CHAPTER 16
Nash's POV
"At sino ka naman?" bungad na tanong ni Hash.
Bumaling ang tingin ni Bash sa kanya. "Isang tagapagligtas," aniya.
Napabuntong hininga na lang ako dahil nakuha niya pang magbiro sa ganitong pagkakataon.
Hinawakan ko sa balikat ang katabi ko. "P're, puwede bang ikaw muna ang humarap sa lalaking 'yan? Pagod na pagod na ako at masakit na ang katawan ko, gusto ko munang magpahinga," sabi ko.
Sa akin naman bumaling ang tingin niya. "Huh? Teka, p're, nandito lang ako para sunduin ka. Wala akong balak—hoy!"
Hindi ko na siya pinansin. Naglakad na ako palapit sa gilid at agad na naupo. "Huwag kang mag-alala, wala siyang virtus," paalala ko.
"Huh?"
Hindi na ako nakasagot pa dahil mabilis nang umatake si Hash kay Bash.
"Hindi ko kailangan ng virtus para tapusin ka!" anunsyo niya.
Naging seryoso ang tingin ko kay Bash dahil madali lang niyang nailagan ang atake sa kanya ni Hash. Tila papalapit palang ito ay alam na niya kung saan pupunta ang suntok na iyon.
Ulo lang niya ang iniwas niya at hindi niya manlang ginalaw kahit ang kamay niya. Ganoon ba siya katiwala na hindi siya tatamaan nito?
Agad na gumanti ng suntok si Bash. Pinanood ko si Hash na sumadsad sa sahig dahil sa lakas ng suntok na iyon. Blangko lang ang reaksyon ng kaibigan ko pagkatapos ng ginawa niyang iyon. Naglakad pa siya palapit sa kalaban na nasa magkabilang gilid lang ang dalawang kamay na animo'y parang namamasyal lang.
Alam kong hindi mayabang si Bash, pero sa nakikita ko ngayon...parang naging ibang tao na siya.
Pagtayo ni Hash ay agad na dinakma ng kalaban niya ang kanyang mukha at buong pwersa na ibinagsak sa sahig. Hindi pa man siya nakakapaghanda na sumugod muli, bumalik na siya agad sa pagkakahiga.
Napalunok ako. "Grabe."
"Clairvoyance."
Napatingin ako sa gawi ng nagsalita. Kumunot ang noo ko dahil sa biglang paglapit ni Mosh. Nang ma-proseso na ng isip ko na sinasabi niya sa akin ang virtus ni Bash ay bumalik na ang tingin ko sa nangyayaring laban.
Hindi ko alam kung gaano na kami katagal na magkasama ni Bash dahil sa uri ng panahon na meron ang Domus na hindi dumidilim ang paligid kaya wala akong basehan sa paglipas ng araw o oras. Pero mula nang magkakilala kami, hindi ko pa nakitang ginamit niya ang virtus niya. Pero ganoon pa man, hindi ko maiwasang hindi bumilib sa ikinikilos niya.
"Kaya niyang sabayan kahit gaano pa kabilis ang kalaban, kaya niya ring basahin ang galaw nito," dagdag pa ni Mosh.
Hindi pa rin nagpatinag si Hash, nagbitiw siya ng ilang suntok at lahat ng iyon ay nagawang sanggain ni Bash gamit din ang dalawang kamay niya. Hindi natapos ang atake r'on, sinundan pa ito ng isang pagtuhod at doon ay nagtagumpay siyang tamaan sa sikmura si Bash.
Bahagya akong nabahala sa maari pang mangyari. Pero nang nang nagawang itulak ni Bash si Hash palayo sa kanya ay bumalik agad ang tiwala ko na kaya niya naman ang sarili niya.
"Noong nabubuhay pa kayo, marunong na ba talaga siya ng ganitong bagay?" tanong ko kay Mosh.
"Ang totoo, wala akong ideya. Hindi naman kami madalas magkwentuhan," aniya.
Nabaling ang tingin ko sa kanya ng sandali pero agad ko rin inalis iyon. "Pero kung siraan mo siya, parang ang dami mong alam tungkol sa kanya. Iyon pala ganitong kaliit lang na bagay wala kang ideya," sumbat ko.
"Hanggang ngayon ba talagang hindi mo pa 'ko titigilan sa ganyan?" pagtataray niya.
Ngumisi ako kahit hindi ako nakatingin sa kanya. "Hindi ako titigil hangga't hindi mo ginagawa ang sinabi ko."
"Mamamatay ka na lang, hindi pa rin mangyayari ang gusto mo."
Sandali ako nanahimik. Sa alaala ko, si mama lang ang natira kasama ang pinakamalaking kasalanang nagawa ko na pagnanakaw ng pera sa kumpanya at ang katotohanang nandito sa Domus ang taong pumatay sa kanya. Ano kayang pakiramdam na maalala mo ang mga ginawa mo kasama ang taong mahal mo?
"Dipende sa naging pagsasama ninyo."
Hindi na ako nagulat na nagawa niya akong sagutin dahil ngayon ko napansin na napabayaan ko na naman pala ang isip ko na nakabukas.
"Wala ka bang naalalang masayang alaala kasama si Bash?"
"Meron naman, iyon ang alaala na naging rason bakit hanggang ngayon ay hindi ko siya makalimutan."
Bahagya akong nagkaroon ng pag-asa sa sinabi niya. Lihim ako nagpapasalamat dahil may ganoon naman pala siyang pag-iisip para kay Bash.
"Pero hindi sapat ang magandang alaalang iyon para maayos ang nasira sa amin. Wala namang tuluyang nabubuo kahit anong ayos mo," dagdag niya.
Hindi ko iyon pinansin dahil alam ko namang sinabi niya lang iyon para mapanatag ang loob niya na iba ang maiisip ko. Pero hindi na mababawi ang nasabi na niya at hindi na rin mababago ang totoo.
"Magic," tipid kong saad.
"Anong sabi mo?"
"Kung napunta tayo rito na walang malinaw na rason kung bakit at paano, dapat simulan mo na ring maniwala sa magic," paliwanag ko.
"Saan mo naman nakuha ang ideyang 'yan? Anong matutulong niyan sa usapan natin?"
"Ikaw ang makakasagot niyan. Alamin mo kung anong magic ang puwedeng mag-ayos sa inyong dalawa."
Wala na akong narinig na sagot sa kanya. At ang totoo ay inasahan kong sisinghalan niya na naman ako. Iisipin ko na lang na ang ibig sabihin ng pananahimik niya ay naintindihan niya ang ibig kong sabihin.
Hindi pa rin tapos sa paglalaban sina Bash at Hash. Pareho lang sila na halatang nahihirapan na sa ginagawa nila pero ayaw naman tumigil. Tila parehong naghihintay na sumuko ang isa sa kanila.
"Bakit mo pala naisipang umanib sa kanila?" tanong ko sa katabi ko.
"Wala ka nang pakialam doon."
Sa pagkakataong ito ay lumingon na ako sa kanya. "Talaga bang hindi na kita makakausap ng matino?"
Tumingin din siya sa akin na may salubong na kilay. "Sino bang nagsabi sa 'yong kausapin mo ako?" sigaw niya.
Napabuntong hininga ako dahil hindi ko na matagalan ang ugali niya. Sana nandito si Kesh para siya ang pinaharap ko sa babaeng ito.
"Kung ayaw mong kausapin kita, dapat na rin ba kitang hulihin at pabagsakin gaya ng nangyari sa kasama mo?"
Marahas siyang lumingon sa dalawang naglalaban. Napatayo naman ako dahil doon. Nakadapa si Hash sa sahig habang hawak ni Bash ang kamay niya na nasa likuran nito. Pinipilit niyang kumawala pero mas malakas ang may hawak sa kanya.
"Paanong—" ani Mosh.
Habang nakatingin sa direksyon ng dalawa, kinausap kong muli si Mosh, "Wala ka pa rin bang sasabihin?"
Agad siyang nataranta. "Umanib ako sa kanila kasi sinabi nilang tutulungan nila akong patayin ang kasama mo."
"Anong kapalit?"
"Huh?"
"Anong sinabi nilang kapalit ng pagtulong nila sa 'yo?"
"W-wala. Hindi ko alam."
Sinakal ko siya at isinandal sa pader. Nakiramdam ako kung makakarinig ako ng reklamo mula sa kasama ko, pero mukhang naiintindihan niya naman ang ginagawa ko kaya wala akong narinig mula sa kanya.
"Ah—!" daing ni Mosh. Nagpupumiglas siya sa pananakal ko.
"Sabihin mo sa Rash na 'yan, wala akong maisip na rason para ipapatay niya ako. Pero kung magpapakita siya sa akin at siya mismo ang magsasabi ng atraso ko, hihintayin ko kamo siya."
Pagkatapos kong magsalita ay binitiwan ko rin siya. Hindi ako naawa nang makita ko ang paghawak niya sa kanyang leeg at sa pag-ubo niya ng sunod-sunod. Bayad 'yan sa ginawa niyang pagpapahirap sa akin kanina. Akala yata niya ayos na kami dahil kinakausap ko siya ng normal. Nagtimpi lang talaga ako dahil inisip ko ang mararamdaman ng kasama ko. Pero dahil hindi siya nagsalita, dapat din niyang matikman ang sinapit ng kasama niya.
Lumapit ako kay Bash. "Nagsalita ba?" tanong ko.
"Wala yata 'tong alam na salita kundi 'pakawalan mo ako,' eh," sagot niya. "Tapusin ko na ba?" dugtong pa niya.
"Huwag. Wala pa akong planong tapusin sila. Hayaan nating makapagsumbong sila sa nag-utos sa kanila."
Binitiwan ni Bash ang hawak niyang lalaki. Masama ang tingin sa akin ni Hash nang tumayo siya. Siguro kung ang virtus niya ay may kinalaman sa titig, malamang patay na ako.
Agad niya akong dinuro. "Pagbabayaran mo ng malaki ang ginawa mong 'to!" aniya.
Hindi ako sumagot. Nakipagtitigan lang ako sa kanya hanggang makalampas sa akin at makalapit siya sa kasama niya.
Hanggang sa nakarinig ako ng malutong na sampal. Napapikit ako dahil inaasahan kong sasaktan niya talaga ito.
"Wala kang silbi! 'Diba dapat ididikta mo sa akin ang iniisip niya?! Bakit wala kang ginawa?!" rinig kong sigaw ni Hash.
"Sinabi ko na, 'diba?! Hindi ko na mabasa ang isip niya dahil kaya na niyang harangan ang virtus ko! Kasalanan ko pa rin bang tatanga-tanga ka at naalisan ka ng—"
"Manahimik kang babae ka!" Isang sampal na naman ang narinig ko.
Bumaling ang tingin ko kay Bash. Kitang-kita ko ang pag-aalala sa mukha niya. Kung ako ay nakatalikod sa gawi nilang dalawa, siya naman ay nakaharap at napapanood kung ano ang nangyayari sa likod ko.
"Kung gusto mo siyang tulungan, hindi kita pipigilan," bati ko sa kanya.
Dahan-dahan siyang umiling. "Magagalit lang siya lalo kapag nangialam ako," aniya.
Ngumisi ako. "At kapag hindi ka naman nangialam, iisipin niya pa ring wala kang silbi," sagot ko sa kanya.
"Wala na tayong magagawa, sarado na talaga ang isip niya."
"Hindi pa huli ang lahat, darating din ang oras na pakikinggan niya tayo."
"Paano? Tingin ko nga ay mas galit pa siya sa 'yo kaysa sa akin."
"Abangan mo lang."
Pagkatapos kong magsalita ay ibinaling ko na rin ang tingin ko sa kanilang dalawa. Patuloy silang nagtatalo at nagtatapunan ng sisi sa isa't isa.
"Hindi ko akalain na kaya mong alisin ang virtus ng isang tao," ani Bash.
"Pansamantala lang iyon."
"Ibig sabihin, may balak ka pang ibalik sa kanya 'yon?"
"Siyempre."
"Talaga bang—"
"Hoy, Hash."
Hindi na nakapagsalita pa si Bash nang tawagin ko ang lalaking nakalaban niya.
Agad na lumingon sa akin si Hash. Masama pa rin siya kung makatingin.
"Magagawa kong ibalik ang virtus mo...pero sa isang kondisyon..."
Ang mga salitang iyon ang nagbigay sa kanya ng dahilan para ngumisi sa akin. "Kung kukumbinsihin mo akong umanib sa 'yo, pasensya na dahil kahit kailan ay hindi ako aanib sa taong namahiya sa akin!"
Ngumisi rin ako sa kanya. "Hindi ko rin naman gugustuhin makasama sa grupo ko ang isang mahinang tulad mo," sabi ko.
"Talaga bang—"
"Sige, subukan mong hawakan kahit dulo ng buhok ni Nash. Pahahalikan ko ulit sa 'yo ang sahig."
Sa tulong ng banta ni Bash ay hindi na kumilos muli si Hash. Nanatili siyang nakatayo at nakakuyom ang kamao. Masama pa rin ang naging tingin sa akin.
Muli akong nagsalita, "Gaya ng sabi ko. Ibabalik ko sa 'yo ang virtus mo...sa isang kondisyon."
"Ano bang gusto mo?!" pagalit niyang tanong.
"Level booster. Ibigay mo sa akin ang isang level mo."
Nakita ko ang gulat sa mukha niya nang marinig ang sinabi ko. Kailangan kong ipakita sa kanya na ibabalik ko ang virtus niya, dahil hindi nila puwedeng malaman na hindi ko na magagawang pigilan ang paggamit niya ng virtus kapag nawala na siya sa paningin ko.
Sa ganitong paraan, dalawang puntos ang makukuha ko.
Ilang segundo ang lumipas bago siya nagsalita muli, "Hindi ibig na pagbibigyan kita ngayon ay nangangahulugan nang panalo ka na. Kaya ihanda mo ang sarili mo, dahil babalikan kita...papatayin kita!"
"Sa akin nga lang hindi ka na manalo, lakas pa ng loob mong hamunin—"
Nag-amba si Hash na susuntukin niya si Bash kaya agad ko silang inawat. "Ibigay mo na nang matapos na."
Sumunod naman siya sa akin. "Kapag nakalayo na kayo, saka ko ibabalik ang virtus mo para masigurong tapos na ang araw na ito para sa ating dalawa."
Wala akong narinig na pagtutol mula sa kanya. Kusang bumalik ang virtus niya ng sinabi ko at mabils naman kaming umakayat ni Bash sa level 2 para takasan ang dalawang iyon.