“TAPOS na?” Napatingin siya sa nagtanong na si Nana Aning. Masyado kasi siyang nalibang sa paghahalaman kaya nawala sa loob niyang magluto. Alas sais na nang mamalayan niya ang oras kaya ngayon ay nagkukumahog siya. “Malapit na po, Nana. Kaunting minuto pa at malambot na ang karne. Alas siyete pa lang naman,” aniya. Lumapit siya sa ref upang ilabas mula roon ang crema de fruta na ginawa niya kaninang hapon. Baka sakaling maibigan ni Steven iyon dahil ayon kay Empoy ay the best ang crema niya. Nakayuko siya sa ref nang marinig niya ang mga yabag ng kung sinong paparating. Kagyat siyang kinabahan. Hindi iyon mga yabag ng paa ni Tessa. “Manang, what’s for dinner?” Nanigas ang batok niya sa pagkakayuko. Bigla ay ayaw na niyang tumayo at manatili na lamang sa harap ng ref habang naroon s

