“NAKAKAHIYA, Xan, `wag na lang. Hindi mo kailangang gawin ang bagay na ito.”
Ipinilit pa rin ni Xander ang pera kay Gabriella kahit ayaw nito iyong tanggapin. Maliit na halaga lang naman iyon. Nabanggit kasi nito na kailangan pa nitong maghanap ng ibang trabaho bukod sa pagiging waitress nito sa isang restaurant dahil lumalaki ang gastos sa nakababata nitong kapatid. Ang sabi nito ay sakitin ang kapatid nito. Hindi naman nito masyadong sinasabi sa kanya kung ano ang kalagayan ng kapatid nito.
Sa isang twenty-four hours na restaurant daw ito nagtatrabaho. Hindi pa niya ito napapasyalan sa trabaho dahil hindi nito sinasabi sa kanya kung saan iyon. Ayaw raw nitong dinadalaw ito sa trabaho. Masyado na rin daw gabi kaya ayaw nitong lumalabas pa siya.
Isang bagay na ayaw niya kay Gabriella ay masyado itong malihim paminsan-minsan. May mga bagay itong ayaw sabihin sa kanya. Pinapalampas na lang niya iyon dahil naniniwala siyang kusa rin nitong sasabihin sa kanya ang lahat. May tendency din naman kasi siyang maging pakialamero. Ito ang tipo ng babaeng ayaw na pinapangunahan o sinasaklawan ang desisyon. Baka isipin nito na hindi niya nirerespeto ang privacy nito.
“Nakakahiya,” anito sa mahinang tinig habang nakatingin sa perang inilagay niya sa kamay nito. Inabot nito ang kamay niya at akmang ibabalik iyon sa kanya ngunit hindi niya ito hinayaan.
Hindi pa niya malalaman na nangangailangan ito ng pera kung hindi pa niya ito narinig na nagtatanong sa ilang kaibigan nito kung may alam ang mga ito na job opening. Libre na kasi ang umaga nito dahil sa gabi na ito nagtatrabaho.
Ayaw niyang magkaroon pa ito ng isa pang trabaho. Masyado na itong pagod sa panggabing trabaho. Sa umaga na lang ang pahinga nito. Baka hindi na ito makapag-concentrate nang husto sa pag-aaral.
Niyakap niya ito at hinagkan sa noo. “Ano ba’ng nakakahiya? It’s okay, honey. Hayaan mo naman akong tulungan ka. Ayoko nang mahirapan ka nang husto. Tanggapin mo na ang pera. Kailangan ng kapatid mo, hindi ba? Maliit na halaga lang naman `yan.”
“Hindi ito maliit na halaga para sa katulad naming mahihirap, Xander,” anito, saka kinagat ang ibabang labi. “Baka isang araw mo lang itong allowance pero isang buwan ko nang pagtatrabahuhan ito bilang waitress. Hindi puwedeng basta ko na lang tangga—”
“Sshh... Ganito na lang,” aniya habang hinahaplos ang balikat nito. “Utang ito. Bayaran mo ako kapag nakaluwag-luwag ka.” Alam niyang hindi ito titigil at mas paiiralin nito ang pride kaya nasabi na niya iyon. Ayaw niyang makompromiso ang pangangailangan ng kapatid nito dahil lang sa pride.
Napabuga ito ng hangin. “Boyfriend kita, eh. Hindi ko dapat tinatanggap ito.”
Natawa siya. “Kaya nga. Boyfriend mo ako kaya dapat lang na tulungan kita. Sige na, ililista ko na lang. Papatungan pa kita ng interes kung mas magpapalubag ng loob mo.”
Napangiti na ito. “Negosyante ka talaga.”
“You’re taking the money, end of discussion.”
“Utang ito, Xander, hindi bigay, ha? Babayaran kita at tatanggapin mo ang ibabayad ko sa `yo.”
Hinagkan niya ang ibabaw ng ulo nito. “Deal.”
Hindi iyon ang naging huling pagkakataon ng pagbibigay niya ng pera kay Gabriella. Napakaraming kailangan ng kapatid nito. Pati ang matrikula ni Gabriella ay siya na ang nagbayad. Wala namang kaso iyon sa kanya. He was only too happy to help.
Sa tuwina ay nahihiya ito ngunit ipinipilit niya rito ang pera. Ang palaging sinasabi niya ay nasa listahan iyon ngunit wala naman talaga siyang listahan. Wala na siyang planong singilin pa ito. Basta makakatulong siya, magbibigay siya.
Sarili naman niyang ipon ang ibinibigay niya rito. Hindi siya maluho mula pagkabata kaya malaki-laki ang ipon niya. May sarili pa siyang business.
He was happy with their relationship. Ito lang ang babaeng nakakapagpaligaya sa kanya nang lubos. Gagawin niya ang lahat para dito. Wala pa ring amor ang kanyang ina rito ngunit hindi maglalaon ay magkakalapit din ang dalawa. His mother would realize that Gabriella was the right woman for him because she made him the happiest man alive.
“SA INYO po?” nakangiting tanong ni Kila sa isang customer. Sa postura at galaw nito, halatang-halata na bading ito. Maagang-maaga pa ngunit naka-makeup na ito nang makapal. Pero hindi ito katulad ng isang tipikal na bading na nakikita niya sa palengke. Tila mukhang sosyal ang isang ito. Tila mamahalin ang mga suot nito. Hindi niya alam kung paano ito napadpad sa palengke.
“Isang kilo sa liempo, `neng,” anito.
“Itsa-chop ko na po ba?” tanong niya habang ikinikilo niya ang mga napili nitong liempo ng baboy.
“Sige, pansinigang, ha?”
Mabilis niyang hiniwa ang mga karne. Habang inilalagay niya sa supot ang karne ay napansin niyang mataman itong nakatitig sa kanya. “`Eto na po,” aniya, sabay abot ng supot dito.
Iniabot din nito sa kanya ang bayad pagkaabot nito ng supot. Habang kumukuha siya ng panukli sa bulsa ng apron niya ay ramdam niya ang patuloy na pagtitig nito sa kanya.
“Bakit po?” hindi niya napigilang itanong habang iniaabot dito ang sukli nito. Kakaiba kasi ang uri ng tinging ibinibigay nito. Tila siya isang specimen sa ilalim ng microscope na mataman nitong pinag-aaralan.
“Ang ganda mo, `neng,” anito, saka siya hinagod ng tingin mula ulo hanggang paa.
Hindi niya napigilan ang matawa. Kung hindi lang halatang-halata na bading ito, iisipin niyang nabighani nga ito sa ganda niya. Marami siyang mga naging customer na nagsasabi na maganda siya. Ang sabi nga ni Aling Tess, mas dumami ang suki nito nang magtrabaho siya rito. Dahil daw iyon sa maganda siya at palangiti sa lahat. Ngayon lang yata siya nasabihan na maganda ng isang bading.
Napangiti ang bakla. “Bakit, ayaw mong maniwala sa `kin?”
Sinupil niya ang kanyang tawa. “Hindi naman po sa ganoon. Ang weird lang po.”
“Dahil kulay-berde ang dugo ko,” anito, sabay halakhak. “Sayang ang ganda mo rito sa palengke, `neng. Magkano lang ba ang kinikita mo rito? May club ako.” Kumuha ito ng maliit na notebook sa bag nito at nagsulat. Pinilas nito ang isang pahina at iniabot sa kanya. “Kung gusto mong kumita nang mas malaki, tawagan mo ako. Legal ang club ko. Exotic entertainment lang. Hindi naman kita pinipilit. Hindi ko lang mapigilan ang sarili ko na alukin ka. Nasa legal na edad ka na ba?”
Halos wala sa loob na tumango siya at tinanggap ang papel. Hindi niya alam ang iisipin sa iniaalok nitong “trabaho” sa kanya.
“Ako nga pala si Mama Nicole. Hindi ako bugaw, `neng. Basta, tawagan mo lang ako kapag napag-isipan mo na ang lahat. Kahit anong oras. Kahit na gaano katagal. Gusto ko talaga kasi `yang ganda mo. Pero walang pilitan. Ikaw si...?”
“Kila po.”
Tumango ito. “Sige, mauuna na ako, Kila. It’s nice meeting you,” anito bago siya tinalikuran.
Ibinulsa niya ang number ni Mama Nicole at hinarap na ang ibang mga customer. Hindi siya magtatrabaho sa club. Wala naman daw pilitan. Hindi niya ma-imagine ang sarili na nagbibigay ng “exotic entertainment” sa kalalakihan. Mapapatay siya ni Gray kapag pumayag siya.
Hindi na niya pakakaisipin ang alok ng bading na iyon.