CHAPTER 11

1987 Words
CHAPTER 11 Dahan-dahan akong naglakad papasok ng kwarto ni Nanay. Dahan-dahan akong naglakad palapit sa kanya, habang pinupunasan ko ‘yung luha ko. Malayo pa ‘ko sa kanya pero kita ko na ‘yung ayos niya, na kahit sa panaginip ‘di ko pinangarap makita. May benda sa ulo niya at ang dami niyang mga galos, sugat at mga pasa. ‘Yung kaliwang braso niya may cast at ganoon din sa kanang binti niya. May mga nabaling buto daw kay Nanay na kinailangang pagdugtungin pa ng metal plates. Kahit tinitigan ko lang si Nanay, parang nararamdaman ko ‘yung sakit. Buti nakuha ko pang lumapit sa kama niya. Ang hirap kasi tignan ng ayos niya. Hindi ko rin alam kung saan o paano siya hahawakan. Natatakot kasi ako na masaktan siya o baka lumala ‘yung lagay niya sa simpleng hawak ko lang. Marahan ko na lang hinaplos ‘yung pisngi niya, sa parteng walang galos o sugat. Habang pinagmamasdan ko si Nanay, tahimik lang akong umiiyak. “Tahan na Bes,” sabi ni Cherry habang nakatayo sa tabi ko. Tinignan ko naman siya sabay punas uli sa luha ko. “Che, uuwi muna ‘ko para kumuha ng gamit. Pwede bang dito ka muna? Pakibantayan si Nanay.” Mukha kasing ‘di pa ‘ko makakapasok sa school dahil babantayan ko si Nanay, kaya kukuha na ‘ko ng marami-raming damit para ‘di ko na kailanganin umuwi sa bahay araw-araw. “Samahan na kita. Sa itsura mo ngayon, nag-aalala ako na pati ikaw madisgrasya paglabas nitong ospital. Nandito naman si Brenda. Pwedeng siya muna magbantay kay Tita.” “Oo nga Honey. Ako na ang bahalang magbantay kay Mommy.” Kung normal na araw lang ‘to, siguro nakasinghal na naman ako kay Brenda, pero wala akong panahon mainis at aaminin ko na malaking tulong siya sa ‘kin. Sa ‘min. “Okay, salamat,” tipid na sagot  ko sa kanya at saka ‘ko naglakad palabas ng kwarto. Habang nakasakay kami sa jeep ni Cherry, tahimik lang akong nakaupo at nakatingin sa labas. Iniisip ko si Nanay at kung saang palad ng Diyos ako kukuha ng pambayad sa ospital. ‘Yung operasyon pa lang ang laki na ng bayad, may  doctor’s fee pa, gamot at ‘yung bayad sa kwarto araw-araw at hindi ko pa alam kung ilang araw tatagal si Nanay sa ospital.  “Che, saan kaya ako kukuha ng pambayad?” tanong ko kay Cherry habang naglalakad na kami papunta sa bahay namin. “Bes, hindi ko rin alam. Alam mo naman ‘di rin kami mayaman, pero may konti naman akong ipon, maipapahiram ko ‘yon sa ‘yo o kaya kay Brenda ka humiram muna. Sigurado ako tutulungan ka niya.” “Ayokong humiram ng pera sa kanya. Magiging malaking utang na loob ko ‘yun sa kanya. Gagawa ako ng paraan pero hinding-hindi ako hihiram ng pera kay Brenda. Baka ‘pag humiram ako sa kanya ng pera humingi pa ng kapalit ‘yun.” “Hindi naman siguro.” “Mabuti nang sigurado. Basta gagawa ako ng paraan. Kung kailangan ko huminto muna sa pag-aaral gagawin ko.” Habang naglalakad kami may biglang tumawag sa ‘kin. Si Crista pala. Kapitbahay naming GRO sa isang bar. Napatingin ako sa kanya at medyo napataas ang kilay ko sa suot niya. Sobrang igsi kasi ng palda niya tapos naka-spaghetti strap pa siya. Ang laki pa naman ng hinaharap niya na akala mo p***t ng bata. “Hoy Alex, nabalitaan ko nangyari sa nanay mo. Kumusta na siya?” “Eh ikaw Crista, kumusta naman ang suot mo? ‘Di ka ba giniginaw?” singit ni Cherry sa ‘min. Inis kasi si Cherry kay Crista dahil ‘yung childhood crush niyang si Mike, si Crista ang niligawan at girlfriend na ngayon. Ewan ko ba kay Cherry, ‘di makamove-on.  May itsura nga si Mike, pero tambay naman . Wala naman siyang magiging kinabukasan kung maging sila man. Inirapan lang ni Crista si Cherry tapos tinanong ulit ako kung kumusta na si Nanay. “Ligtas na si Nanay sa ngayon, pero oobserbahan pa. Tapos namromroblema ako ngayon sa pambayad sa ospital,” sagot ko naman sa kanya. “Tamang-tama pala. Kakaalis lang nung isang waitress doon sa pinagtratrabahuhan ko. Baka gusto mong mag-apply. Maganda ka naman kaya konting ayos lang ang kailangan mo. Tingin ko papasa ka sa manager ko.” “Oy!  Oy! Crista, huwag mo ngang mayaya-yaya ‘tong bestfriend ko d’yan sa trabaho mo. Disenteng babae ‘tong kaibigan  ko,” nakapamewang pang gumitna sa ‘min ni Crista si Cherry. “Maka-react ka naman. Nanay ka niya? ‘Tsaka akala mo naman ibinibugaw ko ‘tong kaibigan mo. Waitress ang sabi ko. Ipapasok ko siyang waitress. Hindi ka naman siguro tanga at alam mo kung anong trabaho ng isang waitress,” mataray na sagot ni Crista. “Alam ko kung ano ang waitress pero sa lugar ng trabaho mo, ‘di bagay ‘tong bestfriend ko!” “Grabe makalait, ang linis mo ah!” “Ay malinis talaga ako! Dalawang beses ata akong maligo sa isang araw, tatlong beses akong mag-toothbrush may kasama pang dental floss. Mamahalin din ang deodorant at lotion ko! Imported!” Nakapamewang pa rin si Cherry habang sinasabi ‘yun kay Crista. Nakataas pa ang ulo at isang kilay niya. “Ikaw na ‘te! Ikaw na mayaman, pero mas maganda ako sa’ ‘yo dahil ako ang girlfriend ni Mike at hindi ikaw!” Mukhang nagkakainitan na silang dalawa at ‘yung kilay ni Cherry biglang nagsalubong nang marinig ‘yung pangalan ni Mike kaya bago pa sila magsabunutan, hinila ko na palayo si Cherry kay Crista at nagpaalam na ‘ko. Humingi na rin ako ng pasesnya kay Crista sa inasal ni Cherry. “Bakit ikaw pa nag-sorry doon sa babaeng haliparot na ‘yon?!” naiinis na sabi ni Cherry sa ‘kin. “Kasi naman Che, may inaalok lang naman siyang trabaho, tapos nilait-lait mo na ‘yung tao.” “Totoo naman ‘yung sinabi ko. Kahit ba waitress ang maging trabaho mo doon; ‘yung lugar Bes, alam mo naman siguro kung anong nangyayari sa loob ng bar na ‘yon.” “Alam ko naman pero hindi mo dapat ginanun si Crista. Gusto lang naman makatulong nung tao.” “Kinakampihan mo pa siya ganon? Naku Bes huwag ko lang malaman na naiisip mong tanggapin ‘yung trabahong inaalok niya. Hindi ako bayolenteng tao pero, mababatukan kita.” “Paano nga kung tanggapin ko ‘yung trabaho? Walang masama sa pagiging waitress sa isang bar. Hindi ko naman gagayahin ‘yung iba na katawan ang binebenta. ‘Tsaka kung iisipin mo Che, okay ‘yung trabahong inaalok niya kasi sa gabi ‘yung trabaho. Hindi magiging sagabal sa pagpasok ko sa school, at baka mas malaki ang sahod dahil panggabi siya. At saka Che, kaya ko naman protektahan ang sarili ko. Lalaki ata ako.” “Gaga! Pusong lalaki ka lang pero babae ka pa rin, kaya hindi! Hindi kita papayagan. Subukan mo lang ituloy ‘yang iniisip mo, isusumbong kita kay Brenda!” “Bakit nasama na naman si Brenda rito? Bakit kaano-ano ko ba ‘yung baklang ‘yun? ‘Tsaka ‘yung baklang ‘yun pa nga naka-una sa ano ko, sa kanya ka pa talaga magsusumbong.” “Pareho niyo namang ginusto ‘yung nangyari. Basta! Hindi ako papayag na doon ka magtrabaho. Period!” “Kahit umayaw ka Che, ako pa rin naman ang masusunod.” “Ang tigas ng ulo mo Alex.” “Para kay Nanay, lahat gagawin ko.” Ako pa rin ang nanalo sa usapan namin ni Cherry, dahil kahit anong kontra niya sa desisyon ko, ako pa rin naman talaga ang masusunod. Kinabukasan nga kinausap ko agad si Crista, at ipinakilala niya ‘ko sa manager ng bar. Nagdalawang-isip ‘yung manager na tanggapin ako kasi lakad siga raw ako, tapos ‘yung porma ko pa naka-polo, nakamaong pants at rubber shoes, at ‘yung buhok ko pa gupit lalaki. Matinding pakiusap ang ginawa ko sa manager. Hindi ako umalis hanggang hindi ko siya napapapayag. Sinabi ko pa na willing akong magmake-up at mag-ayos babae basta tanggapin lang ako. Kaya ayun napapayag ko din at pinag-umpisa pa ‘ko agad sa trabaho. **** Isang linggo na rin ako sa trabaho ko bilang waitress sa bar. Noong umpisa naaasiwa ako sa suot ko. Lahat kasi kaming waitress pare-pareho ng suot; sleeveless na kulay pula at sobrang igsing maong na palda. Sa sobrang igsi nga lumalabas ‘yung cycling shorts na suot ko. Gabi-gabi rin akong inaayusan ng mga kasama ko. Hindi naman kasi ako sanay magmake-up. Aliw na aliw nga sila sa ‘kin kasi ang ganda ko raw na tomboy. “Limang beer, tokwa’t baboy at pork sisig. ‘Yun lang po ba sir ang order niyo?” nasa table 3  ako at kinukuha ko ang order nitong mamang mukhang pinaglihi sa sama ng loob at mukhang ‘di kilala ‘yung salitang ligo. Tinatangay ng hangin papunta sa ilong ko ‘yung amoy niya na pilit itinatago ng ipinaligo niyang pabango. Nakakahilo. “May isa pa sana akong order,” ang lagkit ng tingin niya sa ‘kin. Kinikilabutan ako. “Ano po ‘yun sir?” patay-malisyang tanong ko. ‘Di ko na lang pinansin ‘yung mahalay niyang tingin. Tingin lang naman ‘yun, hindi naman niya ‘ko mahahawakan. “Ikaw miss, pwede ba kitang orderin?” kinindatan pa niya ‘ko sabay ngiti nang malapad. Muntik nang bumaligtad ang sikmura ko sa itsura niya. Naninilaw ang naglalakihan niyang mga ngipin na may nakasingit pang tinga ng kinain niya kanina. Sarap niyang sabihan ng, kuya uso magsipilyo. “Kung wala na po kayong oorderin pang iba, aalis na  po ‘ko, sir.” Pinipigilan ko lang ‘yung sarili ko at kalmado ko pa rin siyang kinausap kahit na ang sarap niyang bigwasan. Subukan daw bang hawakan ako sa hita, buti na lang ang bilis ng mata ko at nakita ko kaagad ‘yung kamay niya kaya nakaiwas ako. “Miss, masyado ka naman atang nagmamadali.” “Marami pa ho kasi akong trabaho sir. May iba pa pong customer, hindi lang po kayo. Kaya kung mamarapatin niyo po eh aalis na ‘ko, nang maasikaso ko na rin ‘yung  order niyo.” “Ang ganda mo kasi Miss. Ang sarap mong pagmasdan. Halika dito sa tabi ko,” sabi niya at tinapik pa ‘yung upuan. “O baka gusto mo rito sa kandungan ko?” Nakangisi niyang sabi habang ‘yung ibabaw ng hita naman niya ang tinapik-tapik niya. Nag-iinit na talaga tuktok ko sa kanya. Isa pang hirit mula sa kanya at baka maitusok ko ‘yung ballpen na hawak ko sa mata niya. “Alex, ang tagal mo naman d’yan,” bulong sa ‘kin ni Rina, habang may bitbit siyang tray na may lamang pagkain. Isa rin  siyang waitress dito sa bar. “Ito kasing mamang ‘to ang kulit,” bulong ko pabalik sa kanya. “Ganun ba. Wait lang, ako bahala,” tapos kinindatan niya ‘ko sabay alis. Sinundan ko lang siya ng tingin habang itong si manong sa table 3 eh kung ano-anong pambobola ang sinasabi sa ‘kin. Huwag daw muna akong umalis kasi iniisip pa niya kung ano-ano pang gusto niyang orderin. “Alex! Table no. 9!” narinig kong sigaw ni Rina. “Ayan sir, narinig niyo po ha, tinatawag na ‘ko. Kung may oorderin pa po kayo, magsabi lang kayo. Maraming pwedeng kumuha ng order niyo, okay?” Wala nang nagawa si kuya kaya naglakad na ‘ko papuntang table 9 at nagulat ako nang makita ko doon si Brenda na may katabing dalawang babae.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD