“TALAGA? Ganoon ang setup ninyong dalawa?”
Tinanguan ni Orange ang tanong na iyon ni Chikki.
“How nice naman of Carlo! May lalaki pa palang tulad niya sa mga panahong ito!”
“Kaya nga! Ang aga ko pang gumising para ipagluto siya. May susi naman ako so lumipat agad ako sa bahay niya kinabukasan. Iyon naman pala ay nakaluto na siya.” Napangiti siya sa bahaging iyon ng pag-iisip pero agad na nawala ang ngiting iyon nang matanawan niyang papalapit si Marsha at mga kaibigan nito.
Nakita niyang akmang tatayo si Chikki kaya agad niya itong hinawakan sa kamay para pigilan. Hinarap niya ito nang nakataas ang ulo.
“Kumusta naman ang alibughang anak?” anito nang makalapit.
“At kumusta naman ang kordero ng elepante?”
Saglit na nawala ang pagkakangisi ni Marsha at napasulyap sa mga kasama nito.
“O, naghahanap ka na naman ng kakampi,” aniya. “Kung makikipag-away ka ay siguruhin mong kaya mong mag-isa, Marsha. Hindi naman magandang para kang tukong kakapit sa mga kaibigan mo kapag nagharap na tayo.”
“Ang yabang mo ah!” pakli nito.
“Talaga! Dahil sa wakas ay nakalaya na rin ako sa inyong mag-iina!”
Napakunot muna ang noo ni Marsha bago muling nagtanong. “Ang ibig mong sabihin…naglayas ka na talaga? Hindi ka na babalik sa bahay?” Pagkuwa’y tila biglang nagningning ang mga mata nito.
“Huwag kang masyadong magsaya! Tulad sa mga pelikula, babalik din ang anak ng bidang ama kapag malapit na ang ending. Tapos, itatakwil na niya ang bago niyang asawang elepante at ang mga kambing nitong anak—”
“Dahan-dahan ka sa pagsasalita, Angge! Baka makita mo ang hinahanap mo!”
“Ta-la-ga baaaah?!” aniya habang eksaheradong binagalan ang pagsasalita. Inilagay pa niya ang isang hintuturo sa tapat ng cheekbone niya at diniinan iyon pababa para makita pati puti ng kaniyang kaliwang mata, anyong nang-iinis. Tumawa naman nang malakas si Chikki.
“At saan ka naman tumutuloy ngayon? Sa pobreng bahay nitong alipin mong timawa?”
Sa puntong iyon ay hindi na niya nagawang pigilan si Chikki. Humakbang ito ng isa palapit kay Marsha at saka iniliyad ang dibdib.
“Hoy, pink goat! Ikaw ang magdahan-dahan sa pagsasalita at baka hindi kita matantiya ay masikaran kita! Huwag mong malait-lait ang bahay namin ha!” Tumaas pa ang daliri nito at dinuro si Marsha.
“Bakit? Totoo naman ah! Bahay na ba ang tawag mo doon? Kinurtinahan lang at nilagyan ng bubong, bahay na?”
“At least may bahay na talagang amin! E kayong mag-iina, nasaan ang bahay ninyo? Hindi na kayo nahiya at pati totoong may-ari ng bahay ay umalis na roon para lang magbigay sa inyo! Ang kakapal talaga ng mga makeup niyo!”
“Bakit, pinaalis ba namin siya? Kusa siyang umalis kaya magtiis siya sa inyo!”
Muling tumawa si Chikki, ‘yung tipo ng tawang kaasar-asar. “Tigilan mo na ang kalalait sa bahay namin dahil hindi naman siya doon tumutuloy! Sa bahay siya ni Carlo umuuwi, FYI!”
Nanlaki ang mga mata at butas ng ilong ni Marsha sa narinig. “What?!” bulalas nito sa buong pagkagulat.
“You heard it right! May issue ka?”
“Hindi ka na ba nahiya at nakituloy ka pa sa bahay ni Carlo?” baling nito kay Orange.
“Vooba mo talaga kahit kailan! Alangan namang tig-isa ng bahay ang mag-asawa? Natural ay magkasama sila—”
“Mag-asawa!” she exclaimed.
“Wow, echo?!” sarkastikong sabi ni Chikki.
“Nag-asawa ka na, Angge?” Tila hindi ito makapaniwala at hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin nito maibaba ang mga nakaarkong kilay.
“Oo. Gusto mo ba ng kuwento? I-tsika ko sa’yo!” aniya na nakangiti ang mga mata.
“Ang bata mo pa! Ano na lang ang sasabihin ng tatay mo kapag nalaman ito?”
“Hinuhulaan na nga din namin e kaya kung puwede, favor naman, pakisabi agad ha.” Kunwa’y tinapik pa ni Chikki si Marsha sa isang kamay at laking pag-iwas naman nito.
“Anastacia!”
Sabay-sabay silang napalingon sa likuran. Papalapit si Carlo kasama ang team nito.
“Y-es…babe!” bati niya na bahagya pang nautal.
Napakunot ang noo ni Carlo pero agad ding nakuha iyon nang dumako ang tingin nito kay Marsha. “Hi!” Binati rin nito ang mga kasama ng dalaga.
“Totoo ba, Carlo?” tanong ni Marsha na unti-unting nangislap ang mga mata. Ibig niyang magtatalon sa tuwa sa mga sandaling iyon.
“Marsha—”
“Totoo bang nag-asawa ka na?” Pinukol siya nito ng tingin at saka iyon muling ibinalik kay Carlo. “Totoo bang sa inyo umuuwi si Angge at nag-asawa na kayong dalawa?”
Hindi niya naiwasan ang mapaikot ang mga mata dahil sa pangalang itinawag na naman ni Marsha sa kaniya. Inis na inis na talaga siya sa babaeng ito! Tangkain lang nitong malingat at talagang babakbakin niya ang anit ng babaeng ito!
“Tasha…” Sa kaniya naman bumaling si Carlo. Agad siyang kinabahan dahil pakiwari niya ay salungat ang magiging tugon nito sa sinabi niya. “Tasha…” ulit nitong tawag sa kaniya. Bahagya niyang nilakihan ang mga mata para senyasan ito. Hindi naman iyon nahalata ng grupo ni Marsha dahil abala ang mga ito sa pag-aanalisa sa reaksiyon ni Carlo.
“Yes, babe? Huwag ka nang mahiya. Sinabi ko na kay Marsha ang totoo…na mag-asawa na tayo.”
Umugong ang kantiyawan ng grupo dahil sa sinabi niya. Bakit ba hindi niya naisip na kaya hindi agad makasagot ang lalaki ay dahil naroon rin ang mga kaibigan nito? Their show was just for Marsha. Natural ay kakalat iyon sa kahit anong paraan pero marahil ay hindi inaasahan ni Carlo na mababandera agad iyon sa lahat nang ganoon kaaga.
“Pare, nag-asawa ka na? Putsa naman Pare, bakit hindi ka nagsasabi?” anang isang kasama nito.
“Oo nga! Kanina pa tayo magkakasama sa gym at ni hindi mo nabanggit na nag-asawa ka na pala!” ayon naman ng isa pang kasama nito.
“So, totoo nga?”
Napasulyap ang lahat kay Marsha nang mabasag ang tinig nito.
“Yes,” ani Carlo sa paraang walang inhibisyon. Lumapit pa ito sa kaniya at masuyo siyang tinitigan sa mga mata habang ang isa nitong kamay ay humaplos sa pisngi niya. Ilang saglit na naghinang ang mga mata nila nito, walang pakialam kung may audience man sila.
“Paano ako?” muling sabi ni Marsha sabay hawak sa isang kamay ni Carlo.
“Hoy, bitiwan mo ang kamay ng asawa ko kung ayaw mong maging sisig!” singhal niya rito sabay alis ng kamay nitong nakakapit kay Carlo.
“Oo nga Pare, paano na si Marsha?” sabi naman ng isa nitong kasama.
“Huwag na si Marsha Pare, dahil hindi naman sila ni Carlo! Si Portia kamo. Paano na si Portia?”
Napakunot ang noo niya sa narinig. “Portia?” ulit niya. ‘Marsha…Portia…Sino naman iyon? Dapat talagang may rhyme?’
“Oo. ‘Yung girlfriend ni Carlo! Pare, huwag mong sabihing hindi kilala ng asawa mo si Portia? Oh my, what did I say?”
She searched for Carlo’s eyes and she found them confused and worried. Binundol ng kung anong kaba ang dibdib niya dahil doon.
“Babe, magpapaliwanag ako,” wika nito.
“Carlo!”
Hindi na niya nagawang sagutin ang sinabi nito nang malingunan niya ang isang babaeng balingkinitan ang pangangatawan. Tulad ni Carlo ay blue din ang ID jacket nito, patunay na kaparehong kurso ni Carlo ang kinukuha nito. Mahaba ang buhok nitong nakalugay at malamang ay mataas ito ng ilang pulgada sa kaniya.
‘She was pretty, all right but I’m prettier.’
“Portia?”
Lalo nang nadagdagan ang kaba sa dibdib niya nang makumpirma ang hinala. So this was Portia…and she must be the girlfriend…