The First Star
Jiro
"HAPPY BIRTHDAY TO YOU!!!"
Doon ay natapos ang pag-awit ng mga kinikilala kong kaibigan para sa akin. February 12 ngayon at ito ang aking ika-17 kaarawan.
"Blow the candle na!" Utos sa akin ni Mio, ‘yong kaklase kong babae na parang bata.
Sinunod ko naman siya agad, baka kasi isubsob pa ako ng kaibigan kong ito sa cake na binili nila para sa’kin.
"Make your wish ah," sabi naman ni Dave, ‘yong kengkoy kong kaibigan.
Wish? Ano ba ang mahihiling ko? Ewan ko kung bakit biglang pumasok sa isip ko ‘tong lalaking 'to.
"Eugene," mahina kong sambit ngunit alam kong narinig ‘yon ng mga kaibigan ko.
"Ayan si Eugene na naman," tila disappointed na sambit ni Jules. "Alam mo, ang weird mo talaga Jiro, ang sama sama ng ugali ng saltik na 'yon pero sa kanya ka pa nagkagusto."
"Bakit ba tyaka hindi naman siya laging ganun ah," sabi ko sa pagdepensa kay Eugene.
"Oo nga, hindi lagi,” sagot ni Mio.”Kaya nga araw araw halos kapag nakikita ka pinag iinitan ka niya."
"Humiling ka nga ng iba, yung matino!" reklamo nila sa akin.
"Huli na! Nahipan ko na yung candle," sagot ko sa kanila kaya napailing na lang ang mga kaibigan ko.
Nais niyo bang malaman kung bakit ganun na lang sila kaasar dun kay Eugene? Ganito kasi ‘yon, sa likod kasi ng malaanghel na mukha niya ay nagtatago ang isang demonyong laging sumisira sa araw ko.
They found me weird kasi, nagkagusto ako sa taong sagad daw sa kasamaan, naging mabait lang naman ako noon, mas lalo na no’ng araw na tinulungan ko si Dave no’ng binu-bully siya ng grupo nila Eugene. Sa totoo lang, hindi naman si Eugene ang pasimuno sa paninira ng araw namin lalo na kay Dave. Si Greg, ang leader nila, tapos si Eugene, parang kanang kamay lang, pero minsan parang si Eugene ang boss kasi minsan parang may sarili talaga siyang desisyon na malayo kay Greg.
Kung titignan mo si Eugene, tahimik lang siya, tuwing nag-iingay ‘yong mga barkada niya, nandoon lang siya parang walang pakialam. Pero kapag kami na ang pagti-trip-an, nabubuhay ang dugo niya na parang wala ng bukas kung makagawa ng masama mas lalo na sa akin.
Alam ko na parang may kakaiba sa kanya, tuwing mag-isa kasi siya, parang may sarili na siyang mundo tapos tahimik lang siya. Minsan pa ngingiti ‘yon ng mag-isa, ‘yong ngiting hindi ko nakikita kapag kasama niya sila Greg. Doon siguro ako nagsimulang magkagusto sa kanya, simula nang makita ang ngiti niyang ‘yon.
"Natulala ka na naman!" pagpuna sa akin ni Mio. "Buksan mo na yung gift namin para sa’iyo."
"Sorry." Paghingi ko ng paumanhin tapos ngumiti ng kaunti. Naglakbay na naman kasi isip ko.
Tinignan ko yung binigay nila, isang medyo maliit na box na kulay orange, talagang ‘yong paboritong kulay ko ‘yong ginamit nila para dito.
Pagbukas ko ng regalo, nakita ko na isang maliit na cactus na nasa paso ang gift nila para sa akin.
Paano nila nalaman na gusto ko ‘tong halaman na ‘to?
"Alam namin na gustung-gusto mo ‘yan,” sambit ni Dave sa akin. “Kasi no’ng dumaan tayo sa green exhibit ay halos hindi mo maalis ‘yong mata mo dyan."
"Kilalang kilala ka na namin,” dagdag na sabi ni Mio. “Kung tignan mo ‘yan ay parang way rin ng pagtingin mo kay Eugene kapag nakikita natin sila."
Nakakatuwa, sa totoo lang nahihiwagaan talaga ako sa mga cactus kaya noong nakakita ako no’ng nakaraan ay halos hindi ko na maialis ‘yong tingin ko dito.
"Oh tara na’t kumain na tayo! Gutom na ako!" Pagyaya ni Jules sa amin kaya naman sinimulan na namin ang maliit na salo-salo na inihanda nila para sa akin.
---
Monday at ang pasok namin ay 7:30 ng umaga. Napakaaga kung tutuusin pero wala naman kaming magagawa dahil nasa block section kami. Nasa junior highschool na kami, malapit na rin matapos ang second semester ng pasukan. Kaya ito kami, halos busy sa mga projects na binibigay sa’min.
"Woy woy woy, tignan mo nga naman ang pagkakataon." sambit ng isang lalaki na nasa likuran ko.
Hindi ko na ginawang lingunin ‘to dahil kilala ko na kung sino ‘to kaya bago pa nila ako mahawakan ay buong lakas at bilis akong nagtatakbo para makalayo sa kanila.
"Hoy bumalik ka dito!" sigaw nila sa akin.
Sa isip-isip ko, sino’ng nasa matinong pag-iisip ang babalik kung nasaan sila? Kaya hilbis na huminto ay binilisan ko na lang para hindi nila ako maabutan.
---
"Oh bakit hinihingal ka ata?" bungad na tanong sa akin ni Mio pagkadating ko sa room namin.
Hinabol ko muna ang hininga ko bago ako sumagot. Ang layo din kasi ng tinakbo ko bago ko maabot yung classroom namin.
"S-sila Greg kasi, hinabol ako." sagot ko.
"Haaaaysss, kailan ba nila kayo titigilan ni Dave?” naiinis na tanong ni Mio.”Tuwing nakikita nila kayo lagi na lang kayong pinagdidiskitahan."
Ewan ko ba sa mga ‘yon, no’ng bagong salta ako sa school na ‘to ay halos wala naman silang pakialam sa akin pero no’ng time na tinulungan ko si Dave na makuha ‘yong gamit niyang isinabit nila sa ring ng bastketball court ay idinamay na rin nila ako.
Flashback
Naglalakad ako no’n palabas ng school nang makita ko ang isang lalaki na pilit na inaabot ‘yong gamit niya na nakasabit sa ring.
Maliit lang yung lalaki na parang bata, kaya siguro laging napagdidiskitahan ng mga bully dito sa school.
Syempre naawa ako sa kanya mas lalo't parang kanina pa siya doon na naghihirap na kunin yung bag niya kaya hiniram ko ‘yong isang mop para gamitin na panungkit at lumapit sa kanya.
"Kailangan mo ng tulong?" tanong ko sa kanya no’ng makalapit ako.
"H-huh?" Tila nagulat niya pang reaksyon no’ng lapitan ko siya.
"Sabi ko, kailangan mo ba ng tulong?" Pag-uulit ko.
"Ah eh huwag na,” nahihiyang sagot. “Baka makita ka pa nila, idamay ka pa sa mga ginagawa nila sa akin."
"Ayos lang, at saka siguro naman ay nakauwi na ‘yong mga laging nambu-bully sayo." sagot ko na lang.
"Alam mo?" tila nagtataka niya pang tanong sa akin.
"Oo, simula kasi no’ng unang beses na tumungtong ako sa school na ‘to ay lagi kong nakikita na pinagdidiskitahan ka nila." sabi ko sa kanya.
"Ganoon ba? Hindi ko nga alam eh,” naiiyak na niyang sambit. “Wala naman akong ginagawa sa kanila pero lagi nila akong ginaganito."
Ilang sandali pa ay nakuha ko na ‘yong bag niyang nakasabit, mabuti na lamang ay mahaba yung mop na nahiram ko.
"Ito na ‘yong bag mo oh." Pag-aabot ko ng bag niya sa kanya.
"Salamat!" nakangiti niyang sabi sa akin.
"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" tanong ng isang tinig mula sa akin likuran.
Nilingon ko ‘to at nakita ang isang bulto ng matangkad na lalaki mula sa aking likuran.
"E-Eugene." pagtawag ng lalaking tinulungan ko sa lalaking bagong dating.
"Bakit mo tinutulungan yan?" maangas na tanong ng bagong lalaki na Eugene ang pangalan batay na rin sa tawag sa kanya. "Bago ka ba dito?" tanong pa niya.
"Ang alam ko kasi ay walang masama sa pagtulong sa kapwa." pagsagot ko sa kanya.
"At talagang sumasagot ka pa ah." sambit nito sa akin tyaka ako itinulak na siyang ikinatumba ko.
Lumapit siya sa akin saka yumuko nang magkalapit ang aming mukha. Hinila niya pa ‘yong kwelyo ko.
Doon ay napagmasdan ko ang kanyang mga mata, ilong, at mga labi. Masasabing gwapo siya sa isang tingin pa lang pero kakaiba kasi ang ugali.
"Tandaan mo ‘to, pagsisisihan mo ang pagtulong mo sa lalaking ‘yan at pagsagot sagot sa akin." pagbabanta niyo sa akin at saka ako binitawan.
Dinuro niya pa ako bago siya umalis at iwan kaming dalawa nitong maliit na lalaki na kasama ko. Tinulungan naman niya akong tumayo at kahit na maliit siya ay malakas din naman pala.
"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong niya sa akin.
"Oo ayos lang ako," sagot ko sa kanya habang pinapagpag yung pantalon ko. "Pauwi ka na ba? Gusto mo sabay na tayo?" tanong ko pa sa kanya.
"H-huh? Ah ah ah oo pauwi na ako, sigurado ka ba na sasabay ka?" tanong niya sa akin.
"Mukha ba akong nagbibiro?" nakangiti ko’ng sagot sa kanya para mawala ‘yong kaba niya, kanina pa siya nauutal eh.
"Ah eh sige, sabay na tayo." sabi niya. "Tara." Pagyaya niya sa akin.
"Nga pala, ako nga pala si Jiro." Nakangiti kong pagpapapakilala sa kanya at saka iniabot ang aking kamay.
"Dave." Nakangiti na rin niyang pagpapakilala at nakipagkamay na rin.
Doon na nagsimula ang pagkakaibigan namin ni Dave, ipinakilala niya rin sa akin ang kanyang mga kaibigan na sina Mio at Jules.
Doon na rin nagsimula na idamay ako nila Greg at Eugene sa listahan nila ng dapat nilang magawan ng hindi maganda araw-araw.
---
Naging matiwasay naman ang buong araw ko dahil hindi na kami lumabas ni Dave sa classroom, binilhan na lang kami nina Mio at Jules ng makakain namin.
Buti pa ‘yong dalawang ‘yon, hindi nabu-bully nila Greg, kung sabagay, babae kasi si Mio at kilalang personalidad si Jules dito sa school kaya hindi magalaw nila Greg at Eugene.
Nasa daan na ako pauwi nang makita ko na namang naglalakad ng mag-isa si Eugene. Ito na naman ako, hindi ko talaga magawang pigilan ang sarili ko na sundan siya mas lalo't tuwing mag-isa siya doon ko lang nakikita yung kakaibang ngiti niya.
Ngayong hapon ay nandito siya sa isang park, umupo sa pinakadulong bench sa harap ng lawa. Paborito niya talaga ‘tong lugar na ‘to, lagi siyang nandito tuwing Lunes ng hapon.
"Ano na naman kaya gagawin nito?" tanong ko sa sarili ko habang nagtatago sa likod ng isang kumpol ng halaman.
Nakita ko siyang tumingin sa cellphone niya at doon ay nagsimula na siyang ngumiti. Ano ba kasing tinitignan niya doon? Lagi na lang siyang ngumingiti.
"Hindi kaya ay may girlfriend na siya?" tanong ko sa aking sarili. Ibayong lungkot ang naramdaman ko nang naisip ko ‘yong bagay na ‘yon.
"Mukha ngang may girlfriend na siya," sabi ko sa sarili ko nang makita kong may isang babae na lumapit kay Eugene.
Nagawa pa nitong tumayo at yakapin ‘yong babae.
"Wala na pala akong pag-asa," malungkot kong sambit.
Napag-isipan kong umalis na lang doon at umuwi na lang. Nakakalungkot man na isipin, sa tingin ko'y kailangan ko na talagang kalimutan yung kakaibang nararamdaman ko para kay Eugene. Malabo kasi talagang magkagusto siya sa akin katulad ng hiniling ko noong birthday ko. Desperado na kung desperado na pati birthday wish ko ay ayon ang hiling ko pero ganto talaga ako, naging matindi ang naging tama ko sa lalaking ‘yon.
---
Kinabukasan ay tila may nag-iba sa akin, ‘yong energy level ko ay parang sobrang bumaba. Hindi tulad ng dati na kung tatanungin mo ako kung paano at kanino ako bumabangon na agad na isasagot ko ay Eugene, ngayon ay iba, tila iniwan ako ng masiglang espiritu na nagpapalakas sa akin tuwing ako ay gigising.
Pagdating ko sa school ay lahat ay nagkakasiyahan. Tama nga pala, Valentines Day pala ngayon kaya ang saya ng mga estudyante ngayon.
Muli, naalala ko na naman yung tagpo nila Eugene kasama ‘yong babae sa may parke kahapon. Napasimangot na naman ako, bakit kasi straight si Eugene, at bakit kasi naging lalaki pa ako. Kung babae lang sana ako ay baka may pag-asa pang mapansin niya ako.
Sa aking paglalakad ay hindi ko napansin na may tao na pala sa harap ko kaya't nabunggo ko ‘to pero tila hindi bunggo ang nangyari dahil naramdaman kong sinadya niyang banggain ako.
"Ah." reklamo ko nang natumba ako sa semento.
Tinignan ko kung sino ang gumawa nito ngunit nanlaki na lang ang mata ko nang makita ko kung sino yung bumangga sa akin.
Si Eugene.
Nakangisi ito sa akin na parang may hindi magandang gagawin. Kung dati ay ngingitian ko lang ito na parang pilit ngunit iba ngayon, dahil nakakaramdam ako ng lungkot lalo ngayong alam kong hinding hindi siya makakaramdam ng kakaibang feelings para sa akin except na lang siguro sa pagkainis or galit.
Agad-agad na lang akong tumayo at nilagpasan siya, kung dati ay humihingi pa ako ng tawad sa kanya dahil nagkrus ang landas namin pero ngayon ay mas pinili ko na lang na iwasan siya.
Akala ko ay tapos na, hindi pa pala. Naramdaman ko ang biglang pag-akbay sa akin ni Eugene.
"Mukhang hindi ata maganda ang gising mo ah," sabi sa akin ni Eugene na nasa pang-aasar na tono.
Hindi na lang ako sumagot, bagkus ay yumuko na lang ako. Ayaw kong makita ang mukha niya, ang kanyang kaanyuan na nagpapaalala sa akin na malayo ang agwat namin sa isa't isa.
Siguro ay nabagot siya kaya naramdaman kong bumitaw siya sa pagkakaakbay sa akin nang padabog. Parang kasing tinulak niya ako kaya't muntik na akong matumba.
Napabuntong hininga na lamang ako at nilingon ang lalaking nagdudulot sa akin ng kakaibang pakiramdam. Naglalakad palayo sa akin.
Tanging ang lungkot sa akin mukha lamang ang mababakas sa akin, na dati ay natutuwa pa ako kapag pinapansin niya ako pero ngayon, tuluyan kong itatanim sa isip ko na isang laruan lamang ang tingin niya sa akin.