NAIHILAMOS ni Steven ang palad sa kaniyang mukha. Abala siya sa pagtawag kay Manang Aning para itanong kung darating ba ang David na kaniyang hinihintay o alamin man lamang kung may susundo ba sa kaniya. Wala siya sa mood na mag-drive sa mga sandaling iyon dahil unti-unti na namang umaatake ang migraine niya. At ngayon ay dadagdag pa si Mayeth sa intindihin niya!
Sa kalagitnaan ng usapan nila sa telepono ng katiwala ay bigla na lamang pumasok si Mayeth sa opisina. May naghahanap daw sa kaniya sa labas. Isang babae raw na may dalang mga relyenong bangus na ayon dito ay inorder niya. Lalo yatang sumakit ang ulo niya sa narinig.
“Basically, I don’t eat that! Hindi ko alam kung sino ang babaeng sinasabi mo so better send her out now!”
“Pero Sir, napakakulit po eh. Saka mukhang girera. Baka batuhin po ako ng bangus kapag hindi ko kayo napalabas.”
“So takot ka sa kaniya, ganoon ba, Mayeth? Mas takot ka sa kaniya kaysa sa akin na boss mo?”
“Hindi naman po sa ganoon pero—”
Natigilan sila kapwa sa pagsasalita at kusa niyang nabitiwan ang hawak na telepono nang biglang pumasok ang isang babaeng hindi niya kilala. May dala itong lalagyan ng kung ano at basta na lamang ibinagsak iyon sa sahig.
“Hoy, Mr. Hipolito! Bakit kailangan mo akong pagtaguan ha?! Pinapunta-punta mo ako rito at ngayon ay ayaw mo akong harapin?!”
Napatayo si Steven sa pagkabigla at dahil doon ay lalong tumindi ang kirot ng sintido niya. Nasapo niyang saglit ang ulo bago muling tumingin sa bisita at saka ito kinausap. Si Mayeth naman ay lumapit sa babae upang marahil ay umalalay rito kung sakaling gumawa ito ng hakbang na hindi maganda.
“Hey, who are you? And why the hell you just entered my office without my permission? Don’t you know that I can press charges against you?”
“Charge-charge na sinasabi mo diyan! Talagang malaki ang charge ko sa mga ginawa mo sa akin! Wala naman sa usapan na dalin ko pa rito ang mga order mo, namasahe tuloy ako kaya idadagdag ko ito sa ibabayad mo!”
Napailing muna si Steven saka tila hopeless na nagsalita.“I do not know what you’re talking about, Miss. I didn’t order anything. In fact, I’m about to leave in less than half an hour.”
“Huwag mo ‘kong sindakin sa kai-Ingles mo diyan dahil naiintindihan kong lahat ang sinasabi mo! Ang sa akin lang, kuhanin mo na ang thirty-five na relyenong isdang ito at saka mo ako bayaran. Done.”
“Didn’t you hear me? Wala akong inoorder na kahit anong pagkain. And my God…thirty-five? Ano ‘yan, panghanda?”
“Tumpak! Panghanda nga, hindi ba? Nagpabinyag ka kanina at pandagdag sa hapunan ito ngayon!”
“Na—Nagpabinyag! A-Ako?! My God, you’re sick, lady! I don’t even have any plan of getting married at ngayon ay nagpabinyag na agad ako? Wait…I’m sorry Miss, but you’re envading my privacy. This is not a good joke so please get out of my office before I call the guard to throw you out!” Malamig ang tinig na wika niya na nagpalaki sa mga mata ng kaharap na babae.
“Huwag n’yo akong takutin dahil hindi ako madaling masindak, Mr. Hipolito. Bayaran mo ako at aalis na ako agad.”
“Pero bakit nga kita babayaran kung hindi ko naman kailangan ang mga ‘yan?”
“Thank you, Sir. Five thousand and two hundred fifty pesos in total, for one hundred and fifty each. Malalaki kasi ang mga isda ko saka matataba ang palaman niyan. Plus another one hundred pesos for transpo and…”
“Hey, shut up! What are you talking about? Do you think you can sway me to pay you? Ano ito? Hold up?”
Steven noticed that the lady smirked.
“Patawa ka! Hold up? Sa ganda kong ito, sino ang maniniwala sa’yong masama akong tao? At saka hello, limang libong piso lang ang sinisingil ko, ang cheap mo namang hold up victim kung iyon lang ang maibibigay mo!”
He raised his right hand to stop her from talking. Masakit na talaga ang ulo niya at lalo pa iyong pinatitindi ng kaingayan nito.
“Okay, okay. Kung sa ibang pagkakataon ay hindi ko ito palalampasin, Miss. Pero dahil masama ang pakiramdam ko ay pagpapasensiyahan kita.” Kinuha niya mula sa bulsa ng slacks ang kaniyang wallet at kumuha ng anim na lilibuhing papel mula roon. Pagkatapos ay iniabot ang pera sa kaharap. Habang inaabot iyon ng kausap ay hindi niya naiwasan ang mapagmasdan ang kabuuan nito. At tila nadagdagan ang kirot ng kaniyang sintido nang mapagtantong may kakaibang ganda ang mga matang iyon na nakatunghay sa kaniya. Very expressive. And yet appeared to be innocent.
“O, paano okay na?” tanong niya rito matapos huminga ng malalim.
“Madali ka naman palang kausap, Mr. Hipolito. O sige, iiwan ko na riyan ang bayong. Bahala ka na at…”
“Hey, you can take that with you. And please stop calling me Mr. Hipolito. Steven Salcedo is my name, put that in your head, okay!” aniya matapos iharap dito ang kaniyang glass name plate na nasa desk. Napaawang nang ilang saglit ang mga labi ng kaniyang bisita at hindi niya alam kung anong magneto ang umiiral sa kaniya para tunghayan ang mga labing iyon.
“Wait, binayaran mo na ‘ko ‘diba. Bakit kailangan mo pang magsinungaling?”
Mabilis siyang napailing sa narinig.
“Sinungaling? I told you, I am not this Mr. Hipolito, okay? Whoever told you that is a big, big fool!”
“Fool? Fool-foolin mo’ng mukha mo!”
“What did you say?” Marahas na tanong niya sabay tayo. Lumapit na rin si Mayeth sa bisita at tinangkang hawakan ang braso nito pero lumipad lang iyon nang hawiin ng babae.
“Ang sabi ko, ikaw ang fool. Napakayabang mo! Ano ba ang akala mo sa mahirap na gaya ko? Tagatanggap lang ng sigaw mo? Ang kapal naman ng hasang mo diyan!”
Napapikit siya sa matinding inis. Ang akala niya ay titigil na ang babae sa kasasalita matapos niya itong bayaran. Pero sa ipinakikita nito ngayon ay mukhang wala itong balak na umalis. Lalong tumindi ang sakit ng ulo niya sa ingay na nililikha nito.
“Miss, I already paid you, okay? Mr. Hipolito na kung Mr. Hipolito. Sige, ako na ‘yon mula ngayon. Okay na ba? Now, please leave…”
“Sir…” Nakita niya sa mukha ni Mayeth ang hindi pagsang-ayon sa sinabi niya kaya itinaas niya ang kamay upang pigilan ito sa pagsasalita. Tiningnan rin niya ito nang makahulugan, iyong tipo ng tingin na ginagawa niya kapag may nais siyang ipagawa rito. Pasimple namang tumango si Mayeth.
“Okay. Aalis na ‘ko. Aamin ka rin naman pala eh pinagtagal mo pa. Nasaan nga pala ang banyo rito?”
Muli siyang napapikit at naihilamos na ang kamay sa kaniyang mukha.
‘Good Lord, please…’
Inutusan niya si Mayeth na samahan ito sa ladies room at matapos ay sinenyasan. Alam niya, nakuha na nito ang ibig niyang sabihin.
NAKANGITI siya habang nakamasid sa sariling repleksiyon sa salamin. Ibig niyang palakpakan ang sarili sa kaniyang husay. Ang akala siguro ng Mr. Hipolito na ito ay magpapaisa siya ng ganoon-ganoon lang. Hindi ba nito alam na wala pa sa tanang buhay niya, ang nakaagrabyado sa kaniya? Nagsisimula pa lang ang kalaban ay umaatake na siya. Ganoon siya pinalaki ng ina. Siga na kung siga pero namulat talaga siya na ang mundo ay daigdig ng pakikipagtunggali. Talo o panalo. Iyon lang ang dalawang lugar na kasasadlakan mo. At sino ba ang ibig matalo sa laro ng buhay? Wala naman hindi ba? At kung mayroon man, siguradong hindi siya iyon.
Inayos niyang muli ang sarili sa harap ng salamin. Ilang ulit na kinagat ang mga labi upang mamula ng bahagya ang mga iyon. Bahagya niyang ginalaw ang bangs at inayos ang ilang hibla noon saka sinipat-sipat nang ilang ulit ang sarili. Bumuka ang kaniyang mga labi at walang tinig na sinambit niya ang katagang ‘perfect!’ Iyon lang at lumabas na siya ng comfort room.
AGAD na nabura ang matamis na ngiting nakapagkit sa mga labi ni Cheka nang mabungaran ang mga taong tila naghihintay sa kaniya sa labas. Isang guard at dalawang pulis ang naroon, at ang sekretaryang narinig niyang Mayeth ang pangalan na nasa likuran ng mga ito. Agad na nagtanong ang kaniyang mga mata sa babae.
“Siya nga po ang tinutukoy namin, mga boss. Pakidala na po iyan.”
Agad na kumilos ang dalawang pulis at hinawakan siya sa magkabilang braso. Ang guard naman ay nanatili lang na nakaalalay at si Mayeth naman ay tila natatarantang nakatingin sa kaniya. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari. Dinadakip ba siya ng mga ito? Siya? Si Francheska Punzalan?
“Teka muna, mga bossing. Don’t touch me…” s*******n niyang inalis ang kamay ng isang pulis. Itinaas niya ang libreng kamay upang payapain ang mga ito. Kailangan niyang mag-isip. Nakakahiya ang mga nangyayaring ito sa kaniya. Unti-unti nang dumarami ang mga taong nakikiusyoso sa paligid at mapapahiya siyang talaga kapag hindi niya ito nalusutan!
‘Wake up, gurl…ano’ng gagawin mo?’ “Bago ako sumama sa inyo, kailangan ko munang malaman kung ano ang violation ko. Narito ako para dalin ang inorder na relyenong bangus ni Mr. Hipolito. Kahit tanungin n’yo pa siya. Nasa loob siya ng opisina niya.”
Nagtawanan muna ang dalawang pulis bago sumagot ang isa.
“Miss, tama na ang drama. Una ay walang Mr. Hipolito rito sa building na ito. Salcedo ang apelyido ng taong tinutukoy mo. Pangalawa, baka d**g p****r ka o miyembro ng sindikato kaya kailangan ka naming dalin sa presinto.”
“d**g p****r? Normal ka ba? Anong d**g p****r ang sinasabi mo? Hindi mo ba nakikita ang mukhang ito? Mukha ba akong d**g p****r?” Hinawakan pa niya ang mukha upang i-stress ang kaniyang mga sinasabi. Napangisi ang tatlong lalaki.
“Miss, karamihan ngayon sa d**g p****r ay magaganda. Madali kasing makapanloko ang mga babaeng kagaya mo kaya kung maaari lang ay sumama ka na nang payapa sa amin.”
Napangiti siya. “Manong naman, huwag mo nang ipagdiinan. Alam kong maganda ako. Thank you.”
Akma na siyang tatalikod nang muling hawakan ng dalawang pulis. Ang isa ay sa batok niya nakakapit at ang isa naman ay sa kaniyang braso. Madaling gumana ang adrenalin niya. Mabilis siyang pumihit na naging sanhi upang mabitiwan ng isang pulis ang kaniyang batok. Pinilipit naman niya ang braso ng isang nakakapit sa kaniya. Nang akmang lalapit ang guard ay madali namang umigkas ang kaniyang tuhod sa harapan nito. Mabilis niyang tinakbo ang pinto at nang akmang maaabutan na ng humahabol na mga lalaki ay saka niya inihagis sa mga ito ang dala niyang relyeno. Lalabas na sana siya nang makita ang isang lalaking nakatayo sa isang sulok. Hindi na siya nag-isip at madaling pinukol din ng relyeno ang napakakisig na si Mr. Hipolito.
Bulls eye! Napangiti siya nang tamaan ito sa mukha.
Mabuti na lamang at sa comfort room ng ground floor siya dinala ni Mayeth. Ano ngayon ang magagawa ng dalawang pulis patolang ito na sinamahan pa ng isang guwardiyang lagi yatang puyat? Alam niya, minaliit ng mga ito ang kapasidad niya dahil isa lamang siyang babae. Ang akala ng mga ito ay madaling hulihin ang isang gaya niya. Sorry na lang sila dahil hinding-hindi niya nanaisin ang makatapak sa presinto.