CHAPTER 9
Nash's POV
Gaya ng napagkasunduan naming tatlo ay hindi pa rin kami naghihiwalay. Bumalik sa dating ugali si Kesh at tila nakalimutan niya agad ang mga bagay na sinabi niya sa amin ng mga oras na iyon.
Pero mabuti na rin iyon dahil tinupad niya ang sinabi niya, matagal na kaming magkakasama at talagang pinanindigan niyang hindi kami anohin basta hayaan lang namin siya sa gusto niyang gawin at huwag namin siyang susuwayin.
Wala naman akong dapat ikatakot sa virtus niya dahil kaya ko namang alisin sa katawan ko ang epekto ng virtus na 'yon dahil sa virtus ko. Pero ang inaalala ko ay si Bash...hindi ko siya maililigtas kung siya ang kontrolin ni Kesh. Hindi ko pa kabisado ang takbo ng utak niya kaya dapat akong mag-ingat. Kailangan ko si Bash, hindi ko siya puwedeng hayaang mapatay ng babaeng ito.
Hindi kami tumitigil sa pagtulong ng ibang tao para magpa-angat ng level. At sa kabila ng alalahanin ko tungkol sa ugali ni Kesh, nahihiya ako sa kanilang dalawa. Kasi dahil sa akin, hindi rin sila maka-angat ng level. Lalo tuloy akong nagsisisi na nagkaroon ako ng kasalanan dito sa loob ng Domus.
"Sa tingin ko, kulang pa ang tatlo sa team. Kailangan pa natin ng isang miyembro. Isang may pakinabang na miyembro para mas mapadali ang pag-angat ng level natin," suhestiyon ni Kesh.
Narito kaming muli sa bahay ko rito sa no level. Gusto kasing makita ito ng bago naming kasama ni Bash kaya pinagbigyan ko na. Marami-rami na rin naman ang natrabaho namin kaya ayos lang siguro na magpahinga kami kahit sandali.
Napabuntong hininga ako. "Kahit hindi mo 'yan sabihin, ginagawa ko 'yan. Lahat ng taong nakikilala natin, tinitingnan ko ang kapasidad ng virtus nila. Pero wala ni isa sa kanila ang may kakayahang may gaya sa lalaki na pumatay sa mama ko."
Kumunot ang noo niya sa akin. "Ano bang virtus niya?"
"Psychokinesis. Muntik na niya akong mapatay gamit ang virtus niyang iyon."
Lumipat ang tingin niya sa ibang direksyon. "Maganda nga ang virtus niya. Malaking pakinabang kapag naging kakampi natin siya," aniya.
"Hindi ako papayag! Ayokong makasama sa grupo ang taong pumatay sa mama ko!" giit ko.
Natulala si Kesh sa naging reaksyon ko. Pero ilang segundo lang ay napalitan iyon ng isang tawa...humagalpak siya ng tawa.
Sa hindi malamang dahilan ay kumunot ang noo ko. "Anong nakakatawa?" tanong ko.
"Binibiro lang kita! Bakit ko naman gagawin iyon kung alam kong galit ka r'on?" aniya.
Nagkatinginan kami sandali ni Bash. Pero bumalik din ang tingin ko sa kanya nang magsalita siyang muli. "Kailangan natin ng taong mas nakakatakot sa virtus niya. Isang tao na makokontrol ko para ako mismo ang pumatay sa kanya," aniya.
"Ano bang sinasabi mo? Ako ang dapat—"
"Kapag pinatay mo siya, lalo ka lang makukulong sa lugar na ito. Maswerte ka dahil ibinibigay namin sa 'yo ni Bash ang blessing na nakukuha namin para umangat ang level mo at makahabol ka sa amin. Pero kung wala ang tulong namin, wala ka nang pag-asa na makaalis pa rito sa no level. Tandaan mo 'yan," aniya.
Napatayo ako. "Pero sa akin siya may kasalanan at hindi sa 'yo!" giit ko.
"Alam ko. Pero magkakampi tayo, 'diba? Kaya ang kagalit mo, kagalit ko na rin. Huwag kang mag-alala, gagamitin kitang manika at kokontrolin kita na patayin siya. Parang ikaw na rin ang pumatay sa kanya kapag ganoon," suhestiyon niya.
Agad na nagliwanag ang ekspresyon ko. "Puwede ba 'yon?"
"Siyempre naman. Virtus ko ang gumana at hindi ang iyo. Kaya natural na isa lang iyong taktika."
"Kesh, hindi yata puwede—"
Kumunot ang noo ko nang napayuko si Bash nang tingnan siya nito. Alam kong may sinabing kung ano si Kesh sa kanya, at may kinalaman iyon sa usapan namin. Kahit hindi ko itanong, alam ko na kung ano 'yon...hindi puwede ang paraang naisip ni Kesh at gusto niya lang akong utuin. Balak kumontra ni Bash kaya tinakot niya na naman ito.
Pero ayos lang sa akin 'yon, hindi ko rin naman kailangan ng tulong sa pagpatay sa lalaking iyon. Walang epekto sa akin ang kahit anong virtus kaya alam kong kayang-kaya ko siyang patayin...ako ang dapat pumatay sa kanya!
***
Itinuloy namin ang paghahanap ng mga no level at mag-abot ng tulong sa mga makakasalubong namin.
Isang lalaki ang nakita naming nag-iisa at nakaupo sa isang sulok. Hindi kami nagdalawang isip na lapitan siya at tanungin kung ano ang maitutulong namin sa kanya.
"Tulong? Ikaw ang nangangailagan ng tulong ko, bata..."
Halos manindig ang balahibo ko sa tono ng boses niya. "Anong sinasabi mo?" tanong ko. Hindi ko alam kung ako ba ang tinutukoy niyang bata, pero mas pinili ko na ako na lang ang magtanong.
"Isa kang no level, 'diba? May alam akong paraan para maka-angat ka sa level 1," aniya.
"Paraan? Anong paraan—"
Napatingin ako kay Kesh nang pigilan niya akong magsalita. Seyoso ang mukha niya habang nakatingin sa lalaking nakaupo.
"Sino ka? Anong ginagawa ng isang level 5 dito?"
Agad na nabaling ang tingin ko sa lalaki. Nanlaki ang mata ko nang ipakita niya ang kwintas na suot niya. Tama nga si Kesh dahil kulay asul ito. Nakakapagtaka...bakit may level 5 dito?! 'Diba dapat ang gaya niya ay umakyat na sa Creator para makalabas dito?! Bakit pa siya nandito sa no level?!
"Ako si Lush. Nandito ako para tumulong, gaya n'yo. At alam ko na kahit tumutulong na kayo, hindi pa rin iyon sapat. Ilang beses ko na kayong nakikita rito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo umaalis...ibig lang sabihin, hindi makaangat ang isa sa inyo dahil nakagawa siya ng panibagong kasalanan dito sa Domus," aniya.
Lalong nanindig ang balahibo ko dahil sa sinabi niya. Hindi niya ako kilala pero alam niya ang tungkol sa kalagayan ko. Iyon ba ang virtus niya?!
"Paano naman kami makasisigurong tutulong ka nga?" ani Bash.
Isang mahina at nakakapangilabot na tawa ang narinig namin sa lalaking kaharap namin. "Bakit naman ako magsisinungaling sa inyo? Kung tutuusin nga ay dapat wala na ako rito pero heto ako—"
"Patuloy kang tumutulong para mapanatili ang paglalagi mo rito sa Domus. Ang isang gaya mong level 5 ay dapat matagal nang umakyat sa Creator at makabalik sa dating mundo. Pero dahil naalala mo na ang lahat ng tungkol sa nakaraan mo, mas pinili mong manatili rito dahil maaring ayaw mo sa nakaraan mo at mas gusto mo na rito.
"Kapag ang isang level 5 ay hindi umakyat, unti-unti siyang maglalaho na lang na parang bula rito. Kaya para hindi mangyari iyon, kailangan mong patuloy na kumilos para mabuhay. Dahil tiyak kong wala nang kasalanang nakalista sa pahina mo, walang level 5 na may natitira pang kasalanan."
Namangha ako sa pagpapaliwanag na ginawa ni Kesh. Mas madami pa siyang alam kaysa kay Bash na level 3 na at 'di hamak na mas matanda sa kanya.
"Magaling ka, napamangha mo ako. Ang swerte ng dalawang lalaking ito at nakasama ka nila," ani Lush.
"Tungkol sa tulong na inaalok mo...anong puwedeng gawin ng isang level 5 na gaya mo para makaakyat na kami?" tanong ko.
"Level booster."
"Ano?" sabay-sabay naming tanong.
"Kapag natalo mo ang taong ilalaban ko sa 'yo, ibibigay ko sa 'yo ang isang level ko."
"Pinaganda mo pa ang tawag, alam ko namang gusto mo lang 'yang gawin dahil intensyon mong bumaba ang level mo at hindi na makaalis dito," ani Kesh.
Nabaling kay Lush ang tingin ko nang hindi siya sumagot sa paratang ng babaeng kasama namin. Nakaramdam ako ng awa sa kanya dahil sa sinapit niya. Maaring nagpursige siyang mabura ang lahat ng kasalanan niya at makaakyat ng level para makilala si Creator at makahingi ng hiling.
Pero sabi ni Kesh, maaring naalala na niya ang dati niyang buhay at ayaw niya r'on. Kung gan'on, isang patunay palang level 5 ka na kapag bumalik na ang lahat ng ala-ala mo. At kung ayaw niya ng ala-alang iyon, hindi siya umakyat at pinipilit na lang lumaban dito. Kung ako sa kanya, maaring napanghinaan na rin ako ng loob dahil sa pagiging mapag-isa at dahil sa pagkakaroon ng masalimuot na nakaraan.
"Sino ang dapat kong kalabanin?" tanong ko kay Lush.
"Ako."
Sabay-sabay kaming tatlo na napalingon sa lalaking nagsalita sa bandang kanan namin. Halata ko ang pagyayabang niya.
"Gaya mo ay no level din siya at gusto niya ring makaangat ng mabilis sa level 1. Kung sino ang mananalo sa inyo ay sa kanya mapupunta ang level booster," paliwanag ni Lush.
Nabaling ang tingin ko sa lalaki nang magsalita siya, "Bahay ko ang tapat na ito. Kung gusto mo, puwedeng doon tayo maglaban sa loob para hindi tayo makaistorbo rito," suhestiyon niya.
"Bakit naman kami papayag sa alok mo? Bahay mo 'yan at hindi pa namin alam ang virtus mo, paano kung maging puntos iyon sa 'yo para matalo mo ng mabilis si Nash?" ani Kesh dahilan para mapangiti ako sa kanya kahit hindi siya sa akin nakatingin.
"Hindi ako nagsisinungaling, malinis ang gusto kong laban dahil takot din akong madagdagan ang kasalanan ko rito. Kung gusto n'yo, sumama na rin kayo sa loob para mapanood n'yo," sagot naman ng lalaki.
Pumayag na lang siya dahil wala na rin naman siyang magagawa kundi ang sundin ang kondisyon ng lalaki. Sabay-sabay kaming pumasok sa loob ng bahay.
Pareho lang ang itsura nito sa bahay ko kaya hindi nakakapanibagong kumilos sa loob. Nagharap kaming dalawa na medyo malayo sa tatlong manonood ng laban namin.
Hindi ako sanay makipaglaban, siguro maaring hindi ako pala-away noong nabubuhay ako. Pero dahil sa lalaking pumatay sa mama ko, nagkaroon ako ng ideya kung paano makipaglaban at nakita ko rin naman kung paano makipaglaban si Kesh. Kahit paano ay magagamit ko ang kaalaman na iyon para talunin ang lalaking kaharap ko.
Ang hirap lang dahil walang kahit anong maaring puwedeng gamitin dito bilang armas. Kailangan ko tuloy ulitin ang ginawa kong taktika sa nakaraan kong laban na piliting makalapit sa kalaban...
Tiwala naman ako na kahit anong virtus niya ay hindi ako nito maaapektuhan, ibig sabihin...mataas ang tiyansa na manalo ako.
"Para mas masaya, bibigyan ko kayo ng rule," ani Lush kaya sabay kaming napatingin sa kanya.
"Sige kahit anong rule pa 'yan!" sabi ng lalaking makakalaban ko. Hindi pala ako nagkaroon ng pagkakataon na maitanong manlang ang pangalan niya.
Muling nagsalita si Lush. "Bibilang ako ng tatlong daan...iyon lang ang magiging tagal ng laban ninyo. Sa loob ng bilang na iyon, dapat ay may manalo na sa inyo. Pero kapag wala, pareho kayong walang matatanggap na level booster."
"Huh?!" sabay naming sigaw ng makakalaban ko. "Para saan pa at pinaglaban mo kami kung wala rin pala kaming mapapala?" dugtong ko pa.
"Hindi basta-basta ang gusto ninyo kaya hindi rin dapat basta-basta ang maging rule," ani Lush.
"Hoy, gusto mo bang maglaho ka na lang bigla?" sabi naman ng lalaking kaharap ko.
Bumaling ang tingin ko kay Kesh nang magsalita siya. "Hindi siya maglalaho dahil lang sa walang nanalo sa inyo, maibigay niya man o hindi ang level booster...nakatulong na siya sa inyo dahil tinanggap n'yo ang suhestiyon niya. Pagkukulang n'yo na iyon kapag hindi n'yo nagawa ang gusto niya at malinaw na hindi niya iyon kasalanan."
Naikuyom ko ang kamao ko dahil naisahan niya kami! Bakit ba hindi ko magawang makapag-isip ng maayos kapag ganitong pagkakataon?! Sinamantala ng lalaking iyon ang pagiging desperado kong makaangat ng level!
Muling nagsalita si Lush, "Kung gusto n'yo talaga ang level booster, gawin n'yo ang lahat ng makakaya ninyo para manalo. Kung sa tingin n'yo naman ay hindi n'yo kayang manalo sa loob lang ng tatlong daang bilang...bakit hindi na lang kayo magkasundo kung sino sa inyo ang mas karapat-dapat na bgiyan ng level booster? Magbigyan kayo at magparaya. Sa ganoong paraan, hindi ba't parang nanalo na rin kayo dahil puntos din ang makapagbigay ng ganoong kalaking tulong, 'diba?
"Lalo ka na, Nash...kailangang-kailangan mo ng madaming blessing. Makuha mo man ang level booster, mananatili pa rin ang matinding tatak ng kasalanang nagawa mo rito sa Domus. Kaya ano ang pipiliin mo? Ang magkaroon ng level booster para makaangat...o isang malaking blessing para mabawasan ang bigat ng iyong kasalanan?"