INGAY NG MGA DAHON na hinihipan ng hangin at lagaslas ng tubig na umaagos sa malapit na ilog ang gumising kay Esmeralda. Dahan-dahan niyang iginala ang kaniyang paningin sa paligid. Bahagya pa siyang nasilaw sa silahis ng liwanag ng araw na lumulusot sa pagitan ng mga dahon. Hanggang sa mabaling ang kaniyang paningin sa lalaking nakatalikod sa kaniya. Nakaupo ito sa malaking bato sa ilog. Humihimig ang estranghero ng isang pamilyar na awitin habang ang mga paa nito ay nagtatampisaw sa umaagos na tubig. Marahan siyang bumangon mula sa pagkakahiga sa damuhan. Noon niya lamang napansin na ang sisidan ng ilang damit ng estranghero na iyon ang nagsilbi niyang unan. Napangiti siya at napawi ang bahagyang takot na una niyang naramdaman nang makita ito. “Engkantado? Sino ka? Bakit tayo nandirito

