“`TOL, PAG-ISIPAN mo namang maigi ang gagawin mo. Kasal na ang pinag-uusapan natin dito. Hindi basta-basta. Marriage is a lifetime commitment.”
Hindi gaanong pinansin ni Xander ang kaibigan niyang si Nixon. Bukod sa pagiging matalik na kaibigan, si Nixon din ang kasosyo niya sa food cart business. Sinenyasan niya ang isang staff ng jewelry store na kinaroroonan nila na ilabas ang isang pares ng wedding rings. May nakahanda na siyang engagement ring para kay Gabriella. Mayroon siyang namanang heirloom sa lola niya sa ina.
Bago mamatay ang abuela nila sa ina, ipinamana nito sa kanilang apat na magkakapatid ang ilang mamahalin nitong singsing. Maaari daw nilang ibigay iyon sa babaeng magiging asawa nila. Nag-iisang anak lang ng lola niya ang kanyang ina kaya silang apat na magkakapatid lang ang naghati-hati sa kayamanang naiwan ng lolo at lola nila sa ina.
“`Tol, nakikinig ka ba sa `kin?” naiinis na sabi ni Nixon.
“I’ll take this,” aniya sa staff bago hinarap ang kaibigan niya. “Kilala mo ako, Nixon. Kapag nagdesisyon ako, iyon na `yon. Hindi ako nagbabago ng desisyon o ng gusto ko. I’m getting married, congratulate me.”
Napailing-iling ito. “Sigurado ka ba talaga? Hindi ka ba nabibigla lang?”
“I’m sure. I’ve never been so sure in my life. I love her, Nixon. Ito lang ang nakikita kong paraan para maialis ko siya sa sitwasyon niya. Hindi puwedeng magpatuloy siya sa pagiging ganoon. She’s a very wonderful girl. Ayokong masira siya dahil lang wala siyang ibang magawa, dahil mahigpit ang pangangailangan niya. Kailangan ko itong gawin.”
“Marami namang paraan para matulungan si Gabby. Bata ka pa para magpakasal. Isipin mo munang maigi. Ang malala, hindi mo pa ito nasasabi sa mga magulang mo. Handa ka bang harapin ang galit nila?”
“I love her. Siya na ang babaeng gusto kong makasama habang-buhay. Wala nang urungan. Naihanda ko na ang lahat. Nasa tamang edad na ako para magdesisyon. I know what I’m doing. Kapag naikasal na kami, wala nang magagawa pa ang mga magulang ko kundi tanggapin si Gabby. Everything will be okay. Nakausap mo na ang lolo mo, hindi ba?” Judge ang lolo nito.
“Oo. Payag siya. Hindi ko na sinabi na wala kang consent mula sa magulang mo. Sinabi ko na lang na buntis na ang bride at malilintikan sa mga magulang niya kapag walang naiharap na asawa sa magulang niya. Aasahan niya tayo sa bahay mamayang gabi. Idagdag natin sa mga witness ang mayordoma. `Pasalamat ka, paborito akong apo n’on. Pero, `tol, kinakabahan pa rin ako sa gusto mong mangyari, eh. Parang mali. I feel kinda ‘off.’”
Tinapik niya ang balikat nito. “Magiging maayos ang lahat.”
Napagplanuhan na niya ang lahat ng magiging hakbang niya ngayong araw. Naihanda na niya ang lahat. Buo na ang pasya niyang pakasalan si Gabriella. Wala nang makapipigil sa kanya. Iaalis niya sa Gabriella sa dating buhay nito. Kaya niyang tanggapin ang nakaraan nito. Hindi na iyon mahalaga. Ang mas mahalaga ay ang kinabukasan nilang magkasama. Bibigyan niya ito ng magandang bukas.
Alam niyang magagalit nang husto ang pamilya niya sa gagawin niya, ngunit wala nang magagawa ang mga ito. Hindi mababago ng mga ito ang desisyon niya. Magpapakasal siya kahit na ano ang mangyari.
PINAGMASDAN ni Kila ang kanyang repleksiyon sa salamin. Hindi na niya makilala ang sarili. Hindi pa rin niya alam kung tama ang naging desisyon niya, ngunit bahala na. Pilit niyang sinasabi sa kanyang sarili na hindi naman masama ang gagawin niya. Pakikinabangan lang niya ang ganda niya.
Wala na siyang maisip na ibang paraan para kumita ng pera. Bukod sa kailangan niyang mailabas si Gray ng kulungan, wala na ring gamot si Tatay Berting. Ubos na ang suweldo niya kay Aling Tess at hindi na siya puwedeng mag-advance.
Nang tawagan niya si Mama Nicole kanina ay kaagad siya nitong pinapunta sa club nito. Malaki ang men’s club at hindi pipitsugin kagaya ng unang inakala niya. Hindi niya malaman kung paano ito naligaw sa palengke noon. Masaya siya nitong sinalubong. Hindi pa rin pala siya nito nakakalimutan. Tila gustong-gusto talaga siya nitong magtrabaho roon.
“Mukha kang inosente at sariwa, Kila,” sabi nito pagkatapos niyang sabihin dito na nais sana niyang tanggapin ang alok nitong trabaho sa kanya noon. “Plus, bata ka pa. Iyan ang gustong-gusto ng mga parokyano ko. Magugustuhan ng mga foreigner iyang kulay ng balat mo. Entertainment ang iniaalok ko rito. May mga private room dito para sa mga customer na gustong makasarili ang girl o girls na mapipili nila. Hindi ako bugaw, kaklaruhin ko lang. Hinahayaan ko ang mga girls ko. Bahala silang magdesisyon para sa sarili nila. Kung gusto nilang lumabas kasama ang customer, bahala sila. Wala akong pananagutan sa kanila kapag lumabas na sila sa club. Alam kong virgin ka at nagipit lang kaya narito ka ngayon. Maraming beses ko nang narinig ang mga ganyang kuwento. Kung kailangan mo talaga, pagsasayawin na kita ngayong gabi. Malambot naman siguro ang balakang mo at madali kang matuto ng mga step. Mag-ensayo ka na kasama ang iba. Kung may magte-table sa `yo mamayang gabi, okay lang ba?”
Pumayag siya. Hindi niya alam kung tamang magtiwala siya kay Mama Nicole, ngunit naroon na siya. Nagdesisyon na siya. Kinakabahan siya at labis na natatakot sa mga maaaring mangyari sa kanya sa gabing iyon.
Ngunit hindi naman maaaring umiyak na lang siya sa isang sulok at maghintay ng darating na suwerte. Mali na kung mali ang gagawin niya, at least masasabi niyang may ginawa siya.
Huminga siya nang malalim. Hindi siya magiging mahina. Magpapakatatag siya para sa pamilya niya. Hindi ba at naipangako na niya na handa siyang gawin ang lahat para sa pamilyang kumupkop at kumalinga sa kanya? Hindi niya maatim na maging ganoon na lang habang-buhay si Tatay Berting. Ayaw niyang mas magtagal pa sa seldang iyon si Gray. Hindi niya gustong mas mapariwa pa ang buhay nito. Hindi na baleng siya, huwag lang ito.
Nanalangin siya nang taimtim. Kaya niyang lagpasan ang gabing iyon. Magiging maayos pa rin siya bukas.
“Ganyan din ako noong first time ko.”
Napapitlag siya nang may magsalita mula sa likuran niya. Kasama niya ito sa dance production nila mamaya, ngunit hindi niya maalala ang pangalan nito. Nasa pagsasayaw ang buong konsentrasyon niya. Kagaya niya ay naka-costume na ito.
Isang maikli at masikip na wedding dress ang costume nila. May nakalagay pang belo sa ulo niya. Halos lumuwa na ang dibdib niya. Kapag tumuwad siya mamaya ay makikita ang panloob niyang wala namang gaanong itinago.
Hindi siya kumportable ngunit wala naman siyang magagawa. Mabuti nga at isiningit pa siya ng dance choreographer sa dance production na iyon.
Inayos ng kasama niya ang belo sa ulo niya. “Kaya mo `yan. Isipin mo na lang kung bakit mo ito ginagawa. Lilipas din `yang ganyang pakiramdam. Sanayan lang.”
“Salamat,” tanging nasabi niya.
Naroon pa rin ang kaba at takot sa dibdib niya ngunit hindi pa sapat ang mga iyon upang magbago ang isip niya. Hindi siya tatakbo at aalis sa lugar na iyon. Isinaisip niya kung bakit niya gagawin ang bagay na iyon.