Chapter 2

1415 Words
“MANANG, akala ko ba’y nagawan na ninyo ng remedyo ang problemang ito?”             “Aba’y oo nga, Istib. Umuwi ako sa amin kanina para kausapin ang isa kong pamangkin na siya munang mag-drive para sa iyo. Ang problema ay wala naman pala doon si Nick. May kapitbahay daw kaming nag-out of town at siya ang nag-service kaya isang Linggong mawawala. Pero hayaan mo at may isa pa namang maaaring pumalit kay Caloy pansamantala.”             “Tagasaan naman itong kilala ninyo?” nakakunot ang noong tanong niya sa katiwala.             “Sa barriong katabi lang ng sa amin siya nakatira. Tatay ng kaibigan ng apo ko. Ibinigay sa akin ang numerong puwedeng tawagan para makausap iyong tao. Hayaan mo at tatawagan ko mamaya pagkatapos kong magluto, Istib.” Tumango naman siya. Saglit lang at nagpaalam na siya kay Manang Aning matapos magbilin dito na huwag na siyang gisingin pagsapit ng hapunan. Masakit ang ulo niya at sa tingin niya ay kailangan niya ng pahinga para makabawi ng lakas at makapagtrabaho ng maayos kinabukasan. “ALAM mo girl, masyado kang masipag eh. Sino ba kasi ang nag-uudyok sa iyo na magtinda sa palengke gayong may ipinangtutustos ka naman sa pag-aaral mo? Hindi ba at ikaw na rin ang nagsabi na sapat ang pinagbentahan ng lupa ng nanay mo para sa mga gastos ninyo ni Empoy?”             Tumingin si Cheka sa nakasimangot na si Blessy. Si Blessy ay matalik niyang kaibigan simula pa noong nasa Elementarya sila. Ito lang ang tangi niyang nahihingahan ng problema at tunay na kapatid na nga ang tingin niya rito.             “Wala ngang nagsasabi pero alam mo naman ang situwasyon namin, hindi ba? Mula nang mamatay si Nanay ay nawalan na ng direksiyon ang buhay ng Tatay. Ayaw na niyang magtrabaho. Kung ang ipangkakain naman sa araw-araw ay manggagaling sa pera lang ng nanay, sa tingin mo ba ay makakatapos pa kami? Natural ay mauubos iyon.”             “Pero nariyan naman ang Tiya Maring mo para tumingin sa inyo. Nagbibigay din siya ng suportang pinansiyal para kay Empoy, hindi ba at isa pa…”             “Oo nga Bless, pero hindi pa rin iyon sapat. Malaki ang gastos namin ni Empoy sa school at idagdag pang may bisyo ang Tatay. Kailangan talaga ng dagdag na pagkukuhanan ng pera…”                  “Eh bakit kaya hindi mo subukang kausapin si Mang David? Malay mo, baka makinig siya. O naman kaya, kung talagang mapilit kang magtrabaho, humanap ka naman sana ng ibang pagkakakitaang nababagay sa beauty mo, girl. Hindi gaya niyan…tingnan mo at amoy bangus ka na.”             Napatawa siya. Ang totoo ay ilang beses nang sinabi iyon ng kaibigan pero sa halip na ito ay siya pa nga ang nasasawa sa pagiging paulit-ulit nito. Ano ba ang magagawa niya? May iba pa ba siyang mapapasukang trabaho kung ganitong undergraduate pa siya?             “Bless, hindi ako mapapasok sa trabaho dahil wala pa akong matinong mailalagay sa CV ko. Isa pa, marangal namang hanapbuhay ang magtinda ng bangus. Iyan ang trabahong pinamana ni Nanay sa akin at sa ganyang hanapbuhay niya kami iminulat.”             Napailing na lang si Blessy. “Oo na. Sige at wala na akong sinabi. Parati mo namang ikinakatuwiran iyan. Ang sa akin lang naman ay baka sakaling mayroon pang ibang mapapasukan. ‘Yung hindi ka mag-aamoy isda o kaya ay hindi delikado para sa’yo. Lagi ka pa namang nahaharap sa kung sino-sinong tao.”                   Napangiti siya. Totoo ang pag-aalala ng kaibigan at natutuwa siyang nagmamalasakit ito sa kaniyang kapakanan.             “Siya nga pala, muntik ko nang malimutan…may kakilala ang tatay na may pa-okasyon daw bukas. Mr. Hipolito ang pangalan. Magpapabinyag daw. Nabanggit niya sa akin at sabi ko ay alukin ng relyenong bangus. Ayun, umorder naman.”             Natuwa siya at namilog ang mga mata. Handaan. Ibig sabihin ay hindi lang isa kung hindi maraming relyenong bangus ang maibebenta niya.             “Talaga? Wow, thank you, friend! Ilan naman ang order ng kaibigan ng tatay mo?”             “Guess what…thirty-five lang naman, girl!” masiglang wika ni Blessy. Napapalakpak naman siya sa labis na tuwa. “Thirty-five? Wow, ang dami noon. Pero sana naman ay sinabi mo sa akin agad para naman nakapagtira na ako ng bangus kanina…” Umangat ang isang kamay ni Blessy upang sa wari ay pigilan siya sa pagsasalita. “Don’t worry about that. Panghapunan pa naman ito dahil kumbaga, para lang sa hindi nakarating ng umaga. Pandagdag, ganoon. Bukod doon ay nakausap ko na kanina pa ‘yung Nanay Ida mo. Nakasalubong ko siya sa sakayan at sinabi ko ngang dagdagan ang irarasyon sa’yo bukas dahil nga may pa-order ka.” Napayakap siya kay Blessy. “Thank you, thank you, Bless! Maibibili ko na rin ng shoes si Empoy sa wakas! Matagal na kasi niyang sinasabi na nagsasalita na raw ang rubber shoes niya. Ang sabi ko ay selyuhan muna ng rugby pero malamang ay sinadya nang sirain ng kumag dahil kanina ay tuluyan na raw natanggalan ng suwelas ang shoes niya.” Si Blessy naman ang natawa sa sinabi ni Cheka. “Paano, I need to go na. Babalik ako sa palengke para mamili ng sahog at nang maagang masimulan ang pagrerelyeno bukas. Teka, paano ko nga pala dadalin ang mga iyon?” “No worries. Ibinigay ko na kay Tatay ang mobile number mo at ang sabi ko ay tawagan ka na lang ng kaibigan niya.” Napatango siya. May ngiti sa mga labi na nagpaalam kay Blessy at masayang umuwi ng bahay.   MAAGA siyang gumising kinabukasan upang magpunta ng palengke at kunin kay Nanay Ida ang mga bangus na papalamanan niya. Mabuti na lamang at wala siyang klase para sa araw na iyon. Libre niyang magagawa ang raket niya. Hindi naman nagtagal ay nakabalik na rin siya ng bahay dala ang mga isda. Si Empoy muna ang pinatao niya sa puwesto at ibinilin na lamang kay Mang Fred na tingnan-tingnan ang kapatid.             Umuwi siya at nagmamadaling ginawa ang mga relyeno. Nakakapagod pero may ngiti sa mga labi niya nang matapos. Gusto naman niya ang kaniyang ginagawa dahil nagpapaalala iyon ng mga panahon kung saan kasama pa niya ang Nanay niya. Matapos gawin ay ibinalot niyang isa-isa sa aluminum foil ang bawat bangus. Matapos ay kinuha ang bagong bayong na binili niya. Nilagyan pa niya ng malinis na plastic ang bayong para matiyak na malinis ang paglalagyan ng mga isda. Maingat na niyang isinilid ang mga relyeno at saka binitbit iyon patungo sa palengke.   NAPABALIKWAS si Steven nang matamaan ng sikat ng araw ang kaniyang mukha. Tanghali na pala at hindi man lamang siya nagising ng alarm clock na i-s-in-et niya ng nagdaang gabi. Madali niyang inabot ang robang nakasampay sa labas ng closet at saka tinungo ang bathroom. Hindi siya maaaring ma-late dahil may presentation siya sa isang kliyente. Importante ang kliyenteng ito dahil nagbuhat pa ito sa isang kilalang angkan kaya naman malaking isda ang taong ito kung ituring nila.             Halos magkapalit-palit na ang mga gamit niya sa kamamadali. Hindi na niya naibalik nang maayos sa pinagkuhanan ang toothpaste at toothbrush na ginamit niya. Hindi na rin niya nagawa ang mag-shave dahil tanghali na talaga. Kasabay ng nagmamadaling kilos ay isinisigaw niya ang pangalan ni Manang Aning. Saktong kalalabas lang niya ng bathroom nang pumasok ang matanda.             “Manang, help me naman. Please get my things from the cabinet.”             Natataranta man ay tumulong naman ang matanda. Nagmamadaling kinuha nito ang long sleeved polo at pants na nasa loob ng closet niya. Kinuha rin mula roon ang necktie at kulay asul na panyo na idinikta ng amo. Maging sa pagbibihis ay tinulungan na rin nito ang lalaki.             “May kailangan ka pa ba, Istib?”             “Wala na, Manang…teka, nariyan na ba ang driver?”             Napakamot ng ulo ang matanda.             “Naku Istib, palyado na ang memorya ko. Pasensiya ka na at nalimutan—”             “Manang naman, hindi ba at sinabi ninyong tatawagan ninyo ang driver kagabi?” Napapikit sa pagpipigil ng inis si Steve. Kinuha mula sa matanda ang necktie at isinuot sa sarili.             “Oo nga eh kaso nga ay nalimutan ko. Teka at tatawagan ko na ngayon. Heto sa bulsa ko ang numero eh…” Kinuha nito mula sa bulsa ang isang piraso ng papel. Nang makita ni Steve ay agad na nitong kinuha ang papel.             “Sige na Manang at ako na ang tatawag sa driver na ito. Tutuloy na ako…” Agad na itong tumalikod palabas ng silid nang makuha ang papel mula sa katiwala.             “Eh Istib, anak lang noong tao ‘yang tatawagan mo. Sabihin mo na lang na Lola Aning kamo ni Blessy ang…” Napahinto ang matanda sa pagsasalita nang tuluyan nang lumabas ng silid ang amo. Hindi na nito maririnig pa ang anomang sasabihin niya kaya iniikom na lang nito ang mga labi. Iiling-iling na niligpit na lang nito ang kalat na iniwan ng among si Steve.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD