“BAKIT ka nagsinungaling sa kanila? Hindi mo iyon dapat ginawa!” agad na sumbat ni Orange kay Carlo nang sa wakas ay iwan sila ng tatlong bruha. Pakiramdam niya ay tapos na ang kaniyang maliligayang araw sa mundong ibabaw.
“Well, I just wanted to help.” Kunot ang noo ng lalaki habang nakatingin sa kaniya.
“Hindi ka nakatulong kung ganoon; ipinahamak mo ako!” Nalukot na ang mukha niya sa puntong iyon. Na-imagine niya kasi ang kaniyang ulo na halinhinang ipinagwawagwagan ng magkapatid na Marsha at Hanna. May umeksena pang isang bruha sa likod niya, ang dakilang ina ng mga ito na walang iba kundi si Tiya Rosa. Siguro ay halos matungkab na ang anit niya pero sige pa rin ang mga ito sa kasasabunot.
“What’s with you and Marsha? May problema ba kayo?”
Napapiksi siya nang maramdaman ang kamay ni Carlo sa kaniyang siko.
“Easy! Inaalalayan lang kita, okay. Easy!” anito. Napatango naman siya at pinabayaan na ito sa ginagawa. Iginiya siya nito palapit sa isang bench na nasa tagong bahagi ng building at doon siya pinaupo.
“Hindi kami close dalawa. Hindi naman kasi talaga kami magkapatid. Anak na siya ng madrasta kong si Tiya Rosa bago pa sila magsama ng tatay ko.”
“May kinalaman ba iyon sa nangyari kanina?”
She heaved a sigh then looked away. “Oo. Kaibigan ng tatlong bruhang iyon si Marsha. Hayun, inaway ako kanina. Inaagaw ko raw kasi lahat ng lalaking gusto ng babaeng iyon.”
Ilang saglit niyang hinintay ang isasagot ni Carlo pero walang tugon buhat rito. Nang lingunin niya ito ay mataman itong nakatingin sa kaniya. Bahagya siyang nailang dahil tila sinusuyod nito ng tingin ang kabuuan niya.
“Ano’ng ginagawa mo?”
Isang ngiti ang alam niyang pilit nitong sinupil bago sumagot. “Iniisip ng kapatid mo na threat ka sa kaniya, ganoon?
“Siguro. Ano’ng nakakatawa?”
“I didn’t say it’s funny!”
“Pero nagpipigil ka ng tawa! At kung makatingin ka, parang hindi ka makapaniwala sa sinabi ko. Bakit? Hindi ba obvious ang dahilan kung bakit pinipili ako ng mga lalaking iyon kaysa over Marsha?”
Noon humagalpak ng tawa si Carlo. Agad na namula ang mga pisngi niya. Ano ang ibig ipakahulugan ng tawang iyon? Aminado siyang maganda si Marsha. Tisay nga ito kung tutuusin samantalang siya ay isang simpleng negrita lamang. Ano ngayon kung negrita? Hindi hamak namang mas expressive ang mga mata niya kaysa sa mga mata ni Marsha. At ang mga labi niya, walang panama ang mga labi ni Angelina Jolie. Higit kasing kissable ang mga iyon kaysa sa mga labi ng mga artistang obvious namang nagpa-collagen!
“Ano’ng nakakatawa?” iritado niyang tanong. Kung close lang sila ni Carlo ay kanina pa nag-landing ang palad niya sa pisngi nito.
“Wala naman. I like your confidence. Very solid.” Yumugyog na naman ang mga balikat nito.
“Sabihin mo, nakikita lang ng mga mata mo ang sagot sa tanong mo!
“Wow!”
“Wow talaga! Diyan ka na nga!” Tumayo siya at humakbang palayo rito pero agad itong humabol at umagapay sa kaniya.
“Teka lang! Ang init naman ng ulo mo!”
“Layuan mo na ako mula ngayon, okay! Huwag na huwag kang mag-e-exist sa lugar na naroon ako dahil kung hindi, mapapahamak na naman ako sa kulto ni Divina! Naiintindihan mo?”
“Ganyan ka ba mag-thank you sa tumutulong sa’yo?”
“Hindi mo ako tinulungan, FYI! Itinulak mo ‘ko sa peligro!”
“Kung peligro man ang tawag mo doon eh kasama mo naman ako! I told them I like you. Hindi ka nag-iisa dahil isinali ko ang sarili ko sa issues mo, Anastacia.”
Napahinto siya sa paglalakad. “Saglit nga. Paano mo nga pala nalaman ang totoo kong pangalan?”
Muli ay isang ngiti mula kay Carlo bago nito inginuso ang ID niyang nakasabit sa kaniyang leeg.
“Ah, oo nga pala. O sige, mauna na ako.”
“Sandali lang, Anastacia!”
“Orange sinabi! Orange na lang ang itawag mo sa akin at isang paalala lang, never call me Angge, okay? Ipababaril kita sa Luneta oras na itawag mo iyan sa akin!”
“Okay!” Hinaklit nito ang isa niyang braso kaya awtomatiko siyang napalingon dito.
“What?”
“My name is Carlo. Carlo Eruel dela Peña.”
“Ah…” Napatango-tango siya. “Okay.”
Fine Arts ang kinukuha ko. Ikaw?” He smiled. Iyong tipo ng ngiti na mahirap hindi titigan. Ang kaso, kailangan niyang kalabanin ang sarili kung gusto pa niyang mabuhay. Marsha liked Carlo. Sa kaniya na lang ang lalaking ito kung ang kapalit niyon ay ang kaligtasan ng kaniyang anit.
“BS Math,” aniya.
“Magaling ka pala sa Math.”
“Hindi! Magaling ako sa English!” Mabilis na siyang humakbang matapos alisin ang kamay nito sa kaniyang siko.
Narinig niya ang sigaw nito, itinatanong ang oras ng bakante niya pero hindi na niya ito nilingon. Definitely, Carlo will never be one of those boys na iibigin niyang pangarapin. Kahit guwapo pa ito. At kahit tila namumutok ang uniform nito dahil sa nagyayabang nitong abs.
“ALAM ko na kung sino ang tinutukoy mo, girl. Si Carlo nga iyon, ang transferee na kinahuhumalingan ng step sister mong bruha.”
She rolled her eyes. Kunwa’y walang halaga ang sinabi nito.
“O, bakit ganyan ang reaksiyon mo? Hindi ba dapat ay kinikilig ka dahil guwapo ang tagapagtanggol mo?”
“Paano naman akong kikiligin e naaalala ko ang ginawa niyang panghahamak sa akin. Imagine, tinitigan niya ako nang tulad nito.” Pinukol niya ng tingin si Chikki tulad ng paraan ng pagkakatingin ni Carlo sa kaniya habang sinasabi niya rito ang dahilan ng galit sa kaniya ni Marsha. Napatigil siya sa ginagawa nang tumawa nang malakas ang kaibigan. “What’s funny?” tanong niya.
“Tiningnan ka niya nang ganoon? Ibig sabihin, hindi siya naniniwala sa’yo?”
Umingos siya at lalong nainis sa narinig. “Wala akong pakialam kung hindi siya naniniwala sa akin. Ano kung mas maganda sa akin ang Marsha na iyan? Sa Fairy Tale, bruha pa rin siya at ako ang bida. Ako kaya ang naaapi dito!”
“Sino ang nagsabing ikaw ang naaapi? Ako? Ikaw? May maniniwala ba sa’yo kung mismong tatay mo ay hindi ka kinakampihan?”
Natigilan siya sa narinig at mabilis na naglakbay ang isip sa isang tagpong hindi niya ibig balikan.
“Iyang magaling ninyong anak ang gumawa nito sa mukha ko! Tingnan mo Papu, tingnan mo!”
Tumalim ang tingin niya kay Hanna. Ang totoo ay inaasahan na niyang uunahan siya nitong magsumbong pero napakalaki niyang tanga dahil hindi niya iyon nagawan man lamang ng paraan.
“Totoo ba ang sinabi niya, Anastacia? Kinalmot mo sa mukha ang kapatid mo?”
Kapatid mo…Kung sana ay totoo niyang mga kapatid sina Hanna at Marsha, marahil ay magagawa niyang pagpasensiyahan ang mga ito. Siguro ay magagawa niyang palampasin kahit saktan siya at pagtulungan ng mga ito sa araw-araw. Pero hindi nga niya kaanu-ano ang dalawa. Ni hindi mga kaibigan. Paano siya magpapasensiya nang paulit-ulit?
Pagdating niya sa bahay kanina ay agad niyang pinasok ang sariling silid at laking gulat niya nang makitang nasa harap ng tokador niya si Hanna. Lalo na siyang nabigla nang makitang hawak nito ang kaniyang pinakatatagong wallet. Ang wallet na ilang buwan niyang pinag-iipunan ng perang ipambibili niya ng regalo sa ama para sa nalalapit nitong kaarawan.
“Akin ‘yan!” sigaw niya hustong nakalapit dito. Pilit niyang inaabot ang wallet niyang hawak nito.
“Ano ba?!” galit naman nitong tugon sabay layo sa kaniya.
Napabuga siya ng hangin sa matinding inis. At ito pa ang may karapatang umakto nang ganoon? At tila balewala lang dito na nahuli niya itong pinakikialaman ang mga gamit niya.
“Hindi mo dapat pinakialaman ang gamit ko, Hanna! Hindi ko naman pinapasok ang silid ninyo ah!”
“Eh ano ngayon?” mapakla nitong sabi sabay ngisi. “Pinapakuha ni Mama ‘yung dress mong puti at hihiramin daw ni Marsha kaya ako narito. Malay ko ba namang may wallet ka pala rito!”
“Bakit ninyo basta gagalawin na lang ang gamit ko nang hindi ko alam? Hindi ba puwedeng hintayin niyo muna ako at saka hiramin ang kung ano mang gamit na kailangan ninyo sa akin?”
“Ang dami mong arte ha! Pasalamat ka nga at pagtitiyagaan ni Ate ang dress mo. If I know, mukhang pangmahirap iyon!”
“Ganoon naman pala, bakit kailangan ninyong magtiyagang manghiram sa akin? Ibigay mo na nga sa akin ang wallet ko at lumabas ka na dito!”
Sa halip na sumunod ay nameywang si Hanna sa kaniyang harapan. “Ibibigay ko ito sa iyo sa isang kondisyon.” Ngumisi pa ito na lalong nagpainit sa kaniyang tuktok.
“Anong kondisyon?”
“Igagawa mo ako ng loveletter for Antonio.”
“Antonio? Sino iyon?”
“Huwag ka na ngang magtanong! Basta igawa mo ako!”
Napilitan siyang umoo para lang tumigil na ito. Mabilis itong napangiti at saka tumalikod. Pagbalik nito ay may dala ng isang stationery pad at saka ballpen.
“Ayusin mo ha. Sabihin mong willing akong maghintay kung hindi pa siya handang manligaw. Basta ako lang ang liligawan niya.”
Napatingala siya rito pero agad ding napayuko nang mabilis nitong kutusan sa ulo.
“Huwag mo na akong tinitingnan nang ganyan! Sulat na!”
“Bakit ba? Masamang tumingin?” tanong niya rito. Gayunman ay kapos iyon sa tapang kaya ni hindi man lang nasindak si Hanna.
“Oo, masama! Tandaan mong nasa akin pa rin ang wallet mo. Ikaw din, baka magsisi ka kapag ipinambili ko ito ng –”
“Heto na nga kaya tumahimik ka na!”
Napangiti si Hanna nang magsimula siyang magsulat. Ang siste, habang nagsusulat siya ay apura ang salita nito. Ang dami nitong sinabi at pinabago nang matapos niya ang sulat. Sa huli, halos ay maubos na niya ang buong stationery pad dahil sa dami ng nagamit niyang papel.
“O, hayan na.” Iniabot niya rito ang papel.
“Itiklop mo muna.”
“Pati ba naman tiklop ay hindi mo alam? Boblaks talaga?”
“May sinasabi ka?”
“Ang sabi ko, ang ganda ng papel mo, pink na pink. Pero dahil lalaki siya ay mas maganda kung black, hindi ba.”
“Niloloko mo ba ako?” Siniko siya nito.
“Bakit na naman?”
“May black bang stationery?”
“Bakit? Hindi ka pa nakakakita? Meron kaya!”
“Ang ibig kong sabihin, stationery na pang love letter! Paanong pupuwede ang black e ‘di hindi na nakita ang sulat hindi ba?”
‘Ay sadyang boblaks nga…’
“May sinasabi ka na naman, Angge ka!”
“Meron nga.”
“Tingnan mo na!” Hinablot nito ang buhok niya pero agad niya itong pinigilan.
“Ano ba? Ang sabi ko, meron. Merong black na stationery paper. Meron naman talaga pero siyempre, hindi itim ang pangsulat doon kundi ‘yung something na magiging visible ang tinta sa itim na papel.”
Binitiwan siya nito. “Linawin mo ang sinasabi mo! Mamaya, sisikaran na kitang talaga!” Tumalikod na ito.
“Teka, teka! Nasaan ang usapan natin?” maagap niyang tanong bago ito tuluyang tumalikod.
“Anong usapan?”
“Yung wallet ko?”
“Anong wallet?” Niyuko nito ang sarili at ang hawak nitong wallet. “Ah, ito ba?”
Tumango siya at inilahad ang palad para sa pagsasauli nito ng kaniyang wallet pero agad din siyang natigilan nang mahawakan iyon. Nanibago siyang bigla at madaling kinabahan. “Nasaan ang pera ko?” bulalas niya nang mabuksan ang wallet at matagpuang wala iyong laman liban sa beinte pesos.
“Anong pera? Huwag kang namimintang diyan ha. Iyan lang ang laman ng wallet mo.”
Mabilis siyang napailing. “Mahigit isang libong piso ang laman nito, Hanna! Huwag mo akong gawing tanga!”
“Aba’t pinagbibintangan mo nga akong talaga!” Bigla nitong hinablot ang buhok niya at saka iyon hinatak. Agad na nanakit ang kaniyang anit. Nakiusap siya dito pero balewala rito ang mga sinasabi niya. Sige pa rin ito sa kasasabunot.
“Tama na!” sigaw niya. “Tama na, ano ba! Nasasakta ako, Hanna!”
“Talagang masasaktan ka dahil ang lakas ng loob mong mambintang! Pinalilitaw mo bang magnanakaw ako?”
“Mahigit isang buwan kong iniipon iyon, tapos ay kukunin mo lang! Tumupad naman ako sa usapan natin tungkol sa sulat ah! Madaya ka!”
Muli nitong hinablot ang kaniyang buhok. Noon umingit ang pinto ng silid. Napalingon si Hanna doon kaya sinamantala niya iyon para makaganti rito. Hinablot din niya ang buhok nito pero dahil lumalaban ito ay hindi na niya namalayang nakalmot niya ito sa pisngi. Daig pa nito ang tigre kung makaangil sa ginawa niya.
“Anastacia!”
Halos maiyak siya sa panlulumo nang malingunan sa gawi ng pinto ang nagtatanong na anyo ng ama. Nang balikan niya ng tingin si Hanna ay umiiyak na ito na animo inapi nang husto. Bahagyang dumudugo ang pisngi nito kaya naman ganoon na lang ang pagdalo ng kaniyang ama sa dalaga.