HINDI niya inakalang ang simpleng usapang iyon ay magbubunga ng intriga at tsismis. Aakalain ba naman niyang makakarating pala iyon kay Abby?
"Hindi na importante yon. But speaking of that, may kasalanan ka sa akin, ha? Sabi mo, mag-on sila ni Ira?"
"Iyon ba ang pinag-uusapan ninyo?"
Napabuntung-hininga na lang siya. Mukhang hindi siya titigilan nito hangga't hindi siya umaamin. "Oo. Napahiya nga ako no'ng itama niya iyong presumption ko tungkol sa kanila."
"Well, ganito kasi ang sitwasyon. Gusto siya ni Ira. Wala siyang GF. Masama man ang ugali niya, physically ay maganda si Ira. Tapos, hindi naman maitatangging guwapo siya, hindi ba? Lagi nga silang pinagtatambal ng mga teachers. Kasi, bagay nga sila. So parang given na that sooner or later, made-develop na rin si Cleo kay Ira at magiging sila na."
"I see."
"Siyempre, noon iyon. Noong wala ka pa sa eksena." Malisyosang dagdag nito.
"Hay, naku, Abby, tigilang mo ako! Wala akong balak na sulutin si Cleo kay Ira no?"
"Paano mo siya susulutin, eh, hindi naman sila? Besides, kung ikaw naman ang gusto ni Cleo, may magagawa ba si Ira kundi pagtagisin ang kanyang mga bagang?" Tumatawang wika nito.
"Abby!" Sita niya.
Tumawa ito. "Pagpasensiyahan mo na ako. Sa ganito lang ako nakakaganti sa mga pang-aapi ng mga iyon sa
akin."
Natawa na rin siya. "Ikaw talaga."
"Hey, gusto mong sumamang mag-malling sa akin bukas? May appointment ako tomorrow sa aking optometrist."
"What time?"
"Two or three."
"O, sige. Paano tayo magkikita?"
"Susunduin kita riyan sa inyo. Ibigay mo na lang sa akin ang address mo."
Pagkatapos niyang ibigay ang hinihingi nitong impormasyon ay nagbaba na ito ng telepono. Hinanap niya ang kanyang mommy para magpaalam dito. Hindi siya nahirapang kumbinsihin itong pumayag sa lakad nila ni Abby.
Natuwa pa nga ito ng malamang may kaibigan na siya sa school. Very proud ang kanyang parents ng sabihin niyang hindi lang siya nakapasok sa swim team ng school kundi siya pa ang napiling team captain.
Kahit paano ay tila na-relieve ang mga ito. Isa kasi iyon sa ikinasasama ng kanyang loob sa paglipat nila sa Montegracia. Natatakot siyang hindi na siya makipaglaro ng kanyang favorite sport.
——
"MOM, DAD, I'd like you to meet Abby Alawi, my new friend."
"Kamusta ka, Abby?" Masiglang bati ng kanyang daddy.
"Mabuti naman po. Isasama ko lang po si Zairah sa mall. Baka po, mga six na namin siya maihatid pabalik."
"O, sige. Mag-iingat kayo."
"Thank you po."
"Zairah, kung kailangan ninyo ng sundo, tumawag kayo rito." Bilin ng kanyang mommy.
"Huwag po kayong mag-alala, hindi naman po aalis iyong driver namin sa mall." Ani Abby.
"Sasamahan po niya iyong maid namin na mag-grocery."
"Gano'n ba? Okay. Basta huwag kayong makikipagtanan, ha? Wala kayong dalang damit." Pagbibiro ng kanyang daddy.
"Dad!" Naiiling na saway niya rito.
Tinawanan lang siya nito, kaya pati silang magkaibigan ay nahawa. Pagkatapos niyang humalik sa kanyang parents ay umalis na silang magkaibigan.
Medium-sized ang mall ng Montegracia kompara sa mga malls sa Manila. At may ilang shops kagaya ng madalas niyang puntahan noong nasa Manila pa sila.
"Unahin muna natin ang appointment ko. Saka tayo mag-window-shopping."
"Okay." Aniya.
Pagkayapos nitong magpatingin, namili sila ng bagong frame ng glasses nito. Tinulungan niya itong pumili ng flattering sa shape ng mukha nito. Iyong hindi ito magmumukhang nerd. Nahirapan nga lang siyang kumbinsihin ito dahil mas komportable ito sa kagaya dati.
Nakumbinsi lang niya ito nang umayon sa napili niya ang assistant ng eye clinic. Dahil isang oras pa bago magawa ang bagong salamin nito, niyaya niya itong bumisita na rin sila sa sa beauty salon. Naisip niyang dapat na lubus-lubusin na nila ang make-over ng kanyang kaibigan para ma-shock ang lahat pagdating ng Lunes.
"Palitan na rin ang hair style mo." Suhestiyon niya.
"Bakit? Okay naman ito, ah!" As usual, naka-braid ang mahabang buhok nito.
"Hay, naku, friend. Kailangan mo ng beauty makeover. Trust me."
Hinawakan nito ang mahabang buhok nitong animo ay humahaplos ito sa isang favorite pet.
"Gusto mong makaganti kina Ira, hindi ba? Well, ang pinaka-effective na paraan ay ang ipakita mo sa kanilang hindi ka mukhang nerd. Kailangan nating ilabas ang ganda mo."
"Sure ka bang may ilalabas akong ganda?"
"Oo naman, no? Halika, maghanap tayo ng magaling na hairstylist."
Hinila niya ito at naghanap sila sa mall directory ng salon. Nang makakita sila ng franchise ng pinupuntahan niyang salon sa Manila ay doon sila nagtungo.
Pero bago sila pumasok ay tumigil ito sa may pinto at hinarap siya nito. "One thing, ayokong maging skinhead, ha?"
Naiiling na natawa siya. "Promise, hindi kita papayagang maging skinhead, kahit pa ipagpilitan mo. You'll like the style I have in my mind." Confident na sagot niya rito.
Pagkatapos nilang piliin ang pinakamahal na hairstylist ng salon, nagbuklat sila ng mga magazines tungkol sa hairstyles. Bagaman at alam na niya kung ano ang dapat para sa kanyang kaibigan, gusto niyang makakita ng picture para mas madaling maintindihan iyon ng manggugupit.
"Viola! Ano'ng tingin mo rito?" Masayang itinuro niya sa kaibigan ang hairstyle na napili niya.
"Maganda. Hip. Tiyak na bagay sa iyo yan." Anito.
"Sira! Para sa iyo yan."
"What?" Muling tiningnan nito ang buhok, pagkatapos ay tiningnan nito ang sarili sa salamin. "Hindi ko ma-carry yan. Pangmaganda lang yan. Isa pa, masyadong maikli yan para sa akin. Sayang naman ang buhok ko."
"Kaya mo yan. At saka hindi maikli ang shoulder-length. Masyadong mahaba lang buhok mo."
Nang dumating ang baklang manggugupit ay itinuro niya rito ang style na napili niya, umayon naman kaagad ito. In-assure nito ang kanyang kaibigang babagay rito ang style na iyon. Two hours later, bagong Abby ang lumabas ng salon, magaan ang mga hakbang at may bagong hairstyle with matching highlights.
"Sis, hindi ako makapaniwala. Look at me. I'm almost beautiful!" Tuwang-tuwang niyakap siya nito.
"Anong almost? Maganda ka talaga. Itinatago mo lang!" Natutuwang ginantihan niya ang yakap nito. "Halika, kuhanin na natin ang bagong eyeglasses mo."
Nang makuha nila ang salamin at maisuot na nito iyon ay tuwang-tuwa ito. "Wow! Hindi maniniwala ang mommy ko. Sabagay, kahit naman ako, parang hindi ako makapaniwalang magmumukha akong ganito kaganda."
"Imagine-nin mo ang mukha ni Ira at ng mga kaibigan niya kapag nakita ka nila sa Monday."
Nanlalaki ang matang tumingin ito sa kanya. "Oo nga, no?" Nagkatawanan sila. Dahil hindi sila nakatingin sa kanilang dinaraanan ay may nabangga ito sa corner.
"Oops sorry, Miss."
"It's okay. Hindi kasi ako nakatingin sa dinaraanan ko, eh. Sorry din."