NARINIG niya ang usapan ng kanilang mga classmate pagdating ng lunes.
"Si Abbynerd ba yan?"
"Hindi na siya mukhang nerd."
"Maganda pala si Abby, no?"
Iyon ang iba-ibang komento pagdating ng kanyang kaibigan. Nauna siyang dumating kaysa rito.
"Magkano kaya ang ginastos niyang si Abbynerd sa kanyang transformation?" Malisyosang komento naman ni Ira.
Hindi niya sinasadya, nagkatinginan sila ni Cleo. Kumindat ito sa kanya. Napangiti naman siya. Alam niyang simple lang ang ibig sabihin nito sa kindat na iyon, na nagkatotoo na ang hula nila sa magiging reaction nina Ira.
Ngunit iba ang naging pakahulugan ni Ira sa nakitang exchange nila ni Cleo. Naningkit ang mga mata nito. Akala niya, susugurin siya nito kaya inihanda niya ang kanyang sarili. Pero matalim na tingin lang ang ipinukol nito sa kanya bago nito hinarap ang mga kabarkada nito. Nakahinga siya nang maluwag. Ayaw niya ng problema pero mukhang sinusundan siya niyon.
Every afternoon ang practice-training nila para sa nalalapit na interschool swimming competition. Iyon bale ang magiging first sports competition sa pagbubukas ng klase at gaganapin dalawang buwan after the school opening. Bagaman siya ang team captain, na kay Ira naman ang loyalty ng kanilang mga ka-team.
Palibhasa, lahat ng mga kabarkada nito ay kasali sa team at ang iba naman ay takot sa mga ito. May ilang ngumingiti sa kanya pero kapag nakita ng mga ito si Ira at ang grupo nito, lumalayo ang mga ito sa kanya.
Ayaw naman niyang aminin dahil sa mga nangyayari, hindi na siya gaanong nag-eenjoy sa sports na kinahihiligan niya. Kung hindi nga lang ayaw niyang mabansagang quitter, matagal na sana siyang umalis ng team. Lumala ang lahat nang abutan siya ng mga itong masayang kausap si Cleo sa parking lot ng school minsang hinihintay niya ang kanyang mommy.
The following week, kung anu-ano ang nangyari sa kanyang mga gamit. Isang araw, pagbalik niya sa locker room ay nasa labas ng locker ang kanyang bag. Then the following day, ikinalat ang kanyang mga gamit. Ang sumunod, may mga sulat na kung anu-ano ang kanyang notebook.
Unti-unti na siyang napupuno. Isang araw, napatid ang tali ng kanyang goggles nang isinusuot niya ito. Bumalik siya sa locker room para kumuha ng kapalit. Nadatnan niyang bukas ang kanyang locker at pinapakialaman ni Janice ang mga gamit niya. Isa ito sa mga kabarkada ni Ira.
"So? Ikaw pala ang vandal."
Nagulat ito, napaurong. "Bakit nandito ka?" Takot na tanong nito.
"Hindi ba ako ang dapat magtanong sa iyo niyan? Locker ko ang pinapakialaman mo. And with the little incidents that keep happening to my things, reasonable deduction lang naman na pagbibintangan kong ikaw ang gumawa ng mga iyon, hindi ba? Puwede kitang isumbong kay Coach. I'm sure dadalhin ka niya sa guidance office. At the very least, matatanggal ka sa team and you'll get suspended from school."
"Wala akong ginagawang masama."
"Ow? Hindi ba masama ang pakikialam ng gamit ng ibang tao?"
"They were just pranks."
"Say's who?"
"Look, sumunod lang ako, okay? Kung may isusumbong ka, dapat si Ira iyon. Siya ang galit sa iyo. Inagaw mo na nga ang pagiging team captain niya, pati si Cleo, inagaw mo pa rin sa kanya."
"The problem is, ikaw ang nahuli ko." Nakangiting wika niya. Binale-wala niya ang huling sinabi nito dahil hindi naman kasali iyon sa kanilang usapan at wala siyang ganang magpaliwanag dito.
"Zairah? Ipinatatawag ka ni Coach."
Nagulat pa ang bagong pasok na si Maxine nang makita nito si Janice na nakatayo sa harap ng locker niyang bukas at hawak pa nito ang kanyang bag.
"Bakit hawak niya ang bag mo?" Nagtatakang tanong nito.
"Natatandaan mo ba iyong mga kung anu-anong nangyayari sa mga gamit ko lately? Siya ang may kagagawan."
"Mabuti pa, isumbong mo kay Coach para tigilan na niya ang ginagawa sa mga gamit mo." Suhestiyon nito.
Hindi siya sumagot. Nakita niya ang pamumutla ni Janice. Lumapit siya rito at hinablot ang kanyang bag. "Pag-iisipan ko. In the meantime, kapag may nabalitaan kami sa school na nanakawan, ikaw ang ituturo namin. After all, magaling kang magbukas ng locker ng may locker. At hindi lang iyon, kapag may nangyaring hindi maganda sa mga gamit ko o sa mga gamit ni Maxine o kahit sinong kaibigan ko, ikaw ang ituturo namin. Ngayon. Lumabas ka na rito bago ka namin kaladkarin palabas." Taboy niya sa babae.
Nagmamadaling lumabas ito. Nagkatawanan naman sila ni Maxine. "Buti nga sa kanya. Malay natin kung kani-kanino na palang locker ang pinapakialaman niya? Come on. Kanina ka pa hinahanap ni Coach."
"Wait. Kailangan ko pang palitan itong tali ng goggles ko. Napatid, eh."
"Ito na lang sa akin ang gamitin mo. Baka mapagalitan na tayo kapag nagtagal pa tayo rito."
Nang makabalik sila sa pool ay nakita niya ang speculative na tingin sa kanya ni Ira. Hindi niya binago ang kanyang expression. Nilampaso na lang niya ito pati sa butterfly event. Iyon ang pinag-uukulan niya ng panahon tuwing nagpa-practice siya sa kanila kaya naman malaki na ang kanyang improvement.
Nang matapos ang practice, tuwang-tuwa ang coach nila sa kanyang performance. "Zairah, if you keep that up, we'll sweep the golds."
"I'll try, coach." To add insult to jnjury, kinindatan pa niya si Ira. Sinabayan pa niya ito sa paglalakad hanggang sa shower room.
"Ano'ng gusto mong palabasin? Nang-iinis ka ba?" Galit na tanong nito.
"Of course not. Iisa lang naman ang pupuntahan natin, hindi ba?" Painosenting sagot niya.
"You think you're the best, don't you?"
"Ako ang team captain, hindi ba? I guess that means I'm the best." Nang-iinis na sagot niya.
"Tingnan natin." Galit na nagpatiuna ito.
Sinundan niya ito at hinawakan ito sa balikat nito para iharap ito sa kanya. "Huwag mo akong susubukan, Ira. Baka makakuha ka ng katapat mo. If you want a fight, gawin mo nang harapan at huwag mong idaan sa mga gamit ko. Tigilan mo na rin ang paggamit ng alalay. You and I, mano 'y mano." Hamon niya.
Pinalis nito ang kanyang kamay at galit na iniwan siya nito. Tumuloy na siya sa shower room. Alam niyang naririnig ng mga ka-team nila ang ginagawa niyang paghamon sa babae, pero punong-puno na siya.
Hindi niya ginustong maging team captain. Ayos na sa kanya ang maging member ng team. Hindi naman niya kasalanang mas magaling siya kay Ira. Wala ring dahilan para paghinalaan siya nitong inaagaw niya si Cleo.