SNOOPY was playing the piano with all her heart. She was surprised by the soft and sweet music that filled the room. Minsan naniniwala na siyang may talento talaga siya sa pagtugtog niyon dahil sigurado siyang walang makakahalata na halos ilang buwan lang niya pinag-aralan ang pagpa-piano. Nag-hire siya ng tutor at araw-araw ang puspusan niyang pag-eensayo.
Bahagya niyang iminulat ang mga mata upang silipin ang kanyang audience. Almost everyone in the restaurant was in awe of her. Of course, she felt proud of herself. Pero nang mga sandaling iyon ay isang tao lang ang nais niyang pahangain—si Click.
Dumako ang tingin niya kay Clinton Derrick "Click" Clemente. He was twenty-one years old. He was a Civil Engineering student and he was the guy she liked very much. Nakilala niya ito nang magkaroon ng munting pakulo ang kolehiyo nito. Nanalo ito bilang "Most Handsome Face In Engineering" at ipinaskil ang litrato nito sa buong building ng kolehiyo nito. Dahil halos magkatabi lang ang building nito at ang building ng Architecture—ang kursong kinukuha niya—ay madalas niyang makita ang litrato nito.
Naguwapuhan lang siya kay Click noong una. Pero nang minsang matalisod siya dahil sa kakatingin sa litrato nito ay sinalo siya nito. Kapagkuwan ay nilingon nito ang tinititigan niya, pagkatapos ay napangiti ito nang dumako ang tingin sa kanya. Hinding-hindi niya makakalimutan ang sinabi nito sa kanya nang araw na iyon.
"Ayokong may masasaktan dahil sa 'kin. If you want to look at me, feel free to do that when we're face to face. Mas guwapo ako sa personal."
Kahit nagmukhang mayabang si Click ay hindi siya nainis dahil mas nangibabaw ang pagbibiro sa boses nito. Pero sineryoso pa rin niya ang sinabi nito. Nang makita niya ito minsan na nakaupo sa bench sa tapat ng Engineering building ay nilapitan niya ito at tinitigan. Nang tapunan siya nito ng nagtatakang tingin ay isa lang ang sinabi niya rito:
"I want to look at you."
Mula noon ay naging madalas na ang pagkikita nila. Na nasundan ng pagkakape nila, pagla-lunch, at pagdi-dinner gaya ngayon. Pero sa lahat ng iyon, siya palagi ang gumagawa ng unang hakbang at malinaw rin sa kanya na kaibigan lang ang tingin nito sa kanya. Kinalimutan na niya ang kahihiyan niya bilang babae. Ang katwiran niya, siya ang unang nagkagusto kaya siya dapat ang unang gumawa ng hakbang para magustuhan din siya ni Click.
May isang bahagi ng pagkatao niya ang tumututol sa ginagawa niyang iyon pero hindi niya iyon pinapansin.
The end justifies the means.
Nang matapos siyang tumugtog ay tumayo na siya. Nagpalakpakan ang mga tao at binati siya habang pababa siya ng hagdan sa improvised stage sa restaurant-bar na iyon. Ngumiti siya at nagpasalamat sa mga ito pero nanatiling na kay Click ang atensiyon niya. Tumayo siya sa harap nito habang hinihintay ang reaksiyon nito.
Ngumiti nang maluwang si Click. "Wow! That was great, Snoopy! Hindi ko alam na magaling ka palang tumugtog ng piano. You even played my favorite piece!"
Ngumiti siya. "Thank you, Click."
Sa totoo lang, ang piyesang iyon lang ang alam niyang tugtugin nang buo dahil iyon lang ang inaral niya bukod sa basics. She knew it was his favorite piece because she once heard him play the song in his car while as he drove her home. Alam niyang hindi maihahanay sa mga propesyonal ang pagtugtog niya pero masaya siyang nagustuhan ni Click iyon.
"You know what, Snoopy? Mom gave me two tickets to my favorite pianist's concert. I was supposed to tag along with her but her work piled up so she told me to look for a friend to accompany me instead." Kumislap ang mga mata ni Click. "I think I just found the right person to bring along to that concert."
Napangiti siya nang makuha kung ano ang ibig nitong sabihin. Kinagat niya ang ibabang labi niya upang pigilan ang sarili na mapatili sa sobrang kilig. Ramdam kasi niya na napalapit na sa kanya si Click.
Yes!
***
"CLICK asked me to go to the concert with him!" pagtatapos ng kuwento ni Snoopy sa kaibigan niyang si Gummy.
Itinaktak ni Gummy sa bibig nito ang natitirang laman ng sitsiryang hawak nito saka iyon nginuya bago ito sumagot. "Mahigit isang buwan ko nang naririnig 'yang Click na 'yan sa 'yo pero hindi mo naman ipinapakilala sa 'kin. Are you sure he's a nice guy? Pangalan pa lang niya, kakaiba na."
Natigilan siya. Hindi niya maaaring sagutin ang tanong nito kung bakit hindi niya ipinapakilala si Click dito. Ngumiti na lang siya at iniba ang usapan. "Bakit nga pala nag-commute ka lang papasok? Nasaan si Pikachu?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang pinakamamahal nitong dilaw na bisikleta.
Biglang kumunot ang noo nito. "May walanghiyang lalaki kasi na walang habas na inihinto ang kotse niya sa gitna ng kalsada. 'Ayun, bumunggo kami ni Pikachu sa likod ng kotse niya. Ang nangyari tuloy, sumemplang ako at nayupi ang gulong ni Pikachu."
"Bakit hindi mo ako tinawagan? Nasaktan ka ba? Pinagamot ka ba ng lalaking 'yon?" nag-aalalang tanong niya rito.
Gummy chuckled and put a hand on her shoulder. "Snoopy, I'm fine. Thanks for the concern."
Nakahinga siya nang maluwag. Sa nakalipas na taon, si Gummy lang ang naging totoo sa kanya kaya kahit madalas naiinggit siya rito ay nagawa niyang mahalin ito nang totoo bilang kaibigan. "Mag-iingat ka sa susunod."
Natawa ito. "Aye, aye, Mommy!"
Pabirong hinampas niya ito sa braso. "Luka-luka!"
Lalong lumakas ang tawa nito. Nang mga sandaling iyon ay humakot na sila ng atensiyon. Ah, it was more right to say that Gummy caught everyone's attention. Again. May paghanga sa mga mata ng mga lalaking nakatingin sa kaibigan niya. Kahit nga mga kapwa nila babae ay halatang natutuwa sa buhay na buhay na pagtawa ni Gummy.
No one is even looking at me. No one notices me.
Ikinuyom niya ang mga kamay niya upang kalmahin ang sarili. Itinago uli niya sa kasulok-sulukan ng puso niya ang negatibong damdamin na pumipiga sa puso niya nang mga sandaling iyon.
Dumako ang tingin niya sa lalaking nakasandal sa itim na kotse nito sa parking lot ng Emerald University o EU. Awtomatiko siyang napangiti nang makilala agad ito, kahit pa naka-shades ito. "Click!"
Lumingon si Click sa kanya. Inilagay nito sa ulo ang shades nito at nakangiting lumapit sa kanya. "Hey there, Snoopy..." Natigilan ito nang dumako ang tingin nito kay Gummy. Kumunot ang noo nito. "Ikaw?"
Napasinghap si Gummy. "Ikaw nga 'yong lalaking yumupi sa gulong ni Pikachu!" Walang habas na hinampas nito sa mukha si Click ng malaking supot ng sitsirya. Nagulat siya at napasinghap naman ang binata. "How dare you run away after what you did to my bike!"
Iniharang ni Click ang mga braso nito sa mukha nito bilang depensa sa mga atake ni Gummy. "Hey! I didn't run away, you crazy woman! Inalok pa kita na dalhin sa ospital pero iniwan mo na lang ako basta!"
"Eh, pa'no, ang yabang-yabang mo! Ako pa itong sinisi mo sa nangyari sa 'tin!"
Nanlamig ang buong katawan niya nang maunawaan niya ang nangyayari. "Gummy, si Click ang may-ari ng kotse na ikinukuwento mo?"
Tumango ito. "Oo. Siya nga 'yon," hinihingal na sagot nito.
"Excuse me? Ikaw ang bumunggo sa kotse ko kaya ako dapat ang magalit." Pinunasan ni Click ang balikat ng puti nitong polo. Ngumiwi ito. "Babae ka ba talaga?"
Akmang susugurin uli ni Gummy si Click kaya pinigilan na niya ang kaibigan. Pumagitna na siya sa dalawa. "Gummy, siya si Click. Siya 'yong lalaking sinasabi ko sa 'yo."
Bigla itong natigilan. "Siya 'yon?"
Tumango siya. Gamit ang mga mata niya ay pinakiusapan niya itong kumalma. Ayaw niyang ma-turn off si Click sa kanya at baka isipin nito na kasimbayolente siya ni Gummy.
Nakuha naman ni Gummy ang pakiusap niya. Bumuga ito ng hangin. "I'm sorry." Pero tiningnan pa rin nito ng masama si Click.
"Whatever, sss girl," Click said in an annoyed tone. Pagkatapos ay hinawakan siya nito sa braso at marahang inakay papunta sa kotse nito. Inalalayan din siya nito sa pagsakay sa passenger's seat. "Is that girl your friend?" tanong nito nang nagmamaneho na ito.
Tumango siya. Ikinuyom din niya ang mga kamay niya dala ng kaba. Ayaw niyang mapahiya kay Click dahil sa inasta ni Gummy. "She's Gummy. Ahm, mabait naman siya at hindi naman talaga siya bayolente. A-ayaw lang talaga niyang nasasaktan si Pikachu."
Kunot-noong luminga ito sa kanya. "Pikachu?"
"'Yon ang ipinangalan niya sa bike niya."
Nagulat si Snoopy nang biglang tumawa si Click. Umaliwalas ang mukha nito at kumislap ang mga mata na parang ba may nakikitang interesante. "That crazy girl named her bike Pikachu? God, she's really crazy!" tuwang-tuwang bulalas nito.
Kakaibang saya ang nakita niya sa mga mata ni Click nang mga sandaling iyon. Noon lang niya ito nakitang ganoon kasigla. At kahit siya ang kasama nito, halata namang nasa ibang tao na ang isip nito.
Muli na namang gumapang ang kakaibang lamig sa buong katawan niya kasabay din ng paglukob ng kakaibang takot sa sistema niya. Pamilyar na pamilyar sa kanya ang pakiramdam na iyon na una niyang naranasan noong nasa ikatlong taon na sila ng high school ni Gummy...
"Louie, gusto mong kumain ng pizza?" tanong niya rito.
Si Louie ay senior nila na naging malapit niyang kaibigan dahil pinsan ito ng isa pa niyang kaibigan. Guwapo ito at mabait, kaya agad siyang nagkagusto rito. Lalo lang siyang kinilig nang maging textmate na sila. Hindi sa nagpe-presume siya pero nitong nakaraang linggo lang ay nagpalipad-hangin na ito na gusto siya nitong ligawan. Nagtataka nga lang siya kung bakit hindi na nito muling naulit iyon.
"Ah, hindi," sagot nito na parang wala sa sarili. Lumagpas din ang tingin nito sa kanya.
Tiningnan niya si Gummy na kaagapay niya sa paglalakad. Nagbabasa ito ng libro. Binalingan niya si Louie. Si Gummy ba ang tinititigan nito? Pero kahapon lang nagkakilala ang dalawa.
Huminto sa paglalakad si Gummy. Marahang isinara nito ang libro saka bumuntong-hininga na parang nangangarap. "This book is really good." Nakangiting nilinga siya nito. "Snoopy, binanggit mo ang pizza. Bigla tuloy akong nagutom."
"Oh. You want pizza? May alam akong masarap na pizza parlor," biglang singit ni Louie, saka lumipat sa tabi ni Gummy. "Anong flavor ba ang gusto mo?"
Naiwan siyang pinapanood na lang si Louie na todo-asikaso kay Gummy na hindi naman nito ginagawa sa kanya noon. Noon niya naisip na kung sana ay hindi nakilala ni Louie si Gummy ay siya talaga ang nagustuhan nito.
But since Gummy shone brighter than she did, she was overshadowed.
Hindi lang isang beses nangyari iyon. Siya ang unang nagugustuhan ng mga lalaki pero kapag nakikilala na ng mga ito si Gummy ay nalilipat ang interes ng mga ito sa kaibigan niya. It had been like that ever since they were in high school...
Nagpatuloy pa rin iyon hanggang sa kolehiyo. Noong una ay tinanggap na niyang wala siyang panama kay Gummy kaya pinapalagpas na lang niya. Pero iba na ngayon.
"Are you okay, Snoopy?" nag-aalalang tanong ni Click.
Nilinga niya ito saka nginitian. "I'm fine."
Matagal na niyang gusto si Click at ito ang unang lalaking pinagbuhusan niya ng labis na atensiyon. Hindi siya papayag na pati ito ay maaagaw ni Gummy sa kanya. Ikinuyom niya ang mga kamay niya.
No, Gummy. Click is mine.