CHAPTER 19
Inumaga na ‘ko, pero gising na gising pa rin ‘yung diwa ko. Ramdam na ramdam ko ‘yung bigat ng ulo ko sa ‘di pagtulog nang buong magdamag. Pinilit ko namang makatulog pero kahit ginawa ko na lahat ng naisip kong pwede gawin para dalawin ako ng antok, hindi gumana. Nang wala na talaga akong magawa naisip ko nang bumangon nang madaling-araw para magtimpla ng gatas, pero napaurong ako nang makita ko si Brenda sa may sala. Madaraanan pa naman ‘yung sala bago ka makarating sa kusina. Kaya ayun bumalik na lang ako sa kwarto ko at nagpaikot-ikot sa kama habang binubulabog ako ng konsensya ko nang dahil sa mga nasabi ko kay Brenda. Nang makita ko pa naman siya, umiinom siya ng alak. Pakiramdam ko ako at ‘yung matabil kong dila ang dahilan. Hindi ko naman sinasadya ‘yung mga nasabi ko. Dala lang ng inis ko sa kanya at nawala lang talaga sa isip ko na patay na ‘yung Mommy niya. Tao lang naman ako. Nagkakamali. Nakalilimot.
Unti-unting bumibigat na ‘yung mga mata ko at napapapikit na ‘ko nang mapatingin ako sa orasan na nakapatong sa lamesita sa gilid ng kama. Ala-siete na pala ng umaga.
Ala-siete na!?
Napabalikwas ako nang bangon kasi mala-late na ‘ko sa klase ko. Terror pa naman ‘yung professor namin! Nagmamadali akong naligo, nagsipilyo at nagbihis. Hindi ko na nagawa pang magsuklay ng buhok at pinadaanan ko na lang ng mga daliri ko. Sa school ko na lang aayusin ‘yung buhok ko at kay Cherry na lang ako hihiram ng suklay. Kumpleto naman ‘yung mga gamit na pampaarte niya.
“Ma’am, nakahanda na po ‘yung breakfast. Pinapatawag na po kayo ng Mommy niyo,” sabi sa ‘kin ng matabang babaeng kasambahay ni Brenda na nakasuot ng uniform na color yellow and white. Kung tama ang pagkakatanda ko Josie ang pangalan niya.
“Salamat ate!” sigaw ko habang tumatakbo. Salamat sa kanya alam ko na agad kung saan ko pupuntahan si Nanay. Didiretso na ako sa kusina.
“Hindi ka na kakain?” tanong ni Nanay pagkatapos kong humalik at magpaalam sa kanya.
“Hindi na po. Late na po ako.”
“Ihahatid na kita,” seryosong sabi ni Brenda.
“H-hindi na,” sagot ko habang nakatingin sa kawalan. Hindi ko magawang tignan siya nang diretso.
“Alis na po kami.” Bigla na lang siyang tumayo at nagpaalam kay Nanay. Hindi ba niya ‘ko narinig? Sabi ko nga ‘di ba, hindi na. Halata namang galit pa rin siya sa ‘kin. Ang seryoso niya. Nakakapanibago siya. Kung hindi siya galit malamang nakikipag-asaran na siya sa ‘kin ngayon. “Ano pang tinatayo-tayo mo diyan? Late ka na ‘di ba?” sabi niya sabay alis. Ako naman nagmamadaling sumunod sa kanya. Hindi ko alam kung sasakay ba ‘ko sa kotse niya o dirediretso na lang akong lalabas at aalis na kunwaring hindi ko narinig ‘yung sinabi niya.
Nakatingin ako sa malapad na likod ni Brenda. Palapit na kami sa kotse. Sasakay ba ako o hindi? Napailing ako. Hindi na lang. Mabilis akong naglakad at nilagpasan ko si Brenda. Tanaw ko na ang gate pero malayo pa ito sa ‘kin. Bakit ba kasi ang laki nitong bahay niya? Ang layo ng gate nila. Samantalang ‘yung sa ‘min, pagpasok ng gate, ilang hakbang lang nasa loob ka na ng bahay namin. “Ang sabi ko, ihahatid kita,” ang diin ng pagkakasabi niya kaya napahinto ako sa paglalakad ko. Galit talaga siya sa ‘kin. Itong ikinikilos niya ngayon, itong trato niya, parusa niya ata sa ‘kin. Ang hirap kaya. Nakakailang. Dahan-dahan akong lumingon at nagkatinginan kami. “Pagkatapos kitang ihatid may business meeting pa ako. Alex, marami akong ginagawa. I’m a busy person, so please, don’t waste my time.” Halos patakbo akong sumakay sa kotse niya. Si Brenda ba talaga siya? Parang ibang tao.
Habang nasa byahe tahimik lang si Brenda. Nakakailang, kaya ako na ‘yung naunang magsalita.
“Uhm, ano. A-anong oras ‘yung meeting mo?”
“Eight thirty.”
“Ah okay… Sinong ka-meeting mo?”
“A friend.” Sumasagot siya pero diretso lang siyang nakatingin sa kalsada. Kahit saglit na sulyap man lang sa ‘kin kapag sasagot siya wala, kaya hindi na ako nagsalita pa uli. Halata namang ayaw niya akong kausapin. “After class pumunta ka sa restaurant ko. I’ll text you the address,” sabi niya habang nakahinto kami sa may stoplight.
“B-bakit?”
Tinignan niya ko nang seryoso. “May kontrata tayo ‘di ba? Magtratrabaho ka sa ‘kin.”
Oo nga pala, malaki ang pagkakautang namin sa kanya. Hindi porke nakatira kami sa mansyon niya, magbubuhay mayaman na rin ako. Bawat sentimong inilalabas niya sa ‘min kailangan kong bayaran. “Okay, darating ako. Kahit anong iutos mo, gagawin ko,” patango-tango kong sagot sa kanya.
Hindi na siya muling nagsalita pa hanggang sa makarating kami sa school ko. Sakto pagdating namin, siya namang pagbaba ng jeep ni Cherry at nakita niya agad ‘yung sasakyan ni Brenda kaya nagmamadaling tumakbo palapit sa ‘min.
“Salamat sa paghatid,” mabilis at halos ibulong ko na lang ‘yung sinabi ko. Hindi ko rin siya tinignan nang magsalita ako at nagmamadali ako bumaba ng kotse bago pa makarating si Cherry sa ‘min.
Pero may sa kabayo ata ‘tong si Cherry. Ang bilis. Pagkababa ko ng kotse, nasa tabi ko na agad. “Hi Beshies!”
“Tara na,” bulong ko at hinawakan ko agad sa braso si Cherry para hatakin.
“Ang aga pa Bes.”
“Anong maaga? Late na tayo.”
Tumingin si Cherry sa relo niya. “May isang oras pa tayo,” sabi niya sabay dungaw sa bintana ng kotse ni Brenda. “Beshy, breakfast muna tayo,” yaya niya kay Brenda.
“Next time na lang. May meeting kasi ako,” nakangiting sagot ni Brenda.
“Okay! Sige next time na lang Beshy.”
“Bye Cherry.”
“Bye!” Hinatak ko na papasok ng school si Cherry kahit kinakawayan pa rin niya ang palayong kotse ni Brenda. “Bes.”
“Bakit?”
“War kayo?”
“Bakit?”
“Sa ‘kin lang siya nagba-bye, ‘tsaka tinawag niya ‘kong Cherry.”
“Ano ngayon? ‘Di ko naman kailangan ‘yung ba-bye niya ‘tsaka Cherry naman talaga pangalan mo. Bakit nagpalit ka na ba ng pangalan?”
“Oo, Strawberry na ‘ko ngayon.”
“‘Wag mo nga akong pinipilosopo Che. Ngayon pang wala pa akong tulog, tapos late pa tayo.”
“Kanina ka pa sabi nang sabi ng late eh ang aga-aga pa.”
“Thursday ngayon ‘di ba? Klase natin kay Mr. Corpu--.” Napatigil ako nang makita kong walang tao sa loob ng classroom namin. “Nasaan sila?” Nilingon ko si Cherry.
“Wednesday palang po ngayon. Bukas pa klase natin kay Mr. Corpuz.” Kinatok ni Cherry ‘yung noo ko. “Tulog ka pa ata.”
“Wala nga akong tulog.” Naglakad ako papasok ng classroom, naupo at dumukdok sa armrest ng upuan. Wala naman atang magkaklase kaya matutulog na muna ‘ko.
“At bakit wala?” Naupo si Cherry sa tabi ko.
“Wala. Namahay lang ako.”
“Sus! ‘Yung totoo?” Inilapit ni Cherry ‘yung mukha niya sa gilid ng mukha ko. “Nag-away kayo ‘no?” Hindi ako sumagot. “Naks. LQ sila. Level up ang relationship.”
“Tigilan mo ‘ko Che.”
“Bakit kayo nag-away? Ikaw may kasalanan ‘no? Alam mo Bes, grabe ka na kay Brenda. Ang bait nung tao sa ‘yo pero ‘yung sinusukli mo, puro pagsusungit. Malala ka pa sa bagong panganak na pusa namin. Tapos tignan mo, magka-away na kayo pero hinatid ka pa rin dito sa school.”
Grabe naman ‘tong si Cherry. Halos lamunin na ‘ko ng konsensya ko. Iniangat ko ‘yung ulo ko at umayos ako ng upo. “Oo na. Ako na may kasalanan, pero siya kasi eh. Ang kulit niya. May nasabi tuloy akong ‘di maganda.”
“Eh ‘di sana nag-sorry ka.”
“Ayoko nga. Hindi ko naman masasabi ‘yun kung ‘di niya ‘ko kinulit. ‘Tsaka mas okay na ‘to kesa bumalik siya sa dati na maingay, makulit at nakakairita.”
“Sure ka, mas gusto mo na ganon siya?”
“Oo.”
“Okay.” Nagkibit-balikat si Cherry. “Sana makatagal ka Bes.” Ano’ng ibig niyang sabihin?