Chapter 02

2398 Words
[Chloe’s Pov] Ano’ng dahilan at bakit pumapalahaw sa pag-iyak si nanay. Lalo lamang tumindi ang nararamdaman kong kaba sa aking dibdib. Pumunta ako sa pintuan at pinihit ang doorknob. Humakbang ako palabas ng bahay. Ganito ang mga nakikita ko kapag may namamatay. Isang burol, mga ilaw na kulay dilaw at mga bulaklak sa labas ng bahay. Naglakad ako nang marahan papunta sa bahay namin. Nakita kong nasa akin ang atensiyon ng mga tao sa labas. Nagbubulungan sila kaya nakaramdam na ako ng takot sa mga kakaibang tingin nila. Lumabas si nanay galing sa loob ng bahay. Bakas sa mukha nito ang lungkot at hinagpis. Tumakbo siya patungo sa akin. Niyakap niya ako nang mahigpit. Blangko ang aking ekspresyon sa mukha. Labis akong naguguluhan kung bakit. “Nanay, ano po ang nangyayari?” nagugulumihanan kong tanong. Imbes na sumagot si nanay ay lalo itong humagulgol sa pag-iyak. Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Nag-iiyakan na rin ang iba pang mga tao. Lumabas sa pintuan namin si Ninang Ellen at Ninong Allan. Bakas din sa itsura nila ang lungkot. Umalog ang balikat ni nanay bilang patunay na labis ang pag-iyak nito. “Nay, nasaan si tatay?” naguguluhan kong tanong. Iniharap ako ni nanay. Kita ko ang walang tigil na pagbagsak ng mga luha niya sa kaniyang mga mata. Mugto na rin at namumula ang mga mata niya. Marahil ay ilang oras na siyang nag-iiyak. Hinaplos ko ang kaniyang mukha. Ginawaran niya ako ng mapait na ngiti. Tumayo si nanay at inakay ako papasok sa loob ng bahay. Natigilan ako noong makita ko ang isang kabaong. Sa itaas nito ay nakapatong ang litaro ni tatay na nakalagay sa picture frame. Umangat ako ng tingin kay nanay. Naguguluhan ako at hindi ako makapaniwala. Bakit nandoon ang litrato ni tatay? Tanong ko sa aking isipan. Ibig bang sabihin nito ay wala na si tatay. Marahan akong lumapit sa kabaong. “Grabe, walang puso ang gumawa nito kay Cardo,” bulong ng isang kapitbahay. “Kawawa naman ang mag-iina, sino na lang ang bubuhay sa kanila?” dugtong pa ng isang kapitbahay sa labas. Nilingon ko sila at tinignan. Yumuko sila at umiwas sa aking pagtingin. Ibinalik ko ang aking tingin sa kabaong. Pagdungaw ko ay nagimbal ako sa aking nakita. Si tatay ay nasa loob ng isang kabaong. Hindi ako makapaniwalang nakahimlay ito at wala nang buhay. Hinawakan ko ang salamin ng kabaong. Gusto kong haplusin sa mukha si tatay. “Tay,” mahina kong sabi. Nilingon ko si nanay na nakatitig sa mukha ni tatay. “Cardo!” hikbi niya. Nagsimula akong makaramdam ng sakit sa puso ko. Para iyong tinusok ng karayom na hindi ko maintindihan. “B-Bakit nasa loob ng kabaong si tatay?” tanong ko. Umiling-iling si nanay at humagulgol sa pag-iyak. Niyakap ko si nanay at nagsimulang bumuhos ang mga luha sa mga mata ko. Nanlabo na ang mga mata ko sa patuloy na pagluha. “Tatay!” hiyaw ko’t pumalahaw sa pag-iyak. Narinig kong nag-iyakan na rin ang iba pang mga bisita. “Cardo! Bakit mo kami iniwan!” hiyaw ni nanay. Dahan-dahan siyang umupo at sumalampak sa sahig. Kitang-kita ko ang sakit na naramdaman ni nanay sa kaniyang mukha. Hindi ko alam kung paano ilabas ang labis na kalungkutan. Isa lang akong batang walang muwang kung bakit iniwan kami ni tatay. Naawa ako sa aking ina dahil sa pagtangis nito. Halos mawalan na siya ng hininga. “Hindi! Mananagot ang may gawa sa’yo nito!” sigaw ni nanay. “Wala siyang awa! Bakit mo ginawa ito kay Cardo!” Niyakap ko si nanay habang ako ay umiiyak din. Ano’ng ibig sabihin ni nanay. Pinatay ba si tatay? Sino ang may gawa nito sa kaniya. Pumalahaw ako sa pag-iyak noong makita ko si nanay na humandusay sa sahig. Hindi kalaunan ay nawalan ng malay si nanay. Nag-panic na ang mga tao sa loob. Binuhat siya ni Ninong Allan at pinaupo sa upuan. Samantalang si Ninang Ellen ay kumuha ng white flower. Nakalagay iyon sa maliit na bote. Itinapat nito ni Ninang Ellen sa ilong ni nanay upang mahimasmasan. *** *** Kinaumagahan ay tumulong ako kina nanay at Ninang Ellen. Ako ang tagatimpla ng kape ng mga bisita. Magdamag silang nagpuyat sa burol ni tatay. Hanggang ngayon ay naiiyak pa rin ako kapag nakikita ko ang kabaong ni tatay. Kailangan kong maging matatag para kay nanay at sa kapatid kong si Dave. Ang kawawa kong kapatid na walang kaalam-alam sa nangyayari. Pagbalik ko sa kusina ay narinig ko sina Ninang Ellen at nanay na nag-uusap. Mukhang seryoso ang kanilang pinag- uusapan. Karga ni nanay si Dave habang nakatayo. “Wala ka bang ideya kung sino ang gumawa nito kay Cardo?” tanong ni Ninang Ellen. Napasuklay si nanay sa kaniyang buhok dahil sa pagkalito. Wala itong maisip na kung sino ang gagawa nito kay tatay. “W-Wala, hindi ko talaga alam. Wala naman siyang nakaalitan. Hindi kaya kalaban ni Mayor Roman?” sabi ni Nanay. Lalo lamang naguluhan ang kanilang istura dahil sa kanilang pinag-uusapan. Lumapit si Ninong Allan sa puwesto ko. Hinaplos niya ang buhok ko. Ngumiti lang ako at ganoon din siya. Natigilan si nanay at Ninang Ellen sa loob ng kusina. “O, bakit Allan?” tanong ni Ninang Ellen sa kaniyang asawa. “Si Mayor Roman, paparating na,” sabi ni Ninong Allan. Kaagad na lumabas ang tatlo sa kusina. Huminto si nanay sa aking tapat. “Anak, Ikaw muna ang bahala ha? Magtimpla ka pa ng limang kape,” bilin ni nanay. “Opo, nay,” sagot ko at pumasok na ako sa loob ng kusina. Ngunit dumungaw ako sa kurtina upang makita si mayor. Nakita kong pumasok si Mayor Roman, ang amo ni tatay. Ibinaba nito ang suot na sumbrerong pangmayaman. Nasa tatlumpung taong gulang na ito. May kasama siyang mga tauhan at nagpaiwan ito sa labas ng bahay. May kasama rin siyang isang babae. Siya pala ang asawa ng mayor. Siya si Eva Salvador. Tingin ko ay bata pa ito. Kung hindi ako nagkakamali ay nasa dalawampu’t walong taong gulang pa lang ito. “Ikinalulungkot ko ang pagkawala ng iyong mahal na asawa,” sabi ni Mayor Roman kay nanay. Yumuko si nanay at nagsimulang umiyak ulit. Itinaas muli ni nanay ang tingin kay Mayor Roman. “P-Pasensya na po Mayor Roman,” sabi ni nanay. Pinunasan niya ang luha niya sa mga mata. Pinigil niya ang maiyak sa harap ng mayor. Lumapit si mayor sa kabaong ni tatay. Matiim niya itong tinitigan. Lumapit si nanay sa likuran ni Mayor Roman. “Isang masipag na driver si Cardo. Labis ko siyang hinahangaan sa pagiging tapat nito sa akin.” Lumapit si nanay sa kabaong ni Tatay. “Mayor, tulungan niyo po kaming madakip ang may sala,” matigas na pakiusap ni nanay. Hinaplos ni Mayor Roman ang likuran ni nanay. “Huwag kang mag-alala, tinutugis na ng pulisya ang salarin.” Nakita kong umupo si Eva sa silya. Hindi ito mapakali at pinagpapawisan. “Eva, halika rito,” tawag ni mayor sa kaniyang asawa. Umiling lang ito na para bang takot na takot tumingin sa kabaong. Lumapit si Mayor Roman kay Eva at mahigpit itong hinawakan sa braso ang asawa niya. Bakas sa mukha ang takot ni Eva kaya tumayo ito at sumunod. Hindi ko alam kung ako lang ba ang nakapansin. Baka takot lang talaga o hindi ito sanay na makakita ng patay. Tinitigan ni Eva ang kabaong at nag-sign of the cross ito. Pinagsalikop nito ang kamay at tila ba nagdadasal. Para bang ang laki ng kasalanan nito. Tumawa si Mayor Roman sa ginawa ng kaniyang asawa. “Pagpasensyahan niyo na ang asawa ko. Hindi lang talaga siya sanay makakita ng bangkay,” paliwanag ni mayor. Mabilis na tumalikod si Eva at nagmadaling naglakad palabas ng bahay. “Ano’ng problema no’n,” tanong ni Ninang Ellen sa katabi. Nagkibit balikat lang ang katabi niyang isa sa mga bisita. “O-Okay lang po Mayor Roman, baka nga po hindi siya sanay at matatakutin,” sabi ni nanay. Nilingon ni Mayor Roman ang isang tauhan niya na sa likuran. Sumenyas siya rito na para bang may kailangan. May inilabas ito na isang puting sobre at iniabot kay mayor. Ano kaya ang laman ng puting sobreng iyon. Tanong ko sa isip ko. Ibinigay ito ni Mayor Roman kay nanay. Tinanggap naman ito ni nanay habang nakatitig sa puting sobre. Makapal ito at naglalaman ng pera. “A-Ano po ito?” tanong ni nanay. “Buksan mo,” utos ni mayor. Nanlaki ang mga mata ni nanay sa natuklasan. “Ang dami,” mahinang usal ni nanay. Hindi siya makapaniwala na may laman na malaking halaga ang kulay puting sobre. Ngumisi si Mayor at tinapik tapik si nanay sa braso. “Para sa inyo ‘yan. Tulong ko bilang kapalit na serbisyo ni Cardo.” “Maraming salamat po mayor!” natutuwang sabi ni Nanay. Lumapit siya sa kabaong at ipinakita iyon kay tatay. “Tignan mo, Cardo. Kahit papaano ay makararaos kami,” naiiyak niyang sabi. “O siya, hindi na ako magtatagal at may meeting pa ako,” paalam ni Mayor Roman. Inihatid ni nanay sa labasan sina Mayor Roman at mga tauhan nito. Akala ko ay isang masamang tao si mayor dahil sa ipinakita nitong pagtrato sa asawa niya. Mabait naman pala siya at maawain. Itinuloy ko na ang pagtimpla ng mga kape sa kusina. Pagkatapos noon ay inilabas ko ito at ipinamigay sa may gustong uminom. Magkatabi kaming natulog ni Dave sa bahay nina Ninang Ellen at Ninong Allan. Wala kasing mahigaan sa bahay dahil nakaburol si tatay. Sa susunod na mga araw ay ililibing na siya. Pumikit ako nang mariin. Naramdaman ko ulit ang sakit sa aking puso. Inalala ko ang masasayang araw na kasama ko ang tatay ko. Mas malapit ako sa kaniya kaysa kay nanay. Papa’s girl nga raw ako kung tawagin ni nanay. Nag-umpisang tumulo ang luha ko sa aking mga mata. Sobrang sakit at hindi ko maipaliwanag. Pakiramdam ko ay may napupunit sa puso ko. Ang tatay ko ay hindi ko na makikita pa kailanman. “Hindi ka ba makatulog?” tanong ni Samuel. Idinilat ko ang mga mata ko kasabay na pinunasan ko ang mga luha ko. Nakatuon lang sa kisame ang tingin ko. “Nami-miss ko na si tatay, Samuel,” sabi ko. Nakahiga sa kabilang gilid si Samuel sa tabi ni Dave. Nakatitig ito sa akin at malungkot ang mga mata. Para niya akong dinadamayan sa aking pighati na nararamdaman. “Nasa heaven na si Tito Cardo. Tiyak akong binabantayan niya kayo,” malungkot nitong sabi. Binalingan ko siya ng tingin. Sigurado akong malungkot si tatay dahil naiwan niya kami. “Sana mahuli ang pumatay kay tatay. Hinding-hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niya,” matigas kong sabi. “Tutulungan kita, Chloe.” Napakunot ang noo ko sa sinabi ni Samuel. “Paano mo naman ako matutulungan?” tanong ko. “Nakalimutan mo na ba? Paglaki ko ay magiging pulis ako,” sabi niya. “Takot ka nga sa uod e, magpupulis ka pa,” pang-aasar ko sa kaniya. Kaya bahagya akong napangiti. Natawa si Samuel sa binitiwan kong salita. Bumangon ito sa pagkakahiga at umupo. “Sa uod takot ako pero sa mga masasamang loob, hindi!” matigas na sabi niya. Napangiti ako sa sagot ni Samuel. “Inamin mo rin na takot ka nga,” sabi ko. “Pangako ko ‘yan sa’yo, Chloe. Huhulihin ko ang mga kriminal.” “Matulog na tayo. Inaantok na ako Samuel,” sabi ko sabay hikab. “Okay, goodnight, Chloe.” Pagpikit ko ay bumalik ang sakit na naramdaman ko kanina. Tumagilid ako sa paghiga at niyakap ang sarili. Hindi ko na napigilan pa ang umiyak. Sobrang sakit mawalan ng isang ama. Alam kong kahit kailan ay hindi na siya babalik pa. *** Bumuhos ang malakas na ulan sa libing ni tatay. Kahit ang langit ay nakikidalamhati sa amin. Sobrang naawa ako kay nanay sa itsura niya at kalagayan niya. Habang ipinapasok sa nitso ang kabaong ni tatay ay mariring mo ang mga panaghoy ng mga nakilibing. Mabait si tatay at matulungin kaya labis ang kalungkutan ng mga kaibigan at kapitbahay sa pagkawala niya. Sumagi sa isipan ko ang mga ala-ala ni tatay. “Anak, palagi mong babantayan ang kapatid mo ha?” sabi ni tatay sa akin. “Opo, ako ang poprotekta sa kaniya. Kapag may umaway sa kaniya ay aawayain ko!” sabi ko. “Kapag aakyat ka ulit sa stage, promise ibibili kita ng paborito mong cake!” natutuwang sabi ni tatay. Hindi na huminto sa pag-agos ang aking luha. Kahit kailan ay hindi na babalik ang tatay. Wala na ring magdadala ng paborito kong cake. “Tatay!” hiyaw ko habang umiiyak. Niyakap ako ni nanay habang nakaluhod ito sa tabi ko. “Cardo! Car…do!” malakas na sigaw ni nanay. Kulang na lang ay magwala na ito sa harap ng nitso. “Isinusumpa ko! Magbabayad ang may gawa nito sa’yo Cardo! Isinusumpa ko!” Tumatak sa isipan ko ang mga katagang iyon na lumabas sa bibig ni nanay. Dahil sa walang hiyang kriminal na ‘yon ay nawalan kami ng isang ama. Wala na ring mangungulit sa akin kapag kakain. Wala na rin akong matatakbuhan kapag pinagagalitan ako ni Nanay. Wala na akong kakampi. Wala na ring magdadala ng pasalubong na paboritong kong cake. Lahat ng iyon ay hanggang ala-ala na lamang. Ang huling ngiti ni tatay ay iyon na pala ang huli. Isang pahiwatig na siya ay lilisan na sa mundong ibabaw. Ipinagkait niya sa amin ang makasama hanggang pagtanda si tatay. Ipinagkait niyang makilala ni Dave si tatay habang lumalaki. Ang lahat ng galit na iyon ang magpapatibay sa akin. Lalaki akong matapang at may paninindigan. Hindi ako basta-basta susuko, kailangan kong maging matatag para kay nanay at sa bunso kong kapatid. Nakatatak na ang sugat sa puso ko. Naiwan kaming mag-ina sa sementeryo kasama si Ninang Ellen at Ninong Allan. Mabuti na lang at nandito sila para may kaagapay si nanay sa pagkawala ni tatay. Wala kasi kaming kamag-anak dito sa Bulacan. Nasa probinsya sila ng Mindanao. Ang mga kapatid ni tatay ay nakatira rin sa malayo. Hindi sila nakarating ngunit darating sila sa susunod na mga araw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD