Chapter 3

1496 Words
“SAMBAKOL yata ang mukha ng prinsesa ng banyera?” Alam niyang pasaring iyon sa kaniya kaya hindi siya lumingon. Si Crisanto ang huling taong iibigin niyang makausap sa mga sandaling ito.             “Hoy, Iska! Bakit ika ko…”             “Hindi ka ba titigil nang kabubuska sa akin, Crisanto?!” Sa labis na inis ay napagbalingan niya ang lalaki. Hawak pa niya sa isang kamay ang isang bangus kaya naman nagulat ito.             “Bakit ba napakasungit mo? Para tinatanong ka lang. Masama bang magtanong?” “Oo. Masama lalo at mukhang mamalasin ako ngayong araw na ito!” Anong oras na at hanggang ngayon ay hindi pa rin tumatawag ang customer ni Blessy na umorder ng tatlumpu’t-limang bangus. Ilang sandali na lang ay palubog na ang araw. Bakit hindi pa nito kinukuha ang relyeno sa kaniya? Hindi kaya nagkaproblema? Baka naman last minute ay nagbago ang isip nito at hindi na pala magdadagdag ng relyeno bilang panghanda sa okasyon? Pero kung gayon nga ang nangyari, hindi ba at dapat lang na alam niya iyon? Bakit hindi naman siya sinabihan man lamang o t-in-ext ng kaibigan? Bigla ay naalala niya ang cellphone niya na nasa side pocket ng kaniyang maong na pantalon. Inilabas niya iyon at saka bahagyang pinindot ang isang buton para umilaw ang gadget. Pagkatapos ay madali ring napapalatak sabay tago ng cellphone sa kaniyang bulsa. ‘Lord, don’t make biro naman like this…pagtagalin n’yo po ang battery ko para hindi naman masayang ang mga relyenong ito.’ Muli siyang napailing. Nawala kasi sa loob niyang i-charge ang cellphone dahil masyado siyang excited sa paggawa ng relyeno kaninang umaga. Paano na kung maglobat siya? Paano sila magkikita ni Mr. Hipolito? Inis na muli na lang siyang napapadyak habang paulit-ulit na tumitingin sa kaniyang relong pambisig. Nang matanaw niya ang nakamasid na si Crisanto ay inirapan lang niya ito nang ubod talim. Isang oras pa siyang naghintay at halos ay mapatalon siya sa tuwa nang tumunog ang kaniyang message tone na tawa ng bata. Dali-dali niya iyong kinuha at binasa ang mensaheng naroon. Pero saglit lang at napangunot muli ang kaniyang noo. Walang anomang nakasaad sa mensaheng iyon kung hindi isang address sa Makati. Paulit-ulit niyang binasa iyon at saka pilit na inunawa pero talagang hindi niya maintindihan ang kahulugan ng text na iyon. Hindi man lamang nag-abalang magpakilala ang sender ng message na iyon. Napapitlag siya nang muling tumunog ang cellphone. Dalawang mensahe pa ang pumasok roon na agad naman niyang binasa. Ang isa ay galing kay Blessy. Nagtatanong ito kung naihatid na raw ba ang relyenong bangus dahil kinuha na raw ni Mr. Hipolito ang numero niya. Ang isa naman ay galing sa numerong nag-text kanina at ang nakasaad naman doon ay isang simpleng ‘please be here asap.’ Napangiti siya. Kung gayon ay si Mr. Hipolito ang sender ng mga mensaheng iyon. Pero bakit tila…Hindi niya natapos ang tanong na iyon sa isip nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone. Tumatawag ang numerong nag-text sa kaniya! Agad niyang sinagot ang tawag. “Hello? Yes, Sir? Kiss? Anong kiss? Huh?...” Nailayo niya ang hawak na gadget mula sa tainga dahil sa labis na lakas ng tinig ng kaniyang kausap. Galit ba si Mr. Hipolito? Muli niyang pinakinggan ang boses na nasa kabilang linya at pilit na inunawa ang sinasabi nito pero patuloy lang sa pag-ugong ang boses na naririnig niya roon. Peste! Nagloloko na naman ang tinamaan ng lintik na cellphone niya! Madali niyang pinutol ang tawag at saka hinagilap ang mensahe ni Mr. Hipolito. Kinopya niya sa isang papel ang address na naroon at agad na ibinulsa ang papel. Napabuga siya sa hangin nang tuluyang namatay ang kaniyang lumang cellphone.   “HELLO! Please get the keys from Manang Aning and…hello, do you hear me?! I sent you the address, please be here on time.”             Nalukot ang mukha niya nang maunawaang hindi sila nagkakaintindihan ni Mang David. He couldn’t even hear his voice. Tila ugong ng kung ano lang ang naririnig niya at tila galing sa lata ang boses na iyon sa pandinig niya. Nadismaya siya nang tuluyang maputol ang tawag. Malinaw. Na-low bat ang cellphone ng taong kausap niya. At ni hindi niya alam kung natanggap man lamang nito ang text message niya na naglalaman ng address ng building na kinaroroonan niya ngayon. “My God, why are there so many idiots in this planet?” Naibato niya sa sahig ang isang magazine na nasa ibabaw ng kaniyang table. Kung bakit ba naman kasi ngayon pa nagkasakit ang driver niya? Bakit ngayon pa na napakarami niyang dapat lakarin at asikasuhin para sa kompanya? Tuloy ay heto at napilitan siyang tawagan ang driver na iniaalok ni Manang Aning. Kung tutuusin ay marami naman siyang makukuhang kapalit ni Mang Caloy. Pero nahihiya naman siya sa matanda dahil ayon dito ay sandali lang itong mawawala. Idagdag pang baka mahalagang tao kay Manang Aning ang David na inirerekomenda nito. Kahit naman paano, kahit gaano siya kasama sa paningin ng iba ay hindi niya magagawang balewalain na lang ang pakiusap ng matandang katiwala. Next to his parents, the old nanny was the next person that was important to him. At gayundin naman siya para rito. Halos buong buhay nito ay ginugol na nito sa pag-aalaga sa kaniya sa kabila nang mayroon naman itong mga pamangkin at mga apo. Hindi na kasi ito nagkaroon ng sarili nitong pamilya kaya sa kaniya at sa mga apo na lamang nito sa pamangkin uminog ang buhay ng matanda. Nakakatawa pero mas marami pa nga siyang naaalalang mga pagkakataon na kasama ito kaysa tunay niyang mga magulang. Ang kaso, sa mga pagkakataong gaya nito ay ibig yata niyang pagsisihan ang pagpapairal niya ng emosyon. Alas singko na at wala pa rin ang driver na David daw ang pangalan ayon kay Manang Aning. Ibig na niyang mainis nang tuluyan at isuko ang pasensiyang kanina pa niya pinaiiral sa sarili. Dinampot niya ang isa pang magazine na nasa rack at akma na ring ibabato nang sumungaw mula sa pinto si Mayeth. “Sir, can I go home now? Do you have anything to…” “Stay.” “I’m sorry, Sir?” maang na tanong ng sekretarya. “I said stay. Is the word familiar to you? Stay until six o’clock.” Iyon lang at matapos ay itinaas na niya ang kanang kamay upang isenyas na maaari na itong lumabas.   “ANO’NG sinabi mo? Paanong mangyayaring walang Mr. Hipolito rito gayong ang sabi ng guard ay ito nga ang address na hinahanap ko?” Habol pa niya ang hininga habang nakikipag-usap sa babaeng nakita niya sa reception desk. Doon siya itinuro ng guard nang ipakita niya ang papel na pinagsulatan niya ng address kaya nakapagtataka ang sagot ng babaeng kaharap.             “Sorry Ma’am but there’s no any Mr. Hipolito here.”             Iniabot niya ang hawak na papel sa babae at saglit itong napakunot-noo. Bigla ay napalingon din ito sa pintuan na nasa likuran saka muling tumingin sa kaniya.             “Tama ang address na hinahanap mo. Iyan nga ang nakasaad dito but you’re looking for Mr. Hipolito and I don’t know this person. If you want, you can go back to the ground floor and look for Ms. Genares.”             “Teka lang, Miss. Napapagod na ako ng kapaparoo’t parito kaya kung puwede lang ay huwag ninyo nang itago ang Mr. Hipolito na iyan. Una sa lahat, sa tingin ko naman, sa ganda ng building na ito ay may pambayad siya sa tatlumpo at limang relyenong inorder niya. Pangalawa, siya pa ang nag-text sa akin at tumawag kaya sigurado akong nariyan sa likod ng pintuang iyan ang taong hinahanap ko. At pangatlo, masisisante ka ng amo mo kapag hindi umabot sa handaan ang mga ito. Teka, nasaan na nga pala ang handaan?” Bigla ay napalinga siya sa paligid.             “Handaan? Eh hindi ko nga po kilala ang Mr. Hipolito na ‘yan, Miss. Nagkakamali kayo. Steven Salcedo ang pangalan ng boss ko at saka walang handaan dito.” “Naku Ate, don’t make me stupid naman. Natural ay hindi dito ang handaan. Baka sa isang pavillion, club house o hotel ninyo ginaganap ang mga okasyon ninyo. Pero hindi uso sa akin ang pa-effect na ‘yan, okay! Kaya kung ako sa’yo, tawagin mo na ang boss mo at siya ang gusto kong makausap.” Nameywang pa siya sa harap ng sekretarya matapos ilapag sa sahig ang bayong na bitbit. Napansin niyang nakasunod ang mga mata ng kaharap sa bayong kaya naman yumuko pa siya at kumuha ng isang piraso ng isda mula roon. Pagkuwa’y nakangiting ipinakita iyon sa kausap.             “Alam mo, masarap ang relyeno ko. Ipinamana pa sa akin ng nanay ko ang sekreto kung paanong magiging kakaiba ang relyenong ginagawa niya. Kaya hindi ako papayag, Miss Secretary na mabalewala ang pagod at hirap ko matapos lang itong mga order ng kumag mong amo! Ngayon, ililitaw mo na ba siya o tayo ang magkakasubukan rito?”             Umangat ang isang kamay ng babae nang akmang babatuhin niya ito ng bangus. Natural ay bluff lang niya iyon dahil wala naman sa karakter niya ang manakit ng inosenteng tao lalo pa nga at kapwa niya babae iyon. Lihim siyang napangiti nang makitang tumayo na sa inuupuan ang sekretarya at saka pumasok sa silid na nasa likuran nito. Hay, sa wakas ay makakauwi na rin siya!  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD