“COME back here, Xander! You’re not allowed to walk out on your own mother!”
Hindi na pinansin ni Xander ang mga sinasabi ng kanyang ina, nagpatuloy siya sa mabilis na paglabas ng kanilang bahay. Nagpupuyos siya sa galit. Marahas ang bawat hakbang niya. Hindi niya alam kung kanino siya mas magagalit: Sa kanyang ina na masyadong nang nakikialam sa buhay niya at pinaimbestigahan pa talaga nito si Gabriella? Kay Travis na hindi niya malaman kung concerned lang o gusto siya nitong idamay sa kamiserablehan ng buhay nito? Kay Gabriella na hindi kaagad nagsabi sa kanya ng totoong trabaho nito? O sa sarili niya dahil nagagalit siya hindi lang sa ina at kapatid kundi pati na rin sa pinakamamahal niyang nobya?
Ano ba ang malaking kasalanang nagawa niya upang magkaroon ng ganoong komplikasyon ang buhay niya? Paano siya nalagay sa ganoong sitwasyon?
Natigil siya sa paglalakad nang makita si Travis na prenteng nakasandal sa sasakyan niya. Naikuyom niya ang mga kamay.
“Huwag kang magalit sa `kin, Xan,” anito sa bored na tinig. “Hindi ko naman sinasadyang makita siya sa club na iyon noon. Hindi ko nga alam na girlfriend mo na pala siya nang una ko siyang makita sa club.”
“Hindi ko alam kung saan mo namana ang pagiging tsismoso mo. Hindi mo naman kailangang sabihin iyon kay Mom.”
“Tinanong niya ako tungkol sa babaeng bukambibig mo. Sinabi ko lang sa kanya ang mga nalalaman ko. Hindi mo rin naman alam ang totoong trabaho ng girlfriend mo, `di ba? Bakit niya inilihim sa `yo?” tanong nito sa nanunuyang tinig. “Niloloko ka lang niya. She’s not worth it.”
“`Wag mo akong itulad sa `yo. `Wag mong itulad si Gabby kay Yvonne.” Alam niyang maling banggitin ang pangalan ng dating nobya nito upang mainis lang niya ito, ngunit hindi na siya gaanong makapag-isip.
Nagdilim ang mukha nito. “Walang kinalaman si Yvonne sa usapan natin. Ang sinungaling mong girlfriend ang pinag-uusapan natin dito.”
“She’s just a promo girl! Hindi siya p********e! Makitid lang ang isip n’yo.”
Umalis ito sa pagkakasandal sa sasakyan at nilapitan siya. May dinukot ito mula sa bulsa nito at marahas iyong isinampal sa dibdib niya. “Sana nga, promo girl lang siya. Address ng club na pinagtatrabahuhan niya ngayon. See for yourself, bro. Huwag kang magpapakatanga. Hindi mo magugustuhan ang pakiramdam. Take it from me.”
Bago pa man siya makasagot ay nakalayo na ito sa kanya. Naiinis na sumakay siya sa sasakyan niya. Pinaharurot niya iyon palabas ng gate nila. Galit na galit siya. Nasasaktan siya sa nalaman, sa pagsisinungaling sa kanya ni Gabriella.
Ang tingin ng pamilya niya ngayon sa kanyang nobya ay mababang uri ng babae dahil sa pagiging promo girl nito sa isang kilalang club.
Hindi pa sila nagkikita ni Gabriella dahil kararating lang nila mula sa Mahiwaga. Niyaya silang umuwi ng kanilang ina kahit ayaw sana niya. Doon nito sinabi sa kanya ang mga nalaman nito tungkol kay Gabriella. Ayaw niyang paniwalaan ang mga sinasabi nito. Gusto lang nitong mailayo siya kay Gabriella.
Muntik na nga silang magkasuntukan ni Travis doon. Pakiramdam niya ay pinagtutulungan siya ng kuya at ina niya. Ano ba ang nagawang masama ni Gabriella sa mga ito? Masyadong abala ang Kuya Dudes niya sa hacienda kaya hindi na niya ito idinamay sa gulo nila. Ang kanyang ama ay aligaga sa ilang problema sa negosyo. Gabing-gabi na itong nakakauwi minsan. Hindi na nga sila nakakapag-usap o nakakapagkuwentuhan.
Kapag nagkaroon ito ng libreng oras ay kakausapin niya ito nang masinsinan. Kung kailangang isumbong niya ang kanyang ina rito upang tigilan na nito ang pagsunod-sunod kay Gabriella at sa pakikialam nito sa buhay niya, gagawin niya. Kailangan niyang maghanap ng kakampi.
Gabriella was just a promo girl. Napakarami namang mga babaeng promo girl! May matibay na dahilan ito kung bakit hindi nito sinasabi sa kanya ang totoong trabaho nito. Alam niyang baka nahihiya lang ito, o baka iniisip nito na hindi niya maiintindihan. Baka inakala nitong iba ang isipin niya kagaya ng iniisip ng ina at kapatid niya ngayon.
Hindi niya paniniwalaan ang ibang sinasabi ng mom at kuya niya. Kilala niya si Gabriella. Hindi nito magagawa ang bagay na iyon. Hindi ito magpapakababa para lang kumita ng pera sa mabilisang paraan.
Napatingin siya sa papel na ibinigay sa kanya ni Travis. Pupuntahan ba niya iyon?
Bago pa man siya makapag-isip, natagpuan na lang niya na tinatahak ng sasakyan niya ang patungo roon.
NAPALUNOK si Xander nang sa wakas ay nakita ng kanyang mga mata ang hinahanap niya. Nasa isang club siya kung saan nagtatrabaho si Gabriella bilang isang promo girl. Napatitig siya sa isang babae na nakikipag-usap sa grupo ng kalalakihang nasa isang mesa. Hindi niya gusto ang malaswang tingin na ibinibigay ng mga ito sa nobya niya.
Tila hindi naman alintana ni Gabriella ang tingin ng mga ito. Nakangiti pa ito habang may hawak na bote ng alak. Hindi niya gusto ang mapang-akit nitong mga ngiti. Lalong hindi niya gusto ang mapang-akit nitong suot.
He had never seen her dress like that. Halos lumuwa na ang mayaman nitong dibdib dahil sa baba ng neckline ng suot nito. Sobrang hapit pa iyon at hakab na hakab ang maganda nitong katawan. Maikling-maikli iyon at sa tingin niya ay makikita na ang lahat dito kapag tumuwad ito. Ang kapal pa ng makeup nito.
Sa unibersidad, palaging simpleng maong na pantalon at maluwag na T-shirt ang suot nito. Ngayon nga lang niya nasilayan ang ganda ng katawan nito. Hindi rin ito naglalagay ng kahit na ano sa mukha.
Malayong-malayo ang Gabriella na nobya niya sa Gabriella na nakikita niya ngayon.
Nag-init nang husto ang ulo niya nang makitang dumapo ang isang kamay ng lalaki sa pang-upo ni Gabriella. Sa halip naman na sawayin ay nginitian lang ito ng nobya niya.
Hindi na niya napigilan ang sarili. Sa malalaki at mararahas na hakbang ay nakalapit siya sa kinaroroonan ng mga ito. Marahas niyang inalis ang kamay ng lalaking wiling-wili na sa pagpisil sa pang-upo ni Gabriella.
Nanlaki ang mga mata ni Gabriella nang makita siya. Ang alam kasi nito ay kinabukasan pa siya makakauwi galing ng probinsiya. Hindi niya masyadong napagtuunan ng pansin ang pagkagulat nito dahil ang sama na ng tingin niya sa lalaking bumabastos dito.
Akmang susugurin na niya ang lalaki nang bigla na lang hawakan ni Gabriella ang braso niya at hinila siya palayo. Hindi siya nagpahila. Kailangan niyang turuan ng leksiyon ang bastos na lalaking nakangisi na nang nakaloloko sa kanya.
Ikinulong ni Gabriella ang mukha niya sa mga kamay nito at pilit na sinalubong ang kanyang mga mata. “Please, `wag kang gagawa ng gulo. Please, mag-usap tayo sa labas. Please.”
“He’s fondling your ass!” he hissed.
“Sa labas na lang tayo mag-usap.” Hinila na naman siya nito at sa pagkakataong iyon ay nagpatangay na siya.
Sa parking lot sila humantong. Itinulak siya nito patungo sa sasakyan niya. “Sige na, umuwi ka na,” kaswal na pagtataboy nito sa kanya.
Namamanghang napatingin siya rito. Lalo yatang umalab ang galit na nararamdaman niya. “Akala ko ba ay mag-uusap tayo?” sarkastikong sabi niya.
Ngumiti ito nang nanunuya. “Sinabi ko lang `yon para hindi ka gumawa ng gulo sa loob. Ayokong makompromiso ang trabaho ko. Wala na rin naman tayong dapat pag-usapan pa, Xander, eh.” Inilahad nito ang mga braso nito. “Ito ako. Ito ang totoong ako. Makikipaghiwalay ka na ba? Di sige.” Puno ng pait ang tinig nito. Marahas ang pagtaas at pagbaba ng dibdib nito na tila hirap na hirap ang kalooban nito.
“You lied to me. Ang sabi mo, waitress ka sa isang restaurant,” nanghihinang sabi niya. Ayaw niyang isipin na tama ang lahat ng sinabi ng kanyang ina tungkol dito.
“Hindi naman ako gaanong nagsinungaling sa `yo, Xander. Minsan, waitress ako sa mga bar at club. Minsan, promo girl sa kung saan-saan. Iyong nakita mo, ganoon talaga. Maaga pa nga, eh. Hindi pa gaanong lasing ang mga customer.”
“And you just let them?” hindi makapaniwalang tanong niya.
“Ano’ng gusto mong gawin ko, magwala? Magpakipot? Nagsuot pa ako ng ganito.” Itinuro nito ang suot-suot nitong hapit at maikling damit. “Sa pagsusuot ko ng ganito, parang binigyan ko na rin ng lisensiya ang mga lalaking iyon na bastusin ako. Kasalanan ko kasi ginusto ko naman ito, eh. Wala akong magagawa, ganoon talaga. Alangan namang mag-inarte pa ako, eh, talaga namang ginawa kong puhunan ang ganda ng mukha at katawan ko. Mas maigi na ito kaysa maging crew ako sa fast food. Akala mo, gano’n-gano’n lang maging waitress sa mga fine-dining restaurant? Kahit na doon, kailangang college graduate ka. Hindi ka mulat sa kahirapan ng buhay kaya wala kang alam, Xander. Kung gusto mong mabuhay, kailangang maging wise ka sa lahat ng bagay. Kailangan mong gamitin ang lahat ng puwede mong gamitin.
“Alam kong magiging ganito ang reaksiyon mo kaya hindi ko sinabi sa `yo ang mga totoong trabaho ko sa gabi. Gaga rin marahil ako kasi sa simula pa lang ay nagsinungaling na ako. Gusto ko kasing maging maganda ang impresyon mo sa `kin. Ang tanga ko kasi nangarap ako na baka ikaw na ang Prince Charming na hinihintay at hinahangad ko pala. Mula kasi nang manligaw ka sa `kin, hindi ko maiwasang hilingin na sana ay isang tipikal akong babae na puwedeng mangarap ng isang ‘happily ever after’ o ng ‘together forever.’ Iyong tipo na matatanggap mo ang lahat ng tungkol sa `kin. Iyong tipo na mamahalin mo pa rin ako sa kabila ng lahat. Ang tanga ko, `no?” Gumaralgal ang tinig nito. “Hindi dapat kita sasagutin kahit na gaano mo ako suyuin dahil alam ko naman na hindi tayo bagay sa isa’t isa. Pero wala, eh. Ang tanga ko kasi minahal kita. Dahil sa pagmamahal na iyon, sinubukan kong maghanap ng ibang trabaho. Gusto kong maging disenteng babae para sa `yo. Pero ang hirap. Ako lang ang inaasahan ng kapatid ko, eh. Kailangan ko siyang buhayin.”
“Gabby...” Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Nakikita niya ang matinding paghihirap ng kalooban nito. Tila nagpipigil lang itong maluha sa harap niya. She was still trying to be brave in front of him.
Sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nila.
“Paano mo nalaman?” tanong nito kapagkuwan.
“Kay Mom.”
Napangiti ito nang mapait. “Hindi talaga ako magugustuhan ng mom mo, ano? Kunsabagay, hindi ko siya masisisi. Kung ako ang nasa kalagayan niya, aayawan ko rin ang sarili ko.” Huminga ito nang malalim bago muling nagsalita. “Huwag na nating pahirapan pa ang mga sarili natin, Xander. Tigilan na natin ang drama na ito. Maghiwalay na lang tayo. Walang patutunguhan ang sitwasyon natin.” Tinalikuran na siya nito bago pa man siya makatugon. “`Bye,” anito habang naglalakad palayo sa kanya.
“I’ll marry you,” aniya bago pa man ito tuluyang makalayo sa kanya. “I’ll marry you now.”
Natigil ito sa paglalakad ngunit hindi siya nito nilingon. Tila nanigas ang buong katawan nito. Hindi marahil nito inasahan ang narinig mula sa kanya. Kahit na siya ay nagulat sa lumabas na mga kataga sa bibig niya. Hindi niya akalain na ganoon na siya kaseryoso sa relasyong iyon. Hindi niya akalain na ganoon na niya kamahal si Gabriella at handa na siyang magpakasal.
Nagulat siya ngunit wala siyang madamang pagsisisi. It seemed like the right thing to say, to do.
“Pakakasalan na kita para hindi mo na kailangang gawin ang lahat ng ito. Hindi mo na kailangang tiisin ang lahat ng pambabastos ng mga lasing na lalaki. Hindi mo na kailangang magtrabaho. Let me take care of everything. Let me take care of you.”
Napapailing na hinarap siya nito. Nakangiti ito nang mapait. “Nababaliw ka na ba? Feeling mo talaga, ikaw ang Prince Charming ko na gagawing tama ang lahat sa buhay ko? Hindi nga ako matanggap ng pamilya mo, eh, `tapos pakakasalan mo ako?”
“Wala na silang magagawa kapag kasal na tayo. Wala na silang ibang choice kundi ang tanggapin ka.”
Natatawang umiling uli ito. “Baliw ka na talaga.”
“Seryoso ako.”
Mataman siya nitong pinagmasdan. “I slept with customers. Kapag tama ang presyo, sumasama ako sa kanila. I slept with married men. Kinukuwartahan ko sila. Matatanggap mo pa rin ba ako? Kaya mong sikmurain ang nakaraan ko?”
Natulala siya. Nasabi na ng kanyang ina ang bagay na iyon sa kanya, ngunit iba pa rin pala kung dito na nagmula ang kumpirmasyon. Nanlamig ang buong katawan niya. Hindi maiproseso ng isip niya ang sinabi nito. Hindi nais tanggapin ng sistema niya. Hindi totoo ang mga sinabi nito.
Naging napakapait ng ngiti nito. “Good-bye, Xander.”
“Wait,” pigil niya rito bago pa man ito makahakbang. “Lumabas ka ba kasama ng ibang lalaki mula nang maging tayo?”
“Hindi. Hindi ba ang sabi ko, sinubukan kong iwan ang ganitong buhay para sa `yo? Gusto ko kasing maging karapat-dapat para sa `yo. Pero wala naman akong magagawa sa nakaraan ko. `Wag na tayong mag-usap, Xander. Tama na. Huwag na nating pahirapan pa ang isa’t isa.”
Wala na siyang nagawa pa kundi ang panoorin ang paglayo nito.