Chapter 5

1063 Words
“KUMUSTA ang lakad mo, Ate?” Napatingin siya kay Empoy. Pinigil niya ang sariling magkuwento. Alam naman niyang pagsasabihan lang siya nito. At malamang sa hindi ay mauwi na naman ang usapan kay Bojo – na pakasalan na lang niya ito para hindi gaya nito na nahihirapan pa siyang suportahan ang sarili at ang pamilya.             “Okay naman. Kumusta ang benta?”             Napailing si Empoy. Nakataas pa ang isang paa nito habang kumakain sa harap ng mahaba nilang mesa.             “Ate, naubos mo naman ang paninda bago ka umalis kanina para maghatid ng order hindi ba? Anong benta ang kinukumusta mo?” Natampal niya ang noo. Oo nga pala. Magulo kasi ang isip niya dahil sa mga nangyari.             “Ang tatay, nasaan?”             Kibit – balikat ang sagot ng kapatid. Malamang ay nasa kanto na naman ang ama at nakikipag – inuman. Napailing na lang siya. Pumasok na siya sa silid at saka kumuha ng pamalit na damit. Habang nag – aayos ng gamit ay nakapa niya sa bulsa ng suot na pantalon ang bungkos ng perang inabot ni Mr. Hipolito. Napasimangot siya. Dahil lang sa anim na libong pisong iyon ay nagawa siya nitong ipadampot sa pulis? Na hindi man lamang ikinonsiderang babae siya na dapat igalang? Mabuti pa nga ang mga pulis na iyon at hindi na nagpilit na habulin siya. Oo nga at maliksi siyang tumakbo pero alam niyang sinadya na rin ng mga itong hindi na siya hanapin dahil obvious namang hindi ginawa ng mga ito ang dapat. Sino ba siya para basta na lamang matakasan ang tatlong lalaking iyon? Idagdag pa ang mga miron na empleyadong nanonood sa eksena nila. Kaya sigurado siya, ang ibig lang ng mga iyon ay itapon siyang palabas ng gusali.             Muli siyang napailing. Huwag sana siyang bibigyan ng pagkakataon ng tadhana dahil kapag nangyari iyon ay siguradong matitikman ni Mr. Hipolito ang bangis ng paghihiganti niya. Nasa ganoon siyang pag – iisip nang marinig ang malakas na sigaw na nagmumula sa labas ng bintana. Hindi man siya sumungaw ay alam na niya kung kanino nanggagaling ang tinig na iyon. Inabot niya ang mga damit na pampalit at malaking tuwalya na nakasampay sa gilid ng bintana saka bumaba ng sala. Nasan hagdan pa lang siya ay nakita niyang nasa sala na si Blessy at nakasimangot na nakatingala sa kaniya.             “Wala ka bang sasabihin sa akin, friend? Wala ka man lang text o tawag sa buong maghapon ah!”             Lumapit siya rito at saka isinenyas ang sofa. Sa halip na maupo ay nameywang lang ito sa harap niya habang nagsasalita kaya siya na lang ang naupo roon.             “Ikaw nga itong mabagal sumagot eh. Naglobat na tuloy ako. Mabuti na lamang at tumawag si Mr. Hipolito, kung hindi ay lugi ang career ko.”             “Tumawag si Mr. Hipolito? Ano’ng sabi niya sa’yo?” Maang na tanong nito. Mabuti naman at naupo na rin ito sa wakas dahil nangangawit na ang leeg niya sa katitingala rito.             “Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi niya sa telepono pero itinext naman niya sa akin ang address niya kaya napuntahan ko naman kanina.”             “What? You mean, nadala mo ang mga bangus kanina?”             “Oo. Bakit tila nagulat ka? Nadala ko ang bangus pero nagkaproblema. Hindi nagamit ang mga iyon sa handaan.” Malungkot niyang wika. Naaalala pa niya kung paano niya sinigurong magiging masarap ang bawat bangus. Iyon naman pala ay…             “Problema talaga ‘yan, friend! Inasahan ni Mr. Hipolito iyon kaya hindi na siya nagpadagdag ng order sa caterer. Hayun, muntik nang walang nakain ang mga late guests and you know what sis, umorder na lang sila ng pagkain sa pinakamalapit na resto. Can you imagine the humiliation? Ano ba kasi ang ginawa mo?”             Nagkagitla ang noo niya sa narinig. Naguluhan siyang bigla sa sinasabi ni Blessy.             “Wait. Hindi ko gets. Ano’ng ginawa ko? Instead na hintayin ko ang tao na ipapadala ng customer na ‘yan ay gumastos pa nga ako ng pamasahe para personal na dalin ang mga bangus sa address na ibinigay niya. Pero walang handaan sa lugar na pinuntahan ko, friend. Promise. Isang pagkalaki – laking building lang iyon na puro empleyado , guwardiya at masungit na amo ang laman!”             Nagkatinginan sila nang kung ilang saglit at pagkatapos ay saka niya napagtagni – tagni ang lahat.             “Madali ka naman palang kausap, Mr. Hipolito. O sige, iiwan ko na riyan ang bayong. Bahala ka na at…”             “Hey, you can take that with you. And please stop calling me Mr. Hipolito. Steven Salcedo is the name.”             “Wait, binayaran mo na ako ‘diba. Bakit kailangan mo pang magsinungaling?”             “Sinungaling? I told you, I am not this Mr. Hipolito, okay? Whoever told you that is a big, big fool!”             “Syet, friend…”             “I see. Umiral na naman ang kagandahan mo, ano…” Napabuntong hininga sila ng sabay. Hindi yata at nagkamali siya? Totoong hindi si Mr. Hipolito ang nakaharap niya kanina? Pero hindi ba at sa huli ay umamin naman ito?             “Miss, I already paid you, okay? Mr. Hipolito na kung Mr. Hipolito. Sige, ako na ‘yon. Okay na? Now, please leave…”             “Napilitan lang pala talaga siya para umalis na ‘ko…” wala sa loob na sabi niya.             “Hoy! Sino ba ang kausap mo diyan?” Napatingin siya sa kaibigan.             “Sorry, friend. Nagkamali ako. Akala ko naman kasi, ‘yung taong nagtext sa akin ang Mr. Hipolito na sinasabi mo. Empty bat ako kaya hindi na kita na-text kanina.”                     “Ano pa nga ba ang magagawa natin eh tapos na iyon? Ipapaliwanag ko na lang ang lahat doon sa tao. I’m sure, maiintindihan niya ito dahil hindi mo naman sinadya ang mga nangyari. Moral lesson of the day, magcha-charge ka kapag ganyan ha!”             Alanganin siyang napangiti. May point ito. Kung hindi namatay ang cellphone niya ay nakausap niyang mabuti ang customer na ibinigay ni Blessy. At malilinaw niya rin sa taong kausap kung ano ang pinagsasasabi nito.             “Oo nga pala, tumawag ang Lola Aning kanina. Pinapasabi na tatawag daw today ang amo niya sa tatay mo. Number mo ang ibinigay ko kahapon eh. Nirekomenda pala ni Lola si Mang David na saglit na pumalit sa driver niya. Tumawag na ba?”             Napanganga siya. Tila alingawngaw sa kaniyang pandinig ang sinabi nito.             “Hoy! Sabi ko, tumawag na ba?!” Ipinagpag pa ni Bless yang isang braso niya.             “Ano ang pangalan ng amo ng lola mo, Bless?” Pigil ang hininga niya habang hinihintay ang sagot ng kaibigan.             “Steven ang tanda ko eh. Steven Salcedo raw.”             “Oo. Tumawag na.”             ‘Patay!’  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD