“AKO ang kinakabahan sa ginagawa mo, Anastacia. Pinag-isipan mo ba talaga ‘yan?”
“No choice na ako, Beshie.”
“Paanong no choice? Puwede ka pang umatras. Una, hindi ka naman pala desidido. Pangalawa, mas lalo namang hindi desidido si Carlo.”
Napatingin siya rito. “Tingin mo?”
Umikot ang eyeball ni Chikki. “Ano ka ba naman? Aba’y nagsisimula pa lang dumiga ‘yung tao, gusto mo nang magpatanan!”
“Tanan?” kunot-noo niyang sabi.
“Tan-ji-a ka, ‘day! Tanan as in elope!”
“At ‘yung tan-ji-a, tanga naman ang ibig sabihin noon, di ba? Excuse me, hindi ako tan-ji-a!”
“Hindi daw pero tanan lang ay hindi alam.”
“Alam ko iyon, ano ka ba! Nagulat lang ako sa sinabi mo.”
Kinutusan siya sa ulo ni Chikki. “Nagulat ka pero sa sinabi mo kay Carlo ay hindi ka nagulat? Sure ka bang talagang nasabi mo iyon sa kaniya?”
“Oo nga!”
“Hindi ka talaga nag-iisip kung minsan eh, ‘no. Kung ano ang masabi mo ay pinangangatawanan mo na. Puwede ba, Beshie, kahit minsan naman ay mag-iisip ka lalo at ganyan kaseryoso ang sasabihin mo.”
Nagkibit siya ng balikat. “Ano naman ang gusto mong gawin ko? Gusto ko nang makalayo sa poder ng mag-iinang iyon.”
“Kahit bahay ninyo iyon at ang mismong kinatatayuan ay lupa ng nanay mo na sabi mo ay ipinamana na sa’yo ng nanay mo?”
Totoo ang sinasabi nito. Kahit noong nabubuhay pa ang ina ay madalas nitong sabihin na siya ang magmamana ng bahay at lupa nila. Ang dalawa naman niyang kapatid ang siyang mangangasiwa ng mga bukid na ngayon ay sinasaka ng ama.
“Hindi naman mahalaga sa akin ang materyal na bagay, Chikki.”
“Hindi naman iyong materyal na bagay ang tinutukoy ko, friend, kundi ‘yung idea na bigay iyon ng nanay mo sa’yo. Ganoon mo lang ba kadaling isusuko iyon?”
Nangilid ang luha niya sa katotohanan ng sinabi ng kaibigan. “Siyempre ay hindi ko naman gustong umalis sa bahay ng Nanay. Kaya lang, ano ba ang gagawin ko? Mahirap nang itama ang mga maling bagay na ipinasok ng mag-iinang iyon sa isip ni Tatay. Baka lalo pang lumala ang away namin ni Marsha kung magtatagal pa kami sa iisang bahay.”
“So, sure ka na talaga? Ano ang plano mo ngayon kung sasama ka kay Carlo?”
“Bahala na, friend. Malay mo, mapabuti ako sa gagawin kong ito. Isa pa ay babalik naman ako pagdating ng takdang panahon. Just wish me good luck, okay.”
Napailing muna si Chikki bago sumagot. “Kinakabahan ako sa gagawin mo, Beshie pero nakasuporta ako sa’yo. Ano man ang mangyari ay tawagan mo lang ako, okay. Pupuntahan kita agad.”
“Salamat,” aniya kasabay ng pagpatak ng tinitimping luha.
“O, ano ‘yan? Huwag ka nang umiyak at baka magbago ang isip ko ay gumawa pa ako ng paraan para pigilan ang gagawin mo. Ikaw rin, baka mugto ang mata mo mamaya kapag nagkita kayo ng mister mong si Carlo.”
“Sira ka talaga!” aniya sabay tampal sa braso nito.
Sinikap niyang ngumiti kahit ang totoo ay kinakabahan siya. Bakit ganoon ang naramdaman niya sa sinabi ni Chikki? Tila biglang dinagsa ng samu’t-saring alalahanin ang dibdib niya. Ang isiping mapagsosolo sila niya si Carlo sa ilalim ng iisang bubong ay bumubuhay sa iba’t-ibang klaseng emosyon sa kaniyang sistema.
Napailing siya sa sarili. Bahala na.
ANG usapan nila ni Carlo ay alas-onse ng gabi sila magkikita. Ang sabi niya rito ay hintayin siya sa likod-bahay dahil doon niya idadaan ang mga gamit niya. Pagkatapos niyang ihulog ang gamit ay saka siya bababa at saka tuluyang lalabas sa back door. Hindi niya kasi puwedeng dalin ang bag dahil kung sakaling may makakasalubong siyang kasambahay sa pagbaba ay agad siyang magigibikan.
Ganap na alas-diyes ay tin-ext na niya ang lalaki.
‘Psssst, Carlo! Tuloy ba tau?’
Ang totoo ay kinakabahan siya sa isasagot nito pero kailangan niyang makompirma kung wala itong planong umatras sa kanilang plano.
Ilang minuto rin ang hinintay niya pero walang sagot buhat dito. Ten ten…ten fifteen…ten twenty…Tumunog ang cellphone niya.
‘Nervous?’ reply nito.
Daig pa niya ang nahulasang isda sa simpleng tugon na iyon. Mukha namang walang planong umatras ang lalaki kahit pa nga may himig-pambubuska ang text nito.
‘Nasaan knb?’
‘D2 haus.’
‘What tym k punta d2?’
‘I’ll just take my shower, okay.’
‘What tym k nga punta d2?’
‘Don’t worry…I’ll be there.
That message hit her. Isang simpleng mensaheng may dalang nakakikiliting emosyon sa kaniya. Hindi na niya iyon sinagot. Baka isipin ni Carlo na sobrang excited siya kahit pa nga totoo naman iyon.
FIFTEEN minutes before eleven o’clock ay nagsimula nang dagain ang dibdib niya. Sinulyapan niya ang bag na kaniyang dadalin at saka pumikit. Umusal siya ng maikling dasal para sa nanay niya at para sa kahihinatnan ng kaniyang gagawin. Ipinagdasal din niyang sana ay mapabuti ang kaniyang ama sa gagawin niyang ito. Sana, oras na umalis siya sa poder nito ay maging maayos na ang lahat. Mahal naman niya itong talaga kahit ganoon pa ang nangyari sa pamilya nila. Ang importante, masaya ito at nasa maayos namang kalagayan.
Pagmulat ng kaniyang mga mata ay awtomatikong bumalong ang kaniyang mga luha. Ni minsan ay hindi niya naisip na darating siya sa ganoong situwasyon. Simple lang naman ang pangarap niya – makatapos ng pag-aaral at mapaunlad ang mga mumunting ari-ariang minana ng kaniyang ina sa mga ninuno pa nito. Gusto niyang mabigyan ng higit na maayos na buhay ang ama dahil nakita naman niya kung paano itong nagpunyagi noon para sa kanilang magkakapatid. Kulang man ito sa lambing sa kaniyang ina ay nasaksihan naman niya kung paano nito ginampanan ang pagiging mabuting asawa sa nanay niya at pagiging ama sa kanilang tatlo.
Muli niyang inilibot ang paningin sa kabuuan ng silid. Mami-miss niyang tiyak ang kuwartong iyon. Lahat ng bagay roon maging kaliit-liitang punda ng unan o kurtina ng mga bintana ay siguradong mami-miss niya. Pinahid niya ng likod ng palad ang mga luhang nag-uunahang gumulong sa kaniyang mga pisngi. If this was the best thing to do, she would do it. Kahit pa masakit sa kalooban niya, kung iyon ang tanging paraan para ikatatahimik ng lahat.
Ten fifty-five, ready na siya. Pinagpatung-patong niya ang mga unan sa ibabaw ng kaniyang kama at saka iyon kinumutan. Humugot siya ng isang malalim na paghinga at saka tinapik ang touch lamp sa bedside table. Bahagyang pumusyaw ang liwanag sa loob ng silid. Humakbang siya palapit sa bintana at saka iyon binuksan, matapos ay saka siya tumingkayad upang silipin si Carlo.
Napasulyap siya sa bilog na buwan sa kalangitan at saka muling napabuntong-hininga.
‘Carlo, nasaan ka na?’
Sumipol siya para kung naroon na si Carlo ay maramdaman nito ang kaniyang presensiya. Nakabibinging katahimikan ang naging tugon sa kaniya ng malamig na gabi.