CHAPTER 13
Nash's POV
Nang tuluyan nang pumasok sa isip ko ang naging resulta ng ginawa ko, nakaramdam ako ng bahagyang lungkot. Tama nga na naiganti ko ang mama ko, napatay ko na ang taong pumatay sa kanya. Kaya lang, naging kapalit naman n'on ang pag-asa ko na makalabas pa rito. Magaan man sa loob na napatay ko ang walang hiyang taong 'yon, hindi ko magawang maging tuluyang maging masaya.
Halos kainin ako ng pagsisisi dahil hindi ako nag-isip ng matino. Masyado akong nagpakain sa galit at hinayaan ko ang sarili kong makapatay ako sa maling paraan. Kung sana pinapatay ko na lang siya kay Kesh, wala sana akong naging problema ngayon.
Dahil level 1 palang ako at marami pang kasalanang nakalista, wala pa rin akong kahit kaunting naaalala. Naiinggit ako kay Bash dahil kahit mapait ang alaala niya ay nakita niya muli ang taong importante sa kanya. Sana ay kung talagang hindi na ako makakalabas pa rito, makita ko manlang sana si mama kahit sandali. Gusto kong habang buhay kong baon ang alaala naming dalawa na magkasama habang nakakulong ako rito.
"Pare, kung hindi lang kasalanang saktan ang kaibigan...malamang kanina ka pa may pasa sa mukha!"
Galit pa rin sa akin si Bash. Kahit problemado siya ay mas apektado pa siya sa kalagayan ko kaysa sa sarili niyang iniisip.
Ngumiti ako sa kanya. "Tutulungan kitang makipag-ayos kay Mosh. Kahit sa ganoong paraan lang, makabayad ako sa mga naitulong mo. Siguro hanggang dito na lang ako sa level 1 at hindi na ako makakaakyat sa susunod na level kaya—"
"Sira ka ba?! Makakaakyat ka pa rin, gagawan natin ng paraan 'yan, p're! Siyempre makakaisip pa rin tayo ng paraan para mabura ang kasalanang mong 'yan!"
Sinabi na sa akin dati ni Bash na mababa ang pag-asa na makaalis pa ng Domus ang mga taong nagkakaroon ng kasalanan dito. Pero wala siyang sinabi kung ano ba ang kinahantungan ng mga taong iyon...kung sila ba ay nakalabas pa ba, o talagang nakulong na sila sa lugar na ito.
Pero alinman d'on, nagbibigay pa rin iyon ng pag-asa sa akin na makakaalis pa rin ako rito...kailangan ko pa ring subukan na ipagpatuloy ang pag-abot ng tulong sa iba.
Hindi pa namin ulit nakikita si Kesh. Naikwento ko kay Bash ang biglang pag-akyat nito sa level 2 nu'ng kaharap namin si Mosh kaya hindi ko siya nagawang habulin. At sabi naman niya, hayaan na lang daw muna ang babaeng iyon dahil pakiramdam daw niya ay mas ginhawang kumilos kapag wala si Kesh.
Sa totoo lang, sang-ayon naman ako r'on. Matalino at maaasahang kasama si Kesh, kaso lang ay may pagka-brutal at parang isasama ka pa sa hukay...hindi rin ako komportable kapag biglang nagbabago ang ugali niya na gusto niya bigla pumatay.
Isa rin sa naging benipisyo namin na wala siya, dalawa lang kaming naghahati sa blessing na nakukuha namin. Mas malaki ang nakukuha namin.
Habang ipinagpapatuloy namin ang pagtulong, sinusubukan na rin namin na magbawas ng kasalanan. Ngayon ay nagagawa ko nang pag-isipan ng mabuti kung anong kasalanan muna ang dapat kong alisin na hindi ko naman mapapakinabangan. Kumpara noong una, mas alam ko na ang dapat gawin ngayon.
Mas malaki ang nakukuha kong blessing kaysa sa pag-asa na makapagbura ng kasalanan. Bihira lang kasi ako makabawas dahil mahirap pag-isipan kung ano ang dapat kong alisin na magagawa kong iwasan na hindi maulit at kung ano ang maari ko pang magamit sa hinaharap.
Bukod dito, nangako ako kay Bash na tutulungan ko siyang makipag-ayos kay Mosh. Wala akong masyadong naintindihan sa totoong ugat ng naging away nila at kung bakit humantong sa puntong napatay ng kaibigan ko ang girlfriend niya, pero alam ko na maaayos ang problema nila kung magkakaroon sila ng maayos na pag-uusap.
Ngumiti ako sa kanya. "Kaya dapat makausap mo na nang mahinahon si Mosh."
Agad siyang tumawa, mapait. Pero hindi ako nagpahalata na nalungkot ako sa naging tunog ng tawa niya.
"Huwag mo na isipin 'yon, matagal pa naman bago ako makaakyat ng level 5 kaya hindi pa natin dapat problemahin ang tungkol diyan," aniya.
Ngumisi ako sa kanya. "Ang sabi mo sa akin, dapat pagtuunan natin ang pinakamabigat na kasalanan natin at iyon ang dapat nating paghandaan na ayusin kaagad. At sinabi mo rin sa akin na dapat tayong magsipag para makaakyat tayo agad!"
Ngumiti siya sa akin at umiling ng bahagya. "Bahala ka na sa kung ano ang gusto mong isipin. Basta ako—"
"Bash, kung hindi na ako makaalis dito...iyon na lang ang tanging bagay na gusto kong gawin, ang matulungan kang makalabas dito."
Nanaig ang katahimikan sa aming dalawa, tila pareho naming naintindihan kung ano na ang sitwasyon ngayon.
***
Hindi na kami muling nag-usap pa tungkol sa ganoong bagay. Napagpasyahan namin na ubusin ang oras na kaming dalawa lang ang magkasama sa paghahanap ng taong matutulungan kapalit ng blessing. Kahit ngayon lang ay magawa manlang namin na makakilos ng sarili namin at walang babaeng nagdidikta sa amin.
"Sa tingin mo saan kaya puwedeng magpunta ang babaeng 'yon?" ani Bash.
Naglalakad kami rito sa level 1 at naghahanap ng maaring mapagkunan ng blessing.
Napabuntong hininga ako. "May kutob talaga ako na may kinalaman ito sa naging usapan naming tatlo, eh."
Kumunot ang noo niya sa akin. "Ano ba 'yun?"
Sumeryoso ang tingin ko sa daan. "Nakikita mo naman paano kumilos si Kesh, 'diba? Kahit hindi natin alam ang nakaraan natin, hindi nito maiaalis ang isang abilidad o talento ng tao. Sigurado akong hindi totoo ang sinasabi niyang wala siyang naaalalang pamilya."
"P're, bata lang si Kesh. Iniisip mo bang mamamatay-tao siya?"
Agad akong natawa. "Ang layo naman ng narating ng imahinasyon mo! Ang sinasabi ko lang, tinatago niya sa atin ang totoo niyang pagkatao. At sa tulong ni Mosh, maaring naisip niyang may paraan para mahanap ang mga sagot sa tanong niya."
"Ayaw kitang mapahiya o ano sa iniisip mo, pero may mga tao talaga rito na hindi nabibigyan ng pagkakataon na maalala ang pamilya nila," aniya.
Kumunot ang noo ko. "May tao bang hindi iniisip ang pamilya nila?"
"Siguro nu'ng nabubuhay ka pa... inosente ka lang at walang alam sa realidad ng mundo. Hindi mo alam na may mga taong mas pinipiling mamuhay mag-isa at mas gusto na walang ibang iniintindi kundi sarili lang. Ganoong uri ng tao si Kesh."
"Kung gan'on, bakit kailangan niya pang humiwalay sa atin? Hindi ka ba nagtataka?"
"P're, kaysa tanong ka nang tanong diyan... kumausap ka na lang ng tao sa banda r'on at ako naman sa banda rito," aniya saka pumunta sa gawing kanan.
Wala na akong nagawa kundi ang sundin ang sinabi niya. Pero paglingon ko sa kaliwa ko ay may napansin akong tao sa kabilang gilid ko na para bang ramdam kong nakamasid siya sa amin.
Sinilip ko sandali si Bash para tingnan kung anong ginagawa niya. Nang masiguro kong abala na siya sa pakikipag-usap sa iba, napagpasyahan kong harapin ang taong naramadaman kong sumusunod sa amin.
Malawak ang lugar ng Domus, madaming pasikot-sikot at likuran. Kung tutuusin nga ay maari kang maligaw dito.
Ngayon ko napagtanto na naramdaman ko na rin ito nu'ng makilala ko si Kesh. Nalalaman ng virtus ko kapag may kung sino na gagamit ng virtus sa akin ng palihim. Malaking tulong talaga na nullify ang ibinigay sa akin, para akong may shield at bantay.
Sinundan ko lang ang pakiramdam kung saan maaring pumunta ang taong sumusubok na gumawa ng kung ano. Akala yata niya ay hindi ko siya mapapansin. Kasama sa pag-angat ng level ang paglakas ng virtus.
Napunta ako sa isang kwarto, walang tao rito at tahimik ang paligid. Bahagya akong nabahala sa kung ano ang maaring mangyari rito sa akin.
Pero sa muling pakikiramdam ko, nagawa kong hanapin kung nasaan ang taong iyon at kung sino siya.
"Anong kailangan mo sa akin? Bakit mo binabasa ang isip ko?"
Si Mosh. Nagtatago siya sa kwartong ito habang sinusubukang basahin ang laman ng isip ko—na sa totoo lang ay kanina pa pala niya ginagawa.
"Gumagaling ka na, ah. Baka kapag lalo ka pang tumagal dito ay malampasan mo na ang walang silbi mong kaibigan," aniya saka ako hinarap.
Naikuyom ko ang kamao ko. "Kung makapagsalita ka, parang wala kayong pinagsamahan noon."
"Kasamang walang silbi."
"Ayusin mo ang pananalita mo!"
"Bakit? Totoo naman ang sinasabi ko, ah. Wala naman talagang naging pakinabang sa akin ang taong iyon."
Maaring wala pa ring ideya hanggang ngayon si Bash, pero ang palagay kong rason kaya nakipaghiwalay sa kanya ang babaeng ito nu'ng nabubuhay pa sila ay dahil wala siyang napala...hindi niya naibigay ang luhong gusto nito.
"Tama ka, ilang taon na akong nagtitiis na kasama ang lalaking iyon pero wala pa rin siyang naibibigay sa akin kahit kapirasong lupa manlang sa paso! Tapos ang kapal ng mukha niyang alukin ako ng kasal?!" aniya. Binasa na naman niya ang isip ko.
Kailangan ko na talagang matutunan na isara ang isip ko gamit ang virtus ko dahil nakakabahala na may taong makakaalam ng laman ng utak ko.
"Ganyan ba talaga kayong mga babae? Materyal na bagay lang ang mahalaga?"
Biglang sumama ang tingin niya sa akin. "Huwag mo akong husgahan na parang alam mo na ang lahat sa akin dahil hindi mo alam ang buong pangyayari sa buhay ko!"
Ngumisi ako sa kanya. "At ano ang gusto mong palabasin? Biktima ka dahil napatay ka niya? Hindi lahat ng taong nakapatay ay masama, at hindi lahat ng namatay ay biktima," sabi ko.
Bigla kong pinagsisihan ang sinabi ko nang makita ko ang pagpalit ng reaksyon niya. Ipinakita niya ang isang nakakalokong ngisi. "Kagaya ba 'yan ng nangyari sa mama mo? Baka naman hindi talaga siya namatay...baka—"
"Huwag mong ibahin ang usapan!" sigaw ko.
Ngayon palang yata ay sumusuko na akong kausapin ang babaeng iyon. Imposible yata ang gusto kong mapagkasundo muli ang dalawa.
Muli akong nagsalita, "Bakit ka nandito? Anong kailangan mo sa akin?"
Naupo siya sa isang lamesa at kinuyakoy ang kanyang paa. "Wala naman, gusto lang kitang masolo," aniya.
Agad kong iginala ang mata ko nang makaramdam ako ng ibang presensya. Agad kong hinanda ang nullify ko para protektahan ang sarili sa maaring maging atake sa akin.
Ang kakayahan ng babaeng ito ay magbasa lang ng isip ng ibang tao. Bukod doon, wala na akong alam. Pero nilinaw sa akin ni Kesh na magkaiba ang virtus nilang dalawa, walang kakayahan si Mosh na magkontrol ng isip.
"Kung gusto mo palang magkaroon ng lalaking kasama sa isang kwarto, dapat si Bash ang inimbita mo rito," sabi ko.
"Wala akong kailangan sa lalaking iyon, wala ring silbi ang virtus niya kaya—"
"Wala ba talagang silbi? O natatakot ka lang na makasira siya sa plano mo sa akin?"
Hindi ko pa alam kung anong balak niya at bakit niya 'ko hinayaang matunton ko siya rito. Habang pinagtatagpi-tagpi ko kasi ang nangyari...alam kong sinadya niyang ipahalata sa akin na binabasa niya ang isip ko para ako mismo ang magpunta rito. Mataas na ang level niya kumpara sa akin kaya alam kong hindi ganoon kadaling maramdaman na ginagamit niya sa akin ang virtus niya.
Una palang ay alam ko nang patibong ito pero pinili ko pa rin siyang puntahan. Desidido talaga akong makausap ang babaeng ito para mapag-ayos sila ni Bash.
"Huwag ka ngang magpatawa! Ano namang maitutulong sa 'yo ng lalaking iyon? Hindi niya nga mailabas ang sarili niya rito sa Domus, eh," aniya.
Naningkit ang mata ko. Kanina pa ako naghahanap ng clue para mahulaan kung anong binabalak niya, pero dahil malayo siya ay hindi ko siya magawang pagmasdan ng matagal. Idagdag pa na ginagamit ko rin ang virtus ko para hindi niya mabasa ang isip ko.
Ito na rin siguro ang dahilan kaya hindi ko agad malaman kung ano ang binabalak niya, hindi ko pa kayang gamitin ang virtus ko ng higit sa isang beses.
"Hindi mo ba naisip kung bakit ayaw niya pang lumabas dito?"
Ayoko pa ring sayangin ang pagkakataon. Alam ko na hindi na talaga ako dapat umasa na makakalabas pa 'ko rito sa Domus at tapos ko na ring ipaghiganti ang mama ko, kaya ngayon ay ibubuhos ko na lang ang atensyon ko sa ibang bagay.
Itinuloy ko ang sinasabi ko, "Gusto niyang patunayan sa 'yo ang sarili niya...gusto niya na kahit sa huling pagkakataon...pakinggan mo siya at papakinggan ka rin niya. Mosh, huwag n'yong pahirapan ang mga sarili n'yo. Mag-usap kayo at ayusin n'yo na ang lahat!"
Hindi siya sumagot sa akin kahit nasa sa akin ang tingin niya. Bagkus ay ngumisi pa siya sa akin.
Sa pamamagitan ng ngising iyon, nagawa kong malaman na may isang tao ang bigla na lang lumitaw sa kaliwa ko. Pero huli na ang lahat...agad niya akong sinuntok dahilan para matumba ako.