Ramdam ko ang titig ng ate ni Liana sa akin lalo na nang mahulog ang lahat ng bag ko habang sinusubukan kong isara ang zipper at sa sobrang pagmamadali, nabuhos ang mga gamit dahil natumba ang trolly bag ko. Inis kong pinulot ang lahat ng notebook at isiniksik na lang basta sa loob ng bag nang bigla iyong mawala sa kamay ko.
"Ang tanda mo na pero trolly bag pa rin ang gamit mo?" Inagaw niya ang mga gamit mula sa kamay ko maging ang bag ko at siya na ang ang-ayos ng mga iyon. "Grabe ba magalit ang papa mo kaya ka ganito kung magmadali?"
Tumango ako habang pinapanood siyang maayos na inilalagay ang mga gamit ko sa loob ng bag. "Oo. Minsan ay pinapalo pa ako lalo na kung lumagpas ako sa oras ng sinabi nilang uwi ko."
Tumayo siya at iniabot sa akin ang bag kong ngayon ay maayos na ang laman. Kinuha ko iyon at nginitian siya. "Pahatid ka na kay Papa para kung sakali, hindi ka mapagalitan o 'di kaya ay mabawasan ang galit ng Papa mo."
"'Di mo sure, Liana." Tumawa ako at nagpaalam na sa ate niyang abala pa rin sa panonood ng movie. Gusto ko sana 'yung pinapanood niyang horror kung hindi lang ako mapapagalitan ay hindi na ako uuwi, eh. Buti pa dito tanggap nila ako. Tanggap nila na mas maganda pa ako sa kanila.
Lumapit ako sa Mama at Papa ni Liana na nakatayo sa may gate nila, kausap pa rin si Aling Carol at nagmano ako. "Tita, Tito, pakakasalan ko na po ang anak ninyo." Nanlalaking mga mata ng mama ni Liana ang bumungad sa akin pagkatingala ko sa kanila samantalang tumatawa naman ang kaniyang Papa.
Isang malakas na hampas sa braso ko ang ibinigay ni Liana at pinagtulakan ako palayo sa magulang niya. "Uuwi na raw po siya. Huwag po ninyo papansinin ang sinabi niya at mas babae pa ito sa akin!"
"Alam naman, Yana kaya huwag kang mag-alala." Tumatawang usal pa rin ng Papa niya. May kinuha ito sa bulsa niya na siyang nagpalaki sa mata ko. Baka bibigyan ako ng pera!
Charoar sabi ng dinosaur. Imbes na pera gaya ng inaasahan ko, isang kumpol ng susi ang inilabas niya galing sa bulsa niya. Nagkaroon ulit ako mg pag-asa na bibigyan niya ako ng pera nang tignan niya ako at sinenyasan na lumapit. "Ihahatid na kita at gabi na. Saan ka ba nakatira?"
Charoar ulit sabi ng pangalawang dinosaur. Lumapit ako ulit at tumawa dahil sa mga naiisip kong kalokohan. Ang kapal naman na ng mukha ko kung umaasa pa akong bibigyan nila ng pera pero ganoon kasi minsan si Papa sa mga batang bumibisita sa bahay kaya akala ko ay ganoon din dito kina Liana. Ako na nga ang nang-istorbo at nakikain tapos naisip ko pang bibigyan nila ako ng pera.
"Sa Purok tres, Baranggay Daang Bago, Dinalupihan, Bataan, Philippines!" Sigaw ko at malantong pang umikot. Tumawa ang magulang ni Liana maliban kay Aling Carol na matamang nakatingin sa akin. Inismiran ko nga. Ang kill joy palibhasa ay purong pangchi-chismis lang ang alam.
"O siya, sige. Tara. Sasama ka ba, Yana?" Umiling lang si Liana ngunit bakas ang tawa sa kaniyang mukha habang kumakaway sa akin. Magiliw ko siyang kinawayan bago ako tuluyang sumakay sa tricycle ng papa niya.
Medyo mabagal nga lang ang byahe. Hindi ko alam kung dahil mabagal ang tricycle ng papa ni Liana o mabagal lang talaga siyang mag drive. Pero hindi naman ako nagrereklamo dahil pakiramdam ko ay nasa parada ako tuwing fiesta. 'Yung maraming tao na nanonood tapos ako nakaupo lang, kumakaway at panay paganda. Minsan, naghahahis ng candy ganon!
Unti-unting tumigil ang tricycle sakto sa tapat mismo ng gate namin nang ituro ko iyon. Nanlaki ang mga mata ko at kumalabog ng bongga ang puso ko nang makitang nakatayo roon si Papa.
Mabilis akong bumaba ng tricycle at tumakbo palapit sa kaniya at saka nagmano. Akala ko ay aalis na ang papa ni Liana kaya naman ikinagulat ko ng bongga ang pagbaba at paglapit niya kay Papa. Mataman siyang tinitigan ng masungit kong ama lalo na nang mag-alok ng pakikipagkamay ang papa ni Liana.
"Pasensya na, pre at ginabi itong anak mo. Galing siya sa amin kasi kaklase niya ang anak ko at gumawa sila ng assignment." Tinanggap ni Papa ang kamay ng papa ni Liana at tumango lang. Walang sinabi.
Pakiramdam ko ay hihimatayin ako ano mang oras dahil sa ginagawa nila. Para silang nagpapakilala sa isa't isa kasi ikakasal na kami ni Liana. Pero iw, kadiri naman iyon. "Ronaldo, pumasok ka na sa loob at tulungan mo ang mama mong maghanda ng hapunan. Sumabay ka na sa amin mag hapunan."
Nalaglag ang panga ko nang marinig ang sinabi ni papa. Si papa talaga, ang bait sa ibang tao samantalang sakin, ewan ko na lang. Kung magalit eh akala mo hindi ko kamukha.
"Oh, ba't ngayon ka lang?" Nagmano ako sa nanay kong nakasuot ng kulay yellow green na apron. Inismiran ko siya at tinitigan mula ulo hanggang paa. "Nasa labas ang papa mo, nakita mo?"
Tumango ako at sinenyasan siyang umikot na ginawa naman niya. "Ano ha 'yan ma! Ang pangit naman ng suot mo. Kulay pink na pajama tapos yellow green na apron at kulay orange na slippers?" Maarteng usal ko. Umakto pa akong nasusuka na nauwi sa pag-ubo nang biglang magsalita si Papa sa likuran ko.
"Bakit hindi ka nagpapaalam?" Halos ikamatay ko ang sama ng tingin niya at seryoso ng boses niya. Lagot ka, Ronald. Sira na naman ang ganda mo nito. Naku. "Hindi ba't sinabi ko na mag-aral ka ng maayos at hindi maglakwatya ng maayos!" Umalingawngaw ang nakakatakot niyang boses na papasa sa mga naninindak na mga characters sa isang movie.
"Nagpaalam po ako kay Kuya Donald." Bulong ko habang unti-unting umaatras.
"At sumasagot ka na ngayon? Sino ba 'yung kaklase mong iyon? Hindi ka nahihiya na ganitong oras na, nandoon ka pa sa kanila naka tambay?"
Eh hindi nga lang ako tumambay roon. Nag-aral kaya kami! Iyon sana ang gusto kong isigaw sa kaniya kaso gusto ko pang mabuhay kaya pinilit kong itikom ang bibig ko.
"Tinatanong kita kung sino 'yung kaklase mo, Ronaldo!" Ano ba, Pa? Kaninang sumagot ako, nagagalit ka tapos ngayong nananahimik na ako, nagagalit ka. Anu ba?
"Si Liana Garcia po."
"Hindi ka nahihiya na ganitong oras na, nandoon ka pa?"
"Hindi naman po." Napapikit ako nang bigla niyang itaas ang kamay niya at umambang hahampasin ako. Ano ba kasing gusto niyang marinig? Sinasagot ko lang naman ang mga tanong niya.
"Hindi ko kayo pinalaking makapal ang mukha, ha! Sa susunod na ulitin mo pa ito, malalagot ka na talaga sa akin!"
"Opo." Sige po. Wala naman po akong magagawa dahil iyon ang utos mo po.
Hinayaan niya akong umakyat sa kwarto ko. Akala ko ay hindi pa siya titigil sa kakadada mabuling na lang ay bumaba si Kelly at nabaling sa kaniya ang atensyon ni Papa.
Naligo ako at nagpalit na ng pantulog. Pinili ko 'yung kulay sky blue na may disenyong cartoon character. Ayoko sana ito kaso, wala naman akong magagawa dahil puro ganito ang mga pantulog ko. Inayos ko ang buhok ko ay bahagyang naglagay ng night cream sa mukha ko para naman hindi masira ang kutis ko. Sayang ganda, sis.
Napahinto ako sa pagbaba nang makarinig ng malakas na tawanan. Sa sala ay tanaw ko ang pakikipagharutan ni Mama at Papa sa bunsong kapatid ko. Tuwang-tuwa sila at tila nakalimutan na may iba pa silang anak. Palagi na lang silang nakatingin kay Kelly o kaya ay kay Kuya. Nakalimutan nila na nandito ako, si Ronaldo Alberto Guevarra na anak din nila.
Suminghap ako at hirap sa pagpigil ng iyak. Gusto ko ring kilitiin ako ni Papa. Gusto ko ring i-kiss ako ni Mama ng paulit-ulit. Gusto ko ring tumawa ng malakas at walang tigil gaya ni Kelly. Gusto ko ring mabati at maramdamang proud sila sa akin gaya ng ginagawa nila kay Kuya. Gusto ko ring maramdaman na parte ako ng pamilya nila hindi 'yung araw-araw na lang, sermon naaabot ko lalo na kay Papa.
Isang mabigat na kamay ang pumatong sa balikat ko at nang lingunin ko, mga nagtatakang mata ni Kuya ang bumungad sa akin. "Anong drama mo diyan? Bakit ka umiiyak?"
Umiling ako saka mabilis na pinalis ang mga luha. Ano ba 'yan. Sayang 'yung night cream na nilagay ko kanina. "Ah, wala po. Nagpa-practice lang kasi gusto kong maging artista balang araw."
Kitang-kita ko ang pagkunot ng noo niya. Inalis niya ang pagkakahawak niya sa balikat ko at pinagpagan iyon na animo'y humawak siya sa maruming tao. Sinimangutan ko siya. Bastos. Kaliligo ko lang, eh.
"Artista? Lagot ka kay Papa kapag nalaman niya iyan. Hindi ba't habilin niya na mag pulis o 'di kaya ay magsundalo ka?" Inismiran ko lang siya at pasimpleng inirapan bago nagpatiunang maglakad pababa.
"Kain na po tayo!" Sigaw ko para maagaw sana ang atensyon nina Mama kaso ay masyado silang masaya para mapansin na nandito ang anak nilang kinakain na ng lungkot.
"Ma, Pa, Kelly, kain na po tayo." Baritonong boses ni Kuya ang nakaagaw sa atensyon nila. Sumulyap sa akin si Mama at mapait ko siyang nginitian ngunit mukha namang hindi niya napansin dahil agad din niyang ibinalik ang tingin kay Kelly na nakatitig sa akin kaya siya na lang nginitian ko.
Tahimik ako sa hapag at pilit na iniiwasang tignan si Papa. Panay na naman ang papuri niya kay Kuya. Kesyo magaling dahil nangunguna sa listahan ng nga papasok sa PMA, kesyo ang bata-bata pa pero ang taas na ng pangarap. Nakakasawa. Ako rin naman, kasali sa honor noong nakaraang taon pero halos iyakan ko pa sila para lang samahan akong umakyat sa stage. Nakakainggit si Kuya at Kelly dahil sila, hindi nila kailangang magmakaawa para mapansin nila mama at papa tapos ako, napapansin kasi napapagalitan.
Gaya ngayon, ramdam ko na naman ang tingin sa akin ni Papa at alam kong ito na ang simula ng sakuna. "Itong si Ronaldo, anong oras na umuwi kanina. Hindi mo ba ito nakita sa school?"
Sinulyapan ako ni Kuya bago ibinaling ang atensyon kay Papa na nakatingin sa kaniya. "Hindi ba't ikaw ang sumundo kay Kelly? Hindi mo ba nakita si Ronaldo at bakit hindi mo siya kasabay umuwi?"
"He's there, daddy. He asked Kuya Donald's permission to go to her classmate's house then Kuya Donald told Kuya Ronald to go home before six in the evening or else he will be scolded by you the Kuya Donald promised that he will tell you that Kuya Ronald will go to his classmate's house but I think kuya Donald forgot to tell you that." Dire-diretsong usal ni Kelly.
Kumurap-kurap ako at halos matulala sa kapatid kong nagkibit balikat lang at nag focus na sa pagkain. Ano raw? Anong sinabi ni Kelly bakit hindi ko yata nasundan?
"Ah, yes, Pa. Nawala sa isip ko na nagpaaalam po itong si Ronald kanina dahil gumawa raw sila ng assignment sa bahay noong kaklase niyang babae."
Tumaas ang kilay ni Papa at tila nabuhayan ng dugo sa narinig. "Babae?" Tumango si Kuya at sabay silang lumingon sa akin.
"Yes, daddy. Kuya Ronald's classmate is a girl and she's pretty. She's like a princess from the fairytale. I think Kuya likes the girl because he always teases her and I always see them talking."
Pwedeng manapak ng bata? Ay kaso, gusto ko pang mabuhay. Siguradong kung sasapakin ko si Kelly ngayon, ngayon din mismo ay kakatayin ako ng tatay ko.
"Bata ka pa para magkaroon ng kasintahan pero kung gusto mo siya, maghintay kayong dalawa hanggang sa tumuntong kayo ng third year high school." Laglag ang panga ko sa sinabi ni Papa. "Kung may pagkakataon, imbitahan mo ang kaklase mo rito para makita ko kung maganda ka bang pumili ng magiging kasintahan sa hinaharap."
"Hon, bata pa si Ronald. Elementarya pa lang pero iyan na ang sinasabi mo. Ronald, huwag mong papansinin ang papa mo." As if pwede 'yun, ano ma? Ang tagal ko ng gustong ignorahin si Papa pero mahal ko pa buhay ko kaya hindi ko magawa. Kung pwede nga lang, edi sana masaya akong namumuhay ngayon at nagkakalat ng kagandahan sa kapaligiran.
"Aba'y maganda 'yung habang bata pa siya eh magsanay na siyang magpagwapo nang sa ganoon ay marami siyang maging girlfriend sa hinaharap. Tignan mo itong kuya niya, nakailang girlfriend na. Isang patunay iyon ng kagandahang lalaki."
Gusto ko sanang sabigin kay Papa na kagandahang babae ang taglay ko baka mamaya ay himatayin 'to. Pa, kung mayroon ka man ng kapangyarihang magbasa ng isip at nababasa mo itong iniisip ko, pasensya na at kagandahang babae ang taglay ng pangalawa mong anak.
Tingin ko ay ipinanganak talaga ako para magkalat ng kagandahan dito sa mundo kaya hintayin ninyo ang paglaki ko. "Anong masasabi mo, Ronaldo?" Sukang-suka talaga ko sa pangalan ko. Pwede namang Ronald na lang bakit nilagyan pa nila ng letter O sa dulo? Ang pangit tuloy.
"Pinapangako ko po na paglaki ko, iiyakan ako ng mga babae." Tawa ni Papa ang namayani sa buong kusina namin matapos kong sabihin iyon.
"Kaya proud ako sa iyo, eh!" Nanlaki ang mga mata ko at napatitig sa mukha niyang hindi pa rin mawala-wala ang tawa. Ano raw? Proud siya? Proud siya kasi sinabi kong iiyakan ako ng mga babae paglaki ko? Paano kung malaman niyang iiyakan nila ako hindi dahil sasaktan ko ang puso nila kundi dahil matatalo ko ang kagandahan nila?
Hindi ko na nga lang sasabihin at baka mabugbog pa ako. Bahala na kung anong isipin niya basta ako, maganda ako.