Chapter 8

1699 Words
NANLALAMIG na sa nerbiyos si Orange pero wala pa ring kahit anong palatandaang naroon na sa ibaba si Carlo. She was beginning to get nervous. What if he change his mind? Baka umatras ito at iwan siya sa ere.  Muli siyang napasulyap sa kaniyang mga gamit. Pa-emote-emote pa siya kanina pero heto at mukhang hindi naman yata siya matutuloy.  ’Subukan mo lang akong hindi siputin, Carlo…lagot ka sa akin!’  Muli niya itong tinext. ‘Nsan kn???’  Still no response from him. ‘Grrrr…Carlo, nasaan ka na ba?!’  Nagpalakad-lakad siya sa loob ng silid. Naroong muling mahiga sa kama, maupo, tumayo at muling magpalakad-lakad.  Eleven ten…eleven fifteen…eleven thirty…Nagsimula na siyang maiyak nang bigla siyang makarinig ng isang sipol. Dali-dali siyang tumayo at halos magkandarapa marating lang ang bintana. “Carlo!” mahina man ay mariin niyang sabi. “I’m here!” ganti nitong sabi na tulad niya ay ingat na ingat rin sa pagsasalita. “Throw your bags now!”  Madali siyang tumalima sa sinabi nito. Agad niyang binalikan ang mga gamit at saka iyon ipinatong sa bintana. Bumilang siya ng tatlo at saka inihagis ang travelling bag kay Carlo. Napauklo ang lalaki nang masalo ang bag niya.  “Anastacia, are you sure temporary lang ito? Bakit…bakit dala mo na yata ang buong closet mo?”  “Tse! Basta itabi mo na ang mga gamit ko at bababa na ako diyan!”  Maingat siyang lumabas ng pinto ng silid at saka bumaba. Tinawid niya ang mahabang salang humahantong sa kusina. Tutunguhin na lang niya ang backdoor nang bumuglaw sa kusina si Hanna. “Hoy,” anito, “baka galawin mo ‘yung vegies ko sa ref, ha. Pinabili ko pa iyon sa bayan!” Pinigilan niya ang sariling mapaismid. “Hindi ako kumakain ng d**o kaya iyong-iyo na ang mga iyan,” aniya. Kanina ay nakita niya si Mang Ambo na may uwing mga lettuce, carrot, pipino at parsley. Pabili raw iyon diumano ng magkapatid na bruha. “d**o ka diyan! Palibhasa ay puro karne ang alam mong kainin! Ni hindi mo nga kilala ang lettuce!” “Ano naman ngayon sa’kin? Ako ba, kilala ng lettuce mo? “Ang yabang mo ah! Akala mo kung sino kang umasta eh puro ka naman bilbil!” Hinarap niya ito at saka siya nameywang. “At least, ako, malaman. At nasa tamang lugar ang taba ko. Ikaw, diyan ka lang sa dibdib mo biniyayaan ng taba! Daig mo pa ang batang hindi nakakatikim ng yakult at combantrin sa sobrang kapayatan!” Madaling dumukwang si Hanna para abutin ang buhok niya pero mabilis na siyang lumayo rito. Talo siya kung si Hanna ang bubuno sa kaniya. Hinaharap pa lang nito ay malamang na pitong kilo na. Nang marating ang silid ay hinihingal na siya. Napatingin siya sa bintana nang maisara ang pinto. Hindi siya puwedeng magdaan sa backdoor. Gising pa si Hanna kaya malamang ay gising pa rin si Marsha. Baka mahuli siya ng mga ito. Madali niyang tinungo ang bintana at saka muling sumipol nang mahina. “Carlo!” “O?” “Saluhin mo ‘ko!” “Ano?” Kahit madilim ay halatang nagulat ito. “Saluhin mo ‘ko! Hindi ako puwedeng dumaan sa backdoor!” Pigil na pigil ang salita niya sa takot na mabuking ng mga kasambahay. Mabuti na lang at sala ang ibabang bahagi ng silid niya kaya tiyak na wala namang makakarinig sa kanila. “Kaya mo ba? Kumapit kang mabuti! Kukuha ako ng tuntungan.” Nawala itong saglit at pagbalik ay dala na ang bangkitong marahil ay nakuha nito sa garden ng madrasta niya. Tumuntong si Carlo doon at saka inilahad ang mga kamay sa kaniya. “I’m ready!” Napangiti siya at saka dahan-dahang bumaba sa bintana habang mahigpit ang hawak sa bawat makapitan niya. ‘Help me, Bro…makababa lang po ako nang maayos dito ay magpapakabait na po ako. Amen.’ “Sige, itapak mo sa balikat ko ang mga paa mo,” ani Carlo. “Sure ka? Kaya mo ba ‘ko?” “Oo. Dahan-dahan ha. Oras na makatapak ka, gumawa ka ng paraan na makaupo para maibaba kita nang maayos.” Sinunod naman niya ang lalaki. Hindi humihingang itinapak niya ang mga paa sa balikat nito. Nanimbang siya at unti-unting naupo. Nang tuluyang makababa sa lupa ay nayakap niya ang lalaki. “Ay susko, thank you, Carlo!” bulalas niya. Gumanti rin ng yakap sa kaniya si Carlo at naramdaman pa niya nang hagkan nito ang ibabaw ng kaniyang ulo. Laking gulat niya nang dumapo sa kaniyang mga labi ang halik na iyon nang tingalain niya ito. Sa sobrang pagkagulat ay umigkas ang palad niya sa pisngi ng lalaki. “Bakit?” tanong nito nang makabawi. Hawak pa rin nito ang pisnging nasaktan. “Bakit mo ‘ko hinalikan?” “What’s wrong?” taka nitong tanong. “Alam mo bang wala pang nakakahalik sa akin kahit minsan?!” gigil niyang sita rito. Gayunman ay hindi niya pa rin mailakas ang boses. “Wow, I’m flattered—” “Tse! Flattered ka diyan! Hindi mo dapat ginawa iyon!” Napahaplos sa batok si Carlo. “Sasama ka nga sa akin at iuuwi kita sa bahay ko, tapos ay hindi kita puwedeng halikan? Ano iyon?” Napabuga siya ng hangin sa pagkagulat. “Pumayag ka bang tumuloy ako sa inyo dahil lang doon, Carlo?” “No!” Mabilis itong napailing. “Of course not, pero siyempre, ano ba ang konotasyon ng pag-uwi mo sa amin? Ano ang mangyayari oras na malaman ng parents mo na ako ang kasama mo sa iisang bubong? Iisipin nilang nag-asawa ka na at iyon naman ang plano mo, hindi ba?” Napaisip siya. Iyon nga ba ang plano niya? ‘Umatras ka na Anastacia, hanggang may panahon ka pa,’ bulong ng isang parte ng isip niya. ‘Gaga, bakit ka aatras? Gusto mo bang habampanahon na maliitin ng mag-iinang bruha? Umalis ka at buuin mo ang sarili mong sinira nila,’ sagot naman ng kabilang parte. ‘May iba pa namang paraan. Hindi lang pag-aasawa ang dapat mong gawing solusyon. Bata ka pa.’ ‘Iyon lang ang paraan. Tiyak na hahanapin ka ng papa mo at pauuwiin nang paulit-ulit pero kung mag-aasawa ka na, valid na ang dahilan mo para lumayo sa kanila.’ “Ano? Bakit parang undecided ka?” untag ni Carlo makalipas ang ilang saglit. “Carlo…” “Don’t tell me na umuurong ka na?” Hindi agad siya nakapagsalita. “Sorry na. Hindi ko naman talaga sinasadya iyon. Natuwa lang ako na safe kang nakababa, that’s why, okay. No malice.” Pinakatitigan niya ito. “Promise?” Nakangiti itong tumango. “Ano? Naghihintay na sa labas ang tricycle na inupahan ko. Tara na?” “Ikaw, sure ka na ba sa gagawin nating ito?” “Hindi na ako nag-isip eh. Basta sinunod ko na lang kung ano ang nararamdaman ko.” Sa sinabing iyon ni Carlo ay bigla siyang nakabuo ng isang desisyon. Sasama siya rito. Isa na lang ang problema niya…kung paanong ipaliliwanag rito ang setup na nasa isip niya.   MALIIT lang pero cute ang bahay na tinutuluyan ni Carlo. Ang inaasahan niya ay sa isang apartment building ito nakatira pero nagkamali siya. Isang maliit na bahay iyon na may maliit ding bakuran. Iyon nga lang, halatang lalaki ang nakatira dahil wala ni isa mang halaman sa paligid. Kulay murang asul at krema ang pintura niyon. Gayunman ay may kurtina naman sa mga bintana at may mga pillow cases din ang mga maliliit na unan sa sofa set nito. Isang TV lang ang nasa sala. Ni walang stereo o DVD player. Tanging TV lang. Ang kusina ay maliit rin at tanaw iyon pagpasok pa lamang ng pinto. Natatakpan lang ng manipis na kurtinang kulay berde. Ang silid nito ay iisa lang din. Kung titingnan ay isang diretso lang ang yari ng bahay na inuupahan nito. “Pasensiya ka na sa bahay ko ha. Maliit lang ito. Mag-isa lang kasi ako kaya okay na sa akin ang ganitong lugar.” “Ayos lang. Cute nga eh. Ang daling linisin.” Napangiti si Carlo. “Kapag uuwi ako galing school, dapat ay daratnan kong malinis ang bahay ha. Dapat din ay may pagkain sa mesa, misis.” Pilyo ang paraan ng pagkakangiti nito. “Kung parati kang magbibigay ng perang pambili, lagi kang may daratnang pagkain sa mesa natin, mister.” Ngumiti rin siya rito pagkuwa’y naging malakas na halakhak ang ngiting iyon. “Bakit?” taka nitong tanong. “Wala lang. Nakakatawa tayo. Para tayong nagbabahay-bahayan.” “I’m not kidding here. Are…you?” Napadiretso siya sa pagkakatayo habang mataman pa ring nakatingin sa lalaki. “What do you mean you’re not kidding?” “I’m serious, Anastacia. Maglilinis ka talaga ng bahay at magluluto ng pagkain para sa ating dalawa.” “Alam ko iyan at walang problema iyan sa akin…pero ‘yung…’yung sinabi mong daratnan mo ako rito…wait, titigil ba ako sa pag-aaral?” Napailing si Carlo at saka inilahad sa kaniya ang isang palad. Inabot niya iyon at saka lumapit dito. Inakbayan siya nito at tila batang kinausap. “Anastacia, alam mo namang wala akong allowance mula sa parents ko dahil naglayas ako, ‘di ba. Paano kita pag-aaralin kung maliit lang naman ang kinikita ko sa talyer diyan sa kanto? Hindi ko pa kaya—” “May ipon ako kahit paano. Bago namatay si Nanay ay nag-save siya ng pera para sa aming magkakapatid.” “No! Hindi mo gagalawin ang perang iyon!” Napamaang siya rito. “Ako ang padre de familia kaya dapat lang na ako ang gumawa ng paraan para sa ating dalawa. You need to stop from schooling for a while but don’t worry, oras na makahanap ako ng mas maayos na trabaho ay mag-aaral ka ulit.” “Carlo,wala iyan sa usapan natin.” “Kaya nga pinag-uusapan natin ngayon.” “Pero teka, hindi puwede! Hindi ako puwedeng huminto sa pag-aaral. Mumultuhin ako ni Nanay kapag naghinto ako.” “Hindi totoo ang multo, Tasha, so don’t worry. Bukas na bukas rin ay kakausapin natin ang nanay mo para ipagpaalam sa kaniya ang saglit mong pagtigil sa pag-aaral.” “Hindi talaga puwede, Carlo! Please naman, huwag mo akong pahintuin. Kung kailangan kong magtrabaho para makatulong sa’yo, gagawin ko. At least, pera pa rin nating dalawa iyon. Hindi iyon galing kay Nanay.” Saglit na nag-isip si Carlo at ilang sandaling hindi nakakibo. Sinamantala niya iyon at yumakap siya sa isang braso nito. “Sige na, payagan mo na akong mag-aral. Don’t worry, pagbubutihan ko para naman hindi ako magkaroon ng failing grades at maka-graduate ako in due time. “Are you sure na okay lang iyon sa’yo?” Nagliwanag ang kaniyang mukha at nakasilip ng bahagyang pag-asa sa naging tugon nito. Mabilis siyang tumango. “Okay. Pero sabay tayong papasok sa umaga at uuwi sa hapon, okay.” “Paano kung may conflict sa schedule natin?” “I’ll adjust my time to yours. Kailangan ay sabay tayo palagi.” Bahagya siyang kinilig sa idea na magkakasama na sila ni Carlo mula sa gabing iyon. Kung anu-anong mga bagay ang pumapasok sa kukote niya dahil sa presensiya nito. Naisip niya, ano kaya ang magiging reaksiyon ng magkapatid na bruha sa oras na malaman ng mga ito na nagsasama na sila ni Carlo sa iisang bubong? At ano kaya ang sasabihin ng kaniyang madrasta kapag nalaman nito ang bagay na iyon? E ang tatay niya? Tapunan man lang kaya nito ng pansin ang situwasyong susuungin niya ngayong gabi?            
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD