CHAPTER 10

1744 Words
CHAPTER 10 “Tara Che, labas tayo ng school. Parang gusto ko ng ice cream. Pantanggal bwisit,” yaya ko sa kanya habang naglalakad kami sa may halllway. Balak sana namin pumunta ng canteen para kumain, kaso nagbago isip ko, parang gusto ko ng ice cream. Kaninang umaga pa ‘ko naiinis. Kailangan  ko ata ng pampalamig ng ulo. “Bakit ba ang init ng ulo mo Bes? Pati ako dinadamay mo d’yan sa  pagka-badtrip mo. Tapos ngayon bigla ka magyayaya mag-ice cream, samantalang sabi mo kanina gutom ka. Ang moody mo ha.  Ang g**o-g**o ng utak mo.” dirediretsong sabi ni Cherry habang naglalakad kasabay ko at tingin nang tingin sa salamin na hawak niya at ayos nang ayos ng buhok niya. Bagong gupit kasi at nagpalagay pa ng bangs, kaso parang ‘di naman daw bagay sa kanya.  “Naiirita kasi ko d’yan sa bangs mo. Gusto mo sagarin ko na ang gupit nang wala ka nang hinahawi? May gunting ako rito,” inis na sabi ko sa kanya, habang kunwaring kukunin ko ‘yung gunting sa bag ko. Bigla tuloy siyang napahawak sa bangs niya at napalayo sa ‘kin. “Ang sama mo Bes," reklamo niya. “At alam mo Che, kung nagsasalita ‘yang salamin, malamang kanina pa ‘yan nagrereklamo sa pagkaumay d’yan sa mukha mo. Kahit naman kasi ilang beses mo titigan ‘yang bangs mo, ‘di ‘yan hahaba. Dami kasing arte, may pabangs-bangs pang nalalaman.”  “Nasasaktan na ‘ko sa mga sinasabi mo Bes ha! Sungit-sungit mo! Buntis ka ba?!” “Isa pa ‘yang tanong mo, nakakainis.” “Bakit ba? Buntis ka ba? Nakabuo ba kayo ni Brenda?!” “Tigil-tigilan mo nga ‘yang sinasabi mo Che, lalo akong nabwibwisit!” Naalala ko pa ‘yung panaginip ko kanina. Sa panaginip ko ikakasal daw kami ni Brenda. Ako ‘yung groom na nag-aabang sa altar habang siya naman ‘yung bride na naglalakad palapit sa ‘kin habang nakasuot ng puting gown. Parang hanggang ngayon nga naririnig ko pa rin ‘yung wedding song. Leche! Pero ang pinaka nakakabwisit, sa panaginip ko buntis si Brenda! Kitang-kita ko ‘yung bukol sa tiyan niya sa hapit na suot gown niya. Tapos habang palapit siya sa ‘kin paulit-ulit niyang sinasabi ‘yung panagutan mo ‘ko. Grabeng bangungot ‘di ba?! Buti na lang nagising pa ‘ko. “Siguro nga buntis ka Bes.” Hinawakan pa niya ‘yung tiyan ko. “Hindi ako buntis! Nagkaroon na nga  ako kahapon. Buti na lang at mahal pa rin ako  ni Lord.” Laking pasasalamat  ko talaga dahil kung may nabuo, ‘di ko alam kung ano’ng gagawin ko. Ako na isang tomboy nabuntis ni Brenda na isang bakla. Ano kayang kalalabasan ng anak namin? At sinong tatawagin niyang mama, ako o si Brenda? At isipin ko pa lang na makikisama ako sa baklang ‘yun, kinikilabutan na ‘ko. “Ay nagkaroon ka? Akala ko pa naman magiging ninang na ako.” Parang nanghihinayang pa si Cherry. Pitikin ko nga. “Aray!” sigaw niya habang nakahawak sa noo niya. “Katiting na nga lang ‘yung utak ko, inaalog mo pa!” Dahil sa sinabi at sa itsura ni Cherry, natawa tuloy ako. Mukhang napalakas ata  ‘yung pitik ko. Nasa kalagitnaan ako ng pagtawa habang si Cherry ang sama ng tingin sa ‘kin, nang may marinig akong tumatawag sa pangalan ko. “Alex, Honey..” teka, nananaginip pa rin ba ‘ko? Bakit parang naririnig ko ata si Brenda? “Honey… Alex honey.” Sabay pa kaming napatingin ni Cherry kung saan galing ‘yung boses. Napasapo tuloy ako bigla sa noo ko. Habang si Cherry tuwang-tuwa na lumapit kay Brenda at bago pa nga niya ko iwan may sinabi pa sa ‘kin. “Bleh! May kakampi na ako.” “Beshy!” sigaw ni Cherry. “Hi Beshy!” sagot naman ni Brenda at nagbeso pa silang dalawa. Napailing na lang ako. “Hi Honey..” Malandi siyang lumapit sa ‘kin. Akmang bebeso rin, pero bago pa niya mailapit ‘yung mukha niya sa ‘kin inakmaan ko na siya ng kamao ko. “Gusto mong humalik dito?”  banta ko sa kanya. “Hmp! Suplado,” nakanguso niyang sabi. “Hay naku Beshy, kanina pa nga ‘yang Honey mo na ang sungit-sungit. ‘Di ko alam kung bakit. Akala ko nga buntis.” “Che!” saway ko at pinandilatan ko pa siya ng mata. “Beshy, hindi si Honey ang preggy dahil ako ang preggy,” sabay tawa nang sobrang arte at kinikilig. May sayad ata talaga ‘tong baklang ‘to. Tapos ito namang si Cherry sinakyan at sumang-ayon pa. Napailing na lang ako dahil pareho sila ng takbo ng utak. At bago pa ‘ko mahawa sa kanila o bago pa malusaw ang utak ko nang dahil sa kanila, iniwan ko na sila at nauna na ‘kong naglakad palabas ng school. Kailangan ko talaga ng ice cream! Habang nasa ice cream parlor kami na malapit sa school, kain lang ako nang kain ng ice cream. ‘Yung limang scoop ng ice cream ang inorder ko at iba’t-ibang flavors pa. May vanilla, chocolate, coffee, strawberry at lychee. “Honey why so init ba your head?” tanong ni Brenda sa ‘kin. Tinignan ko lang siya sabay subo ulit ng ice cream. “Ahh.. I know na.. Siguro disappointed ka Honey kasi walang nabuong baby. Don’t worry Honey, we can try naman ulit,” hinawakan pa niya ‘ko sa kamay na tinanggal ko naman agad ‘tsaka ko siya sinamaan ng tingin.  Si Cherry naman tawa nang tawa. “Oo nga, Bes. Try na lang ulit,” gatong pa niya. “Gusto niyong hindi ice cream ang dumaan d’yan sa mga lalamunan niyo kundi kutsara?! Ito mismong kutsara ko?” dinuro ko ‘yung kutsara sa kanila. Lalo na kay Brenda dahil siya ‘yung katabi ko. Si Cherry nagpipigil ng tawa habang si Brenda, hinawakan ‘yung kamay ko na may hawak na kutsara saka ibinaba. “Honey.. You’re so violent ha,” umiling-iling pa siya. “Ewan ko sa ‘yo! Violent, violent. Miss isa pa ngang ice cream!” Kailangan ko atang maka-isang gallon bago mawala init ng ulo ko. Dahil may klase pa kami ni Cherry, bumalik na kami  ng school pagkatapos kumain habang si Brenda naman umalis na dahil may aasikasuhin daw siya sa restaurant tapos deretso sa bahay namin. Ayos  ‘di ba? Feeling niya ata bahay na rin niya ‘yung bahay namin. Alas-singko na at habang nasa klase ‘ko, hindi ako mapakali at hindi ko alam kung bakit. Ninenerbyos talaga ako at hindi ko alam kung anong dahilan. Pakiramdam ko tuloy may mangyayaring masama o baka nga may nangyari nang masama. Kaya kahit nasa harapan ‘yung professor namin at may dini-discuss siya na hindi ko na maintindihan, kinuha ko ‘yung cellphone ko sa bag. Naka-silent ‘yung phone ko kaya hindi ko napansin na nakailang text at missed call na pala si Brenda sa ‘kin. Binasa ko ‘yung isang text niya at nanlamig ako sa nabasa ko. Nasa ospital daw siya dahil dinala niya si Nanay sa ospital. Bigla na lang daw kasi nawalan ng malay kanina. Binigay niya pa ‘yung address ng ospital at pinapupunta ako agad. Kahit hindi pa tapos ‘yung klase ko nagpaalam na ‘ko sa professor at sinabi ko na may emergency. Buti na lang pinayagan ako. Tinext ko rin si Cherry para alam niya kung bakit umuwi ako nang maaga at kung nasaan ako. Pagdating ko sa ospital dinatnan kong nasa labas ng operating room si Brenda. Mas lalo akong kinabahan. Ano’ng ginagawa ni  Nanay sa loob ng operating room? Akala ko ba hinimatay lang siya? Kung ano-ano na tuloy ‘yung naisip ko. Masama ba ‘yung bagsak niya? Tumama ba ‘yung ulo niya sa bato? May pumutok bang ugat sa ulo? “Brenda, ano’ng nangyayari? Si Nanay?” umiiyak na ‘ko nang tanungin ko siya. “Nasa loob pa siya. I hope maging okay ‘yung operation.” “Anong operation?! Bakit kailangan operahan si Nanay? Saan? Anong sakit niya?! Ano ba talagang nangyari?!” sunod-sunod na tanong ko. Wala naman akong alam na sakit ni Nanay. Iyak ako nang iyak, kaya inalalayan ako ni Brenda para makaupo ako, saka niya sinagot ‘yung mga tanong ko. Hindi raw niya agad sinabi sa text, dahil nag-alala siya sa ‘kin. Sabi raw ng mga nakakita kanina, patawid lang daw si Nanay nang biglang mabundol siya. Ang bilis daw ng takbo ng kotse at hindi man lang hinintuan si Nanay para tulungan. Wala ring nakakuha ng plate number kaya hindi alam kung sino’ng papanagutin sa nangyari. Wala pa namang cctv sa lugar nang pinangyarihan. Papunta raw sa ‘min si Brenda nang madaanan niya ‘yung kumpulan ng mga tao pati na rin ‘yung nakahintong ambulansya. At nang makita niya kung sino ‘yung ipinapasok sa loob ng ambulansya nagpakilala siya agad na kamag-anak at sumunod na lang siya rito sa ospital. Iyak lang ako nang iyak habang sinasabi niya ‘yun sa ‘kin. Napatanong tuloy ako kung bakit sa dinami-dami ng tao, si Nanay pa. Bakit ba kasi may mga taong walang pakialam sa kapwa nila? Ang sama ng ugali. Nakabundol na nga tinakbuhan pa. “Huwag kang mag-alala magiging okay si Mommy. Magagaling ang mga doktor dito.” Pero kahit ano pa ang sabihin ni Brenda hindi pa rin mawala ‘yung takot at pag- alala ko. Si Nanay na lang ang pamilya ko. Hindi ko kaya kung mawawala siya. Maya-maya dumating na rin si Cherry, kaya tatlo na kaming naghihintay sa labas ng operating room. At dahil hindi pa rin ako mapakali dahil ilang oras na si Nanay sa loob ng operating room nagpunta na ‘ko sa chapel para magdasal. Lahat na ata ng santo natawag ko na, maligtas lang si Nanay. Pagbalik ko sakto naman may lumabas nang doktor. Successful daw ang operation, pero kailangan pa ring obserbahan si Nanay. Ligtas na si Nanay ngayon, ang sunod ko namang problema ay kung anong ibabayad ko rito sa ospital dahil wala kaming pera.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD