6

1983 Words
PAGLABAS ng anak ni Czarina ay dinampot kaagad niya ang telepono sa bedside table at nag-dial. “Gabriella Delfin,” aniya sa kausap sa telepono. “Sundan mo siya kahit na saan siya magpunta,” pormal na sabi niya. “Huwag kang magpapahuli sa anak ko.” “Opo, Ma’am.” Napabuntong-hininga siya nang ibaba ang awditibo. Iyon ang unang pagkakataon na gagawin niya ang bagay na iyon. Sana ay iyon na rin ang huli. Alam niyang hindi magugustuhan ng anak niya ang pakikialam niya, ngunit kaya niyang harapin ang galit nito. Kaya niyang tiisin ang galit ni Xander basta sa ikabubuti nito. Hindi siya nagsinungaling nang sabihin niyang natuto na siya. Hindi na niya hahayaan na masaktan na naman ang isang anak niya. Kailangang mas kilalanin na  niya ang mga babae sa buhay ng mga binata niya. Hindi rin siya nagsisinungaling nang sabihin niya na hindi niya gusto si Gabriella. Iba talaga ang naramdaman niya rito. There was something about her. She had always trusted her instincts. Dahil din marahil iyon sa sinabi ni Travis bago pa man iuwi ni Xander si Gabriella. Ayaw sanang makialam ni Travis sa love life ni Xander dahil ayaw nitong makabangga na naman ang nakababatang kapatid, ngunit hindi raw ito mapakali. Sa apat na anak niyang lalaki, sina Travis at Xander ang madalas na mag-clash. Magkaibang-magkaiba ang personalidad ng dalawa. Travis—before Yvonne—was easygoing and happy-go-lucky. Palagi itong tinatamad at walang sineseryosong bagay. Si Xander naman ang pinakamasipag sa mga anak niya. Ayaw nitong walang pinagkakaabalahan na may  pakinabang. Sineseryoso nito ang lahat ng bagay na ginagawa nito. Wala pang beinte anyos si Xander ngunit may sarili na itong maliit na negosyo. Kasama ang isa pang kaibigan, may dalawang food cart business na ito sa dalawang mall. Nabuo ang negosyong iyon dahil sa isang mini-thesis na ipinagawa ng isang professor nito noong nakaraang taon. Nanghiram ito ng pera sa ama nito para masimulan ang food cart business. Natuwa ang asawa niya dahil unti-unti nang nababayaran ni Xander ang mga nautang nitong pera. Sa magkakapatid, ito ang mahilig mag-ipon. Bata pa lang ito ay mahigpit na ito sa pera. Hindi ito maluho. Kung kaya nitong magtabi, magtatabi ito. Ang sabi ni Mama Ancia, si Xander ang nakamana ng pagiging kuripot ni Tatay Andoy. Namana ni Xander sa ama nito ang husay sa pagnenegosyo. Seven years old pa lang yata ito ay nakikipag-business deal na ito sa mga kalaro nito. Ito ang nakikita niyang susunod sa yapak ni Vicente sa mga anak nila. Sa iisang unibersidad nag-aaral sina Travis at Xander kaya alam ng mga ito ang nangyayari sa isa’t isa. Paniniwalaan niya ang mga sinabi ni Travis sa kanya tungkol sa babaeng kinahuhumalingan ni Xander dahil sa apat na anak niya, si Travis ang hindi marunong magsinungaling. Alam niyang mahal nito ang kapatid at hindi nito hahayaang mapahamak o masaktan si Xander. Kaya nga sa kanya ito unang nagsabi. Hindi niya maiwasang hilingin na sana ay mali sila ni Travis. Nakikita niyang malalim na ang espesyal na damdamin ni Xander kay Gabriella. Masasaktan ito nang labis kapag nalaman nito ang totoong katauhan ng babaeng iniibig nito. NAGMAMADALI si Kila patungo sa ospital. Kahit na nanginginig ang buong katawan niya sa sobrang kaba at takot ay mabilis pa rin ang pagkilos niya. Tinawagan siya ni Nanay Perla sa number ni Aling Tess. Nasa ospital daw sa kasalukuyan si Tatay Berting. Bigla raw itong nahilo habang nasa trabaho. Kanina pa raw masama ang pakiramdam nito ngunit nagpumilit itong pumasok sa trabaho. Sobrang taas pala ng presyon nito. Kaagad itong isinugod sa ospital. Pagdating niya sa ospital ay kaagad niyang hinanap si Nanay Perla. Natagpuan niya ito sa isang ward kasama si Tatay Berting. Nanghina siya nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ni Tatay Berting sa higaan. Tabingi na ang bibig nito. May oxygen ito at may kung ano-anong nakasabit na IV stand nito. Ayon kay Nanay Perla, na-stroke si Tatay Berting. Tinutop niya ang kanyang bibig upang hindi umalpas ang hagulhol niya. Maigi na lang at wala itong malay. Ayaw niyang makita siya nitong umiiyak. Hindi niya mapaniwalaan na makikita niya ito sa ganoong kalagayan. Parang kahapon lang ay ang lakas-lakas at ang sigla-sigla nito. Ngayon ay mahinang-mahina ito at deformed na kaagad ang hitsura nito. Habag na habag siya sa kalagayan nito. Hinila siya ni Nanay Perla palabas ng ward. Kaagad itong yumakap sa kanya at humagulhol. Hinagod niya ang likod nito. Hinayaan lang niya itong umiyak habang yakap-yakap niya ito. Siya man ay naluluha na rin ngunit pinigilan niyang umiyak. Kailangan ni Nanay Perla ng masasandalan. “Ang sabi ng mga doktor ay baka matagal nang high blood si Berting at hindi lang niya pinapansin. Maaaring wala rin siyang mga sintomas na nararamdaman kaya hindi siya nagpapatingin,” anito nang bahagya na itong kumalma. Umupo sila sa isang mahabang bench sa may hallway. “Kahit naman may maramdaman `yon ay malamang na hindi pa rin siya magpapatingin dahil manghihinayang siya sa gagastusin. `Ayan tuloy, na-stroke siya bigla. Paralisado ang buong katawan ng Tatay Berting mo, Kila. Maigi at naagapan pa rin ng mga doktor kaya humihinga pa rin siya ngayon. May mga eksamin pang kailangang gawin. Hindi pa siya nagkakamalay. Natatakot ako, anak.” Muli itong umiyak. “Ang sipag-sipag kasi ng tatay mo, eh. Minsan ay ginagawa na niyang araw ang gabi. Lahat ng klase ng sideline ay pinapatos niya. Napabayaan na tuloy niya ang sarili.” “Magiging maayos din po si Tatay, Nanay,” pag-aalo niya rito. Pinilit niyang huwag ipahalata rito na siya man ay natatakot na rin. Nasa kritikal pa rin pala ang kalagayan ni Tatay Berting. Inalo niya si Nanay Perla hanggang sa tuluyan itong kumalma. Nang balikan nito ang asawa nito ay matatag na itong muli. Nagtungo siya sa chapel ng ospital at taimtim na nagdasal. Hiniling niya sa Panginoon na sana ay huwag Nitong hayaan na mawala sa kanila ang haligi ng kanilang tahanan. Pagbalik niya sa ward ay naroon na rin si Gray. Ang higpit-higpit ng pagkakayakap nito sa kanya. Tila nagpipigil lamang ito na mapaiyak. Hinagod niya ang likod nito. “Magiging maayos si Tatay,” aniya. “Hindi siya pababayaan ng Diyos. Gagaling din siya.” Hindi ito nagsalita. Isiniksik nito ang mukha sa leeg niya. Hindi nagtagal ay naramdaman niya ang pag-agos ng mainit na likido sa leeg niya. Hindi rin nito napigilan ang mga luha nito. Tila may malaking kamay na mariing pumisil sa puso niya. Nahirapan siyang huminga. Nananakit  ang lalamunan niya sa pagpipigil na mapaiyak. Gagawin niya ang lahat upang maging maayos ang pamilya nila. “PASENSIYA ka na talaga, Kila, kung hindi kita mapapahiram ngayon, ha?”  Nginitian ni Kila si Aling Tess. Kasalukuyan na nilang isinasara ang tindahan nito. “Okay lang po, Aling Tess. Naiintindihan ko naman po. Malaki-laki na rin po ang nahihiram ko sa inyo.” “Kung mayroon lang talaga, hindi ka na magdadalawang-salita sa `kin. Bayaran na kasi ng matrikula ng mga anak ko. Alam mo namang ako lang ang kumakayod sa pamilya. Hayaan mo, kapag nakaluwag-luwag ako ay pahihiramin uli kita. Kumusta na ang Tatay Berting mo?” “Ganoon pa rin po,” malungkot na sagot niya. “Hindi po namin maipa-therapy dahil sa gamot pa lang ay kulang na ang pera namin.” Paralisado ang katawan ni Tatay Berting. Ni hindi na ito makapagsalita, panay ungol na lang. Napakarami nitong mga gamot na kailangang i-maintain. Malaki rin ang naging gastos nila sa ospital. Isa si Aling Tess sa mga nahiraman niya ng pera upang mailabas nila ito ng ospital. Kailangan din nitong mag-therapy ngunit wala pa silang pera. Awang-awa na siya kay Tatay Berting. Madalas niya itong nakikita na umiiyak. Pinipilit nitong magsalita ngunit wala silang maintindihan. Ni hindi nila ito maibili ng wheelchair. Natigil na sa pagtitinda si Nanay Perla dahil walang mag-aalaga kay Tatay Berting. Si Grayson ay tumigil na sa pag-aaral at napilitan nang magtrabaho upang makatulong sa mga gastusin. Ayaw sana nilang tumigil ito ngunit hindi na nila kaya. Nagtatrabaho ito ngayon sa isang grocery store. Maliit lang ang suweldo nito ngunit maigi na raw iyon kaysa sa wala. Baon na baon na sila sa utang. Kahit na mataas ang interes ay pinapatos nila makabili lang sila ng mga gamot ni Tatay Berting. Nag-iisip pa nga siya ng mapagkakakitaan para mas makatulong siya sa pamilya niya. “Gagaling din si Berting,” sabi ni Aling Tess. “Kasama siya sa mga dasal ko sa Baclaran. Matatapos din ang lahat ng ito. Huwag kang susuko, anak. Pagsubok lang ito ng Panginoon. O, sige na, ako na ang tatapos ng pagsasara. Umuwi ka na at baka kailangan ka sa inyo.” “Maraming salamat po sa lahat ng tulong, Aling Tess,” aniya bago hinubad ang apron niya. Nagpalit siya ng T-shirt sa loob. Paglabas niya ay nagpaalam na siya. Bahagya siyang nadismaya dahil mag-isa lang siyang naglalakad pauwi. Hindi na siya sinusundo ni Gray dahil masyado itong abala. Hindi na nga sila masyadong nakakapag-usap. Naiintindihan naman niya ito. Masyado na itong aligaga tungkol sa kalagayan ng tatay nito. Kailangan nitong kumayod nang husto para may maibili itong gamot. May mga gabi na naririnig niya itong umiiyak sa labas ng bahay. Kahit na ano kasing pagsusumikap nito—nilang dalawa—ay tila kulang pa rin. Nasa tabi lang naman siya nito palagi upang aluin ito at suportahan. Kasangga siya nito sa lahat ng hirap. Gagawa at gagawa siya ng paraan upang makadiskarte pa ng pera. Mairaraos nila ang lahat ng iyon. Gagaling pa si Tatay Berting. Makakapagsalita at makakalakad din uli ito. Malapit na siya sa kanilang bahay nang matanawan niya si Gray na may kausap. Nagsalubong ang mga kilay niya nang makilala ang kausap nito. Si Peter. Kilala si Peter sa lugar nila bilang drug addict at p****r. Ang sabi ng ilang kapitbahay nila ay marami itong mga ilegal na gawain. Labas-masok ito sa kulungan. Miyembro daw ito ng malaking sindikato kaya nakakalaya pa rin ito. Lahat ng tao doon ay nangingilag dito. Bakit nakikipag-usap si Gray kay Peter? Hindi naman magkaibigan ang mga ito. Hindi nag-uusap ang mga ito dati. Ni hindi personal na magkakilala ang mga ito. Biglang binundol ng kakaibang kaba ang dibdib niya. Natatakot siya sa mga maaaring gawin ni Gray dahil sa kahirapan. Ayaw niyang kumapit ito sa patalim. Nilapitan niya ang mga ito. “Gray,” tawag niya. Kaagad siyang nilingon ni Grayson. Nabasa niya ang kaba sa mga mata nito ngunit kaagad din iyong nabura. Nginitian siya nito at inakbayan. “Mauuna na ako, Gray,” ani Peter bago ito umalis. Tinanguan lang ito ni Gray. Napatingin ito sa kanya nang mawala na sa paningin nila si Peter. “Pasensiya ka na kung hindi na kita nasundo sa palengke, ha? Kauuwi ko rin lang, eh.” “Okay lang. Bakit mo kausap `yon?” Nag-iwas ito ng tingin. “Bakit, masama bang makipagkuwentuhan sa kapitbahay?” “Gray, alam mo naman kung ano ang reputasyon ni Peter dito sa `tin, `di ba?” “Masyado lang tsismoso at tsismosa ang mga tao dito sa `tin. Mabait naman siya. Walang masama sa pakikipag-usap o pakikipagkaibigan. Huwag naman nating husgahan `yong tao.” Hindi na lang siya umimik. Pinigilan niyang sabihin dito na kung tsismis lang ang pagiging miyembro ni Peter ng sindikato, o ng pagiging drug addict at p****r nito, bakit madalas itong damputin ng mga pulis sa bahay nito? Alam niyang pagod ito at baka magtalo lang sila tungkol sa walang kuwentang bagay kaya hindi na lang siya nagsalita. Baka kasi masyado rin lang siyang nag-iisip. Baka naman nakipagkuwentuhan lang talaga ito kay Gray. Hindi siya dapat na mag-alala o kabahan dahil alam niyang mabuting tao si Gray. Alam niyang hindi nito maaatim na gumawa ng ilegal para lang kumita nang malaking halaga sa mabilis na paraan. Alam niyang hindi pa rin nawawala ang pananampalataya nito sa Panginoon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD