Episode 1

1854 Words
CHAPTER 1 Rick Ang humahampas na malamig na hangin sa labas ng Ynares Global Textile ay tila repleksyon ng kalagayan ng kumpanyang pinilit kong isalba mula sa tuluyang pagkalugmok. Sa loob ng tatlong buwan simula nang ako ang maupo bilang bagong CEO, walang araw na hindi ako napupuyat sa pagbabalik-tanaw ng bawat transaksiyon, pag-audit ng bawat sentimo, at pagbusisi ng bawat dokumentong iniwan sa akin ng nakaraang pamunuan. At sa bawat papel na binubuksan ko, mas lalo kong nakikita ang dumi sa likod ng pangalang matagal kong pinaghirapan. “Boss, natapos ko na ‘yong analysis ng third-quarter reports,” sabi ni Noah, habang ibinababa sa mesa ang makapal na folder. Isa siya sa mga pinagkakatiwalaan kong tauhan—at isa sa iilang nanatili noong panahon ng krisis. “At mukhang tama ang hinala mo.” Ibinuka ko ang folder. Doon nakasulat ang lahat: mga offshore accounts, pekeng suppliers, inflated invoices—lahat ng ebidensiyang magpapatunay kung bakit halos malugi ang kompanya. “Abraham…” mariin kong sambit, habang lumalalim ang guhit ng poot sa pagitan ng mga kilay ko. “Walanghiya talaga.” Abraham Salmonte, matagal nang kaibigan ng ama ko. Siya ang unang nagpakilala sa akin sa mundo ng negosyo, ang tinuring kong pangalawang ama noong bata pa ako. Siya rin pala ang dahilan kung bakit halos mabaliw si Dad sa pag-aalala. Siya at ang dalawa pa naming kasosyo sa negosyo na si Gregorio Tan at Samuel Go. “Gusto mo bang ipablotter agad, Sir?” tanong ni Noah. “May sapat na tayong ebidensya.” “Hindi pa,” sagot ko, malamig ang boses. “Gusto kong alam nila na ako mismo ang tatapos sa kanila. Hindi korte, hindi pulis, kundi ako.” Tahimik si Noah. Kilala niya ako; alam niyang kapag umabot ako sa ganitong punto, hindi ko tinatantanan. Matapos ang mahabang araw ng pakikipagpulong sa mga creditors, investors, at auditors, umuwi ako sa bahay ng mga magulang ko. Gusto kong makausap si Dad tungkol sa mga natuklasan ko. Gusto kong marinig mula sa kanya kung paano niya nagawang pagkatiwalaan ang mga hayop na iyon. Pagbukas ko ng pinto, malamig ang simoy ng hangin sa loob ng mansyon. Tahimik, gaya ng dati. Ngunit may kakaiba akong naramdaman, isang presensiya na hindi ko maipaliwanag. “Rick?” sigaw ng boses ng Mommy Fatima ko mula sa itaas. “Tulungan mo ako rito sa Daddy mo!” “Napatingin ako sa itaas, pero mas napako ang tingin ko sa dalawang lalaki, higit sa lahat sa isang lalaki na nakaupo sa sofa. Kahit siya nabigla rin nang makita ako. Halos mabura ang kulay sa mukha ko sa nakita. Ang lalaking nakaupo roon ay parang salamin ng sarili ko. Parehong-pareho. Mula sa hugis ng panga, sa kulay ng mata, hanggang sa paraan ng pagtaas ng kilay. Ang pagkakaiba lang, mas rugged siya, mas brusko, at mas malamig ang titig. “Rick, ano ba? Bilisan mo? Muling sigaw ni Mommy sa itaas. Hindi ako nakagalaw. Sa halip, tinitigan ko lang ang lalaki. At ganoon din siya, tila nagtataka, tila nagmamasid. “Who are you?” tanong ko sa mababang boses, habang nananatiling nakapako ang tingin ko sa lalaking nasa harap ko. Ngumiti siya nang bahagya, tila ba naaaliw sa takot at pagkalito na hindi ko maitago. “Depende kung sino sa atin ang tunay.” Nang marinig ko iyon, mas lalo akong nag-ingat. Maaaring baliw siya, maaaring impostor, o baka… isang lihim na hindi ko pa kayang tanggapin. Pero isa lang ang malinaw, hindi ako pwedeng gumawa ng eksena rito. Lalo na’t nasa kabilang bahagi lang ng bahay ang mga magulang ko. “Makinig ka,” mariin kong sabi, bahagyang lumapit. “Hindi kita kilala, at hindi ko kilala kung sino ka. Pero hindi malabo na may ugnayan tayong dalawa. Hito ang calling card ko. Mukhang napagkamalan ka rin ni mommy na ako kaya panindigan mo na muna." Inabot ko sa kanya ang maliit na card. Imbes na matakot, tumango lang siya. “Hindi ako kaaway, Rick. At hindi rin ako nandito para nakawin ang pagkatao mo.” Ang mga salitang iyon ay parang matalim na punyal na bumaon sa utak ko. Hindi ako nakasagot. Hindi ko alam kung dapat ba akong maniwala, o dapat ba akong magtiwala. Sa halip, tinitigan ko lang siya at dahan-dahan niyang kinuha sa akin ang calling card na iniabot ko sa kaniya. Hindi ko nagawang manatili sa bahay pagkatapos noon. Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga sa loob ng sariling tahanan. Parang bawat pader ay may mata, bawat sulok ay may nakasilip na anino na kasing anyo ko. Hinayaan ko muna siya ang mapagkamalan ni mommy na ako. Dahil kung tutuusin lang wala talaga akong panahon makipagharap ngayon kay Mommy. At kung hindi ako nagkamali malamang na sir muna na rin siya ni Mommy. Siya ang tinatawag ni mommy na si Rick kaninana. Habang sa loob ako ng kotse hindi ko mapigilang paulit-ulit na balikan ang eksenang iyon sa bahay. Ang mga mata niya. Ang paraan ng pagkakatayo niya. Ang bawat galaw ng labi niya kapag nagsasalita. Hindi lang basta kami magkamukha. Mas tama sigurong sabihing parang pinagbiyak kami sa iisang katawan. Minsan, sinasabi ng mga tao na kapag may kamukha ka raw sa mundo, ito’y isang kakaibang swerte o malas. Pero paano kung hindi lang ito simpleng pagkakahawig? Paano kung may mas malalim na dahilan? Paano kung hindi ito aksidente? Pinilit kong iwaksi ang mga tanong sa isip ko, pero tulad ng tubig na patuloy na umaagos, patuloy rin silang bumabalik. Hindi ako mapalagay. Hindi ako mapakali. Pagdating ko sa rest house, isang malawak na bahay sa tabi ng lawa, malayo sa ingay ng lungsod agad kong binuksan ang ilaw at nagtungo sa veranda. Doon, sa ilalim ng liwanag ng araw, saka ko lang tunay na naramdaman ang bigat ng lahat. Parang may butas sa gitna ng dibdib ko na hindi ko alam kung paano pupunuin. “Who the hell are you…” mahina kong sambit sa sarili habang nakatanaw sa kalmadong tubig ng lawa. Sa loob ng maraming taon ng pamumuno ko sa kumpanya, sanay akong humarap sa mga trahedya. Sanay ako sa mga traydor, sa mga kasinungalingan, sa mga pagtataksil ng mga taong pinagkatiwalaan namin. Pero ito, ito ay ibang klaseng laban. Ito ay laban sa isang taong may mukha ko. Pumasok ako sa loob ng bahay at nagtungo sa mini-bar. Kumuha ako ng alak, nilagyan ng yelo, saka dahan-dahang ininom habang nakaupo sa malambot na sofa. Sinubukan kong ikalma ang sarili, pero sa bawat lagok ng alak ay parang lalo lang lumalakas ang boses niya sa utak ko. Saan ba galing ang taong iyon? Hindi kaya may kambal ako at pinagbigay iyo nila mommy at daddy na hindi ko alam? Pag hindi kaya baka wala rin siya ni Abraham. Baka ginaya ang mukha ko at para ito ang humarap sa lahat? Pero kung ganoon, bakit ganoon ang mga mata niya? Walang galit. Walang ambisyon. Parang mas malalim pa, parang may koneksiyong hindi ko pa nauunawaan. Humugot ako ng malalim na buntong-hininga at tumingin sa sariling repleksyon sa salamin sa tapat ng sala. Doon ko lang lubos na naramdaman ang kababalaghan ng sitwasyon dahil ang nakikita ko sa repleksyon ay hindi lang ako. Nakikita ko siya. Ang estrangherong iyon. Ang lalaking tila kumakatawan sa isang bahaging hindi ko kilala tungkol sa sarili ko. “Impossible…” bulong ko. “Walang paraan.” Ngunit kahit anong pilit kong kumbinsihin ang sarili ko, hindi ko maikakaila ang katotohanan: hindi iyon simpleng pagkakahawig. Hindi ito simpleng doppelgänger. Parang tinitigan ko ang sarili ko sa labas ng katawan ko. Muli kong binalikan ang mga alaala ng nakaraan, ang mga kuwento ng pagkabata ko, ang mga litrato, ang bawat sandaling kasama ko sina Mom at Dad. Wala akong alam na may kakambal ako. Walang sinabi ang sinuman. Ako lang ang anak nila, ‘yon ang alam ko, ‘yon ang sinabi nila sa akin. Pero paano kung may lihim silang itinatago? Ang ideyang iyon ay parang granadang pumutok sa utak ko. Paano kung may tinago silang katotohanan mula sa akin? Paano kung may nangyari noon na hindi ko alam?isang lihim na itinago nila upang protektahan ako? Tumayo ako at naglakad papunta sa study room ng rest house. Doon, binuksan ko ang isa sa mga lumang kahon ng dokumento ng pamilya namin, mga birth certificate, lumang passport, mga kontrata. Wala akong nakitang kakaiba. Wala akong nakitang indikasyon na may ibang anak sina Mom at Dad. Pero hindi iyon sapat para mawala ang duda ko. Maya-maya, nakatanggap ako ng tawag mula kay Noah. “Boss, everything okay?” tanong niya. “Hindi,” sagot ko, diretso. “May kakaibang nangyari.” “Ano’ng ibig mong sabihin?” “May tao sa bahay namin kanina. At hindi lang basta tao, kamukhang-kamukha ko.” Sandaling natahimik si Noah sa kabilang linya, bago nagsalita muli. “Sigurado ka ba, boss? Baka namamalik-mata ka lang. Pagod ka na siguro.” “Hindi ako nagkakamali,” mariin kong sagot. “Alam ko ang sarili kong mukha, Noah. At ‘yong taong ‘yon, parang tinitingnan ko ang sarili kong repleksyon.” “Gusto mo bang ipa-trace ko siya?” tanong niya agad. “May CCTV sa bahay ninyo. Pwede nating makita kung sino talaga siya.” “Hindi pa,” sagot ko, habang tinititigan ang baso na may alak. “Gusto kong ako muna ang makaalam kung sino siya. Ako muna ang haharap.” “Sigurado ka bang ligtas ‘yan, boss?” “Hindi ko alam,” tapat kong sagot. “Pero isang bagay ang sigurado ako, hindi ko siya iiwasan.” Pagkababa ng tawag, muling binalot ng katahimikan ang buong bahay. Sa labas, ang mga alon ng lawa ay marahang humahampas sa dalampasigan, tila binubulong ang mga tanong na hindi ko kayang sagutin. Sino siya? Bakit ngayon lang siya nagpakita? Lalo lang akong nalito habang tumatagal. Pero sa ilalim ng lahat ng iyon, may kakaibang pakiramdam akong hindi ko maalis, isang malabong koneksyon, isang uri ng familiarity na parang matagal ko na siyang kilala kahit ngayon ko lang siya nakita. At kung tama ang kutob ko, ang lalaking iyon ay hindi lang basta bahagi ng isang gulo. Siya ang mismong susi sa isang katotohanang matagal nang nakatago. Isang lihim na maaaring magbago ng buong pagkatao ko. Dahil sa sobrang bigat ng iniisip ko, hindi ko namalayang madaling-araw na pala. Hindi ako makatulog. Paulit-ulit kong iniikot sa isip ang mukha niya, ang boses niya, ang mga salitang binitiwan niya. Parang nakaharap ako sa salamin nang makaharap ko siya. Parang ako… pero hindi ako. Parang bahagi siya ng mundong pinutol sa pagkasilang ko, ngayon ay bumalik para buuin muli ang isang puzzle na matagal nang kulang sa piraso. At kung ano man ang katotohanan sa likod ng lahat ng ito, handa akong malaman. Dahil mas nakakatakot ang mabuhay sa kasinungalingan kaysa sa harapin ang katotohanang kay tagal kong iniiwasan. At doon ko lang lubos na naintindihan: Ang lalaking iyon ay hindi simpleng estranghero. Isa siyang bahagi ng nakaraan kong kailangang harapin, kahit ang katumbas nito ay pagbagsak ng lahat ng akala kong alam ko tungkol sa sarili ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD