“TAWAGIN mo na ang kapatid mo, Hanna. Daanan mo na rin sa silid niya si Anastacia at kakain na tayo.”
Nagkatitigan ang mag-ina at agad na isinenyas ni Rosa sa anak ang asawang nasa sala at nagbabasa ng diyaryo.
“Ah…opo, opo…” Mabilis itong sumunod pero lihim namang bumubulong sa sarili. Maya-maya lang ay bumababa na ito kasama ang kapatid.
“Maupo na at kakain na tayo. O, nasaan na si Ang—Anastacia? Akala ko ba ay tatawagin mo?” Bumaling ito kay Hanna habang ang huli ay napakibit lang ng balikat.
“She’s not in her room,” pakli nito.
Nagkatinginan ang mag-asawa.
“Wala? Paanong wala ay napakaaga pa naman.”
“Hindi ko rin alam, Tito. Baka naman…”
“Baka naman may group practice na naman sila kaya maaga siya!” putol ni Marsha sa sinasabi ni Hanna. Nagkatinginan ang magkapatid.
“Bakit hindi siya nagpaalam kung ganoon?”
“Ano ka ba naman, Romy. Talagang ganyan ang mga nasa kolehiyo na. Dalaga na ang anak mo kaya pabayaan mo na siya.”
“Pero baka kung napaano na ang batang iyon.”
“Ay, hindi, Tito! Kagabi ay bumaba pa siya at kinumusta ko pa nga. Ayos lang daw siya pero iyon nga, medyo busy daw. Hindi na ako nagtanong kahit gustong-gusto ko pa siyang kausapin.”
“Ganoon ba?” Kumibot ang mga labi nito na tila may ibig sabihin pero wala naman itong sinabi kahit ano.
“Don’t worry about her, Tito. I’m sure uuwi rin iyon mamaya.”
Napatango ito, pagkuwa’y nagsimula nang kumain.
“TALAGA? Ang sweet naman ni Carlo!” kinikilig na sabi ni Chikki.
Agad na sinaway ni Orange si Chikki. “Huwag kang maingay at baka may makarinig sa’yo!”
“Hindi ko mapigil, Beshie eh. Imagine, nakaluto na siya ng almusal nang magising ka?”
“Oo. At hindi lang iyon, may tatlong tangkay pa ng rosas sa hapagkainan nang dumulog ako. Napaka-sweet niya talagang tao.”
“Oo nga! I’m sure, hindi ka magsisisi sa naging desisyon mong sumama sa kaniya.”
“Oo naman!”
“Teka, ano ang suot niya kapag natutulog? Boxers ba? Pajamas? O wala?”
Kinutusan niya nang mahina ang kaibigan.
“Ito naman, joke lang! Nagbibiro lang ako!”
“Siyempre, sa amin nang dalawa iyon ‘no!”
Kinilig na naman ito. “Eh, may ano…may nangyari na ba sa inyo kagabi?”
“Ha?” Daig pa niya ang namatanda sa tanong na iyon.
“OA naman ng reaction mo! Itinatanong ko lang kung may namagitan na sa inyo. Natural ay expected na iyon dahil nag-asawa ka na, ‘di ba.”
“Beshie, alam mo namang hindi totoo iyon at palabas lang. Ano ka ba?”
“Ganoon? Pumayag naman ba si Carlo nang ganoon?”
“Oo. Alam naman niya simula pa ang stand ko.”
“Sa bagay. I’m sure, sa wakas ay magigising na rin ang tatay mo sa gayuma ng Rosang iyan!”
Bigla siyang natahimik sa puntong iyon.
“O bakit nagmo-moment ka?”
“Iniisip ko lang, Beshie…hinahanap nga kaya ako ni Tatay? Ano kaya ang situwasyon ngayon sa bahay namin?”
“Sigurado akong hinahanap ka na noon. Mahal ka naman ng tatay mo. Iyon nga lang, nagayuma ng mahusay mong madrasta kaya nagkaganoon.”
Napayuko siya pagkaalala sa ama. Bigla siyang nakadama ng lungkot.
“Huwag ka nang ma-sad, Beshie. Pabayaan mong matutunan ng tatay mo ang lesson niya, gayon din ang mag-iinang bruhang iyan. Makikita mo, magiging maayos din ang lahat.”
“Sure ka? Paano kung hindi? Saka hanggang kailan kami ni Carlo sa ganitong setup?”
Napaisip si Chikki. “Ano ba ang usapan ninyong dalawa?”
Hindi agad siya nakasagot sa tanong na iyon ng kaibigan. Kasunod niyon ay ang pagbaha sa isip niya ng mga alaala nang nagdaang gabi.
“Iisa lang ang silid ng bahay na ito?” hindi makapaniwalang tanong ni Orange.
“Of course. Mag-isa lang ako dito.”
“Paano iyan? Hindi naman tayo puwedeng magkasama sa iisang silid.”
Napahaplos sa batok si Carlo. “Hindi ba talaga puwede?” nakangiti ang mga matang tanong nito.
“Ano ka ba! Natural ay hindi!” Inirapan niya ito nang pagkatalim-talim. “Alam mo namang kunwa-kunwarian lang ito, hindi ba? Don’t tell me na handa ka na talagang mag-asawa?”
Napailing ito nang ilang ulit. “I don’t see the point, Tasha. Kung talagang gusto mo lang mapansin ng tatay mo, hindi siguro ito ang tamang paraan. We can not live under one roof or else, pag-aasawa na talaga ang implikasyon niyon.” Mataman itong tumitig sa kaniya. “Come, on, make up your mind! Pag-isipan mong mabuti hangga’t may oras pa.”
“Anong may oras pa?”
“Simple. Kung gusto mong maglayas lang tulad nang ginawa ko sa amin, tutulungan kita. Hahanap ako ng isang lugar na puwede mong tuluyan.”
“Ako lang mag-isa?”gulat niyang tanong.
“Kung gusto mo…pero kung mapagdedesisyunan mo naman na dito ka sa akin, may kasama ka…ako.”
Nakadama siya ng kasiyahan sa sinabi nito…pero kaakibat niyon ay takot. “Kung…kung dito ako sa iyo…ang ibig bang sabihin niyon ay talagang tayo na?”
“Natural!” mabilis nitong sagot.
“Magiging mag-asawa na tayo?”
“Of course!”
“Matutulog tayo sa iisang higaan?”
Tumango ito.
“Magtatabi tayo?” Namilog ang mga mata niya sa naisip.
“Hindi lang magtatabi, sweetheart…” Kumindat ito nang makahulugan sa kaniya na agad naghatid ng kilabot sa kaniyang sistema. “Gagawin din natin ang mga bagay na ginagawa ng mga mag-asawa.”
Hindi niya napigilan nang umigkas ang kamao niya. Napaatras si Carlo at napasandal sa dingding na nasa likuran nito. Salo nito ang kaliwang mata nang makabawi.
“Bakit na naman? Ang sakit noon ah!”
“Ang bastos mo eh!” Napalabi siya. Wala man siyang kaharap na salamin ay nahuhulaan na niya ang kulay ng pisngi niya sa mga sandaling iyon. Hindi siya sanay nang tinutudyo ng isang lalaki.
“Huh!” gulat nitong bulalas. “Ano ba ang iniisip mo? I was just supposed to say we’re gonna do the things that couples usually do…” Saglit itong nag-isip, “like…like doing some things together.”
“Alam ko na ‘yang style mo na iyan. Pare-pareho lang ang mga lalaki kaya tigilan mo ‘ko, Carlo!”
“What?”
“Aminin mo, anu-ano bang mga bagay ang puwedeng gawin ng mag-asawa nang sabay? Huwag mong sabihing paliligo lang at pagkain?”
“Bakit? Ano pa ba ang gusto mong gawin bukod doon?”
Umangat na naman ang isa niyang kamay pero agad nang naging alerto ang lalaki. Hinawakan nito ang kaniyang kamay at dahan-dahang ibinaba.
“Easy, Sweetie…Easy ka lang.” Muli siya nitong inakbayan. “I was just teasing you, okay. Huwag kang bayolente.”
“Puwede ba, tigilan mo ang pang-iinis kung ayaw mong masaktan?”
Napasipol ito sa sinabi niya bago napatawa nang marahan. Umalog ang balikat nito sanhi nang pagtawa. “Okay, okay. Seryoso na tayo.”
“Paano na?”
“Nakita mo ‘yung isang bahay sa kanan kanina bago pumasok dito? Nasa loob din ng bakuran. Bakante iyon. If you want, doon ka tutuloy.”
“Ako lang mag-isa?”
“Anastacia, nagpapasalamat ako na hindi ibang lalaki ang sinamahan mo sa mga panahong ito.” Tumahimik itong saglit at saka matamang tumitig sa kaniya. “You seem so—so innocent.”
Umingos siya sa sinabi nito bagaman alam niyang may katotohanan iyon. “Alam mo, matalino lang akong tao at na-accelerate lang ako ng dalawang taon but I’m just sixteen! Bata pa ‘ko talaga!”
“Bata ka pa pero kung makapagyaya ka ng tanan ay parang luksong-tinik lang iyon sa’yo!”
Hindi siya nakakibo sa katotohanan ng sinabi nito.
“As I was saying, may isa pang bahay na bakante diyan sa kabila. Kung papayag ka, may suggestion ako.”
“Ano?”
“Doon ka tutuloy pansamantala. May kaunti akong naitatabi pa rito kaya ako na ang bahala sa one month deposit mo. ‘Yung isang buwan, sasabihin ko sa landlady na kung puwede ay hulug-hulugan ko kada linggo.”
“May pera ako—”
“Ang kulit! Hindi mo nga gagamitin ang pera ng nanay mo! Basta ganoon pa rin ang usapan natin. Palilitawin mo sa mga mata ng parents mo na mag-asawa na tayo pero sa kabilang bahay ka tutuloy. Doon ka lang matutulog at maliligo pero dito tayo sabay na kakain, tutal ay malapit lang naman.” Dumukot ito sa bulsa at saka nito inilahad ang palad sa kaniya. “Here’s the key. Kung tulog pa ako ay malaya kang makakakilos dito sa bahay.”
Saglit siyang natahimik at napatingin sa lalaki. “Carlo, puwedeng magtanong?”
“Go ahead.”
“Bakit tinutulungan mo ‘ko?”
Ngumiti ito nang pagkatamis-tamis sa kaniya. She had to breathe hard to collect her senses. Pakiramdam niya kasi ay saglit na nalaglag ang puso niya sa ginawa nitong pagngiti.
“Bakit? Ayaw mo ba?”
“Gusto…siyempre. Nagtataka lang kasi ako. Nakapagtataka na…na hindi ka nananamantala. Sa kabila ng setup na ini-offer ko sa’yo, heto at itinuturo mo pa sa akin ang dapat kong gawin.” Nagyuko siya ng ulo pagkasabi niyon. Humakbang si Carlo palapit sa kaniya at namalayan na lang niyang nakatingin na siya rito habang hawak nito ang kaniyang baba.
“Sabihin na nating bata ka pa…na hindi mo pa alam ang mga bagay na dapat mo talagang gawin at ako ang tanging lalaking pinayagan mong umalalay sa’yo sa mga ganitong klaseng pagkakataon.” He touched her cheek and smiled again. “Itinatama ko lang ang lahat habang bata ka pa…pero ito ang simula, Anastacia…ito ang simula nang paghihintay ko sa’yo.”
“Carlo…”
“Posibleng bata ka pa ngayon at tulad ng isang bubot na prutas, hindi ka pa puwedeng pitasin. Pero nakahanda akong maghintay hanggang sa dumating ang araw na puwede ka na, sweetheart. Kapag alam mo na ang mga bagay na ginagawa mo at gagawin mo ang mga iyon hindi dahil sa ibang tao…kundi dahil gusto mo at handa ka na.”
Namasa ang mga mata niya sa kaseryosohan ng boses ni Carlo. Tama ito. Napakasuwerte niyang ito at hindi ibang tao ang kasama niya sa mga ganitong klaseng pagkakataon. Ano man ang totoong damdamin ni Carlo sa kaniya ay pakakaingatan niya…dahil tulad nito, gusto rin niyang alagaan ang damdaming iyon at nakalaan rin siyang maghintay sa panahong sinasabi ng lalaki…na handa na siya sa isang situwasyong kasama ito.