PROLOGUE
"Tumakbo na kayo Ms. Astraea, kami na ang bahala dito!" Rinig kong sigaw ni Garett habang patuloy pa rin ang palitan ng putok ng mga baril.
"Halika na, Rae. Tumakas na tayo." Sambit niya at agad na hinila ang kamay ko. Mabilis kaming tumakbo papalayo subalit nakita kami at agad na kaming hinabol. Hindi namin alam kung saan kami patungo hanggang sa mapadpad kami sa gubat. Hindi kami naglakas loob tumingin sa likod dahil alam namin na katapusan namin kapag naabutan nila kami.
"T-teka, hindi ko na kaya!" Hingal na sambit ko.
"K-konti na lang, hahanap tayo ng pagtataguan." Sagot niya. Bahagya namin binilisan ang pagtakbo at hindi nagtagal ay nakahanap kami ng matataguan.
" h-hindi ko na kaya tumakbo." Bulong ko.
"Shh.. hindi ka mamamatay."
"Pero hindi magtatagal makikita nila tayo."
Agad niyang hinawakan ang kamay ko at hinalikan ako sa noo.
"Ililigaw ko sila palayo sa'yo. Hindi ko hahayaan na makuha ka nila." Halos manlambot ako sa sinambit niya.
"Papatayin ka nila!"
"Shh... babalik ako, pangako. Ang mahalaga ay ligtas ka. Babalikan kita. Tatandaan mo, mahal kita."
"Wag mo akong iwan!" Pagmamakawa ko.
"Babalikan kita, Rae. Pangako." At agad na siyang tumakbo paalis. Nanatili akong nakatago habang nakita kong tumakbo siya palayo at hindi nagtagal ay isang putok ng baril ang umalingawngaw sa paligid. Nagulat ako nang biglang may humablot sa buhok ko at hinila ako palabas. Agad ko siyang tinadyakan at nagpatuloy ako sa pagtakbo hanggang umabot ako sa dulo na isang bangin. Sinubukan kong bumalik subalit napaligiran nila ako
"Hindi." Mahinang sambit ko. Paatras ako ng patras habang sila ay papalapit sa akin. Sa hindi inaasahan sa patuloy kong pag atras, hindi ko nakita na nasa dulo na ang paa ko dahilan para dumausdos ako pababa at biglang nandilim na ang lahat.
"Ivy!" Agad kong minulat ang mga mata ko at nakita ko sila mama at papa sa harapan ko. Hinihingal at pawisan ako nang magising ako.
"Ma, Pa..."
"Nanaginip ka na naman ba ulit?" Tumango naman ako bilang tugon. Hindi ko alam bakit ganun ang paulit ulit kong napapanaginipan.
Panaginip na tila ba'y isang malaking kasagutan.
Kasagutan sa mga tanong na kailan ma'y hindi ko maintindihan.
At sino ang mga taong yun?
Sino si Astraea?
Sino ang lalaking nagligtas sa kanya.
Sino sila sa buhay ko?
Na patuloy akong minumulto.