CHAPTER 20
Natulala na lang ako nang ilapag ni Mon ‘yung isang tray na punung-puno ng mga huhugasang plato, baso at mga kubyertos. Hindi ko pa kasi tapos hugasan ‘yung mga naglalakihang kaldero, kawali’t sandok may nadagdag na naman sa mga huhugasan ko. Hindi ko na nga mabilang kung ilang beses na rin siyang nagpabalik-balik dito. ‘Yung mga hugasin ko parang hindi na ata mauubos. Nananakit na ‘yung likod at balakang ko sa pagkakatayo at nangungulubot na rin ‘yung mga daliri ko sa tagal nang pagkakababad sa tubig at sabon. Sabi ni Mon halos araw-araw ganito raw ang sitwasyon dito sa restaurant ni Brenda. Buong araw walang tigil ang dating ng mga tao, kaya ‘tong mga hugasin ko wala ring tigil ang dating.
May kasama sana akong dishwasher dito; si Rea at Sandy, kaso itong si Brenda sinabihan ‘yung dalawa na hayaan na lang sa ‘kin ang paghuhugas ng pinggan at tumulong na lang sa pag-aasikaso ng mga customers na dumarating. Okay lang naman sa ‘kin na maging dishwasher pero ‘yung bigyan ako ng trabaho na para sa dalawang tao? Pinaparamdam ata talaga niya na galit siya sa ‘kin.
“Huwag ka mag-alala. Last na ‘to. Huling customer na ‘yon,” sabi ni Mon. Napansin niya ata ‘yung reaksyon ko.
“Talaga? Salamat sa Diyos. Malapit nang mamanhid ‘tong mga kamay ko sa kakakuskos ng mga plato.”
“Hindi lang ‘yan ang kukuskusin mo. Pagkatapos ng mga plato ‘yung buong sahig naman.” Nagulat ako. Hindi ko alam na nasa likuran ko na pala si Brenda.
“H-ha? Sahig?”
“Marunong ka naman sigurong maglampaso? Gusto ko pakintabin mo ‘yung sahig ha?” Hindi ko na nagawa pang sumagot dahil tinalikuran na niya ‘ko. Gusto kong magreklamo pero alam ko namang wala akong karapatan. May kontrata kami. Kailangan kong magtrabaho dahil napakalaki ng pagkakautang ko sa kanya. Napabuntong-hininga na lang ako. Mas mabuti na rin ‘tong ganitong trabaho. Nakakapagod pero marangal naman at hindi ako mapapasok sa g**o.
“Tutulungan na lang kita,” sabi ni Mon.
“Hindi na. Sa ‘kin inutos kaya ako lang ang dapat gumawa. Baka mapagalitan ka pa ‘tsaka sisiw lang sa ‘kin ang maglampaso. Kayang-kaya ko ‘yun.”
‘Yun ang akala ko, pero nang matapos kong lampasuhin ‘yung buong first floor parang gusto ko nang humilata sa sahig na pinakintab ko nang todo. Pagod na pagod na talaga ako pero hindi pa ‘ko pwedeng tumigil dahil may second floor pa. Pagkain at pag-ihi nga lang ang pahinga ko at ako na lang mag-isa rito sa loob ng restaurant dahil pinauwi nang maaga ni Brenda ‘yung mga kasama ko.
Nakaupo ako at nakasandal ang ulo ko sa panlampasong hawak ko habang kinakausap ko ‘yung sarili ko. “Pagod na ‘ko. Gusto ko na matulog. Gusto ko na magpahinga.” Maya-maya nag-ring ‘yung phone ko at si Cherry ‘yung tumatawag.
“O, bakit?”
“Bes, nagawa mo na ‘yung assignment?”
“Hindi pa at mukhang hindi na ‘ko makakagawa kaya pakopya na lang ako bukas.”
“Hala! Sa ‘yo nga ako mangongopya eh. Bakit hindi mo pa ginagawa?”
“Kasi pinarusahan ako ni Brenda. Nandito pa ‘ko sa restaurant niya nag-aala-Cinderella.” Habang kausap ko si Cherry, napatingin ako sa malaking salamin na nasa harapan ko at sa sobrang gulat nabitawan ko ‘yung cellphone ko at nalaglag ‘to sa lalagyanan ng tubig nang panlampaso. Nakita ko lang naman sa salamin si Brenda, nakatayo at nakatingin sa ‘kin mula sa salamin. Bigla akong napatayo. Palipat-lipat ‘yung tingin ko kay Brenda at sa cellphone kong nagswi-swimming na sa tubig. “K-kanina ka pa ba d’yan?”
“Kanina pa, para marinig ko lahat ng sinabi mo.”
Wala akong nasabi hanggang sa makapanik siya sa itaas. Sabi sa ‘kin ni Mon, ‘yung buong 3rd floor kwarto raw ni Brenda ‘yon na parang naging bahay na niya dahil minsan doon ito natutulog. Wala raw basta-basta nakakapasok doon, maliban na lang kung ipatawag ka ni Brenda dahil may iniutos.
Natampal ko na lang ‘yung bibig ko dahil may nasabi na naman akong hindi maganda at narinig pa niya. Gusto ko na ring sabunutan ‘yung sarili ko dahil ‘yung cellphone kong mahigit isang taon palang sa ‘kin, nalunod na sa tubig.
“Ang tagal pa naman kitang pinag-ipunan. Bakit ka naman nag-swimming? Sa may sabon pa,” sabi ko habang nakaluhod at pinupunasan ‘yung cellphone ko gamit ‘yung suot kong apron na hindi ko na nagawang hubarin pagkatapos kong maghugas ng mga pinggan.
“Ayusin mo na ‘yan. Uuwi na tayo.” Dumaan sa gilid ko si Brenda. Napansin kong may hawak siyang folder. ‘Yun siguro ‘yung binalikan niya rito.
“Pero hindi pa ‘ko tapos,” sagot ko habang patayo ako at siya naman nakalagpas na sa ‘kin.
Huminto siya sa paglalakad at nagsalita, “Ayokong inuulit ‘yung sinasabi ko Alex. Once na inutos ko, susundin mo agad,” masungit niyang sabi pagkatapos naglakad na uli siya palabas ng restaurant. Ako naman nagmamadaling binitbit ‘yung lampaso pabalik ng kusina. Hindi ko alam, pero nakaramdam ako ng kaba. Ano kayang tumatakbo sa isip niya? May panibago kaya siyang ipapagawa sa ‘kin? Uuwi na ba talaga kami?
Katulad kaninang umaga, tahimik na naman kami buong byahe at ako na naman ang naunang magsalita.
“Salamat.” No reaction. Tahimik pa rin siya. “Tsaka sorry… sa mga nasabi ko.” Wala pa rin akong nakuhang sagot sa kanya. Ano bang dapat kong gawin? Kailangan ko pa ba siyang suyuin?