bc

Queens' Destined Fate

book_age16+
60
FOLLOW
1K
READ
fated
goodgirl
powerful
queen
drama
tragedy
bxg
mystery
magical world
gorgeous
like
intro-logo
Blurb

Isang mabuting reyna na ang hangad lamang ay kasaganaan at katahimikan sa lupaing kaniyang nasasakupan.

Isang ipinatapong reyna dahil sa kasakiman at malaking pagkakasala na mangangahas guluhin ang Safferia at angkinin ang lahat ng tinatamasa ng reyna nito, lalo na ang bantog na korona.

Isang magpapanggap na dayuhan upang isalba ang Safferia sa pananakop at kadiliman—upang mahanap ang naglahong kaharian at tuklasin ang misteryong bumabalot dito.

Magtatagumpay kaya sila sa kanilang mga hangarin? Saan sila dadalhin ng tadhanang pinili nilang tahakin? Ano ang kapalarang naghihintay sa tatlong reyna?

Sino ang pipiliin ng pag-aagawang korona?

chap-preview
Free preview
The Kingdom Of Safferia
KULAY GINTO ang daang nilalakaran ni Saffira. Sa magkabilang bahagi ng daan ay ang mga halamang hitik sa mga natatanging bulaklak na mayroong samu’t saring mga kulay. Kaya naman, sa bawat buntong-hininga niya ay tila ba napapawi ng halimuyak niyon ang kaniyang pangamba. Napalingon siya sa kaniyang pinanggalingan at muli niyang natanaw ang palasyong kaniyang nilisan. Sa patuloy niyang pagtahak ng daang papalayo, bumungad sa kaniya ang sanga-sangang daan. Limang landasin na hindi niya malaman kung alin ang pipiliin at ano ang naghihintay sa bawat patutunguhan niyon. Natigilan siya. Mistulang mayroong naglalaro sa kaniyang isipan. Ihahakbang niya na sanang muli ang mga paa niya, ngunit napigilan siya ng maputing liwanag na bigla na lamang humarang sa kaniyang daan. Yumukod siya habang ang kanang kamay niya ay nakalapat sa kaniyang dibdib. Dama niya mula roon ang mabilis na t***k ng kaniyang puso. Habang ang puting liwanag ay nagbigay daan upang makita ang tunay nitong anyo. Isang haring may katandaan na at napuputungan ng koronang ginto. “Saan naman kaya balak magpunta ng aking bunso?” marahang tanong nito. Napaangat ng mukha si Saffira kahit na nga ba hindi siya makatingin ng diretso sa kaharap. “Ama, hayaan n’yo na akong umalis. Gusto kong magkaroon ng silbi.” Napakunot ang noo nito. “Saffira, bakit kailangan mong tumakas at lumisan nang walang paalam? Ikaw ba ay may sama ng loob na kinikimkim sa akin para talikuran mo ako sa ganitong paraan?” Napailing si Saffira at kaagad na lumapit sa ama. Hinawakan niya nang mahigpit ang mga kamay nito. “Wala akong sama ng loob, ama kong bathala. Wala rin akong inggit sa aking mga kapatid. Ngunit gusto kong umalis at hanapin ang mundong bubuo sa akin bilang isa sa mga susunod na bathaluman sa pagsasalinlahi. Gusto kong bumuo ng lupaing matatawag kong akin na hindi ko lamang bubusugin ng pagmamahal, pakaaalagaan ko pa ang mga buhay na kakanlungin niyon hanggang sa dumami sila katulad ng mga bituin sa langit.” “Ngunit bakit nga kailangan mong tumakas?” mariing tanong ng bathala. “Dahil batid kong hindi ka papayag. Masyado n’yo akong mahal na halos ayaw ninyong malayo sa akin. Habang nagagawa ninyo ang lahat ng ibig n’yo, ako nama’y tila nakakulong sa aking hindi makitang hawla,” paliwanag ni Saffira. “Pakiusap, pahintulutan n’yo ako. Kapag nagawa ko na ang mga ito, magbabalik ako at iaalay sa inyo ang aking bayan.” “Hindi ko ibig na ikulong ka rito. Ang gusto lamang namin ng iyong mahal na ina ay matuto ka muna sa iyong mga kapatid bago ka namin hahayaang lumipad,” pag-amin naman ng ama niyang bathala. “Subalit kung `yan ang gusto mo, sige. Marahil ay nararamdaman mong handa ka na.” “Maraming salamat, ama. Ihalik mo na lamang ako kay ina.” Lumuhod siya sa harapan ng ama para humingi ng basbas. “Mahal ko, tahakin mo ang ikalawang daan sa gawing kanan. Doon ka magtungo sa silangan at maging puso ka ng lupaing iyon.” Ngumiti ang mabuting bathala. Inilapat niya ang kaniyang nagliliwanag na palad sa ulo ni Saffira. “Gabayan ka sana ng kataas-taasang bathala na pinakamakapangyarihan sa lahat. Mangyari ang laman ng iyong puso. Maligayang paglalakbay, mahal kong bunso.” Mahigpit na napayakap si Saffira sa ama. Luhaan man ang mga mata ay hindi maikakaila ang kaniyang kasiyahan dahil sa malapad niyang pagkakangiti. Sa halip na ihakbang ang kaniyang mga paa ay lumutang siya sa ere. Bago siya tuluyang umalis ay nilingon niya pa ang kaniyang ama at kumaway. Naiwanan naman ang bathala na tinatanaw ang papalayo niya nang anak. “Lumipad kang malaya katulad ng mga ibon sa himpapawid. Ngayon pa lang ay nasasabik na akong dumating ang araw na makita mo ang daan pabalik sa aming piling.” Nagmistulang bituin sa langit si Saffira hanggang sa hindi niya na ito matanaw pa. Sinunod niya ang bilin ng kaniyang ama. Nagtungo siya sa silangan, subalit isang tigang at abandonadong lupain ang kaniyang nadatnan. Biyak-biyak ang lupang tigang. Wala man lamang bakas ng tubig at makitang lilim na maaari niyang pagkublihan. Iyon ay larawang ng kawalan at kalungkutan. “Napakalungkot na lupain,” wika niya. Inilapat niya ang kaniyang palad sa lupa at napaso siya roon. Napatingala siya at bahagyang nasilaw sa liwanag ng araw. “Nandito na ako. Simula sa araw na ito, magbabago ang kapalaran mo.” Napangiti si Saffira. Mistulang may kung anong naglalaro sa kaniyang isipan. Mula sa kaniyang mga palad na muli niyang inilapat sa lupa ay sumibol ang matabang lupa. Kasunod niyon ay ang maninipis na damong bumalot doon. Umuga ang lupa, nabuo ang mga bundok, mabilis na tumubo ang mga punong kahoy, dumaloy ang malakristal na tubig mula sa mga nabuong talon at ilog, sumibol ang iba’t ibang uri ng bulaklak at sa kaniyang mga kamay ay lumitaw ang isang malaking hugis pusong punla. Hindi naglaon ay naulinigan niya ang huni ng mga ibon na paparating. Namangha siya sapagkat ang mga iyon ay tila ba tuwang-tuwa sa kanilang nakikita. “Mapapalad na mga nilalang. Kayo ang unang tatamasa sa yaman ng aking bayan.” Lumipad siya patungo sa pinakamataas na puno at naupo sa sanga niyon. “Isang araw, ang mapapalad na pagsisimulan ng kanilang lahi ay dadalhin rito ng kanilang mga paa. Pakahihintayin ko ang araw na iyon.” Hindi nga siya nagkamali, pagkatapos ng maraming araw na lumipas ay dumating na ang kaniyang pinakahihintay. Mag-asawang manlalakbay ang napadpad roon at mababakas ang malaking gulat sa kanilang mga mata ng masilayan nila ang mayamang lupain sa silangan. “Tama ba ang landas na tinatahak natin, Herdan? Akala ko ba, isang malawak na abandonadong lupain ang dadaanan natin?” pagtataka ni Leera. “Hindi ako maaaring magkamali sapagkat dumaan na ako rito ng ilang beses noong kabataan ko,” sagot ni Herdan. Bumaba siya sa kabayo at nakangiting iginala ang paningin sa buong paligid. “Sa tingin mo, ang bathala kaya ang gumawa nito?” Napailing si Leera. “Kung totoong may bathala, bakit tayo sinawimpalad? Sabihin mo nga? Aminin mo na lang kasing naliligaw tayo. Malamang hindi ito ang tamang daan patungo sa sinasabi mong lupain.” Samantala, walang kamalay-malay ang dalawa na mayroong mga matang nagmamasid sa kanila at naririnig ang kanilang mga tinuturan. Napapailing si Saffira. Ngunit ang kaniyang hindi magandang pakiramdam sa kanila ay napalitan ng pagdadalawang isip nang mapansin niyang umiilaw ang hugis pusong punla mula sa kaniyang mga kamay. Akmang lilipad ito patungo sa dalawa ngunit kaagad niya itong napigilan. “Ano’ng ginagawa mo? Hindi ka magpapakita sa kanila!” naibulalas ni Saffira. Mahigpit niyang hinawakan ang nagliliwanag na punla. “Sila na ang ating hinihintay,” anito. Napamulagat si Saffira at pinagmasdang mabuti ang dalawa. “Ngunit hindi sila ang nasa pangitain ko,” pagtutol naman ni Saffira. “Kailangan nating hanapin ang tunay na karapatdapat. Sa tono ng pananalita ng engkantadang `yan, wala siyang pananalig sa kahit sinumang bathala.” “Hindi siya, kundi si Herdan.” Nabaling ang tingin ni Saffira sa engkantado. “Ang mga nasa pangitain mo ay ang hinaharap lamang—ang lahi ng mga engkantadang magmumula sa kanila. Talasan mo ang iyong pakiramdam at suriing mabuti ang kanilang kalooban. Alalahanin mong mabuti ang mga aral mula sa iyong ama upang maging mabuting bathaluman ka na katulad niya balang araw. Hindi na ito laro o pagsubok lamang, nagsisimula ka na sa sariling misyon ng iyong buhay. Kailangan mo nang mag-isip at kumilos na parang isa sa kanila ngayon pa lang. At ako naman, bilang bahagi mo ay hindi mo lamang makakasama at magiging kakampi, bagkus ay ang iyong magiging gabay at magsasakatuparan ng anumang nais mo.” Ang mga tinuran ng punla ay pumukaw sa kamalayan ni Saffira. Napamulagat ang dalawa nang makita ang lumulutang na si Saffira papalapit sa kanila. Bakas sa kinang ng kanilang mga mata ang pagkamangha rito. “Maligayang pagdating sa aking lupain,” tinuran ni Saffira. “Sa inyong kaharian…” “Ano?” naibulalas ni Herdan. “Mga manlalakbay lamang kaming naliligaw, mahal na diwata. Hindi kami mga maharlika. Subalit kami nga ay naghahanap ng matutuluyan sapagkat ang aking asawa ay nagbubuntis. Naisipan naming pumirmi na lamang sa iisang lugar para sa aming mga magiging anak. Ayaw naming lumaki silang mga lagalag na katulad namin.” “Talaga ba?” nakangiting tugong ni Saffira. “Sa tingin n’yo ba ay nahanap na ninyo ang lupaing iibigin ninyong maging tahanan at ng inyong mga magiging anak?” “Kung pahihintulutan mo kaming mamuhay sa lupain mo, ipinapangako namin na aalagaan namin ito at hindi pababayaan,” wika ni Leera na mistulang nakikiusap. “Mga manlalakbay, hindi kayo basta na lamang naligaw rito, bagkus ay dinala kayo ng inyong kapalaran sa tadhanang nararapat sa inyo.” Ano’ng ibig mong sabihin, diwata?” “Ang sanggol sa sinapupunan ng iyong asawa ay siyang magiging hari ng aking lupain. Sa inyo magmumula ang isang panibagong lahi na tatamasa sa lahat ng ito,” paliwanag ni Saffira. “Ang aking anak?” naibulalas ni Leera. “Subalit ang sabi sa amin ng manghuhula ay babae siya kaya hindi siya marahil ang tinutukoy ninyo. Paumanhin, siguro ay hindi kami nararapat dito, diwata. Mukhang mayroon kayong ibang hinihintay.” “Maaari n’yo bang itigil ang pagtawag sa akin ng diwata?” Mula sa pagkakalutang sa ere ay lumapat ang mga paa ni Saffira sa lupa. Marahan siyang humakbang upang malapitan pa ang dalawa. “Ako si Saffira, ang bunsong anak ni Bathalang Magos. Ako na ang nagsasabi na maniwala kayo sa akin sapagkat nakita ko na ang mga susunod na salinlahi hindi pa man ito isinisilang. At mag-uumpisa ang kasaysayan ng lupaing ito sa inyong dalawa.” “Bathala?” naibulalas ni Leera. Kumunot ang kaniyang noo. “Subalit hindi totoo ang mga bathala! Niloloko mo kami!” “Leera, tumigil ka!” saway ni Herdan. “H’wag mong pagtataasan ng boses ang ating maging magiging bathaluman.” Tinanggap ni Herdan ang kapalarang inilahad sa kanila ni Saffira, tutol man ang kaniyang asawa. Hanggang sa isilang si Rael at matunghayan nila ang paglitaw ng hugis pusong punla. Noon lamang naniwala si Leera kay Saffira. Samantala, hindi hiniwalayan ng punla ang bata hanggang sa magbinata ito. Mistulan itong isang santelmo na susunod-sunod rito at nagsilbi na rin niyang kalaro at matalik na kaibigan. Hanggang sa isang araw, ipinakita ng punla ang tunay niyang papel sa buhay ni Rael. Isang koronang natatangi sa lahat, simple ngunit isang purong ginto na may tatlong puting bato sa harapan na nagliliwanag sa tuwing magsasalita ito. Walang mapagsidlan ang tuwa ni Saffira, ngunit hindi niya inasahan ang mga susunod na mangyayari. Ilang mga mangangaso ang nangahas na tumapak sa kanilang lupain at walang awang pumatay ng mga hayop. Sa kasamaang palad, dahil maliliksi ito na tila ba mayroong mga hindi pangkaraniwang kakayahan ay isang palasong pilak ang tumarak sa dibdib ni Saffira na kaniyang ikinamatay. Unti-unting naglaho ang kaniyang katawan na hindi man lamang nagawa ng kaniyang mga kaibigan na yakapin siya sa kaniyang huling sandali. Ganoon pa man, nanatili siya sa lupaing iyon dahil patuloy na naririnig ang kaniyang mga tinig, nararamdaman ang kaniyang pagmamahal at higit sa lahat, hinding-hindi niya iiwanan ang koronang kakambal ng kaniyang puso. “Simula sa araw na ito, tatawagin natin ang ating itatayong kaharian ng Safferia, at tayo bilang mga Safferian,” ani Rael habang masayang inaalala ang masayang gunita kasama si Saffira. Mula noon, unti-unting dumami ang lahi nina Herdan, mula nang makapag-asawa si Rael ng isang dayo. Hanggang sa ang mga engkantada at engkantadong ito ay natuklasan ang higit pang yaman ng kanilang lupain. Ang mga ginto at diyamanteng labis nilang pinakaiingatan at pinagyayaman pa. Hanggang sa ilang salinlahi ang lumipas at naluklok na ang hari na si Jatur—ang ikasampung hari ng Safferia. “Paparating na ang mahal na hari, kailangan mo nang makabalik sa palasyo kaagad!” sigaw ng isang lambana sa kaibigang engkantada na namimitas ng mga bulaklak. “Siguradong mapapagalitan ka na naman kapag hindi naisaayos ang mga `yan sa palasyo sa tamang oras.” “Oo, alam ko,” ngingiti-ngiting tinuran ng engkantada. Ganoon pa man, aligaga ito sa pamimitas. “Magmadali ka na!” muling sigaw ng lambana. “Mas malala ka pa kay Oruza magpanginig ng tuhod.” Kapwa natawa ang dalawa. Sumakay sila sa naghihintay na karwahe dala ang mga kulay dilaw na bulaklak na paborito ng hari at ni Oruza. Ang halimuyak kasi nito ay nakawawala ng pagod. Nang makarating sila sa palasyo ay kapwa sila natigilan sa kanilang kinatatayuan dahil nandoon na ang karwahe ng hari at sa b****a niyon ay ang prinsesang nakapamaywang. “Esmeralda!” ***

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
96.3K
bc

Guillier Academy ( Tagalog )

read
195.5K
bc

MAGDALENA (SPG)

read
30.6K
bc

The Ballerina's Downfall

read
81.6K
bc

MAYOR DUX: My Brother Is My Lover

read
164.3K
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
176.7K
bc

His Obsession

read
104.4K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook