Kinabukasan ay maaga akong nagising dahil kay Kelly. Halos sapakin ko pa siya dahil tumalon-talon siya sa kama at sinampal pa ako ng isang beses habang tumatawa. "Wake up! Wake up!"
"Kelly, ano ba? Nasisira ang beauty rest ko sa iyo, eh!"
Hinawi ko ang kamay niya nang pisilin niya ang pisngi ko habang tumatawa. "It's only a rest, Kuya. You have no beauty kaya!" Kahit inaantok pa ay pilit kong iminulat ang mga mata ko. Walang hiya rin ang batang ito, ano? Akala mo naman siya may beauty eh lamang lang siya sa pagmamahal ng magulang sa akin. "Anyway, you need to get ready na 'cause Daddy is mad!" Ibinulong niya ang huling salita na animo'y takot mahuli ni daddy.
Dali-dali akong tumayo at dumiretso na sa pagligo. Nakalimutan ko pang dalhin ang damit ko kaya nag-alala pa ako kung paano lalabas gayong nandoon ang nakababatang kapatid na babae pero mabuti na lang, naisipan noyang umalis na sa kwarto ko kaya nakapagbihis ako ng maayos.
Patakbo kong binaba ang hagdanan at doon pa lang, rinig na rinig ko na ang sigaw ni Papa. Tiningala ako ni Kelly na nakatayo sa dulo ng hagdanan, katabi si Kuya na mukhang kagigising lang din. Inilagay ni Kelly ang hintuturo niya sa labi, sinesenyasan akong tumahimik kaya tumango na lang ako at tumabi sa kanila.
Kaharap ni Papa ay 'yung kapitbahay naming kasing-edad lang yata ni Papa at mukhang nagagalit. "Putang*na! Umagang-umaga ang ingay ng tugtog ninyo tapos umaabot pa ng madaling araw! Mabuti sana kung wala kaming anak na nag-aaral, magagawa pa naming intindihin iyang ginagawa ninyo kaso, may nag-aaral! Paano sila makakapag-focus kung ang iingay ninyo" sigaw ni Papa habang hinihimas ni Mama ang braso niya. Nabaling sa amin ang atensyon ni Mama at sinenyasan kaming umalis na.
"Ang bagal mo naman." Ani Kuya sa akin. "Tara na at ihahatid ko na kayo sa school." Tumango ako at mabilis na sumunod kay Kuya na karga si Kelly habang nilalagpasan namin si Papa na sumisigaw pa rin.
"Edi isarado ninyo ang pintuan at mga bintana ninyo!" Walang kwentang sagot naman ng kapitbahay naming halos araw-araw yata ay naba-baranggay dahil sa mga kabalastugang ginagawa. "Problema ba 'yun? Magkakapitbahay tayo kaya dapat intindihin natin ang isa't isa!"
"G*go ka ba? Ikaw na mismo nagsabi, magkakapitbahay tayo kaya intindihin natin ang isa't isa pero bakit hindi mo magawa?"
Sumakay ako sa motor ni Kuya pagkatapos niyang maiupo roon si Kelly ng maayos. "Is Daddy alright? That man is evil."
"He is, don't worry." Usal ko. Hindi ko na kailangang tanungin si Kuya kung anong nangyari dahil mukhang alam ko naman na base sa mga narinig ko kay Papa.
'Yung lalaking 'yun, nakatira sa tabi mismo ng bahay namin at kung magpatugtog araw-araw ay aakalain mong katapusan na ng mundo kung saan sinusulit niya ang mga huling sandali na makakapag-music siya. Palagi iyong naba-baranggay dahil doon o kaya ay dahil sa mga utang niyang 'di binabayaran tapos kapag sinisingil ay siya pa ang galit.
Madalas din siyang makita sa mga inuman kaya kilala siya ng lahat at iniiwasan ng mga bata dahil nakakatakot. "Kuya, daan po muna tayo sa convenience store, nagugutom ako." Hindi kumibo si Kuya pero iniliko naman niya ang motor sa daan papunta sa store.
Mabilis akong bumaba at tumakbo para makabili agad ng pagkain. Gusto ko pa sanang mamili kaso, baka magalit si Kuya kung magtagal ako kaya kinuha ko na lang 'yung tinapay na unang naabot ng kamay ko. Bumili na rin ako ng pagkain at doon ko naalala na wala nga pala akong baon!
Nginitian ko ang cashier na kakaiba ang tingin sa akin. Anong akala niya? Magnanakaw ako? Sa ganda kong ito, 'te, paghihinalaan mong magnanakaw? Ay charoar sabi ng dinosaur. Nag-assume lang pala ako dahil sa tingin niya.
Lumabas ako at lumapit sa Kuya kong nakatulala sa cellphone. "Kuya kong pogi, wala po pala akong pera pambili."
"Ano anong gagawin ko? Wala akong dalang pera. Tara na kung wala kang pambili." Napakurap-kurap ako nang bigla siyang tumayo at sumakay na sa motor. Ano raw? Gutom na ako wala na akong naiintindihan sa paligid. Ramdam ko na ang pagkasira ng beauty ko hala! "Oh, ano pang hinihintay mo? Bigyan ka ng libreng pagkain diyan dahil aakalain kang walang pambili? Ay wala nga pala talaga kaya tara na."
Parang gusto ko na lang tuloy magpaiwan dito para isipin nila na kawawa ako, sa ganda kong ito, hindi dapat hinahayaang magutom kaya baka bigyan nila ako ng libreng pagkain? Luminga ako at napakunot ang noo nang mapansing pamilyar ang lugar. Kung tama ako, malapit ito kina Liana, ah?
Kinuha ko ang bag ko na nakasabit sa likuran ng motor. "Ah, Kuya, daanan ko na pala 'yung kaklase ko riyan sa malapit para kami na lang ang sabay na papasok."
Kunot pa rin ang noo niya. "Classmate or girlfriend? You like her, Kuya?" Pareho naming hindi pinansin ni Kuya si Kelly na nagsisimula na namang magsabi ng kung ano-ano. Hindi ko alam kung saan niya napupulot ang mga ganyang bagay pero bahala siya. Matututunan din naman niya iyan paglaki niya, napaaga lang.
"Sige basta siguraduhin mong papasok ka talaga. Babalik ako mamayang tanghali roon para sunduin si Kelly dahil halfday lang siya." Tumango na lang ako at kumaway. Halfday lang si Kelly pero pumasok pa rin. Kung ako 'yon, hindi na ako papasok 'no. Sayang pagod. Charoar sabi ng dinosaur.
Naglalad ako kahit hindi naman ako sigurado kung dito nga ba talaga ang kina Liana. Hindi ko gaanong matandaan pero pamilyar kasi 'yung lugar nila kaya bahala na. Edi kung hindi, babalik na lang ako at sisisihin siya kung bakit hindi nila rito napiling tumira para hindi nasayang pagod ko. Charoar.
Halos takbuhin ko ang distansiya sa pagitan namin ng gate na nila Liana. Mabuti na lang at dito ang bahay nila. "Good morning, Tita!" Sigaw ko sa nanay niyang ang aga-aga eh nakikipag-usap na sa kapitbahay habang nagdidilig. Parang gusto ko rin tuloy makinig para malaman ko ang latest chika kaso, pinangungunahan ako ng gutom.
"Oh, ikaw pala Ronaldo. Nasa loob pa si Liana at mukhang kagigising lang. Pasok ka." Tumawa ako at habang nagmamano sa kaniya. "Ang aga mo naman yata?"
Hawak niya ang hose na gamit habang nagpapatiuna sa paglalakad. Gusto ko sana siyang tulungan kaso, maputik 'yung hose at kulay puti ang uniporme ko kaya hindi pwede. Unless pahihiramin ako ni Liana ng blouse kahit pambabae. Try ko kaya?
Nilingon ako ni Tita kaya hindi ko alam kung saan ako babaling para lang maitago ang tawa ko. "Ang aga mo naman yatang pumasok? Nag almusal ka na ba?"
"Ah, napaaga lang po kasi isinabay ako ng Kuya ko kaso, hanggang diyan lang po kaya naisipan kong daanan na si Liana. Hindi pa po ako nag a-almusal."
"Ganoon ba? O siya, ayan pala si Liana. Sabayan mo na sa pagkain." Itinuro niya si Liana nananlalaki ang mga mata habang nakatingin sa akin. Nginitian ko siya at kinawayan ngunit ganoon pa rin ang reaction niya. Gulat ma gulat sa ganda ko 'te? "Oh, Ronaldo, halika rito ka na kumain."
Hinatak ako ni Tita palapit sa upuang katapat ni Liana. Kung nakakamatay ang masamang tingin, baka kanina pa ako na triple kill dahil kay Liana. Ganoon ba niya ka-hate ang pagpunta ko rito sa kanila? Habang tumatagal, nakakaramdam na ako ng pagsisisi sa ginawa ko. Ang kapal nga naman ng mukha ko para magpunta rito ng walang pasabi lalo na, bagong kaibigan lang ako ni Liana. Ni hindi ko nga sigurado kung kaibigan na nga ba ang turing niya sa akin.
"Pakakain mo, Ronaldo nang ika'y magkalaman naman kahit papaano. Ang payat-payat mo."
Tiningala at ngitian ko si Tita na naglalagay ng pagkain sa plato ko. "Tama na po iyan, Tita." Tumawa ako habang pinipigilan ang paglalagay pa niya ng pagkain sa plato ko. "At saka, Ronald na lang po ang itawag ninyo sa akin. Ang pangit po ng Ronaldo, lalaking-lalaki."
"Lalaki ka naman, ah?" Sabay naming binalingan ni Tita ang anak niyang may pagkamatabil din ang bibig. Kung hindi lang ako nahihiya ay sinapak ko na 'to eh.
"Excuse me, sa ganda kong ito?"
Tahimik si Liana habang naglalakad kami papalabas sa kanto nila. Halos makalabas na lang ulit kami sa highway ay hindi pa rin siya nagsasalita. Palagay ko talaga, mabaho hininga nitong babaeng to. "Bakit ka nagpunta sa amin ng walang pasabi?" Ay charoar sabi ng tigre. Naririnig ba niya ang naiisip ko? Bakit bigla siyang nagsalita the moment na naisip kong mabaho hininga niya? What kind of sorcery is this? Char.
"Napadaan lang ako tapos nagutom kaya naisip kong makikain na at isabay ka na papasok. Baka mag absent ka, eh."
Sinulyapan niya ako ngunit mabilis lang. Sa lahat ng taong kilala ko, isa siya sa mga ayaw na ayaw yatang nakakakita ng maganda. Ayaw niya kasi akong nakikita, eh. Hindi ba niya alam na blessing kung makita niya ang isang magandang tulad ko?
"Huwag mo akong igaya sa iyo na tamad pumasok. Sa susunod ay magpasabi ka muna kung pupunta ka sa bahay para alam namin kung dadamihan ba namin ang ilulutong pagkain o kung magluluto ba kami."
"So ibig bang sabihin, ayos na sa iyo ang pagpunta ko sa bahay ninyo?"
Huminto siya sa paglalakad at hinarap ako. Akala ko ay kung anong gagawin niya nang itaas niya ang hintuturo niya, 'yun pala, itutusok lang niya iyon sa maganda kong pisngi. "Nahiya ka pa, gusto mo lang naman palang hawakan ang maganda kong mukha. O siya, sige na, hawakan mo na habamg libre pa. Mamayang hapon ay maniningil na ako sa kung sino mang hahawak diyan."
"Sa kapal ng mukha mo, tingin ko hindi na kita mapipigilan pa sa pagpunta sa amin kaya wala na akong magagawa. Bahala ka na, magpunta ka kung kailan mo gusto."
Dahil doon sa sinabi niya, masaya ako buong umaga. Nagawa ko pang mag presinta sa math teacher namin para sumagot sa assignment namin. Akala ko ay wala akong naaalala s amga tinuro ni Liana pero ngayon ko lang napagtanto na ang dami pala niyang naituro sa akin. Halos lahat ng sinsabai ng teache namin ngayong araw ay alam ko na. Hidni ko man lang napansin na advance reading na pala ang ginawa naming iyon at ngayon ko lang nalaman na malaki pala talaga ang tulong noon. Hindi na mahirap intindihin ang lessons dahil nabasa na ng mas maaga.
Pinapanood namin pareho ni Liana ang mga kaklase naming naglalaro kasabay ng ibang bata. Break time namin pero nandito kami ni Liana sa kubo, nanonood lang. Kung kinakausap lang ako ng mga kaklase namin, sigiradong kasama ako sa mga naglalaro kaso, hindi pa rin nila ako kinakausap dahil sa walang hiyang Kyle na iyon.
Ang yabang-yabang akala mo naman sobrang gwapo. Galit na galit siya sa akin gayong siya nga itong may ginawang hindi maganda sa akin. Nakakainis. "Gusto ko ring mag model-model gaya nina Gina..." bulong ko habang pinapanood ang paglalaro nina Gina sa stage.
"Bakit hindi ka sumali? Palagi ka namang kasali sa kanila dati, ah?"
Nilingon ko si Liana ng may pagtataka. Hindi ko alam kung lutang 'tong babaeng 'to o wala lang talagang pakialam sa paligid? "Hindi ba nga, hindi nila ako kinakausap kapag nandiyan si Kyle?"
Sabi nila, speak of the devil and the devil will come at tingin ko totoo iyon. Isang masamang mukha ni Kyle na nakangisi ang papalapit sa amin ngayon. Wala kaming ibang kasama ni Liana sa kubo dahil nga abala ang lahat sa paglalaro kaya sigurado akong kami ang pakay ng lalaking ito.
Diretso ang tingin niya kay Liana habang nakangisi pa rin. Akala ba niya gwapo siya sa ginagawa niyang iyan? "Crush ka yata ni Kyle." Bulong ko bago pa man makalapit ng tuluyan sa amin si Kyle.
"Ganda mo ngayon, Garcia, ah? Bakit hindi na lang ikaw ang maging girlfriend ko? Payag ka?"
Nandidiri kong tinignan si Kyle. Ang bastos naman nito at ang yabang. "Kadiri ka, Ky-"
"Hindi kita kausap kaya huwag kang sumabat." Baling niya sa akin. "Ano, Garcia? Ikaw na lang girlfriend ko, wala ka ng magagawa."
Nilingon ko si Liana na halatang hindi comfortable kaya nang akmang hahawakan ni Kyle ang mukha niya, hindi na ako nagdalawang isip pa na suntukin siya.
Napaatras siya sa ginawa ko ngunit nang makabawi, isang napakasamang tingin ang ipinukol niya sa akin. Lumapit siya ngunit sa sobrang inis ko sa pagmumukha niya, sinuntok ko ulit siya sa mukha. Masakit pero bagay lang sa kaniya. Ang kapal ng mukha at ang bastos. Kebata-bata eh.
"Ronald, tama na..." nilingon ko si Liana na umiiyak na ngayon. Saglit akong napatulala sa mukha niya ngunit ilang sandali ay nakaramdam ulit ako ng galit. Ang ayoko sa lahat ay ang taong bastos lalo na sa mga malalapit sa akin.
Walang sabi kong sinugod si Kyle at pinagsusuntok. Napapikit ako nang masuntok niya ako sa pisngi ngunit walang panama iyon sa inis na nararamdaman ko. "Ronald, tama na..." imbes na tumigil, lalo lang akong naiinis sa iyak ni Liana.
"Woah, si Ronaldo nanununtok pala!" Sigaw ng kung sino man at nagsimula na nga silang lumapit sa amin. Patuloy ang suntok ni Kyle sa akin ngunit hindi ako nagpatalo. Napadaing ako nang hatakin niya ang kwelyo ko at magawa niyang baligtarin ang sitwasyon namin. Kanina ay ako ang nakadagan sa kaniya ngunit dahil nahahati ang atensyon ko sa kaniya at sa iyak ni Liana, nagawa niya akong daganan.
"Ano ba, Liana? Itigil mo nga iyang pag-iyak mo!" Sigaw ko habang patuloy na iniiwasan ang suntok ni Kyle.
"Hoy! Ano iyan?" Laking ginhawa ang naramdaman ko nang may humatak kay Kyle paalis sa pagkakadagan sa akin ngunit parang gusto ko na lang na nakadagan siya nang makita kung sino 'yung umawat sa amin. "Anong kaguluhan 'to, ha? Ang babata ninyo, nagsusuntukan na kayo? Sumama kayo sa akin sa guidance office!" Sigaw ng teacher nina Kelly na siyang humatak kay Kyle palayo sa akin.
Tinulungan akong tumayo ng mga kaklase ko ngunit hinawi ko lang ang mga kamay nila. Lumapit ako kay Liana na humahagulgol na ngayon sa iyak. Kinuha ko ang bag ko na nasa gilid niya at pagalit na hinatak iyon bago siya hinarap. Tinitigan niya ako habang patuloy sa pag-iyak na akala mo namatayan kung humagulgol.
Huminga ako ng malalim. "Pwede ba? Hindi mo dapat iniiyakan ang mga bastos na kagaya ni Kyle kaya ayusin mo 'yang pagmumukha mo. Naiirita ako sa mukha mong umiiyak kaya parang awa mo na, tumahan ka na." Nilingon ko sina Gina na nasa gilid lang namin, nakatitig kay Liana ng may pag-aalala sa mukha nila. "Pakisamahan si Liana sa banyo para mag-ayos. Sumunod ka na lang sa guidance office pagkatapos." Baling ko kay Liana na nakatitig pa rin sa akin.
Masungit kong iniwan ang mga taong nandoon at naglakad na papunta sa guidance office. Nakakairita. Ang sakit ng kamay at mukha ko. Siguradong sira na ang beauty ko nito. Kainis.