Chapter 11

2099 Words
CHAPTER 11 Nash's POV Hindi ko alam kung ikatutuwa ko bang malaman na level 1 na ako ngayon dahil sa ginawa ni Kesh. Maaring nakuha ko nga ang gusto ko at walang tututol sa nangyari, pero hindi ko lang matanggap na hindi ko ito nakuha sa sarili kong paraan. Nasa tapat na kami ng hagdan paakyat sa level 1, pero bago ako makaapak sa unang baitang na ito ay lumingon muna ako sa kanilang dalawa. "Anong plano n'yo ngayong maisasama n'yo na 'ko rito?" diretso kong tanong. Naiintindihan ko ang sistema ng lugar na ito. Panggagamit, pagtulong, at panloloko ang tatlong bagay na maari mong gawin para mabuhay ka at makuha mo ang ambisyon mong makalabas dito. Hindi ito isang lugar na masasabi mong perpekto, dahil hangga't hindi mo nagagawa ang parte mo bilang manikang binigyang buhay, hindi ka magiging masaya. Kaya kung hahayaan kong iyon ang patuloy na gawin sa akin ng dalawang ito, kailangan kong linawin ang ilang bagay sa kanila. "Plano? 'Diba, pare-pareho naman tayo na ang gusto lang ay makaalis dito? Anong ibig mong sabihin, Nash?" nahihiyang tanong ni Bash. "Alam kong kailangan natin ang tulong ng isa't isa para maipagpatuloy ang gusto nating gawin. Pero 'yung nangyari kanina...tingin ko ay hindi dapat umabot sa ganoon ang nangyari," paliwanag ko. "May problema ka ba na pinatay ko ang dalawang 'yon?" Naikuyom ko ang kamao ko nang magtanong si Kesh. Nainis ako sa tono ng boses niya, dahil parang pinapalabas niya na gumagawa ako ng panibagong gulo. Buong tapang ko siyang hinarap. "Hindi mo ba nakita ang virtus ng lalaking nakalaban ko? Kaya niyang gumawa ng armas mula sa parte ng kahit anong bagay na hawakan niya. Kulang tayo ng ganoong talento sa grupo natin!" hindi ko na napigilan ang sarili kong makapagtaas ng boses. Naging matalim ang tingin niya sa akin. "Sinasabi mo bang hindi ako nag-iisip?!" "Kesh, huwag mong dalhin sa ibang bagay ang usapan. Ang punto ko lang dito, puwede sana nating magamit ang talento niya para—" "Para labanan ang lalaking pumatay sa mama mo? Nash, hindi 'yan kabilang sa puntos na kailangan ng grupo. Sarili mo lang ang iniisip mo kung ganyan," sabi naman ni Bash. "Kung may away kami ng lalaking iyon, damay na rin kayo roon dahil kasama ko kayo!" "Mali ka." Agad na bumaling ang tingin ko kay Kesh nang sabihin niya iyon. Nakakunot ang noo ko sa kanya. "Anong sabi mo?" tanong ko. "Ako lang ang dapat gumagawa ng plano sa grupong 'to, ako ang dapat nasusunod at ako rin ang dapat pipili ng taong sasali sa atin. Hindi lang virtus ang dapat mong pagbasehan ng pagpili, tingnan mo rin kung mapagkakatiwalaan 'yung tao," paliwanag ni Kesh. "Bata ka lang! Hindi lahat alam mo! Tungkol kay Lush, bakit pati siya pinatay mo?!" giit ko. Nawala ang matalim na tingin sa mata ni Kesh, napalitan ito ng isang nakakalokong ngisi. "Bata lang ako sa paningin ko pero mas mautak ako sa 'yo. Hindi mo nga magawang maintindihan bakit kailangang mamatay ng isang manglolokong iyon, eh." Hindi ko na nagawang sumagot pa sa kanya dahil naunan na siyang umakyat. Binalak ko siyang hilahin para bumalik pero napigil ako ni Bash. "Ang isang demonyo, naaaamoy ang ka-uri niya. Magkasabwat si Lush at ang lalaking nakalaban mo. Sinasabi nilang bibigyan nila ng level booster ang biktima nila pero ang totoo, ginagamit lang nila iyon para magkaroon sila ng blessing. Nash, niloko ka nila at nahalata iyon ni Kesh." Napayuko ako sa naging paliwanag ni Bash. Ni hindi ko manlang nagawang magsalita dahil sa kahihiyan. Ako ang huling umakyat. Hindi ko magawang maging masaya na sa wakas ay nakarating ako sa level 1 dahil gaya ng sabi ni Lush...taglay ko pa rin ang bagong kasalanan ko at nasa baba pa rin ako. Tiyak na mas mahihirapan na ako ngayong makahanap ng matutulungan dahil ayon kay Bash, karamihan daw ng mga level 1 ay kabisado na ang mga dapat nilang gawin. Pero naalala ko na puwede pa palang bumaba sa no level, puwede ba kaming patuloy na maghanap ng taong mapagkukunan namin ng blessing— "Aba, mayroon palang basurang hindi pa rin naililigpit. Ano namang pinagkakaabalahan mo rito sa level 1?" Hindi ko na nagawang sabihin sa kanilang dalawa ang balak ko dahil sa paglitaw ng isang babae sa harap namin. Nakangisi siya sa amin habang ako ay nakakunot ang noo. Hindi ko alam kung sino sa dalawang kasama ko kaya hindi ko talaga maintindihan ang nangyayari. Hanggang sa tumalikod sa kanya si Bash. "Halika— "Iiwas ka na naman? Ano bang magagawa ng pag-iwas mo? Ah, kasi wala ka pang napapatunayan...hindi ka pa rin pala tapos sa kalokohang 'yan?" sabi muli ng babae. Doon ko napagtanto kung sino ang kausap niya. "Siya ang asawa mo?!" tanong ko kay Bash nang humarap siya sa akin. Hindi niya ako sinagot. Bagkus ang babae ang sumagot sa akin, "Asawa?! Iyon ba ang sinabi niya sa 'yo?" Isang nakakainsultong halakhak ang pinakawalan niya bago siya muling nagsalita, "Sa pagkakaalam ko, nagsama lang tayo pero hindi tayo mag-asawa. Bakit mo 'yun pinagkakalat kung ang totoo ay ikaw mismo ang pumatay sa akin?!" Kumunot ang noo ko nang bigla siyang sumigaw dala ng galit na halata sa kanyang mukha. Nakatalikod pa rin si Bash sa kanya, tila hindi niya inakala na makikita niya rito ang babaeng ito. Wala akong masyadong alam sa kanya dahil hindi naman ganoon karami ang naikwento niya sa akin tungkol sa buhay niya. Naalala ko na may binanggit siya tungkol sa may gusto siyang patunayan pero hindi niya nilinaw kung ano 'yon. Ang ibig niya bang sabihin ay gusto niyang patunayan na hindi siya ang pumatay sa kanya? "Mali ka, mister. Siya ang pumatay sa akin at hindi ako nagsisinungaling! Hindi ako gaya ng lalaking 'yan na puro kasinungalingan ang kwento ng buhay!" sigaw muli ng babae. Noong una ay nagtaka ako kung paano niya nasagot ang tanong sa isip ko, pero agad ko ring naisip na maaring may kinalaman iyon sa virtus niya. "Wala naman kaming pakialam sa kwento ng buhay ninyo o kung siya pa ang pumatay sa 'yo. Hindi naman kami nagpunta rito para sa 'yo," ani Kesh. Muntik ko nang makalimutan na kasama nga pala namin siya. Bumaling naman ang tingin sa kanya ng babaeng kaharap namin. "At sino ka naman? Kasama ka rin ba ng lalaking ito? Ang malas mo naman, may sabit pa ang lalaking natipuhan mo," aniya. Nabaling ang tingin ko kay Kesh nang siya naman ang tumawa ng mapait. "Parang kanina lang halos isuka mo ang pagpapakilala niya sa amin tungkol sa 'yo na asawa niya, ngayon naman sasabihin mo may relasyon pa rin kayo. Nagseselos ka ba?" "At bakit naman ako magseselos sa nakakadiring relasyon ninyo kung meron man? Wala akong maalalang iba tungkol sa lalaking 'yan kundi masamang alaala. Siya ang sumira sa buhay ko at siya ang pumatay sa akin!" Gusto ko sanang linawin sa kanya na isang alaala lang naman talaga ang maari niyang maalala rito at mula lang ang alaalang iyon sa pinakamalapit na tao sa 'yo— "Alam ko ang tungkol sa bagay na 'yon, mister. Pero nagbabago ang sitwasyon kapag nagkita mismo kayo ng taong kahati mo sa alaalang iyon dito sa Domus. Kaya lahat ng alaala ko tungkol sa walang kwentang lalaking 'yan ay naalala ko at sigurado akong naalala niya rin ako!" paliwanag niya. Bahagya akong nagitla nang mapagtanto ko ang bagay na sinabi ng babae. "Pinatay mo ang sarili mong asawa?" hindi makapaniwalang tanong ko kay Bash. Imbes na sumagot, tumakbo palayo sa amin si Bash. Binalak ko siyang sundan pero agad akong pinigil ni Kesh, "Hayaan mo siyang makapag-isa sandali. Isa pa, may gusto akong linawin sa babaeng ito," aniya. Wala na akong nagawa kundi ang manatili na lang din muna. Baka may itanong si Kesh na magiging benispisyo rin sa akin ang sagot. "At ano naman ang lilinawin mo? Hiwalay na kami ng lalaking walang kwenta na 'yon kaya kung may relasyon kayo ay wala na akong pakialam doon. Alam mo naman na siguro ang ibig kong sabihin sa sabit, 'diba?" sagot ng babae. "Gusto kong ipaliwanag mo sa akin kung paanong naalala mo ang lahat ng tungkol kay Bash pero hindi mo naalala ang ibang bagay tungkol sa nakaraan mo," ani Kesh at bakas sa boses niya ang pagiging seryoso nito. "Ah, iyon ba..." panimula ng babae saka siya humalukipkip. "Kung ganoon, may tao ka rin palang gustong hanapin dito sa Domus?" "Wala akong hinahanap, na-curios lang ako sa kaso ninyong dalawa," aniya. "Talaga? Hindi iyon ang nabasa ko sa isip mo..." Naningkit ang mata ko, tama nga ang hinala ko sa virtus niya...mayroon siyang psychometry. Akong naman ang nagtanong, "Tungkol sa alaala ninyo ni Bash, sa dalawang taong may koneksyon lang ba sa isa't isa puwede 'yan?" Lumipat ang tingin niya sa akin. Patuloy na nakahalukipkip at ngayon ay may ngisi na sa kanyang mukha. "Ah, hinahanap mo ang taong pumatay sa nanay mo? Well, pasensya na dahil kung hindi talaga kayo magkakilala ng taong iyon...hindi mo siya maaalala kahit magkita pa kayo. Saan ka naman nakakita ng hindi magkakilala pero naalala nu'ng makita?" aniya. "Pero nangyari sa amin! Hindi ko siya kilala, pero naramdaman ko na lang na siya ang pumatay sa mama ko!" giit ko. "Tungkol diyan, maaring nakita mo na siya mismo ang pumatay sa mama mo. Kaya nang magkita kayo, nalaman mong siya ang taong iyon." "Kung ganoon, maari ba siyang makatulong para maalala ko ang nakaraan ko?" Bago sumagot, isang ngisi ang muling sumilay sa labi niya. "Sigurado ka bang 'yan ang gusto mong itanong? 'Diba alam mo na ang virtus ko?" Napalunok ako. "Kapag ba napatay ko siya, puwede ko pang mabura ang kasalanang iyon sa pahina ko?" Buo ang loob ko na patayin ang lalaking iyon. Sabi ko pa nga ay gusto kong umangat ang level ko para sundan at hanapin siya. Naniniwala ako na kapag napatay ko na siya, magagawa kong ipaghiganti ang mama ko sa dati kong buhay. May posibilidad na totoo ang sinabi ng babaeng ito na nakita ko mismo ang pagpatay ng lalaking iyon kay mama kaya nakilala ko siya. Pero wala na akong pakialam kung paano iyon nangyari...gusto ko lang makasiguro na magagawa ko pa ring makalabas dito kahit mapatay ko siya. "Bakit ako ang tinatanong mo niyan? Nakakasiguro ka ba na magsasabi ako ng totoo sa 'yo?" Dumiretso ang tingin ko sa kanya. "Sa tulong ng virtus mo, maaring madaming isip na ang nabasa mo. At sigurado ako na gamit na gamit mo ang abilidad mong 'yan para makaangat. Hindi ko pa man nakikita ang kulay ng kwintas mo ay alam ko nang mas mataas ang level mo kay Bash dahil hindi mo siya iinsultuhin ng ganyan kung lamang siya sa 'yo." "Kahit naman noong nabubuhay pa kami, lamang ako palagi sa kanya. Wala namang buto ang lalaking 'yan...hindi niya kayang bumuhay ng pamilya! Ako pa nga lang ang kasama niya sa buhay ay hindi na niya magawang bigyan ng sapat na pangangailangan. Mabuti na lang at hiniwalayan ko na siya agad at nagawa kong buhayin ang sarili ko. Pero dala ng inggit niya sa akin ay pinatay niya ako!" Sa tindi ng lukot ng kanyang mukha habang nagsasalita ay kitang-kita na malaki ang galit niya kay Bash. Maaring ginagantihan na lang niya ito sa pang-iinsulto dahil hindi niya ito maaring patayin dito dahil takot siya na maidagdag iyon sa kasalanan niya. Puwede rin na naging dahilan iyon ng inis niya kaya— "Tama ka! Gusto kong makaangat agad dito at makaalis na walang kwentang lugar na ito dahil hindi ko na kayang tagalan pa na makasama ang lalaking iyon dito! Kinasusuklaman ko siya! Kaya kapag nakalabas ako dito...wala akong ibang hihilingin kundi ang sana ay mabulok na siya rito habang buhay!" Tumingin ako sa ibang direksyon. "Wala akong pakialam sa personal n'yong away. Hindi ko kailangang marinig ang mga pagrereklamo mo lalo na't kaibigan ko si Bash. Gusto ko lang malaman ang alam mo." Tumawa siya ng mapait. "At ang kapal naman ng mukha mo na tanungin ako kung ganyan din naman pala ang sasabihin mo sa huli. Hindi na nakakapagtaka na napabarkada ka sa lalaking iyon. Pareho kayong walang kwenta!" Sa huli, hindi ko rin nakuha ang sagot sa tanong ko. Balak ko na sanang maglakad para puntahan si Bash pero natigil ako sandali nang mapansin ko ang masamang tingin sa akin ni Kesh. "Kahit kailan, wala talaga kayong kwentang kausap lahat. Ang hihina ninyo umitindi pagdating sa damdamin ng babae!" Hindi ko na siya nagawang kausapin pa dahil mabilis siyang tumakbo paakyat sa level 2.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD