ay hindi na namin pinalampas ang pagkakataon na abangan ang mga bagong salta rito sa Domus. Malaking tulong na alam namin ang kulay ng kwintas ng isang no level kaya mas madali naming makita kung dapat ba itong alukin ng tulong. Mas pinaniniwalaan nila kaming tatlo dahil nakikita nilang pareho kami ng kulay ng kwintas, tila tiwala silang may kagaya sila rito. "Paano ako makakaakyat sa Creator na sinasabi n'yo?" Napangiti ako sa tanong na iyon, kahit hindi ko sigurado kung gaano na katagal nang lumipas ang panahon na wala rin akong ideya sa mundong ito, natutuwa pa rin ako na balikan ang mga pagkakataong iyon at ihalintulad ang sarili ko sa mga bago lang. Nag-ipon kami ng maraming tao para sabay-sabay namin silang paliwanagan kung anong lugar ang pinasok nila. Naalala ko pa na si Bash lang ang mag-isang nagpaliwanag sa akin, pero ngayon ay magkakasama na kaming tatlo para ipasa ang kaalaman namin. Kahit papaano, nakakagaan din ng loob na nakakatulong ako sa ibang tao. Aminado akong may kapalit ang pagtulong na ito pero ayos na rin kaysa hayaan namin silang mamatay agad na wala pa silang kaalam-alam. Pinaalalahanan ako ni Kesh tungkol sa kamatayan ng mga tao rito sa Domus. Kahit minsan na kaming namatay at binuhay lang kaming muli, puwede pa rin ang kamatayan dito at kapag nangyari iyon...tila hahalo na lang sa hangin ang kaluluwa mo. Naging malaki rin ang tulong sa amin ng ideya ni Kesh tungkol sa huwag munang magbawas ng kasalanan hangga't maari, mas mainam na sa level 5 na kami magseryoso roon dahil mas dapat naming pagtuunan ng pansin ngayon ang makahabol ako sa level nila. "Teka, hindi pa rin ba nagbabago ang kulay ng kwintas mo, Nash? Nakadami na tayo ng natulungan pero no level ka pa rin?" bati ni Kesh. Naglalakad kami at naghahanap ng bagong tutulungan. Nasa gitna nila akong dalawa, ipinilit ko talaga ito dahil ayokong mapag-iwanan kung sakaling may maging usapan gaya nito. Si Bash na ang sumagot para sa akin, "Ang totoo niyan, talagang mahihirapan tayo na iahon siya rito sa no level," aniya. Nakita ko ang pagkunot ng noo ni Kesh. "Ha? Bakit?" pagtataka niya. "Dahil nagkaroon ako ng kasalanan dito sa loob ng Domus," ako na ang sumagot. Napayuko ako nang sumigaw siya. "Ano?! Bago ka palang pero nakapagdagdag ka na agad ng kasalanan?" Nahiya ako para sa sarili ko at hindi ko na siya nagawang sagutin. Naging hudyat iyon para magsalita siyang muli. "Ikaw ang magandang halimbawa na dapat talagang balaan ang mga gaya mong no level," aniya. Lihim akong sumang-ayon sa kanya. "Alam kong malaking pagkakamali ko, pero hindi ko iyon pinagsisisihan...dahil dapat talagang mamatay ang taong pumatay sa mama ko!" Naikuyom ko ang kamay ko at tila pinigilan ko ang sarili ko na makapagsalita pa ng ibang bagay na ikagagalit ni Bash. "Kung ganoon, iyan pala ang alaala mo sa nakaraan? Mama mo ang huling laman ng isip mo..." Muli akong napatingin kay Kesh nang sabihin niya iyon. Napakunot ang noo ko at nabalot ng pagtataka dahil sa naging sagot niyang iyon. "Natural lang naman na maisip mo ang mahal mo sa buhay, 'diba?" Lumingon ako kay Bash. "Gaya niya, ang huling naaalala niya ay—" "Wala akong naalalang pamilya ko." Natigil ako sa paglalakad nang sabihin niya iyon. Hindi ko alam kung bakit parang kaswal lang ang pagkakasabi niya at tila hindi siya nagpapakita kahit kaunting lungkot dahil sa ganoong nangyari. Bata palang si Kesh, kaya inasahan ko na may mas maganda siyang alaala tungkol sa pamilya kaysa sa akin na naging miserable ang kaisa-isang pinanghahawakan kong alaala. Dahil sa paghinto ko ay huminto na rin sila sa paglalakad. Naging pabilog na ang pwesto namin. Harapan kami kaya mas madali kong makita ang mga reaksyon nila. Bumaling ang tingin ni Bash kay Kesh at tinanong niya ang bata ng, "Kung hindi mo sila naalala, anong huling alaala ang tumatak sa isip mo?" aniya. "Pagbabago," tipid niyang sagot. "Huh?" sabay naming tanong ni Bash. "Siyempre, gaya n'yo, wala na akong maalala sa dati kong buhay. Hindi ko na rin alam kung anong klaseng tao ako at kung bakit hindi mahal sa buhay ang alaalang naiwan sa akin. Pero mula nang mapunta ako rito, gusto ko na ng pagbabago..." Nagkatinginan kami ni Bash, tila pareho kaming walang maintindihan sa sinasabi niya. Ganito ba talaga mag-isip ang mga kabataan? "Alam ko, hindi n'yo 'ko naiintindihan..." Yumuko siya at tumingin sa dalawang palad niya. "...pero gusto kong gamitin ang virtus ko para maibalik ang dati kong buhay at baguhin iyon sa paraang gusto ko. Kaya 'pag nakalabas ako rito, ang hihilingin sa Creator na 'yan ay bigyan niya ako ng kakayahang baguhin ang buhay ko dati base sa gusto ko." Hindi na kami nakaimik pa ni Bash nang tumalikod na sa amin si Kesh at maglakad na muli. Sumunod na lang kami sa kanya sa paglalakad. Kung tutuusin, may parte sa sinabi niyang medyo naintindihan ko. Kung ihahalintulad ko ang gusto niya sa alaala ko, gusto ko rin na may mabago sa buhay ko. Siyempre, ang tanging hiling ko lang naman ay makasama muli ang mama ko...alam kong mababa pa ang tiyansa kong makalabas dito sa ngayon, pero kapag nagawa ko nang patayin ang lalaking iyon...alam kong makakalabas na ako rito at gagawin ko ang lahat para mangyari iyon. Kaya hihilingin ko sa Creator na buhayin ang mama ko. Nahinto kami sa paglalakad nang may isang lalaki na humarang sa harapan namin. Nakangisi ito sa amin kaya agad na kumunot ang noo ko sa kanya. Nabaling ang tingin ko kay Kesh nang tumabi na siya sa akin. [Malaki ang tama sa ulo ng lalaking 'yan.] Agad na nanlaki ang mata ko nang marinig ko ang boses ni Kesh sa isip ko. Nagkatinginan kami ni Bash, tila pareho kami ng narinig. [Huwag kayong pahahalata na kinakausap ko kayo, hindi niya alam ang virtus ko. Puwede n'yo rin gamitin ang isip n'yo para makausap ako rito.] Napalunok ako nang sabihin niya iyon. Ngayon ay naiintindihan ko na ang nangyayari. Hinarap ko ang lalaki. "Anong kailangan mo?" Inilahad niya ang kamay niya dahilan para kumunot na naman ang noo ko. "Ang kasama n'yong babae ay anak ko, kaya ibigay n'yo siya sa akin." [Huwag n'yong sabihing naniniwala kayo sa kanya?] Bukod sa boses ni Kesh ay narinig ko rin ang boses ni Bash, [Kasasabi mo lang sa amin na hindi mo maalala ang pamilya mo. Maaring ang lalaking ito ay—] [Kahit hindi ko sila maaala, hindi naman siya sigurong mukhang tatay. Hindi kami magkamukha at isa pa...hindi n'yo ba nakikita? Mukha siyang natakasan ng bait.] "Anong patunay mong siya ang anak mo?" sabi ko sa lalaki. Kailangan ko siyang kausapin para hindi siya maghinala na nag-uusap kami sa isip. Itinuro niya ang kanyang ilong. "Ang virtus ko ay malaman ang kalagayan ng isang tao gamit ang pang-amoy. Sa huling alaala ko, may anak akong babae at kasing edad niya 'yon. At sa tulong ng virtus ko, naamoy kong siya nga 'yon...sigurado akong siya ang anak ko," aniya. Sa unang pagkakataon ay sinubukan kong magsalita gamit ang isip ko, [Kesh, hindi mo naaalala ang nakaraan mo. Kaya maaring—] [Wala akong pakialam sa opinyon mo. Sigurado akong hindi siya ang tatay ko dahil wala akong maramdaman na koneksyon sa kanya. Maaring nakalimot tayo ng nakaraan pero imposibleng makalimot kasama nito ang emosyon,] katwiran niya. [Sang-ayon ako, Nash. Tingin ko nga sa kanya ay may gagawin lang hindi maganda kay Kesh, eh,] dagdag pa ni Bash. [Anong plano natin?] tanong ko. "Masyado na yatang matagal ang pag-uusap ninyo..." Sa pagkuyom ng kamao ko ay ipinagpatuloy niya ang kanyang sinasabi, "Pasensya na pero wala kayong maitatago sa akin, alam kong nag-uusap kayo gamit ang isip n'yo dahil naaamoy ko 'yon. Alam ko rin na balak ninyong tumakas," aniya. Hindi ako nakasagot sa paratang ng lalaki nang marinig ko ang sinabi ni Kesh na plano niya. "Huwag mong—!" Huli na ang babala ni Bash. Kumilos na si Kesh para atakihin ang lalaki. Mula sa pwesto ko ay kitang-kita ko ang ginagawa niya. Mabilis niya itong sinusuntok at kapag nakakatama siya at nagpapalit siya ng pwesto. Alam niyang dehado siya dahil maari siyang maamoy ng lalaking kalaban niya pero wala siyang pakialam doon...harap-harapan niya pa rin itong kinalaban. Naikuyom ko na lang ang kamao ko dahil wala kaming magawa. Ginamitan kami ni Kesh ng virtus niya para hindi kami makagalaw. Tila kasama sa kakayahan niya ang utusan ang isip ng isang tao para makontrol niya ito, gamit ang virtus niya ay hindi na kami makagalaw ngayon sa posisyon namin. Kaya ko naman itong alisin sa tulong ng virtus ko, pero nang marinig ko ang sinabi niya sa akin bago siya umatake...iyon talaga ang naging rason bakit hindi ako makagalaw ngayon. [Ako na ang papatay sa kanya, kapag ginamit mo ang virtus mo para pigilan ako...kokontrolin ko ang isip ninyo pareho para kayo ang magpatayan.] "Bash, nakakasiguro ba tayong kakampi natin ang batang 'yan?" "Huwag kang mag-alala p're, may tiwala pa naman akong may pakinabang sa kanya ang virtus natin kaya kakampi natin siya sa ngayon. Sakyan na lang natin ang gusto niya dahil kailangan din natin ang virtus niya," aniya. Naikuyom kong muli ang kamao ko. Umigting ang panga ko habang naiisip na hindi talaga kakampi ang tingin niya sa amin. Sa unang kita ko sa kanya, akala ko ay mabuting bata siya na naghahanap ng totoong makakasama. Pero nagkamali ako ng pagkakilala sa kanya, gusto niya lang makisama sa amin para umangat siya. Nahinto ako sa pag-iisip nang makita ko kung anong sunod na nangyari...ginamit niya ang kanyang virtus para kontrolin ang isip ng lalaking kalaban niya. Pinalakad niya ito at pinapunta sa isang haligi. "Anong gagawin mo sa akin?!" sigaw ng lalaki. "Tapos na akong makipaglaro sa 'yo. Wala kang kwentang laruan kaya dapat ka nang sirain," ani Kesh. Lalo akong nabahala sa kalagayan naming dalawa ni Bash nang makita ko ang ngisi sa mukha ng batang iyon habang inuuntog ng lalaki ang sarili niya sa haliging iyon. Hindi natigil ang pag-untog na iyon hanggang sa hindi siya nawawalan ng hininga. At nang biglang maglaho sa harap namin ang lalaki, alam ko na ang ibig sabihin n'on... Napalunok ako nang mawala ang bisa ng virtus ni Kesh sa amin. Seryoso ang mukha niya nang lapitan niya kami. "Bakit hindi mo ginamit ang virtus mo?" tanong niya sa akin. "Bakit mo iyon ginawa?" tanong ko pabalik. Hinarap ko siya at desidido kong malaman ang sagot sa tanong ko. "Dahil dapat lang siyang mamatay. Pinagbigyan ko na siya kahit ilang beses na niya akong binabastos. Kaso nagpakita na naman siya sa akin at nataon naman na gusto kong pumatay, kaya siya ang napagdiskitahan ko." Naningkit ang mata ko sa kanya. Kung laro lang sa kanya ang pagpatay, nagkaroon ako ng kuryosidad sa naging buhay niya dati. Sa edad niyang 'yan, nakakatakot malaman na kaya na niyang pumatay. Wala siyang nabanggit na may naging kasalanan siya rito sa loob ng Domus, at alam kong nagsasabi siya ng totoo dahil balak niyang hilingin sa Creator ang isang imposibleng bagay. Tiyak na nag-iingat din siya sa mga galaw niya para hindi iyon madagdagan dito, iyon din ang rason bakit hindi siya nagbubura ng kasalanan niya...pinatunayan niya ang pakinabang ng kasalanan sa kanya. "Natatakot ka bang patayin ko rin kayo?" tanong pa niya. Ngumisi siya sa akin at itinuloy ang sinasabi niya. "Huwag kayong mag-alala, kung susunod kayo sa mga gusto ko...hindi ko kayo papatayin. Lalo pa at alam kong nasa pahina mo rin ang pagpatay. Sinisiguro ko sa inyo, magiging isang malaking pakinabang ako sa grupong ito. Hindi lang virtus ko ang maipagmamalaki ko sa inyo. Hindi ako pumapatay ng taong alam kong may pakinabang sa akin, kaya kalmahan n'yo lang." Muling sumibol sa isip ko ang dati ko pang tanong...ano ba talaga ang Domus? Tila lahat ng uri ng demonyo ay narito...gusto bang buhayin muli ng Creator na 'yon ang mga masasama at muling maghasik ng kasamaan sa dati naming mundo? "Bakit mo pa siya binugbog kung puwede mo naman pala siyang patayin ng ganoon kadali?" tanong ni Bash. "Simple lang, gusto ko siyang parusahan ng kaunti." "Hindi ka ba natatakot na mapatay ka niya?" "Takot? Bakit naman ako matatakot mamatay? Patay na nga ako, 'diba? Natural sa isang tao ang mamatay...lahat tayo ay papunta r'on at mararanasan iyon. Una-una lang 'yan...kung mamamatay ka, mamamatay ka. Ganoon lang." Hindi na kami nakaimik pa ni Bash, kumbinsido na kaming pareho na kakaiba talaga ang takbo ng isip ng babaeng ito. At ang nakakatawa, hindi niya kontrolado ang isip namin pero hero kami at sumusunod pa rin sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD