Kabanata II

1684 Words
                “PARENG MIGUEL!” Napangiti nang malaki si Miguel sa naging reaksiyon ng kaibigan niyang si Mart nang makita siya nito na nakatayo sa may labas ng gate ng simpleng bahay nito. Magkahalo at tuwa sa mukha ni Mart. Hindi yata ito makapaniwala na nandito na siya sa baranggay nila. Matagal na niyang kaibigan si Mart. Bata pa lang sila ay magkakilala na sila dahil katapat lang ng bahay nito ang bahay nila. Magkalaro sila noon hanggang sa maging magkaklase mula elementarya hanggang high school. Hindi sila mapaghiwalay. Gumagawa talaga sila ng paraan para palagi silang nasa iisang section noong nag-aaral pa sila. Agad siyang pinagbuksan ng gate ni Mart at mahigpit na niyakap. “Welcome home, pare!” Tinapik-tapik pa nito ang likod niya. “Salamat, pare!” tugon ni Miguel. “Kailan ka pa nandito?”             “Kagabi lang ako dumating, pare!” Gumanti siya ng yakap dito. Na-miss din naman niya ang kaibigan niya. Bahagya itong lumayo sa kaniya at pinagmasdan siya. “Grabe! Gumanda ang katawan mo sa Australia, a. Araw-araw ka sigurong nag-gi-gym do’n!” pakli nito. “Hindi naman. Wala lang talagang makain tapos mabigat ang trabaho kaya nagka-muscles!” biro naman niya. “Ako dito, tiyan ang naipon, e!’ ganting biro ni Mart habang hinihimas ang tiyan. “Dito na lang ba tayo mag-uusap, pare?” “Ah, pasensiya na. Tuloy ka!” Magkasabay silang pumasok sa loob ng bahay nito. Iginala niya ang paningin sa kabuuan niyon. “Gumaganda na itong bahay ninyo, a. Teka, nasaan nga pala si Karla?” tukoy niya sa asawa nito. Ikinasal ito noong nakaraan na taon pero hindi siya naka-attend dahil hindi siya pinayagan ng boss niya sa trabaho. “Nasa trabaho. Pang-umaga siya. Pang-gabi naman ako. `Buti nga at naabutan mo akong gising ngayon. Patulog na rin kasi ako talaga.” Umupo si Mart sa tapat niya. Tumango-tango siya. “O, para nga pala sa inyo. Pasensiya ka na at iyan lang, pare.” Isang supot ang inabot niya dito na agad naman nitong tinanggap. Chocolates ang laman niyon. “Nag-abala ka pa. Hindi naman importante ang pasalubong. Ang importante ay ikaw mismo. Ano na nga palang balita sa iyo? Sa inyo ni Jeric? Kasama mo ba siyang umuwi?” Hindi lingid sa kaalaman ni Mart ang pagpapakasal niya sa kapwa lalaki pati na ang kaniyang kasarian. Nagulat ito noong una pero tinanggap naman siya nito. Doon niya napatunayan na magkaibigan talaga sila dahil sa ginawa nitong pagtanggap sa kaniya kahit sino pa siya. Nalungkot siya sa tanong ni Mart. “`Ayon, medyo nagkakalabuan pero we’re still trying na mag-work out. Nakukwento ko naman sa iyo lahat kapag nagkaka-chat tayo, `di ba?” Matapat na sagot niya. “Hiwalay na kayo?” Umiling siya. “Hindi. Gusto ko lang huminga para naman ma-refresh ang utak ko. Nitong huli kasi masyado na siyang nagger at mapanakit. Hindi ko alam kung bakit.” “Ganiyan talaga kapag tumatagal na sa relasyon. Lumalabas na ang tunay na ugali. Ikaw kasi, e. Nagbago ka pa ng pananaw. Siguro kung sa babae ka nagpakasal, hindi ganiyan ang relasyon mo ngayon. Baka masaya ka na kasi may anak ka na.” “Mart, alam mo naman na masaya ako kay Jeric.” “Masaya pero bakit gusto mong lumayo sa kaniya?” “Gusto ko lang ng break. Iyon lang. It does not mean na makikipaghiwalay ako sa kaniya.” “Ewan ko ba sa iyo, pare. Dati naman ay nag-gi-girlfriend ka. Paramihan pa nga tayo noong college tayo, e. At ikaw ang palaging panalo kasi mas gwapo ka kesa sa akin.” Natatawa at iiling-iling nitong turan. “Wala akong magagawa, pare. Kay Jeric tumibok ang puso ko. Oo nga pala, aalis na rin ako. Dinala ko lang talaga iyang pasalubong ko sa inyo ni Karla. At sana sa susunod ay may inaanak na ako sa inyo, ha?” “`Wag kang mag-alala. Tinatrabaho na namin iyan ni Karla!” Tumayo na siya para umalis. Pero huminto nang may maalala bigla. “Oo nga pala, pare. May alam ka bang lugar na pwede kong puntahan? Iyong tahimik at hindi ganoon karami ang tao?” tanong niya. Gusto niya kasing magbakasyon ng siya lang para ma-refresh ang utak niya nang sa gayon ay makabalik agad siya kay Jeric sa Australia. Sandaling nag-isip si Mart. May paghimas pa ito sa manipis nitong balbas. “Ah! Alam ko na kung saan pare!” sabi nito. “Saan?” “Iyong tahimik at mag-isa ka lang, kamo?” Tumango siya. “Oo. Saan?” “Sa SOGO! So clean, so good!” “Gago!” Natatawang bulalas niya. “Joke lang, pare. Pasensiya na. Wala akong alam, e. Hindi naman kasi ako gala.” “Okay lang. Maghahanap na lang din ako sa Google. Alam mo na. Soul searching.” “Naks! Sige, pare. Good luck sa soul searching mo na iyan.” Matapos ang kanilang pag-uusap ni Mart ay inihatid na siya nito sa gate. Pagdating niya sa bahay nila ay nagtungo muna siya sa kaniyang silid para magpahinga.   HINDI mapakali si Almira habang nakaharap siya sa malaking salamin na nasa salas ng kanilang bahay. Hinihila niya paibaba ang suot niyang bestida dahil naiiklian siya doon. Tatlong pulgada din kasi ang taas niyon mula sa kaniyang tuhod. Bahagyang nakalitaw ang kaniyang hita. Hindi talaga siya sanay magsuot ng mga ganoong uri ng damit. Kumportable siya sa simpleng blouse at pantalon lang. Hindi naman sa hindi maganda ang hita niya. Naiilang lang talaga siya kapag nakalitaw ang kaniyang hita. Wala naman siyang magagawa dahil ang sabi ni Maureen sa text nito ay mag-bestida siya. Isa lang naman ang bestida na meron siya. Binili ng nanay niya sa kaniya noong isang taon pa na ngayon lang niya maisusuot. “Saan ang punta mo, ate?” tanong sa kaniya ni Arra. Ang kapatid niya na sumunod sa kaniya. Kakalabas lang nito sa kwarto ng bunso pa nilang kapatid na si Arman. “Sa plaza. Sa pasayaw.” Wala sa sarili na sagot niya. “Talaga? Pasama ako, ate! Masaya iyon!” Mula sa kusina ay lumabas ang nanay nila. “Tumigil ka, Arra. Hindi pwede.” “Hala naman, nanay. Bakit si ate, pwede? Ako, hindi?” nakabusangot ang mukha na ungot ni Arra. “Dahil fifteen ka pa lang. Iyang ate mo ay nasa hustong edad na. Saka na kapag naka-graduate ka na ng kolehiyo.” “Sasayaw lang naman ako doon, nanay.” “Kahit na. Lubayan mo na iyang ate mo. Bumalik ka na sa kwarto mo!” Nakalabing bumalik si Arra sa kwarto. Nilapitan naman siya ng nanay niya at pinagmadan ang kaniyang ayos. “Ang ganda-ganda naman ng panganay ko! Alam mo, ganiyan na ganiyan ang hitsura ko noong nasa edad mo ako. Parehas tayong maganda. Sa akin ka nagmana!” Masayang sabi nito. “`Nay, huwag na kaya akong pumunta.” Ayaw naman niya talaga na pumunta. Pinilit lang siya ng nanay niya at naka-oo na siya kay Maureen sa text. Anito pa nga sa huli nitong mensahe ay papunta na ito sa bahay nila para sunduin siya. “Ano ka ba? Huwag kang KJ. Basta umuwi ka bago ang hatinggabi!” “Cinderella lang, `nay?” “Parang ganoon na nga. Nandoon naman ang tatay mo. Magbabantay sila at baka may magkagulo. Pero huwag kang maiilang sa kaniya. Kapag may lalaking nakipagkilala sa iyo at gwapo, i-entertain mo, anak. Malay mo, sa pasayaw na iyon mo makilala ang magiging boyfriend mo!” Kinikilig na sabi ng nanay niya sa kaniya. Napasimangot siya. “Wala pa iyan sa isip ko, `nay.” “Anong wala pa? Hindi ka na bata, Almira. Lumandi ka na!” “Nanay!” protesta niya. “Mahiya ka nga kay Arra. Aba, baka maunahan ka pa no’n na magkaroon ulit ng boyfriend. Hindi naman masama na i-enjoy mo ang iyong kabataan, anak. Magkaroon ka lang ng limitasyon. At alam mo naman ang tinutukoy ko. Huwag isusuko agad ang Bataan!” Mahina pa nitong isinuntok sa hangin ang kamao. Natawa na lang si Almira sa sinabi ng nanay nila. Maya maya ay dumating na si Maureen para sunduin siya. Napakaganda nito sa suot nitong dress. Aminado siya na mas maganda sa kaniya ang kaibigan. Maputi ito at balingkinitan ang katawan. Maganda din ang mukha nito na mapagkakamalan mo itong artista. Iyon nga lang, sabi ng marami ay mataray tingnan si Maureen dahil sa chinita nitong mata. Mas kilala rin ito sa baranggay nila kesa sa kanila. Bukod kasi sa anak ito ng mayor ay palagi pa itong sumasali sa mga beauty pageant. Madalas din itong nananalo. Parang nahiya naman siyang tumabi sa kaibigan. Nagmismistula silang kape’t gatas kapag magkasama sila. May dalang sasakyan si Maureen at ito rin ang nagmamaneho. Isang kotse na pagmamay-ari nito. Inspirasyon ni Almira si Maureen. Nais din niya na magkaroon ng mga bagay na meron ito kaya nga siya nagsisikap sa buhay. Naniniwala kasi siya na darating din ang panahon na maiaahon niya sa hirap ang kaniyang pamilya. Ilang sandali pa ay sakay na siya ng kotse ni Maureen habang ito ay nagmamaneho. Hindi naman ganoon kalayo ang plaza. Ang totoo nga niyan ay pwede naman silang maglakad. Kaya lang nasanay na talaga si Maureen na palaging gumagamit ng sasakyan kahit hindi naman malayo ang pupuntahan. “Naku, nakalimutan ko na magdala ng pera, Maureen! Magkano pala ang ticket sa pasayaw?” Bigla niyang naalala na hindi niya nadala ang kaniyang wallet. Naiwanan niya iyon sa bahay. Tumawa si Maureen. “Ano ka ba, Almira? We don’t need to pay for the tickets para makapasok doon. Remember, kasama mo ang unica iha ni Mayor Dante Balagtas. Saka ikaw, anak ka ng kapitan ng baranggay. Makakapasok tayo doon even without a ticket! Just relax, okay?” Malakas ang loob nito dahil ang tatay nito ang nakaisip ng pasayaw na iyon. Tutal naman daw ay bakasyon. Hindi na lang nagsalita si Almira hanggang sa makarating na siya sila sa plaza. Sumalubong sa kaniya ang maingay na tutog na nagmumula sa malalaking speakers. Sa labas pa lang ay nakita na niya ang kaniyang ama. Nilapitan niya ito para kausapin. “Tatay, kumusta po?” Nagmano siya dito. Nagulat naman ito nang makita siya. “Almira, nandito ka pala. Sino ang kasama mo?” Kabaligtaran ng nanay niya ang tatay niya. Ayaw pa nito na magno-nobyo siya. Hindi pa daw kasi ito handa na makita siyang may asawa na. Para dito ay isa pa rin siyang batang paslit. “Ako po, Kapitan!” Nakangiting sagot ni Maureen na bigla na lang lumitaw sa kaniyang tabi. Tumango-tango ito sabay tingin ulit sa kaniya. “Magbe-behave ka diyan, Almira. Nakabantay ako sa iyo.” Hindi niya alam kung paalala ba o pagbabanta ang sinabi ng tatay niya. Itinirik niya ang mga mata. “Si nanay lang naman po ang pumilit sa akin na pumunta dito. Ang totoo nga po niyan ay ayaw ko talagang pumunta dito sa pasayaw,” aniya. “Ang nanay mo talaga, o. Sige na, pumasok ka na. Kami ay naatasan na magbantay dito sa labas.” “Salamat, `tay. Mag-iingat po kayo, ha?” At hinila na siya ni Maureen papasok sa pasayaw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD