Chapter 10

1984 Words
CHAPTER 10 Nash's POV "Ano ang pipiliin mo? Ang magkaroon ng level booster para makaangat...o isang malaking blessing para mabawasan ang bigat ng iyong kasalanan?" Malinaw naman sa utak ko kung ano ang dapat kong piliin. Siyempre, kailangan kong makaangat agad dahil dapat kong abutan ang level ng lalaking iyon...hindi pa kami tapos magtuos. Masama akong tumingin kay Lush dahil sa tanong niyang iyon...alam ko naman na ginawa niya lang 'yan para mapasubo ako at lituhin. Malamang gusto niyang matuwa sa mangyayari kaya nagdagdag siya ng kalokohan niya. "Pare..." Nakakunot ang noo ko nang bumaling ang tingin ko sa lalaking kaharap ko. Pero nang makita ko ang nagmamakaawa niyang tingin, tila nanlaki ang mata ko sa gulat. Naiintindihan ko ngayon bakit ako pinapapili ng ganoon ng bwisit na Lush na 'yon! "S-sa tingin ko...mas kailangan mo ang blessing. Nabalitaan kong mahirap na raw makaalis dito sa Domus kapag nakagawa ka rito ng kasalanan. Kaya s-sana...ibigay mo na sa akin—" "Walang kinalaman ang bagay na iyon sa laban natin. Kaya kung iniisip mong ibibigay ko 'yon sa 'yo nang ganoon lang kadali, nagkakamali ka. Puwede akong mangolekta ng mas madami pang blessing kapag natapos ako rito, pero ang level booster ay ngayon ko lang makukuha. Kaya bakit mo naman naisip na magiging uto-uto ako?" sagot ko sa lalaki. Hindi pa rin nawawala ang lungkol sa ekspresyon ng mukha niya. "Pero walang saysay ang level booster na makukuha mo kung hindi ka naman makakaalis dito!" "Sino ba may sabi sa 'yo na hindi ako makakaalis dito? Sabi mo nga, mahirap lang makaalis...bakit pinapalabas mo na hindi na talaga ako makakaalis?" Kailangan ko pa bang ulitin ng paliwanag ngayon na hindi hadlang ang kasalanang iyon sa akin? At sa totoo lang, nakikita ko na siyang advantage ko...puwede akong pumatay kung kailan ko gusto. Wala akong pakialam kung magtatagal ako rito. Ngayong nalaman ko ang sitwasyon ni Lush, mas malakas na ang loob ko ngayong ituloy ang plano kong patayin ang lalaking iyon. Umabante siya ng bahagya. "Maawa ka sa akin! Sa huling naaalala ko, may pamilya akong naiwan...hinihintay nila ang pagbabalik ko! Ayokong magtagal pa rito, kaya pakiusap—" "Hindi lang ikaw ang may alaala tungkol sa pamilya. Gaya mo, may pamilya rin akong naghihintay sa akin. Kung paano mo naaalala ang mga mahal mo sa buhay at kung paano mo sila kagustong makasama agad, ganoon din ang nararamdaman ko. Kaya hindi mo ako madadaan sa pagpapaawa mo," giit ko. Naikuyom ko ang kamao ko dahil nakaramdam ako ng kaunting kaba...hindi ko sinasadyang magsabi ng isang kasinungalingan...alam kong patay na ang mama ko at wala nang iba pang puwedeng humanap sa akin kundi siya lang. Kaya tanging hiling lang ang makakatulong sa akin para maibalik ang mga nawala sa akin. Halos manghina ako nang matapos akong magbilang ng sampu sa utak ko. Wala akong naramdamang init o kakaiba sa katawan ko, ibig lang sabihin ay hindi ako nagsisinungaling...totoo na hinihintay ako ni mama! Hindi ko alam kung paano 'yon nangyari, pero hindi ko na iyon binigyan ng malawak na pansin dahil mas kailangan ko ngayong harapin ang lalaking ito. Hindi ito ang inaasahan kong uri ng laban namin, pero kung kailangan kong manalo sa argumentong ito para makuha kay Lush ang level booster...gagawin ko ang lahat para matalo ang lalaking ito! "Kahit pareho tayong may pamilya, mas mapapabilis pa rin ang pagbabalik ko kesa sa 'yo. Kaya huwag mo na munang problemahin ang level booster, mas importanteng magbura ka muna ng kasalanan para naman magbago ang takbo ng utak mo!" sabi ng lalaking kaharap ko. Nawala na ang pagpapaawa sa mukha niya at napalitan na ito ng salubong na kilay. Malamang ay sumuko na siya sa pagpapaawa dahil nalaman niyang hindi niya ako mauuto. Ngumisi ako sa kanya bago sumagot, "Kung ganoon, lumabas din ang totoo...hindi ito para sa pamilya mo, gusto mo lang makaakyat ng level para makuha ang gusto mong hiling para sa sarili mo." Lalong nagsalubong ang kilay niya. "At sino ka naman para husgahan ako?! Wala kang alam sa buhay ko kaya huwag kang magsalita ng bagay na hindi mo naman alam!" "Huwag mo rin idiin sa pagmumukha kong may kasalanan akong nagawa rito sa Domus. Hindi iyon basehan para pagdesisyunan na ikaw na ang dapat makakuha ng level booster. Huwag mong gamiting bala laban sa isang tao ang kahinaan niya. Hindi mo ba alam? Sa ginagawa mong 'yan...puwede kang matulad sa akin." Agad siyang nagtaka sa sinabi ko. Hindi ko naman pinahalata na nahuli ko siya sa isang bitag. "Matulad sa 'yo? Hinding-hindi ako gagawa ng isang pagkakamali—" "Gusto mo bang ikuwento ko sa 'yo kung paano ako nagkaroon ng kasalanan dito sa loob ng Domus?" "Tumigil ka na!" sigaw niya. Napalunok ako nang naging masama ang tingin niya sa akin. At ang tinging iyon ay nasundan ng isang nakakabahalang ngisi... "Binigyan na kita ng pagkakataon na umatras...pero talagang gusto mong masaktan. Kaya pagbibigyan kita!" Nanlaki ang mata ko nang magkaroon siya ng isang puting espada. Nanggaling iyon sa puting pader ng kwarto. Kung ganoon, iyon ang virtus niya! "Pagsisisihan mong pinangarap mong makalaban ako!" sigaw niya saka patakbong lumapit sa akin. Nakaumang ang talim ng kanyang espada. Siyempre, wala akong magagawa kundi ang umiwas sa mga atake niya. Kaya kong mag-nullify ng virtus pero hindi ko kayang alisan ng bisa ang atakeng gaya ng ginagawa niya ngayon! Halos sirain na niya ang buong bahay niya para lang atakihin ako. Para sa isang pirasong bahagi ng pader, sobrang talim ng nagawa niyang espada mula r'on. Wala pa akong maisip na plano kung paano siya matatalo. Panay lang ang iwas ko sa tuwing iwawasiwas niya sa akin ang espada niya. Pero sa sumunod na pagkakataon, nang mapahiga ako kakaiwas, nagkaroon ako ng kakayahang labanan siya kahit papaano dahil nahawakan ko ang kamay niya. Pinipilit niyang isaksak sa akin ang dulo ng espada, pero ibinigay ko ang buong lakas ko para pigilan siyang magawa iyon. Nakadagan siya sa dibdib ko at sa totoo lang ay bukod sa buong pwersa ko siyang nilalabanan, limitado na rin ang paghinga ko. Sandaling lumipat ang tingin ko sa bahagi ng pader kung saan siya napahawak. Napansin ko na nagkaroon ng ukit ng parteng iyon...ibig lang sabihin, sa tulong ng kanyang virtus, nagawa niyang kunin ang kapirasong bahagi ng pader para ihulma bilang espada. Iyon ang sikreto ng kapangyarihan niya at iyon ang kahinaan niya! Habang patuloy na nakahawak sa magkabilang kamay niya, mabilis kong inilipat ang kanan kamay ko sa espada para subukang alisan ng bisa ang kapirasong parte ng pader sa pagiging anyong espada nito. At nang bumagsak ang isang tipak ng semento sa gawing kanan ko, nagkaroon ako ng pagkakataon na suntukin siya sa mukha. Kinuha ko ang pagkakataong nagulat pa siya sa nangyari kaya hindi agad niya na-proseso ang ginawa kong atakeng iyon dahilan para mawalan siya ng balanse at mabuwal ng bahagya. Mabilis akong kumilos upang makabangon nang umalis na siya sa dibdib ko. Lumayo ako sa kanya. Hindi ko pa rin alam kung paano ko siya mapapagtigil sa paggamit ng virtus. Dahil hanggang ngayon, ang tanging alam ko lang na paraan para magamit ang virtus ko ay kapag nakalapit na ako sa kalaban o 'di kaya ay lumipad sa akin ang atake niya. Pero sa virtus ng lalaking ito, wala pa akong kakayahang pigilan ang atake niya. "Nullify? Hanggang kailan ka maililigtas ng virtus mong 'yan sa kamatayan?" aniya. Ngumisi ako sa kanya. "Kung makapagsalita ka, parang hindi mo nakita ang nangyari...natalo ng virtus ko ang virtus mo!" Mabuti na lang talaga at kahit papaano ay naiiwasan ko pa ringg gumawa ng kwento. Ingat na ingat talaga ako sa pagsasalita dahil natatakot akong makapagsalita ng hindi totoo, ayokong madagdagan ang problema ko...hindi ko na dapat hayaang bumalik ang nabura ko nang kasalanan. Ngumisi rin siya sa akin. "Naisahan mo lang ako, pinagyayabang mo na. Suntok na nga lang ang kaya mo, mahina pa! Tingnan natin kung makaya mo pang sirain ang isang ito..." Hindi na ako nakaimit at pinanood ko na lang siya nang kumuha siya ng mas malaking tipak na bahagi ng pader. Kumpara sa unang espadang ginawa niya, mas malaki at mas malapad ang ginawa niya ngayon. Itinutok niya ito sa akin dahil para mawala ang ngisi ko. Napalunok ako nang tumawa siya. "Bibigyan pa kita ng pagkakataong magsisi. Hindi ko naman talaga planong patayin ka, pero dahil ininis mo 'ko...nakatikim ka sa akin. Pero ulit, naaawa naman ako sa 'yo...kaya bibigyan kita ng pagkakataon, sumuko ka na at hayaan mo na sa akin ang level booster. Sa 'yo na ang buhay mo!" aniya. Naikuyom ko ang kamao ko, kailangan kong mapag-aralang mag-nullify kahit hindi ako lumalapit sa kanya o ang atake niya. Para magawa ko siyang— "Ah! Teka?! Anong nangyayari?!" sigaw ng lalaking kaharap ko. Nanlaki ang mata ko nang makita kong unti-unti niyang inilalapit sa leeg niya ang talim ng espadang hawak niya. Maharas kong ibinaling ang tingin ko kay Kesh. "Anong ginagawa mo?!" singhal ko. "Naiinip na 'ko...ang dami mong arte. Kaya ako na lang ang tatapos sa kanya," ani Kesh at nasa mukha niya nga ang pagkabagot. "Nasisiraan ka na ba talaga?! Kapag ginawa mo 'yan...hindi ko rin makukuha ang level booster!" sigaw kong muli. Gusto kong magwala sa inis dahil hindi ko pa magawang pigilan si Kesh. Bakit ba siya nangingialam?! Ano bang pumasok sa kokote niya at naisipan niyang konrolin ang isip ng kalaban ko?! "Sino naman nagsabi sa 'yong hindi mo 'yon makukuha? Papatayin ko na nga ang kalaban mo, eh," aniya habang inosenteng nakatingin sa akin. Nang tuluyan nang nakatutok sa leeg ng lalaki ang sarili niyang espada, bumaling naman ang tingin ni Kesh sa kanya. "Hoy, ikaw. Humiling ka na ngayon palang baka sakaling maawa rin sa 'yo ang Creator," pang-aasar niya. "Madaya...isang kadayaan! Kami lang ang dalawa ang dapat maglaban kaya—" "Wala sa rule na bawal humingi ng tulong sa kaibigan. Saka isa pa, manalo ka man o hindi, hindi mo naman talaga makukuha ang level booster," ani Kesh. "A-anong sinasabi mo?!" Isang pangdemonyong ngiti ang sumilay sa labi ni Kesh. "Kasi una palang, pumayag na si Lush na ibigay kay Nash ang level booster!" anunsyo niya. Agad na nanlaki ang mata ko nang makita kong hindi na gumagalaw si Lush. Hawak-hawak siya ni Bash at tila hindi na rin magawang makatingin ng kaibigan ko. Napangiwi ako nang tumawa si Kesh...isa siyang demonyo. "Pakawalan mo ako! Labanan mo ako ng patas kung talagang—!" Napapikit na lang ako nang tuluyan nang tinapos ni Kesh ang buhay niya sa pamamagitan ng paggilit sa leeg nito. "Ako ang masusunod, hindi ikaw," ani Kesh. Hindi ko alam kung magagawa ko pang tagalan na makasama ang babaeng ito. Pero wala rin naman akong magagawa, hindi ko siya kayang labanan. At isa pa, dapat naman akong makampante dahil kaibigan ang tingin niya sa amin ngayon. Nilakasan ko ang loob ko at lumapit ako sa kanilang tatlo. Nakaramdam ako ng awa kay Lush nang makita ko siya ng malapitan. Maaring ginamit ni Kesh ang pagkakataon na abala kaming dalawa ng kalaban ko para kunin sa kanya ang level booster. Ganoon naman talaga...minsan ka na lang tumulong, ikaw pa ang napapasama. Hindi naaalis ang tingin ko kay Lush. "Paano natin ngayon makukuha ang level booster kung patay na 'yan?" mahina kong sambit. "Huh? Hindi mo alam?" Nabaling ang tingin ko kay Kesh nang itanong niya iyon. Binitiwan naman ni Bash ang bangkay ni Lush. "Ang alin?" tanong ko. "Kanina pa ibinigay sa 'yo ni Lush ang level booster." Kumabog bigla ang dibdib ko...at nang hawakan ko ang kwintas ko...halos lumuwa na ang mata ko sa gulat nang makita na naging dilaw na ang kulay nito. Patunay na level 1 na ako. Ito pala ang rason...kaya pala parang madali kong napabagsak ang lalaking iyon kanina, nadagdagan ang lakas ko! Ganito pala ang pakiramdam ng tumataas ang level...lumalakas din ang virtus.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD