PAGKATAPOS ng limang taon, kung sakaling magkaharap sila muli ni Cleo, malalaman na niya kung tama ang ginawa niyang paghihintay rito. Mapapatunayan na niya kung ang sinabi nito noon ay totoo.
Takot na mapatunayan niyang mahal na mahal pa rin niya ito habang ito naman ay nakalimot na. Kaba at excitement, dahil pagkatapos ng mahabang panahon, malaki ang tsansang magkita sila uli.
But whatever happened, alam niyang makakatulong iyon para makapag-move on na siya. Makakaalis na rin siya sa limbo. Masaktan na siya kung masaktan. Ang tanging gusto niya ay matiyak niya kung ang pagmamahalan nila noon ay magkakaroon na ng katuparan o tama lang na ibaon na lang niya iyon sa limot.
Nang ibaba ng kanyang kaibigan ang telepono, inilagay niya ang dala niyang pagkain sa ref at nagtuloy na siya sa kanyang kuwarto. Humiga siya sa kanyang kama at hinayaan niyang bumalik sa alaala...
"Zairah, gising na. Tanghali na. Male-late ka na sa school." Paggising sa kanya ng kanyang mommy.
"Kapag hindi ka pa bumangon diyan, hindi ka na makakasabay sa Daddy mo. Gusto mo bang mag-jeep na lang pupunta sa school?"
Napipilitan man, bumangon na rin siya. Hindi pa niya kabisado ang mga sasakyan ng jeep sa Montegracia. Isang buwan pa lang silang nakakalipat doon simula nang tanggapin ng kanyang Daddy ang offer ditong maging supply chain consultant ng isang bagong bukas na malaking manufacturing company.
Dahil labag sa kanyang kalooban ang paglipat nila roon, hindi siya naglalabas ng bahay kaya wala siyang kaalam-alam tungkol sa lugar.
Masama pa rin ang kanyang loob sa parents niya dahil hindi siya pinayagan ng mga itong maiwan siya sa Maynila para doon siya magtapos ng high school. Fourth year na siya at alam niyang mahihirapan siyang mag-fit in sa mga estudyante sa school na lilipatan niya. Tiyak niyang may kanya-kanya nang grupo ang mga iyon at maa-out of place lang siya. Pero kahit ano ang gawin niyang pakiusap ay binale-wala ng mga ito iyon.
Kesyo masyado pa raw siyang bata para payagan siyang tumira sa dormitory. Kung bakit naman kasi halos lahat ng relatives nila ay nasa ibang bansa na. Ang pinakamalapit na kamag-anak nila ay nasa Laguna, hindi pa nila ka-close ang mga ito. Hindi rin naman siya puwede sa arrangement na uwian, tatlo at kalahating oras ang biyahe mula Montegracia papunta sa Maynila. One-way lang iyon.
Kung balikan, pitong oras. Magiging buto at balat siya sa biyahe pa lang, bukod sa magastos pa sa pamasahe. Dalawa man ang kanilang kotse, hindi pa naman siya pinapayagang magmaneho.
Tig-isa ang parents niya ng kotse, bagaman hindi naman masyadong nagagamit ang sa kanyang mommy dahil freelance writer ito at sa bahay lang nagtatrabaho ito. Ang kapatid naman niyang si Danica ay first year high school pa lang. Walang problema rito dahil magsisimula pa lang ito.
Expected namang mag-iiba talaga ang mga kaklase nito ngayong pasukan.
Pagkatapos niyang mag-shower at magbihis at bumaba na siya para magbreakfast. Kompleto na sa breakfast table ang kanyang pamilya, siya na lang ang hinihintay ng mga ito.
"Zairah, hindi naman ito end of the world. Chin up." Paalala ng kanyang Daddy. "Consider this as an
adventure."
"Dad, unfortunately, I'm not adventurous. Alam n'yo naman iyon." Wika niya.
"They don't think it's about time to be the one?"
Hindi na siya sumagot. Alam naman niyang pointless na ang kanyang argument. Hindi naiintindihan ng mga ito kung anong hirap ang pinagdadaanan niya sa bagong school niya.
"Bakit kaunti ang kinain mo? Paborito mo pa naman ang niluto ko ngayon." Anang kanyang mommy nang tamilmil siya sa pagkain.
Alam niyang para sa kanya ang longganisa at hashbrown na inihanda nito nang umagang iyon. In fairness sa mga ito, they were trying to make up for the move sa ibang bagay.
Ibinili siya ng mga ito ng computer, tinaasan ang kanyang allowance at binigyan ng carte blanche sa pagde-decorate ng kanyang kuwarto. Sa kanya rin ibinigay ang first pick sa pagpili kung alin ang gusto niyang kuwarto sa kanilang five-bedroom house. Pinilit din naman niyang intindihin ang mga ito, kaya lang ay nahihirapan siyang kalimutan ang resentment sa pagbigo ng mga ito sa kanyang pakiusap.
Hindi niya maintindihan kung bakit masyadong big deal ang isang taon. Sa susunod na pasukan, kailangan na rin niyang bumalik sa Maynila para mag-college. Ano ba naman kung mapapaaga ang pagbo-board niya? Responsable naman siya at willing siyang umuwi sa Montegracia every weekend.
"Wala akong gana, Mommy, eh. Magto-toothbrush na ako. Excuse
me." Nang bumaba siya uli ay ready na rin ang kanyang daddy at si Danica.
On the way ang Southfield Academy sa office ng kanilang daddy kaya ito ang maghahatid sa kanila papasok. Ang mommy naman nila ang tagasundo dahil mas maaga ang uwian nila kaysa sa kanilang daddy.
Nang makababa ng kotse si Danica ay pinigilan siya ng kanyang daddy. "Zairah, anak, alam kong mahirap para sa iyo ang paglipat natin dito. But try to understand that it will be just for a year. Next June, you'll be leaving us and your mommy and I wanted you with us a little longer. I'm sure you'll have friends here. You're great person, Zairah. Others will surely realize that and make this change easier for you."
Huminga siya ng malalim. "Sana nga, Dad."
Hinalikan siya nito sa kanyang noo. "Goodluck, Zairah."
"Thanks, Dad."
Mabibigat ang kanyang mga hakbang papasok sa school. Kung hindi siya nagkakamali, every Monday ay flag ceremony muna bago mag-start ang classes. Hindi pa naman niya alam kung saan ang lugar ng mga seniors.
"Excited ka na ba, Ira, sa final year natin dito sa Southfield?"
"Oh, yeah. But I'm more excited that we'll be leaving all these next year. Hindi na nga ako makapaghintay na makaalis dito, eh." Maarteng sagot ng kausap nito.
"I need to see new faces, tackle new challenges. Ang boring naman ng pare-parehong mukha ang nakikita at nakakasalamuha mo year in and year out. Walang pagbabago. I forgot na nga how nice it is to feel the adrenaline rush kapag may rival, eh."
Dahil narinig niya ang usapan ng dalawa sa unahan niya, sumunod na lang siya sa mga ito para marating ang lugar ng mga fourth year students. Kahit naiirita siya sa kayabangan ng babaeng Ira ang pangalan, wala na siyang ibang choice. Sana lang ay hindi niya kaklase ito. Ang lakas ng dating nito, masyadong mahangin.
Nang magpunta ang mga ito sa isang grupo ng mga estudyante ay may lumapit agad na tatlong babae sa mga ito at nakipagbeso-beso. Tiningnan niya ang mukha ng ibang naroon.Nang makakita siya ng may umismid sa mga ito, ay doon siya lumapit sa isang estudyanteng may salamin na mukhang nerdy at nagtanong.