The Second Star

2211 Words
Habang naglalakad ako dito sa hallway ay kanina ko pa napapansin ang pagtingintingin sa akin ng mga nadadaanan ko tapos bigla-bigla na lang magbubulungan na parang nakakita ng hindi kaayaaya. "Jiro!" pagtawag sa pangalan ko mula sa aking likuran. "Oh Jules, ikaw pala." Pagpansin ko sa kanya. "Ano ba yang nasa likod mo?" tanong nito sa akin sabay kuha ng kung ano mang bagay na nasa likod ko. Isa ‘tong papel na may nakasulat na "Baklang sawi ngayon Valentines, huwag tutularan." Tila umakyat lahat ng dugo sa mukha ko nang makita ko ‘yon, sigurado ako kung sino ang naglagay noon sa likod ko. Hindi ko napigilan pa ang sarili ko't naramdaman na lamang ang mainit na luha mula sa aking mga mata. "Hoy, ayos ka lang ba?" Pag-aalo sa akin ni Jules nang makita niyang naluluha na ako. "Tara na nga sa classroom." pag-aya na nito na siya naman sinunod ko. ---- "Talaga atang hindi na kayo titigilan ng mga ‘yon ano?” Rant ni Mio nang makarating kami sa classroom. ”Sobra na yung pamamahiya nila sa inyo." Nagkataon din kasi na ganun din ang nangyari kay Dave at si Greg naman ang may kagagawan kaya sobra na din ang inis ni Mio. "Bakit ba hindi n’yo sila magawang isumbong?" tanong ni Mio. The answer is obvious, si Greg ang anak ng may-ari ng Saint Morning Academy, typical na bully, anak mayaman, at si Eugene naman ay anak ng kontribyutor sa school kaya walang matinong estudyante ang bumangga sa kanila. "Kailangan pa bang sagutin yan?” sagot ni Dave. “Alam niyo naman na kung bakit hindi kami makalaban hindi ba?" Dagdag niya pa. "Titiisin ko na lang, tyaka baka kasi mawalan ako ng scholarship dito kapag pinatulan ko sila." "Bahala na nga, basta kapag alam n’yong parating na sila takbuhan n’yo na lang ah." Payo ni Jules sa’min. "Oo ba, d’yan kami magaling ni Jiro, sa pagiging road runner." Medyo natatawa na biro ni Dave. Napangiti na lang ako ng pilit sa sinabi niya. "Hanggang kailan ako tatakbo?" tanong ko sa sarili ko. Nakakasawa din kasi na lagi na lang tinatakbuhan ang problema, pero minsan kasi, kailangan din ‘tong gawin dahil kapag binangga mo ang problema mo na hindi ka handa, ikaw at ikaw pa rin ang babagsak sa bandang huli. Sumapit ang hapon at nagsimula na ang mga events para sa Valentines Day, uso din kasi dito sa school yung pagbibigay ng mga regalo at cards sa mga crush nila. What do you expect from a weird like me and a short guy like Dave? Nga-nga, wala man lang nagkaka-crush sa’min, ang tangi lamang na-receive namin ay yung card na galing dun kay Jules at kay Mio. "Hindi ba kayo sasama? May mga magko-concert daw sa stage," tanong sa amin ni Mio na parang aligaga na makababa. "Ah eh kayo na lang siguro, hindi kasi ako mahilig sa nga ganyan," sagot ko naman. "Eh ikaw Dave?" tanong nito sa kasama naming maliit. "Sige sasama ako.” Pagpayag ni Dave. “Tyaka gusto ko rin kasi magliwaliw. Pero samahan niyo muna ako sa locker ko.” "Tara." Pagsama namin sa kanya. Naalala ko, mayroon ako ditong regalo para kay Eugene. Hindi ko nga alam kung paano ko ibibigay ‘to sa kanya kasi for sure baka ipahiya niya lang ako kapag iniabot ko ‘to sa kanya. Pagdating namin sa locker ni Dave ay laking gulat namin sa nakita namin. Nilagyan kasi ‘to ng magandang disenyo at may malaking box sa harap ng locker niya kaya tinignan namin ‘to. May nakalagay na card at binasa naman ‘yon ni Dave. "Happy Valentines Shorty!" pagbasa niya sa amin nung nasa card. "Kanino galing?" tanong ni Mio. "H-huh? Ehh h-hindi kasi nakalagay eh." sagot ni Dave sa kanya. "Buksan mo na ‘yong box kung anong laman," excited na sabi ni Mio na parang mas excited pa kay Dave. Agad din namang sinunod ni Dave ‘yong sinabi ni Mio at isang malaking teddy bear na kulay red ang bumungad sa amin. "Wow!!!" Tila tuwang tuwa ang reaksyon ni Mio nang makita ang regalong natanggap ni Dave. "Buti pa si Dave may natanggap na regalo, iniwan pa sa locker niya," inggit kong sambit sa sarili ko. Siya kasi nakakuha na ng regalo. Iniwan sa locker. Doon ay biglang pumasok sa isip ko ‘yong regalo ko para kay Eugene. Paano kaya kung ilagay ko ‘to sa locker niya? Bigla naman akong na-excite sa naisip ko. Parang biglang nabura sa isip ko na wala akong pag-asa sa kanya, ang importante ay maibigay ko sa kanya ‘to sa kahit anong paraan. "Guys! Aalis muna ako!” Pagpapaalam ko sa mga kasama ko. “May nakalimutan akong gawin!" Hindi ko na hinintay na makasagot pa sila dahil nagtatakbo na ako papunta sa locker ng crush ko. Buti na lamang ay wala na halos katao-tao sa hallway kaya walang makakakita sa gagawin ko. Pagdating ko sa lugar kung nasaan ang locker ni Eugene ay napahinto ako dahil nando’n siya!        Mukhang may kinuha siya sa locker niya, iba talaga kapag mag-isa siya, kakaiba yung ngiti niya. Tapos ‘yan na naman siya,  kinuha na naman niya ‘yong phone niya tapos may binasa. Nagulat na lang ako nang bigla siyang tumingin sa paligid kaya dali-dali akong nagtago. Hindi niya ako pwedeng makita. Naghintay pa ako ng limang minuto bago lumabas sa pinagtataguan ko at nang masilip na wala na si Eugene doon ay agad-agad kong tinungo ‘yong locker niya. Sinubukan kong buksan ‘to at laking gulat ko nang matuklasan na bukas ito. "Kung umaayon nga naman sayo ang pagkakataon," sabi ko sa sarili ko at dali-daling nilagay ‘yong regalo ko para sa kanya. Isa ‘tong bracelet na silver na may nakalagay na pangalan niya doon. Agad din naman akong umalis no’ng nagawa ko na yung misyon ko. Baka kasi may makakita pa sa akin at isumbong pa ako. Napagdesisyunan ko nang umuwi dahil wala naman na akong gagawin ngunit mukhang wrong timing ata ako. Nakita ko kasi si Eugene na kasama yung babae na kasama niya din kahapon. Nakaramdam na naman ako ng lungkot, for sure ay magde-date silang dalawa dahil Valentines ngayon. Kaya hilbis na lumabas ay bumalik na lang ako sa loob at pumunta sa field. Siguro naman ay mag-isa lamang ako doon.         Nakaramdam ako ng pag-iisa, tila ramdam ko ang pagiging out of place ko sa lahat ng taong naririto. Iba pala talaga kapag galing ka sa malayo lalo sa lagay ko, kung alam lang nila kung saang lupalop ako nanggaling, hindi ko masakyan ‘yong mga trip ng mga bagong kakilala ko. Pero mas ok na siguro ito, kaysa naman sa pinanggalingan kong school noon na talagang wala akong kaibigan. Hindi ko na napigilan ang sarili ko na mapaluha, ganto na lang ba lagi? Mag-isa na nga lang ako lagi, ‘yong mga magulang ko nasa malayong malayo at walang paraan para ma-contact o mapuntahan sila. For sure pag-uwi ko sa bahay ay mag-isa ko lang ulit. "Jiro!" dinig kong pagtawag sa aking pangalan. "Nandito ka lang pala kanina ka pa namin hinahanap!" sabi ni Jules nang makalapit ito sa akin. "Teka umiiyak ka ba?" tanong nito sa akin. "Huh?" Tila wala sa sarili kong reaksyon. Doon ko lang napansin na umiiyak nga ako. "W-wala ito," nasabi ko na lang sa kanya. "Jiro, kung ano man ‘yang dinadala, pwede mo naman sabihin sa’min eh." Pagpapagaan ni Jules sa loob ko. "Hay nako, wag na nga nating isipin ‘to. Bakit niyo ba ako hinahanap?" Pag-iiba ko ng usapan. Napabuntong hininga na lang si Jules. "Kain daw tayo sa labas sabi ni Mio para daw lahat tayo happy ngayong Valentines Day," sabi nito sa akin. "Oh siya tara na, gutom na rin ako eh." Pagyaya ko sa kanya at umalis na kami. "Pero teka, magpapalit muna ako, amoy araw na tong tshirt ko." Bigla kong paalam kay Jules. "Sige tara na. Tinext ko na rin sina Mio na mauna na sila doon at nahanap na kita." sabi nito sa akin. Agad naman naming tinungo ang aking locker para makakuha ng bagong damit doon. Pagbukas ko nito ay nagulat ako nang makita ko ang isang Baymax stuffed toy sa loob. "Wow!" ayan na lang ang nasabi ko nang makita ko ‘yon. Paborito ko kasi talaga si Baymax pero wala akong sapat na budget para makabili man lang ng collectibles niya. Kuripot din kasi yung legal guardian ko kaya hindi pwedeng humingi. May nakadikit na card dito kaya tinignan ko ‘to at binasa agad. "Please stop crying, It's hard for me to see you in tears. Keep smiling, I hope this could help." pagbasa ko doon sa nakalagay doon sa card. "Mukhang may admirer si Jiro ah," mapang-asar na sambit ni Jules sa akin. "Huwag ka nga." Pagpigil ko sa pang-aasar niya pero sa totoo lang ay kinikilig ako. Akala ko kasi ay wala akong makukuhang regalo ngayon pero nagkamali ako dahil may nagbigay sa akin ng stuffed toy. Agad kong kinuha ‘yong stuffed toy at niyakap ito. "Ang cute cute mo talaga Baymax," sabi ko dito. "Oy magbihis ka na nga, masyado ka nang nadala ng Baymax mo," paalala sa akin Jules kaya ipinahawak ko muna sa kanya si Baymax para makapagbihis ako. ----         Agad akong nagselfie nang makuha yung order kong frappe. May touch of mango yung kinuha kong flavor kasi paborito ko talaga ito. "Hindi na talaga nawala yang ngiti mo nung nakuha mo yung Baymax sa locker mo." pagpuna sa akin ni Jules na siya naman kinamula ng mukha ko. "Ayeeeeh namumula siya!" sabi naman ni Mio. "Sino kaya nagbigay sayo niyan? Siguro lagi ka niyang sinusubaybayan." pagsingit naman ni Dave. Hindi ko alam kung anong isasagot ko, maski ako ay hindi alam kung kanino galing yung Baymax pero laking pasasalamat ko sa kanya kasi talagang napasaya niya ako ngayong araw. Gusto ko sanang ibaling yung pang-aasar nila sa akin kay Dave na nakakuha din ng regalo pero mukha kasing hindi na tatalab dahil mukhang kanina pa nila ito inaasar. "Malapit na ang exams, anong mga plano niyo?" Pagbabago ko ng usapan. "Tulad ng dati, sa inyo kami," agad namang sagot ni Mio sa akin. Nakasanayan na kasi namin na mag-group review tapos sa bahay kami dahil alam nilang mag-isa ko lang lagi. "Basta dala kayo pagkain ah," sabi ko sa mga ito. "Hindi mo na kailangan sabihin yan dahil alam naming hindi ka marunong magluto!" Pang-aasar sa akin Dave. "Nagsalita yung sumunog sa niluluto namin sa TLE noon!" Pagsabat ni Jules kay Dave na nagpatawa sa aming lahat. "Kasi naman eh! Bakit kailangan pang ipaalala!" reklamo niya kay Jules. "Kung makaangal ka kasi kay Jiro ay parang marunong ka rin." sabi ni Mio kaya nagtawanan muli kami. Talagang hindi ako marunong magluto dahil walang magulang na nagturo sa akin. Ang alam ko lang ay maglinis at maglaba since walang ibang gagawa no’n kundi ako lang. Bumili na lang ako ng pagkain ko sa mga karenderya kaya solve na solve naman na ako. Sakto lang din naman kasi ang binibigay sa akin ng guardian ko para matustusan ang mga gastusin ko sa bahay at pag-aaral ko. Tanging siya lang talaga ang pinagkatiwalaan ng magulang ko na magbantay sa akin. --- Kinabukasan maaga akong nakarating sa school. Dadaanan ko pa kasi yung mga gamit ko sa locker ko na iniwan ko doon. Maganda na sana ‘yong araw ko pero nasira ito nang makita ang nangyari sa locker ko. Halata kasing binaboy ‘yong locker ko dahil sa mga spray paint na ginamit dito. May nakasulat pang "weirdo" na siyang center piece ng kababuyan. Agad ko naman sinuri ang loob, buti na lamang ay wala silang ginawa sa dito at hindi sinira ‘yong mga laman. No’ng nakuha ko na ‘yong gamit ko at naisara yung locker ko ay laking gulat ko nang bigla akong itulak ng kung sino kaya napasandal ako bigla. Tinignan ko kung sino ‘yon at nanlaki ang mata ko nang makita kung sino siya. "E-eugene?" pagsambit ko sa pangalan ng lalaking ngayon ay seryosong nakatingin sa akin na tila lalamunin ako ng ganyang galit. Napangisi ito at inilapit ang mukha sa akin. "Akala mo ba nakalimutan ko ‘yong pamamahiya mo sa akin kahapon? Lakas ng loob mong hindi ako pansinin ah," sabi nito sa akin. Dinuro-duro niya ‘yong dibdib ko, medyo masakit ‘yong ginagawa niya kasi talagang dinidiin niya yung daliri niya pero isang bagay ang pumukaw sa aking pansin. "Huwag na huwag mong gagawin ulit sa akin ‘yong ginawa mo kahapon ah, pasalamat ka at nasa magandang mood ako, kung hindi baka pinahiya na kita sa harap ng madaming tao," sambit nito bago ako nito tinulak at umalis. Pero hindi pa rin mawala sa isip ko ‘yong nakita ko sa kanya, mas lalo na sa may bandang pulsuhan niya. "Suot niya ‘yong binigay kong bracelet," bulong ko sa sarili ko at napangiti sa ideyang nagustuhan niya yung regalo ko kahit na hindi niya alam na ako ang nagbigay no’n.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD