Chapter 1
"Cut!" sigaw ni Direk MJ. Ang direktor ng ginagawa nilang movie na may pamagat na "The Mischievous Woman" na pinagbibidahan naman ni Georgette Cruz, isang sikat na artista na mas kilala sa tawag na George. 26 years old. Single, maganda, mayaman at higit sa lahat ay tinitingala ng karamihang lalaki.
Dahil sa daming lalaking nagkakarandapa sa kanya para lang mapansin niya ay lalo ring dumami ang kanyang mga bashers, ang mga taong naiinggit sa kanyang mga achievements sa buhay. Kahit pa mapa-ordinaryong tao o kapwa niya artista.
Dahil nga sa kanyang kasikatan, hindi maipagkailang may mga pagbabanta na rin sa kanyang buhay pero kahit ganu'n, nagiging positive pa rin sa buhay si George.
"Thank you for your hard work today, Ms. Cruz," bati sa kany ni Direk.
"Thank you din, Direk," nakangiti niyang sabi saka maluwag sa kaloobang tinanggap niya ang kamay ng Direktor.
Binalingan na ng Direktor ang mga tauhan nito at sinabihang magligpit na para makapagpahinga na rin ang mga ito sa halos buong maghapon nilang pagta-taping.
Pumasok si George sa sasakyang kung saan doon na siya nagbibihis at nag-aayos ng kanyang sarili at saka pasalampak na umupo. Ganito siya, kapag wala siya sa harap ng camera, para siyang isang ordinaryong babae lang. 'Yong tipong wala siyang pakialam kung papaano siya umupo at kung papaano siya kumain basta masaya siya sa ganu'n. Nauumay na kasi siya sa kilos mala-prinsesa sa harap ng mga kilalang tao at lalo na sa harap ng camera kaya kung vacant time niya at kilala niya ang kanyang kasama, daig pa niya ang isang nakawalang ibon sa hawla kung kumilos.
"Ayusin mo nga 'yang pagkakaupo mo baka mamaya 'yan mapasukan tayo dito o di kaya may naninilip na reporter at makunan ka ng picture na ganyan ang ayos," saway sa kanya ni Nikki, ang kanyang manager.
Agad naman siyang tumalima at inayos ang pagkakaupo.
"Water." Iniabot nito sa kanya ang mineral water na dala.
"Thanks," sabi niya saka tinungga ang laman ng water mineral.
"Dahan-dahan ka nga para kang takot maubosan," puna naman nito, "...pupunta ka ba sa dinner mamaya?" tanong nito matapos itong maupo sa kanyang tabi.
Bigla niyang niyakap sa braso si Nikki at gulat na gulat naman ang single mom sa kanyang ginawa.
"Do I need to attend?" tanong niya rito.
"Oo naman, nuh! Sinet-up ang dinner na 'yun because of your achievement. So, dapat andu'n ka. Ayaw mo nu'n? You will be the star tonight."
Agad siyang napabitaw mula sa pagkakayakap niya sa braso ng kanyang manager saka biglang tumayo.
"Not only a star but I will be their princess tonight," proud na proud niyang sabi habang may pakumpas-kumpas pa ng kamay.
Bigla siyang hinila ni Nikki paupo at agad naman siyang tumalima.
"Kaya kailangan mong pumunta mamaya. Okay?"
"Okay," sagot niya sa pagitan ng pagtango.
"Clint will pick you up at seven tonight," sabi ng kanyang manager saka ito tumayo.
"Clint? Who is he?" kunot-noo niyang tanong.
"Your new driver."
"Gwapo ba?" Napatingin sa kanya si Nikki habang may pakurap-kurap pa siyang nalalaman ng mata, "...aray! Ba't mo'ko binatukan?" tanong niya habang kinakapa niya ang kanyag ulo na binatukan ng kasama.
"Umayos ka. Ang daming nagkakagusto sa'yo. Huwag sa driver," sabi nito saka na ito tuluyang umalis sa kanyang harapan.
"Anong masama sa driver basta hindi lang pera ang habol," bulong niya sa sarili.
Bagsak sa ibabaw ng kama ang pagod na pagod na katawan ni George. Kailangan niya munang magpahinga kahit saglit lang dahil sobra talaga siyang napagod sa shoot na kanilang ginawa at kailangan pa niyang dumalo ng company dinner mamaya at 7:00.
Dahil sa sobrang pagod ay nakatulog na rin siya at hindi nagtagal ay painis na bumangon siya mula sa pagkakadapa niya sa ibabaw ng kama nang marinig niya nang paulit-ulit ang pagtunog ng kanyang doorbell.
Padabog na bumaba siya at agad na binuksan ang main door at ang plano'y sesermunan nang sesermunan kung sino mang pindot nang pindot ng kanyang doorbell pero nang mabuksan na niya ang pinto ay ganu'n na lamang ang kanyang pagkatigagal nang makita kung sino ang kanyang bisita.
"Good evenong po, Ms. Cruz," bati nito at bahagya pa itong yumuko sa kanyang harapan, "...I am Clint Fuesto, your new driver from now on," pormal nitong sabi sa kanya saka ito umayos sa katatayo at diretso sa kanyang mga mata ang tingin nito.
Pakiramdam niya, para siyang natutunaw sa mga titig nito. Para siyang iniihaw sa init ng kanyang pisngi. Bumilis ang pintig ng kanyang puso at pakiramdam niya tumigil sa pag-ikot ang kanyang mundo.
"Ms. Cruz?" pukaw sa kanya ni Clinton pero sadyang napatigagal siya sa kagwapuhang taglay nito. Hindi man ito ganu'n kakisig pero hindi iyon nakakabawas sa kung anong kagwapuhan nitong taglay.
"Ms. Cruz?" Clinton waved his palm infront of her face na siyang nagpagising sa nanaginip niyang diwa.
"Huh?! Ahh...ano?" Napakamot siya sa kanyang batok na tila ba nahihiya sa kanyang ginawang pagkatigagal sa harapan nito, "...i-ikaw 'yong driver na sinasabi ni Nikki?" tanong niya rito matapos matauhan.
"Opo, Ms. Cruz. Nandito po ako para sunduin kayo."
"S-sunduin?" parang wala sa sariling tanong niya pero nang magsink-in sa utak niya ang sinabi ni Clinton ay bigla siyang napasigaw.
"My god! Hindi pa ako nakabihis!" Nagmamadali siyang pumasok sa loob at naiwan si Clinton sa labas ng pinto ng kanyang bahay na hindi alam kung ano ang gagawin.
Labis ang kanyang pagkabigla nang biglang sumilip ang mukha ni George sa pintuan na nakangiti na parang bata.
"Pasok ka muna," aniya saka niluwagan ang pagkakaharang nito sa pinto.
Dahan-dahan siyang pumasok at nang makapasok na siya ay isinara ni George ang pinto at patakbo itong umakyat ng bahay.
"Hintayin mo'ko nang konti. I'm going to change," bilin nito hakbang paakyat ito ng bahay. Napangiti namang napasunod ang tingin niya sa dalaga hanggang sa nawala na ito sa kanyang paningin.
Naglakad-lakad muna si Clinton sa loob ng sala ng bahay ni George. Isa-isang pinagmasdan niya ang mga portrait nitong nakasabit sa dingding ng bahay nito.
Bawat isa'y nagpapangiti sa kanya. Si George ang tanging babaeng bumihag sa kanyang pihikang puso. Kaya, pinili niyang iwan ang maginhawa niyang buhay sa isang isla na kung tawagin ay Mondragon dahil kilala ang kanilang pangalan sa islang iyon.
Nag-iisang anak si Clinton ng mga Mondragon. Siya ang magmamana ng lahat ng maiiwan ng kanyang mga magulang. Sa edad na 28 ay nagiging independent na siya pero may mga bagay pa rin talaga sa kanyang buhay na hanggang ngayon ay kontrolado pa rin ng kanyang mga magulang gaya ng babaeng pakakasalan. Sa katunayan nga, may nakatakdang babae na siyang pakakasalan, 'yon ay si Stephanie Andolero na hanggang ngayon ay hindi pa niya nakikita dahil sa nakabase ito sa U.S, isa kasi itong doktor. Anak ito ng isang plastic surgeon na matalik na kaibigan ng kanyang ama.
Kahit ayaw man niya ay wala pa rin siyang magagawa kung ipagpatuloy talaga ng mga ito ang napag-usapang kasunduan. At ang gusto ni Clinton, bago pa man siya makasal sa ibang babae, gusto niyang makasama kahit saglit ang babaeng pinipintig ng kanyang puso sa lihim at si George iyon.
Nagpanggap siya bilang driver dahil nais niyang mamuhay ng simple at iniisip na rin niya kasi na baka magiging sagabal ito sa buhay ngayon ni George. Nagpakilala siya bilang Clint Fuesto at hindi Clinton Mondragon dahil hangga't maaari, nais niyang itago ang tunay niyang pagkatao dahil alam niyang hindi panghabang-buhay na makakasama niya ang dalaga. Isa pa, hindi alam ng kanyang mga magulang ang kanyang ginagawa kaya ayaw rin niyang magiging problema ito balang-araw kaya minabuti na lamang niyang itago muna ang kanyang pagkatao.
"I'm ready!" Agad siyang napalingon kay George na naglalakad pababa ng hagdan at hindi niya naiwasang lalong mapamangha sa babaeng hinahangaan. Simple lang ang suot nito pero talagang nababagay sa kutis nito, dagdagan pa ng mala-anghel nitong ngiti na sadyang nakakaakit.
Pero bago pa siya tuluyang mawala sa sarili ay ginising na niya ang kanyang sarili at inalalayan itong makababa ng maayos sa hagdan.
"Do I look pretty?" tanong ng dalaga nang maayos na itong nakababa ng hagdan.
"You're pretty as always, Ms. Cruz," nakangiti niyang sagot na siya namang ikinatuwa ng dalaga.
Pagkalabas nila sa bahay ay agad niyang pinagbuksan ito ng pinto ng kotse banda sa may back seat at agad din naman itong pumasok.
Hindi niya akalain na dahil sa lihim na pagtingin kay George ang siyang dahilan para gawin niya ang mga bagay na dati ay sa kanya ginagawa.
May sarili siyang driver sa Mondragon Island. Kapag sasakay o lalabas siya, ipinagbubukas muna siya ng kanyang driver kaya medyo naninibago talaga siya sa kanyang ginagawa ngayon.
Lakad-takbong pumunta siya sa bandang driver seat at agad na pinatakbo ang sasakyan.
Pagkarating nila sa isang restaurant ay pasimpleng isinuot ni George ang kanyang sunglass kahit pa gabi na para naman hindi siya makikilala ng mga tao dahil kapag nagkataon ay siguradong dudumugin siya ng mga ito.
"Come with me," aya ni George sa binata niyang driver. Nagtataka naman itong binalingan siya ng tingin, "...baka kung anong mangyari sa akin sa loob, andiyan ka para sagipin ako," dagdag pa niya kaya wala nang nagawa si Clint kundi ang tumalima na lamang sa utos ng amo.
Naka-VIP room sila, ganu'n talaga kapag dinner ng mga mayayaman at sikat na tao.
"Hey, you're here, Ms. Cruz," salubong sa kanya ni Mr. Sales, ang manager ng kanyang agency habang si Clint naman ay naiwan sa labas ng room kasama ang ibang kasama ng kanyang ka-dinner ngayong gabi. Agad namang tumayo si Nikki na nasa tabi nito at sinalubong siya. Nang akma na sana nitong paghilaan siya ng upuan ay agad na tumayo at lumapit sa kanya ang hindi niya kilalang lalaking nasa kabilang side ni Mr. Sales at ito na ang nag-volunteer para paghilaan siya ng upuan.