Chapter 01

2415 Words
[Chloe’s Pov] 6:00 in the evening. Nakaupo ako sa labas ng bahay namin. Malayo at diretso ang tingin. Naghihintay sa pag-uwi ng aking ama. Si Tatay Cardo ay nagtatrabaho bilang isang driver ni Mayor Roman Salvador. Nasa tatlumpu’t pitong taong gulang na si tatay. Masipag at ulirang ama ito sa amin. Hindi niya kami pinababayaan o hinahayaang magutom. Lumabas sa pintuan si Nanay Celia, tatlumpu’t anim na taong gulang. “Anak, pumasok ka na at mahamog na,” sabi ni nanay. Nilingon ko siya at nginitian. “Nay, Hinihintay ko po si tatay.” Ibinalik ko ang tingin sa malayo. Hinawakan ako ni nanay sa aking balikat. “Pauwi na rin ‘yon, anak. Huwag kang mag-alala,” sabi niya. Bigla na lang pumalahaw sa pag-iyak ang kapatid kong si Dave na dalawang taong gulang pa lamang. Ako si Chloe at nasa walong taong gulang naman ako. “Bakit, Dave?” tanong ni nanay na may halong pag-aalala. “Guto to dede mamay,” bulol na sabi ni Dave. Natawa ako sa narinig ko na sinabi ng aking kapatid. Lumapit ako sa kanilang dalawa. “Naku! Ang kyut talaga ng kapatid ko!” gigil kong sabi sabay pisil sa kaniyang magkabilang pisngi. Natawa rin si nanay sa sinabi ko . Hinalikan ni nanay si Dave sa kanang pisngi nito. Iniangat din nito si Dave para kargahin. “Naku! Ang takaw takaw pa!” biro ni nanay. Pumasok na ang dalawa sa loob at sumunod na rin ako. Umupo kami sa silya na gawa sa kawayan. Bamboo set kung ito ay tawagin. Maganda at matibay ang pagkakagawa nito. Nabili pa raw ito ni tatay sa Bocaue, Bulacan. Itinaas ni nanay ang kaniyang damit para lumitaw ang kaniyang kanang dibdib. Breastfeeding si nanay para raw makatipid. Masustansiya rin naman ang breastmilk. Mas mainam nga raw ito kaysa gatas na nabibili sa mga botika at malalaking tindahan. Nagkataon na biniyayaan si nanay ng maraming gatas. Dahil kung hindi ay mamumulubi raw kami sa pagbili ng gatas ni Dave. Sinunggaban kaagad ng bunso kong kapatid ang kanang dibdib ni nanay. Tiyak na nagutom ito katatakbo sa loob ng bahay. “Nay, baka makalimutan niyo po sa susunod na linggo ay family day po sa school,” sabi ko. Hinaplos ni nanay ang buhok ko habang nakangiti. “Oo naman anak ko. Promise ‘yan.” Ngumiti ako kay nanay at hinaplos ko naman sa uluhan si Dave. “Paglaki ko, tutulungan ko kayo ni tatay sa pag-aaral ni Dave,” sabi ko. Tutulungan ko sina nanay at tatay sa pagkakayod dahil alam kong mahirap lang kami. Nakangiti si nanay sa ’kin habang pinagmamasdan ako. “Salamat, Chloe,” sabi niya. “Ang bait talaga ng panganay ko.” Hinaplos niyang muli ang aking buhok. Binulaga kami ni tatay na ikinagulat namin. “Bulaga!” Hindi namin naramdaman ang kaniyang pagdating. “Ikaw talaga! Magkakasakit kami sa puso nito, Cardo,” sabi ni nanay. Natawa si tatay sa kaniyang ginawa. Tumakbo ako at niyakap siya nang mahigpit. Humagikhik ako at tiningala siya. Ngumiti si tatay habang nakatitig sa akin. “Tatay, nagulat mo kami!” sabi ko. Umupong naka-squat si tatay para maglebel kaming dalawa. May kung ano siyang dinudukot sa kaniyang backpack. Pilit ko rin itong dinudungaw para makita ko ang laman. “Tatay, ano po ‘yan?” tanong ko sa kaniya. Inilabas niya ang isang supot na may laman na pagkain. “Surprise!” anitong nakangiti sa akin. Binuksan niya ito at inilabas ang isang food keeper. “Wow!” usal ko. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Cake ang laman ng dala ni tatay. “Uy! Paborito ni Chloe,” sabi ni nanay. Nagtatalon ako sa tuwa at ligaya. “Tara na, kumain na tayo,” mungkahi ni tatay. Tumayo siya papunta sa lamesa at inilapag ang cake. May inilabas pa siya sa kaniyang bag na dalawang food keeper. Lumapit si nanay sa kaniya upang tignan ang iba pa niyang mga dala. “Uy, Ang bunso ko,” sabi ni tatay kay Dave at binuhat niya ito. Tumawa si Dave habang nakahawak sa mukha ni Tatay. “P-Papa,” sabi ni Dave. Hinalikan ni Tatay si Dave sa pisngi nito at pinanggigilan. “Hay… na-miss ko ang mga anak ko.” Niyakap niya nang mahigpit si Dave. “Sila lang ba ang na-miss mo?” nakangiting tanong ni nanay. Ngumiti nang pilyo sa kaniya si tatay at hinalikan siya nito sa noo. “Siyempre! Na-miss din kita. Puwede ba ‘yon? Na hindi kita ma-miss?” sagot ni tatay habang nakangisi na may ibang kahulugan. Kinurot ni nanay sa tagiliran si tatay kaya napangiwi ito. “A-Aray ko! Ikaw ha!” nakangising sabi ni tatay. “Ikaw kasi,” nakangising sabi ni nanay. “Mamaya ka sa akin,” tatawa-tawa na sabi ni tatay. Ang saya nilang tignan na dalawa. Ang mga mata nila ay in love na in love sa isa’t isa. Gusto ko paglaki ko ay katulad ni tatay ang mapangasawa ko. Ang bata ko pa para maisip iyon. “Saan pala galing ang mga ito?” tanong ni nanay. Umupo silang dalawa sa silya. Umupo na rin ako para saluhan sila. Binuksan ni tatay ang dalawang food keeper. Tumambad sa amin ang mabango at masarap na ulam. Caldereta at Menudo ang lutong ulam na dala ni tatay. “May handaan kina Mayor Roman.” Tumayo si nanay at ibinigay si Dave kay tatay. “Talaga, ang bait naman pala ni Mayor Roman at binigyan ka,” sabi ni nanay. Tinungo nito ang kusina para magsandok ng kanin. Habang si tatay ay nilalaro si Dave at ako ay nakamasid sa kanilang dalawa. Sumilay ang ngiti sa aking labi. Nakatutuwang tignan na masaya si tatay. Maaliwalas ang mga ngiti niya na para bang wala nang bukas. Tumayo ako at tinungo sa kusina si nanay. “O, nandito ka, Chloe?” pagtatakang tanong ni nanay. Kinuha ko ang mga pinggan na nakalapag sa lalabo. “Tutulungan na kita, nay.” Ngumiti si Nanay at tumango sa akin. “Dahan-dahan ha, hawakan mong mabuti. Baka mabitiwan mo at mabasag. Wala pa naman tayong pamalit sa mga iyan.” Tumango ako. “Opo,” sagot ko. Umalis ako na bitbit ang mga pinggan at inilapag ko ang mga iyon sa lamesa. “Sipag naman ng panganay ko,” natutuwang sabi ni tatay. Ngumiti ako at bumalik sa pagkakaupo ko. “Basta ba palaging may cake, tay,” sambit kong nakangisi. Dumating si nanay at iniayos ang mga pagkain. “Naku! Ang hilig mo sa cake. Mabuti na lang at nakakapag-uwi ang tatay mo,” sabi ni nanay. Ngumiti ako at dumuklit sa icing ng cake. Isinubo ko ito at ninamnam ang tamis. “Mmmm… ang sarap talaga!” usal ko. Natawa silang dalawa sa ’kin. Masaya sina nanay at tatay sa tuwing makikita akong masaya. Mahirap man daw kami ang importante ay sama-sama at buo ang pamilya. *** Nagdasal muna kami bago mahiga sa higaan. Magkakasama kami sa iisang banig. Maliit lang naman kasi itong inuupahan namin. Ang sala ng bahay ay siya rin ang higaan namin tuwing sasapit ang gabi. Hindi kasi sapat ang kinikita ni tatay sa pagmamaneho dahil marami kaming bayarin. Paminsan-minsan ay tumatanggap pa si nanay ng labada. “Goodnight mga anak ko,” sabi ni nanay at hinalikan niya ako sa aking noo. Sumunod rin si tatay na humalik sa aking noo. “Matulog na okay, maaga kang papasok bukas,” bilin ni tatay. Tumango ako sa kanilang dalawa. “Opo, goodnight po, nay, tay.” Nasa gilid ako at katabi kong natutulog si Dave. Si Dave naman ay katabi ni nanay habang si tatay ay nasa kabilang dulo naman sa tabi ni nanay. Pumikit ako nang mariin at ngumiti. Sana ganito kami palagi. Masaya at matibay na magkakasama. Tuluyan na akong nakaramdam ng antok at nakatulog. KINABUKASAN… Maaga akong inihatid ni nanay sa eskuwelahan. Bitbit niya rin si Dave sa paghatid sa akin. Nasa ikatlong baitang na ako ngayong taon. Masinop ako sa aking pag-aaral. Sa pampublikong paaralan lang ako pumapasok. Hindi ako nagpapahuli sa klase at nakikipagsabayan ako sa aking mga mag-aaral. Masaya akong proud ang mga magulang ko sa tuwing nakakapasok ako sa top sa klase. Sa tanghali ay binabalikan ako ni nanay para dalhan ng pananghalian. Mahal kasi ang mga lutong pagkain sa canteen. Nagtitipid kami upang magkasya ang sahod ni tatay. Pagkatapos kong kumain ay ihahatid ako ni mama sa classroom ko. Kailangan niyang umuwi para maasikaso ang mga gawaing-bahay. Mahirap din kasi ang may dalang bata kapag nasa labas. Pagsapit ng uwian ay maghihintay na lang ako sa waiting shed. Bilin ni nanay na huwag akong lalabas sa gate ng school kapag wala pa siya. Lumipas na ang isang oras ay wala pa rin ang nanay ko. Nakaupo ako habang naghihintay sa kanila ni Dave. Nag-aalala na ako kung bakit wala pa sila. Kinakabahan tuloy ako at naiiyak na. Lumapit sa akin ang guro kong si Ginang Paglinawan. “O, Chloe. Bakit nandito ka pa?” pagtatakang tanong ni Ginang Paglinawan. Tumingala ako para tignan siya. “W-Wala pa po kasi si nanay,” naiiyak kong sagot. “Hindi kaya na-traffic lang?” tanong niya. Tinignan ni Ginang Paglinawan ang kaniyang orasan. “Naku! It’s already 3 PM na,” sabi niya. Kumunot ang noo nito at palinga-linga sa paligid. Kita sa mukha nito ang pag-aalala sa akin. “Alam mo ba ang cellphone number ng iyong nanay?” tanong niya. Umiling-iling ako sa kaniya. Wala kasing cellphone si nanay. Mahirap lang kami at walang pambili. Nakiki-text nga lang kami sa kapitbahay namin na si Ninong Allan paminsan-minsan. “Wala po kasi kaming cellphone Ma’am Paglinawan,” sabi ko habang humihikbi. Natatakot na ako dahil bakit wala pa si nanay. Iniisip kong baka na-traffic nga lang ito. “Chloe!” Isang sigaw sa di kalayuan. Napalingon kami sa gate at nakita ko si Ninong Allan. Kinakausap na nito ngayon ang guwardya sa gate. Tumango ang guard sa kaniya at pinapasok siya sa loob. “Kilala mo ba siya, Chloe?” tanong ni Ma’am Paglinawan sa akin. Tumayo ako sa kinauupuan ko. “Opo, siya po si Ninong Allan. Kapitbahay po namin siya,” sagot ko. Pinunasan ko ang mga luha sa aking pisngi. Hinahapo si Ninong Allan na pumunta sa kinatatayuan namin ng aking guro. “Hello, ako po ang guro ni Chloe. Kayo po ba ang susundo sa kaniya?” tanong ng aking guro kay Ninong Allan. “Ma’am, sandali lang po,”sabi ni Ninong Allan. Lumayo silang dalawa sakin at nag- usap. Tinapunan ako ng tingin ni Ma’am Paglinawan at magkasalubong na ang kilay nito. Isang malamig at nakakabahalang tingin. Kinabahan ako lalo kung bakit kailangan nilang lumayo habang nag-uusap. Napasapo si Ma’am Paglinawan sa dibdib nito. Hindi ko na matiis kaya naman lumapit na ako sa kanilang dalawa. Hinila ko ang laylayan ng damit ni Ninong Allan. Nilingon niya ako at hinaplos sa aking uluhan. “Ninong Allan, nasaan po sina nanay at Dave?” tanong ko na may halong pag-aalala. Ngumiti nang hilaw si Ninong Allan sa akin. “Nasa bahay si Dave kasama si Ninang Ellen mo. Ako na ang susundo sa’yo dahil may pinuntahan ang nanay mo.” “Chloe, sumama ka na sa kaniya, okay? Ibinilin ka ng nanay mo sa kaniya,” paliwanag ng aking guro. Nagpaalam na kami ni Ninong Allan kay Ma’am Paglinawan. Sumakay kami ng tricycle pauwi. Tahimik lang si Ninong Allan habang nakatutok sa cellphone nito. Saan naman kaya pumunta si nanay. Tanong ko sa aking isipan. Dumiretso kami sa bahay ni Ninong Allan. Magkatapat lang ang mga bahay namin. Sarado ito at walang tao. Nadatnan naming naglalaro si Dave at ang anak nilang si Samuel. Nasa sampung taong gulang na ito. Mas matanda ito sa akin nang dalawang taon. Nakaupo lang ako sa silya at nakadungaw sa bintana. “Ninang Ellen, saan po ba pumunta si nanay?” tanong ko. Lumapit si Ninang Ellen sa akin at iniharap niya ako sa kaniya. Napansin kong malungkot ang mukha nito. “May inasikaso lang si Celia. Babalik din siya mamaya. Basta magpakatatag ka lang palagi ha? Tutulungan mo ang iyong nanay kahit ano’ng mangyari,” naiiyak niyang sabi sa akin. Nakapagtataka at hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. “Opo, hindi po ako magpapasaway kay Nanay Celia,” sagot ko. Napuno ng luha ang mga mata ni Ninang Ellen kaya naman bigla itong tumayo. Lumapit siya at niyakap si Ninong Allan. Umiyak nang tuluyan si Ninang Ellen. Naguguluhan ako sa nangyari. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang mga kinikilos nila. May kakaibang nangyayari kaya kinakabahan ako lalo. Tatlong oras na ang nakalipas ngunit wala pa rin si nanay. Nagdidilim na rin ngunit hindi pa rin siya bumabalik. Pagkatapos naming kumain ay nagpahinga na kami. Nag-iiyak na rin si Dave dahil ayaw niyang dumede sa bote. Hindi kasi siya sanay ng wala ang nanay. Tinabihan ko sa pagkakahiga si Dave at kinausap siya. “Dave, inumin mo na ito. Magugutom ka, sige sasakit ang tummy mo?” sabi ko. Tinitigan niya ang hawak kong bote ng gatas. Nagdadalawang-isip pa ito ngunit ‘di kalaunan ay kinuha niya ang hawak kong bote. Hindi ko na namalayan na nakatulog na pala kaming dalawa ni Dave. Nakahiga lang kami sa sala ng bahay ni Ninang Ellen. Naalimpungatan ako sa dis-oras ng gabi. Umupo ako at kinusot ang aking mga mata. Mahapdi pa ang mga mata ko dahil sa antok. Natigilan ako nang marinig kong may pumapalahaw sa pag-iyak. Kilala ko ang boses na iyon. Si nanay ang umiiyak. Dumarubdob ang kaba sa aking dibdib. Hindi nga ako nagkakamali si nanay iyon. Tinignan ko si Dave na mahimbing na natutulog sa aking tabi. Kinumutan ko siya at itinabi ang aking unan sa kaniyang gilid. Baka kasi magising ito kapag naramdaman niyang wala siyang katabi. Tulog rin si Samuel sa hindi kalayuan na higaan. Napansin kong wala rin ang dalawa sa tabi ni Samuel. Pagtayo ko ay sumilip ako sa bintana at nakita ko ang liwanag sa loob ng bahay. Ano’ng nangyayari? Tanong ko sa aking isip. Bakit may maliwanag na ilaw sa loob ng bahay. May mga bulaklak rin sa labas ng pintuan. May mga tao sa labas na nakadungaw sa bintana ng bahay namin. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD