CHAPTER 4
Deal
“We’re quits now?” bungad ni Trick habang pilit na sinasabayan ang mabilis kong paglalakad.
Kalalabas lang namin ng office ng presidente. Sino’ng mag-aakalang papayag sina Stacy na huwag nang ituloy ang reklamo dahil lang sa sinabi nitong tukmol na ‘to?
“Pinagsasasabi mo r’yan?” iritable kong tanong sa kanya.
“I defended you.”
Defend? Hindi ko kailangan. Isa pa, hindi ko rin sinabi.
“Wala akong paki.”
Imbes na ma-offend siya sa walang filter kong mga salita, natawa pa ang kupal. Parang sira talaga.
“So, you don’t want to let go of me?” he concluded that made me glance at him right away.
“Ano?!” Kaagad talagang nagsalubong ang mga kilay ko.
Napaka-assuming niya rin talaga, ‘no? Sana, bawas-bawasan niya. Ako ‘yong nahihiya sa kakapalan ng mukha niya e.
“Wala!” Sa huli, hindi niya rin ipinaliwanag. “Sungit talaga. Ibang klase.”
“Lubayan mo nga akong depungal ka,” sambit ko na lang at mas binilisan pa ang paglalakad.
Kaso ang tukmol, talagang humabol at sumabay pa rin.
“Depungal? What’s the meaning of it?” Sa ikalawang pagkakataon, imbes na intindihin ang sinabi ko, mas pinagtuunan niya pa ng pansin ang salitang ginamit ko.
“‘Wag mo nang alamin.” Baka umiyak ka pa.
Tuluyan na nga akong lumabas ng gate ng Arquero University. Hindi na siya sumunod dahil siguro ay may kotse sila sa may parking lot.
Inabot ako ng halos isang oras sa paglalakad pauwi sa bahay nina Nanay Tere. Buti at hindi rin ako naligaw. Mabilis naman kasi akong makatanda ng mga bagay-bagay.
Pagdating ko sa bahay, roon ko unang nakilala ang kambal na sina Tres at Tris.
“Simula ngayon, makakasama na rin natin sila sa bahay, Filch. Ayos lang ba?” tanong sa akin ni Nanay.
“Opo. Ayos lang,” sagot ko agad. Nagtaka lang talaga ako na may dalawang malilikot na mga bata na agad ang tumatakbo sa bahay.
Wala namang kaso sa akin na may kasama. Ayos lang. Kaya ko naman mawalan ng pakialam.
“Ate, oh! Si Tres!” Nagulat ako nang biglang tumakbo sa akin ang isang bata para magtago. Humawak pa talaga sa baywang ko para gamitin akong pangsalag sa kapatid niya.
My heart melted by his sudden move. Hindi ako mabilis maapektuhan pero kung pamilya ang pag-uusapan, ewan ko na lang.
I suddenly remembered my little brother Franco. Siya ang pinakamalapit sa akin at laging takbuhan din ako sa tuwing inaaway siya ng pangalawa naming kapatid na si Franchesca.
“Tres naman kasi! ‘Wag mong awayin si Tris. Mahiya kayo sa ate niyo,” saway ni Nanay Tere sa dalawa. Sumimangot na lang tuloy si Tres pero bumubulong-bulong pa rin habang tinitingnan si Tris.
Tris and Tres were identical twins. Kahit ganoon, hindi ako nahirapang makabisa agad kung sino ang kung sino dahil sa mga nunal nila sa mukha.
Si Tres, ang panganay raw ayon kay Nanay, ay may nunal sa pisngi. Siya ang tila makulit at matapang sa dalawa.
Kabaliktaran naman si Tris. Malambot ito at laging takot sa kuya niya. Ang nunal nito naman ay nasa tungko ng ilong.
Sabi ni Nanay, pinaalagaan lang daw ‘tong dalawa ng pamangkin niya na mag-a-abroad. Wala na rin kasi silang papa kaya kay Nanay Tere naisipang iwan tutal nakabalik naman na si Nanay rito sa dati niyang bahay.
Hindi naman mahirap maging malapit kina Tres at Tris. Sa katunayan nga ay sila ang lumalapit sa akin. Madalas ay dahil nagsusumbong si Tris sa pagiging pala-asar ni Tres.
Sila ang tila pahinga ko sa tuwing nasosobrahan ang inis ko sa dalawang del Grico kong kaklase. Isa pa, marami rin akong natututuhan sa kanila.
“Doon ka nga! Mongs ka e,” rinig kong saway ni Tres noon sa kapatid niya habang tinutulungan nila akong magtanim ng mga buto ng mangga sa ilan pang sobrang lupa rito sa lugar namin.
Wala kasi akong magawa noon at naisip kong magtanim na lang tutal ay ang ilang mga malalaki ring puno ng mangga sa palibot ng bahay ni Nanay ang madalas niya palang pagkakitaan.
“Mongs?” takang tanong ko kay Tres na maputik ang mga kamay ngayon dahil sa pagtulong sa akin.
Noong una ay nakakunot at masama ang tingin niya kay Tris pero nang sagutin niya na ako, umayos ang kanyang ekspresyon.
“Mukhang gago, Ate,” malugod na sagot naman niya sa akin na siyang ikinalaki ng mga mata ko.
Mura naman pala ‘yon! Lokong bata ‘to.
“Tres!” Ang malas niya lang din at narinig siya ni Nanay. “Masama ‘yang nagmumura ka. Tinuturuan mo pa ‘yang ate mo!”
Pinagalitan tuloy siya at napanguso na lang sa gilid. Ako naman ay napangisi. Hindi ko pa rin kasi maintindihan kung paano naging ‘mongs’ ang ‘mukhang gago’. Saan din nanggaling ang ‘s’ sa dulo?
Hindi ko alam kung may ganoon bang salita dahil ngayon ko lang talaga narinig ‘yon. Siguro ay dahil na rin sa hindi naman ako madalas palabasin noon ng mama ko. Puro mga pinanganak pang may gintong kutsara ang madalas kong nakakasalumuha noon.
Kahit ganoon, nakatutuwa sa pandinig ang ‘mongs’. Talagang tinandaan ko ‘yon kahit hindi maganda ang ibig sabihin.
Nagpatuloy na lang kami sa pagtatanim. Maputik ang mga kamay namin dahil sa ginagawa.
Isang linggo na rin ang nakalilipas mula nang magsimula ang pasukan. Talagang hindi na ako tinigilan ng grupo nina Stacy mula noong may duraang naganap.
Sa tuwing nararaanan ko ang grupo nila, palagi akong nakatatanggap ng irap kahit na mas matanda naman ako sa kanila. Buti na lang at wala akong pakialam.
Mas lalo pa nga yatang lumala ang inis nila sa akin dahil nakikita nila ang madalas pagsunod sa akin ng mga kaklase kong del Grico. Hindi nila alam, buwisit na buwisit naman ako sa presiyensya ng mga ‘yon.
“Lauren! Napadalaw ka!”
Nawala ako sa iniisip ko at sa pagtatanim nang marinig si Nanay na lumabas ng bahay. Sabay-sabay kaming napalingon nina Tres at Tris sa dinaluhan niya.
E?
Akala ko pa naman, magiging mapayapa ang weekend ko dahil walang klase. Sino’ng mag-aakalang gustong-gusto akong sundan ng malas?
Nakita ko kasing si Mrs. Lauren ang dumalaw sa amin. Buti sana kung siya lang e. Kaso, may sinama siyang mga asungot: sina Law at Trick.
Paglingon ko pa lang sa direksyon nila, nasa akin na agad ang tingin ng dalawa. Si Law, nakakindat agad sa akin habang si Trick, parang binabasa pa ang reaksyon ko. Wala naman siyang mababasa dahil walang ekspresyon ko lang silang pinukulan ng tingin.
Mrs. Lauren looked so formal with her white balloon sleeve top and black trousers which made her look so professional. Nakalugay lang din ngayon ang kanyang buhok.
Bumaba ang tingin ko kina Law at Trick.
Law was wearing a varsity jacket the same color as our uniform in Arquero University. He was also wearing black jeans same as her mother and his cousin. Ang dalawang kamay niya ay nakasuksok sa bulsa ng suot niyang jacket.
On the other side, Trick stayed simple. He was just wearing a plain gray shirt and its sleeves were rolled up. Naka-itim din siyang pants at puting sapatos na may tatak na malaking check.
They all looked so good and fresh, while we are here, looking like a bunch of messy kids because of the mud in our hands.
Simple lang din ang suot ko. I was wearing a lavender-colored oversized hoodie paired with shorts. Nakataas ang sleeves ng suot ko dahil sa humahawak nga kami ng putik kanina.
Sina Tris at Tres naman, simpleng sando at shorts ang mga suot, mga normal na pambahay lang.
“Woy, Tris. May mga kuya!” natutuwang sambit ni Tres sa gilid ko na tingin ko’y nakatingin din kina Trick at Law.
Si Tris naman, mukhang hindi sanay. Nagtago siya ulit sa baywang ko. Buti na lang at hindi naman marumi ang kamay niya dahil hindi siya pinayagan kanina ni Tres makisali sa amin.
Bakit kaya nandito ‘tong dalawang panggulo na ‘to? Maiintindihan ko pa kung si Mrs. Lauren lang e. Kaso, bakit kailangang magsama ng dalawang asungot?
“Nanay Tere,” bati pabalik ni Mrs. Lauren kay Nanay. “Sorry, wala akong pasabi. Biglaan lang din kasi.”
Tiningnan niya ang tig-isang bitbit nina Trick at Law na mga tupperware at iminuestra kay Nanay.
“We brought some food. Pagsaluhan na natin ‘tong mga ‘to,” dagdag niya pa.
Si Nanay naman, ang tuon ay nasa mga kaklase ko.
“Sila na ba ang mga anak mo?” nakangiting tanong niya kay Mrs. lauren. “Ke-gu-guwapong mga bata.”
Anak?
I knew last week that Trick was the president’s nephew. Akala ko, pamangkin din si Law pero mukhang hindi pala.
But as I thought, they seemed to own the school. Kaya rin siguro kilala sila ng lahat.
“Here’s my son, Lawrent. Bunso ko.” Tinuro ni Mrs. lauren si Law. “Wala ang panganay ko kasi may inaasikaso pa sa pag-aaral.”
“Nice to meet you po, La.” Nagmano si Law.
“Kaawaan ka ng Diyos.”
Ilang sandali pa, itinuon naman ni Nanay ang tingin kay Trick.
“Sino naman ‘tong isa? Kaninong anak?”
Tahimik lang akong nakikinig mula sa kinatatayuan ko. Hindi agad ako lumapit dahil hindi pa naman ako kailangan.
“His name is Trickson, second son of Grei and Trixy,” sagot ni Mrs. Lauren.
“Mano po, La.” Nagmano rin si Trick at nginitian si Nanay.
Nginitian siya ni Nanay pabalik.
“Lumaki kayong mga g’wapong bata. Pakikilala ko na rin ‘yong alaga ko.” Nilingon na ako ni Nanay para tawagin. “Filch, halika.”
Ayaw ko mang harapin ang mga asungot na palaging nakasisira ng araw ko sa school, wala akong ibang choice kung ‘di ang lumapit. Hindi na lang din ako nag-abala pang maglinis ng kamay ko.
Lumapit ako kahit medyo marumi pa ako gawa ng pagtatanim namin kanina. Tumabi ako kay Nanay.
“Ito ang anak at pamangkin ng Tita Lauren mo,” pagpapakilala ni Nanay sa mga bisita namin ngayong araw.
Wala nang dahilan pa para magkunwari ako at sinabi na agad ang totoo.
“Kilala ko po sila,” ani ko na ikinagulat niya.
Bago pa siya makatugon, nagdagdag pa si Trick.
“Magkaklase po kaming tatlo,” magalang na sagot niya kay Nanay. Nang dumako ang tingin ko kay Trick, kaagad niya na lang iniwas ang tingin niya.
Kahit kailan talaga ‘tong tukmol na ‘to, pakialamero lagi.
Ngumiti naman si Mrs. Lauren.
“She’s actually the reason why these two wanted me to bring them here,” she uttered with delight.
Huh?
“Mom.” Nahihiyang inawat ni Law ang mama niya kahit na narinig ko na ang lahat. Napansin ko naman din ang pamumula ng tainga ni Trick.
Sila naman pala ang nagplano na pumunta rito. Para saan? Para manggulo?
“Gano’n ba?” Natawa si Nanay. Makahulugan pa ako nitong nilingon at nginitian din. Kahit ganoon, hindi ako nahawa sa pagngiti ni Nanay.
“Pasok po kayo,” sambit ko na lang para mawala na sa akin ang usapan.
Sanay na ako sa mga ganitong pagkakataon. Ang mama ko ba naman ay kung kani-kanino ako pinakikilala noon sa iba’t ibang lalaki. Kabisado ko na ang mga reaksyon nila at wala na iyong epekto pa sa akin.
Nanguna na lang akong pumasok sa loob ng bahay para maghugas ng kamay. Tinawag ko na rin ang kambal para pumasok.
Pagkain ang dala-dala ng dalawang binatang del Grico at hinanda namin ‘yon kaagad sa hapagkainan pagpasok pa lang namin sa loob.
Sa pagkakarinig ko sa usapan nina Nanay at Mrs. Lauren, si Mrs. Lauren mismo ang nagluto ng mga dala nila.
Puro mga pangangamusta ang pinag-usapan ng dalawa. Buti na lang din at hindi kinuwento ni Mrs. Lauren ang nangyari noong inireklamo ako ni Stacy. Baka sumakit lang kasi ang ulo ni Nanay. ‘Tsaka, tapos na rin naman ‘yon.
Their talk went on and on. Nanatili lang ako sa hapag at nagkakape habang ang dalawang bisita ay kinaibigan agad ang kambal.
Si Tres, gaya lang ng personalidad niya, nagustuhan niya agad si Law. Si Tris naman, kinailangan pang suyuin ni Trick para lang magsalita ito at hindi na mahiya.
I was busy examining everything until Mrs. Lauren opened up a topic about me.
“Maybe we can talk about what you want to buy with your money now, Filch,” bigla niyang sambit dahilan para mapukaw ang atensyon naming lahat, kasama na sina Trick at Law.
About my money, Mrs. Lauren started handling it as soon as we arrived here in Manila. Matapos naming ipaliwanag sa kanya noon ang sitwasyon ko, may naisip agad siyang solusyon at walang pagdadalawang-isip akong tinulungan.
She transferred all of my money to a bank account then transferred it again to her. Ginawa ‘yon para hindi malaman ni Mama kung nasaan ako ngayon at kung sino na ang kumuha ng pera ko.
It was a long process that was why it took them a week before they could open up about my money. Ayos lang din naman sa akin. Sa katunayan, parang ayaw ko na nga iyong gastusin dahil sa galing ‘yon kay Mama.
“Oo nga,” pagsang-ayon ni Nanay Tere. “Hindi naman kasi p’wedeng lalakarin mo lang ang Arquero. Dapat ay bumili ka man lang ng pansariling sasakyan, ija.”
Napaisip ako sa sinabi niya.
Sa isang linggo rin kasing pumapasok ako sa Arquero, talagang nilalakad ko lang ang daan papunta at pauwi roon. Wala kasing sasakyan na tumitigil mismo sa bahay nina Nanay. Isa pa, hindi ko pa nasubukang sumakay sa tinatawag nilang jeep, tricycle, at kung anu-ano pa.
Kung ako ang papipiliin, mas gusto ko ay ‘yong simple lang. Kaya naman, sinagot ko na lang ang pinakasimpleng naisip ko.
“Bike na lang po.”
Napakurap si Mrs. Lauren sa narinig niya mula sa akin. Maski si Nanay, mukhang nalabuan sa sagot ko.
“Motorbike?” pag-aakala ng mama ni Law. “What kind of—”
Bago pa iba ang maiproseso nila sa kanilang isip, nilinaw ko na lang agad ang sagot ko.
“Mountain bike,” pag-uulit ko na siyang nagpawindang sa lahat.
“Huh? Are you serious? Mapapagod ka!” Gaya lang ng inaasahan ko, tumutol kaagad sila.
“Opo. Seryoso ako,” sagot ko na lang ulit.
“Sigurado ka ba, Filch?” si Nanay. “P’wede namang kotse o motor kung gusto mo. ‘Wag mong tipirin ang sarili mo. Palalaguin naman ‘yon ni Lauren—”
“Bike po ang gusto ko,” may paninindigang utas ko. “Kung hindi bike, maglalakad na lang ako.”
I want to live a life that is completely different from what my mom wants. Ever since I felt like I was living a life that I don’t deserve. So, starting from now that I finally got away from my mom, I want to live like a normal person—where hardships exist.
Kung ayaw ni Mama na umitim ang kulay ng balat ko dahil sa pagbababad sa araw, iyon ang gagawin ko. I just wanted her to hate me. Kahit na hindi niya na naman ako nakikita ngayon, gusto kong sa susunod na mahanap niya ako, gugustuhin niya na lang na huwag na akong kunin.
I… don’t want to live a life filled with darkness.
Tumayo na ako. Napansin ko ang pagsunod ng tingin sa akin ng lahat pero wala ni isa sa kanila ang bumasag sa katahimikan. Ako na lang ang gumawa noon.
“Babalikan ko lang po ang inaasikaso ko kanina,” paalam ko bago lumabas ng bahay.
Talagang bumalik na lang ako sa pagtatanim sa labas. Wala pang limang minuto, sumunod din ang kambal sa akin.
“Ate!” pagtawag nila sa akin at tumabi na nga rin sa gilid ko.
Palihim akong napangiti sa presiyensya nila.
I just liked it whenever kids like them choose to follow me. Siguro, nasanay lang din ako kay Franco na ako ang laging sinusunod kahit na madalas nagagalit si Mama kapag ginagawa niya ‘yon.
Tatanungin ko pa sana sina Tres at Tris kung bakit nila iniwan sina Law kaso ay sumunod na rin pala ang dalawang asungot sa amin. Pinabalik ko tuloy ang walang ekspresyon kong mukha.
“What are you guys doing?” bungad ni Law na siyang halatang-halata naman na ang sagot.
“Nagtatanim po.” Buti na lang at si Tris ang sumagot dahil kung hindi, lalangawin ang pangbobong tanong niya.
Next thing I knew, he was already sitting in front of us. Nakatayo naman sa gilid niya ang nakabuntot ding si Trick.
“Are they your siblings, Filch?” tanong ulit ni Law. Nakikinita ko sa kanya ngayon kung ano’ng ginawa ni Trick noong nakaraan na pilit pinahahaba ang usapan namin.
“Oo.”
“Why do you want to have a bike than car?” Sobrang lalayo ng mga tanong ni Law. Halatang umiisip lang siya nang umiisip ng p’wedeng itanong sa akin para makapag-usap kaming dalawa.
“Dapat ba may rason?” malamig na tanong ko rin sa kanya.
“Hindi naman.”
“Hindi naman pala e.”
Dahil doon, natahimik ulit siya nang ilang sandali, tila naubusan na ng maitatanong sa akin. Nagpatuloy naman ako sa ginagawa. Si Trick, tahimik lang na pinanonood kaming dalawa.
Mayamaya pa, nagsalita ulit si Law.
“Ang hirap mo pala talagang kausapin,” puna niya. Hindi naman na ako naapektuhan doon. Totoo naman kasi.
“E ‘di ‘wag mo ‘kong kausapin.” Ang simple-simpleng bagay, pinako-komplikado niya.
“Nah. I want to,” aniya naman. “I actually like that you’re different from other girls.”
K. Hindi ko naman kasi tinatanong.
“Matagal ka na bang nag-ba-bike?” Sa muling pagkakataon, ang tanong niya ay hindi konektado sa nauna.
Tipid na lang ulit akong sumagot, pinakikitang hindi na ako interesado pa sa pag-uusap naming dalawa.
“Hindi.”
“For how many years then? Or months?”
“Not even once.”
Dahil sa sagot ko, mukhang totoo na ang pagkabigla niya.
“Seriously?” paninigurado pa ni Law sa akin.
Walang gana ko itinigil ang ginagawa.
“Mukha ba ‘kong nagbibiro?”
Hindi pa talaga ako nakasakay sa bike. Ayaw kasi ni Mama ipasubok ‘yon sa akin noon dahil natatakot siyang magkaroon ako ng mga galos at sugat na maaaring ibato sa akin ng mga nakakasama naming mayayaman noon.
But whenever I see someone biking, I couldn’t help but be fascinated to it. Nandoon kasi ‘yong paghihirap para makapunta ka sa gusto mong puntahan e. Kaysa sa ibang sasakyan na iikutin mo lang ang manubela at kung anu-ano pa.
I wanted to feel the hardship in doing things so that I could let myself be happy of what I have achieved. Sa ganoon kasing paraan, masasabi kong deserve ko ang isang bagay.
Ang lalim ng dahilan ko kaya hindi ko na rin ginusto pang sabihin sa kahit kanino kung bakit bike ang gusto ko. Baka isipin lang nila na nababaliw na ako o masyado akong OA kahit hindi alam kung ano na ang mga napagdaanan ko sa buhay sa ganitong edad ko.
“But do you know how to ride a bike?”
Nilingon ko na si Law sa pagka-irita sa tanong niya. Napadako rin ang tingin ko sa katabi niyang si Trick na mukhang gulat din pala sa nalaman.
“Tanga ka? Sabi ko, hindi pa ako nakasakay, ‘di ba?” Hindi ko na napigilan ang iritasyon sa tono ko.
Natawa si Trick bigla. Pero nang ipukol ko sa kanya ang tingin ko, tumahimik na lang din siya agad.
“Alright. Sorry.” Pati si Law, natawa na lang din kahit wala naman dapat nakatatawa sa sinabi ko.
Ano ba’ng mayro’n sa magpinsan na ‘to?
“How about I’ll teach you once Mom buys you one?” Law suggested that finally made sense now.
Kaya niya naman din palang magsalita nang may kuwenta.
Hindi kaagad ako nakasagot sa tanong niya. Hindi ko rin naman kasi talaga alam kung paano ang mag-bike. Pero sa tuwing tinitingnan ko ang iba, parang ang dali-dali lang.
“Deal?”
It will be much easier for me to learn that thing if there’s someone who would teach me though so…
Sa huli, napabuntonghininga na lang ako sabay sabing, “Bahala ka.”
“Alright. It’s a deal then.”