Natapos ang treatment ni Avery Gail na hindi kami nag-uusap ni Ivo. Minsanan lang itong bumisita sa amin dahil busy rin ito sa kaniyang asawa at kompaniya. I wonder kung may anak na sila. Sa pagkakaalam ko kasi ay wala pa dahil ayaw pa ng kaniyang asawa, iyon ang usap-usapan sa media. Palagi rin kasi akong nakaabang sa kaniya, hindi ko alam pero nasanay na ako roon.
"Nanay, bakit ang sungit po sa'yo ni Tatay?" tanong sa akin ni Gavin.
Nagulat ako dahil nagsalita ito out of the blue. Minsanan lang kasi itong magsalita dahil palagi lang itong nagbabasa ng libro. Marunong na kasi silang magbasa ni Avery, kahit naman busy ako sa trabaho ay hindi ko pinapabayaan ang pag-aaral nila. Hands-on ako palagi sa kanila.
"Hayaan mo na ang Tatay niyo, ganiyan talaga 'yan. Masungit." Hinawakan ko ang kaniyang pisngi at kaagad na niyakap ito.
"Kagaya ko rin po ba siya? Nagmana nga po ako kay Tatay," saad niya sa akin na ikinatawa ko.
"Hmm. May oras na nakikita ko sa iyo ang ama mo. Oh, ayan na pala ang Tatay niyo, batiin mo siya dali," utos kong sa aking anak. Alam kong gustong-gusto niyang mapalapit sa ama ngunit nahihiya ito. Hindi rin kasi sociable ang aking anak unlike sa kambal niya.
"G-Good morning po, Tatay," nahihiyang bati ni Gavin sa ama niya. Tiningnan naman ito ni Ivo at agad na kinarga siya. Napangiti ako dahil halatang-halata na magkamukha sila, mag-ama nga talaga.
"Kumusta anak? Nag-almusal ka na ba?" tanong ni Ivo sa kaniya. Bigla akong kinabahan dahil hindi pa kami nag-aalmusal baka sabihing pinapagutoman ko ang anak ko.
"Hindi pa po, Tatay. Mag-aalmusal pa lang po kami ni Nanay," inosenteng wika ng aking anak sa kaniya. Sinamaan naman ako ng tingin ni Ivo at kaagad na binaba si Gavin.
"Dito ka lang muna anak, bantayan mo ang kapatid mo mag-uusap lang kami ng Nanay niyo. Pagbalik namin dito ay mag-aalmusal tayo," wika ni Ivo.
"Okay po, Tatay."
Tumango naman agad si Gavin sa kaniyang ama at umupo sa sofa. Kinuha niya naman agad ang libro niya at nagbasa.
"Ikaw, sundan mo ako." Bigla akong kinabahan dahil sa malamig nitong boses. Mukhang sesermonan na naman niya ako. Gusto kong lumaban pero kapag gagawin ko naman iyon ay baka mawalan na ako ng chance para mapalapit sa kambal. Baka tuluyan na niyang kunin ang mga anak ko sa akin. Makapangyarihan siya, kaya niyang baliktarin ang lahat para sa huli ay matalo ako lalo na kapag sa korte.
Lumabas naman agad kami sa kwarto at kaagad niya akong hinila papunta sa garden. Walang tao roon kaya malaya niya akong sigawan.
"Pinagugutoman mo ba ang mga anak ko?" madiing tanong ni Ivo sa akin. Agad akong umiling sa sinabi niya.
"H-Hindi, hinihintay ko lang na may dumaang nurse para magbantay muna kay Avery dahil bibili kami ni Gavin ng almusal. May balak naman akong pakainin ang kambal at hindi ko sila pinagugutoman. Mas baleng ako ang magutom huwag lang sila," saad ko sa kaniya. Nakayuko lamang ako dahil ayaw kong salubongin ang kaniyang matatalim na titig.
Ibang-iba na siya sa Ivo na nakilala ko, dati ay baliw na baliw ito kakahanap sa akin ngayon naman ay baliw na baliw itong paalisin ako sa buhay nila kasama ang aking kambal. Hindi ako papayag na mawalay sa anak ko, ako ang nagsakripisyong palakihin siya, ni wala siyang ambag mula pagkabata nila, ngayon lang.
"Malaman-laman ko lang na pinapagutoman mo ulit sila,ipapakulong kita. Itinago mo na nga sila sa akin ng ilang taon-"
"Hindi ko ginustong itago ang mga bata sa iyo, gusto kong ipaalam ang lahat ngunit nalaman kong ikakasal ka na. Ano ba naman ang laban ko? Mahal mo iyon at ako? Isa lang namang babaeng bayaran na nabuntis mo," naiiyak na saad ko sa kaniya. Sa totoo lang pinagsisihan ko lahat ng ginawa ko noon, pinagsisihan ko iyong mga oras na nagtago ako dahil natatakot at nahihiya ako.
Siguro kung pinaglaban ko lang ang karapatan ko, kami siguro ang ikakasal ni Ivo hindi iyong asawa niya ngayon. May anak kasi ako sa kaniya, sila ay wala. Ngunit ang tanga at bait ko noon, inisip ko na kaya ko namang buhayin ang mga anak ko kahit walang ama. Tingnan mo ngayon? Kahit anong kayod ko ay hindi ko pa rin kayang tustusan ang mga pangangailangan ng kambal. Kailangan pa rin nila ang isang Ivo sa buhay nila.
"Tama na ang drama, kasalanan mo naman dahil mahigit isang buwan kitang hinanap at hindi ka nagpakita. Kung puwede lang kitang alisin sa buhay ng kambal ay ginawa ko na. Ayaw kong lumaki silang katulad mong sinungaling at malandi," seryosong saad niya sa akin.
"H-Hindi ako malandi! Bakit mo nasabi iyan?" tanong ko sa kaniya?
"Huwag ka nang magpanggap, hindi ka na nakontento sa perang binigay ko sa iyo nagpalaspag ka pa sa iba. Kaya kong ipagpalit ang fiance ko sa iyo para panagutan ka dahil ako ang nakauna sa iyo ngunit hindi ka pa rin nakontento naghanap ka pa ng iba. Kaya pala hindi kita mahanap-hanap dahil sumama ka na sa iba, pero kalimutan na natin iyon. Isa lang naman iyon masamang panaginip. Mabuti nga't nagising na ako sa kahibangan ko sa iyo," natatawang sambit niya sa akin. Nanlalaki ang aking mga mata nang marinig ang sinabi niya.
Anong sumama sa iba? Ni hindi nga ako lumabas ng bahay namin dahil nagtatago ako sa kaniya at natatakot dahil it was my first time doing something worldy. At nang malaman kong buntis ako ay mas lalo akong natakot dahil iniisip ko ang mapanghusgang mga tingin sa akin ng mga tao. Muntik na rin akong ma-depressed nang malamang ikakasal na siya sa iba at wala nang pag-asa.
"Ano bang pinagsasabi mo? Wala akong iba, gago ka ba? Nakakulong lang ako sa bahay ng tiyahin ko dati, hindi ako sumama sa iba!" inis kong saad sa kaniya. Ngumisi lang ito sa akin.
"Stop the act, Gianna. Sawang-sawa na ako sa mga painosente mo. Hindi ko nga alam kung bakit ba ako nahumaling sa iyo. You are a b***h hindi na ako magtataka dahil isa ka namang bayarang babae," saad nito at napa-smirk sa akin. Napakuyom ako ng kamao, inis na inis ako dahil sa kaniyang sinabi. Nainsulto at natapakan ang dignidad ko. Oo pinatos ko iyong pagiging bayaran ngunit siya lang naman ang una at huling costumer ko noon.
Magsasalita pa sana ako nang tinalikuran niya agad ako. Nakapamulsa itong naglakad papalayo, wala akong lakas para sundan siya dahil nasasaktan ako sa mga pinagsasabi niya. Wala akong ginawa kung 'di ay mahalin siya sa malayo, ni hindi ko sila ginulo ng asawa niya ngayon lang, dahil may sakit ang anak ko. Hindi ako humingi ni singkong duling sa kaniya pampagatas man lang ng dalawa. Tapos ito lang ang mapapala ko? Pang-iinsulto? Ang sama-sama niya, mas lalo ko tuloy gustong lumaban. Hindi ako papayag na alisan niya ako ng karapatan sa kambal. Kahit anong mangyari ay nakadikit pa rin ako sa kanila.
Nang mahimasmasan ako ay kaagad akong naglakad papuntang kwarto ni Avery, napahinga ako ng maluwag nang makitang wala roon si Ivo.
"Oh, hija saan ka galing? Galing dito si Ivo, bibili raw siya ng almusal. Medyo inis nga iyon nag-usap ba kayo?" tanong ni Tiya Sabel sa akin.
"Oo, Tiya, nag-usap kami, hindi ko na alam kung paano ko ba pakikisamahan si Ivo. Tingin niya sa akin maruming babae, wala naman akong kasalanang nagawa sa kaniya. Pinagbibintangan niya akong may lalaki kaya raw hindi niya ako mahanap-hanap noon," naiinis kong kuwento sa aking tiyahin.
"Huwag mo na lag muna isipin iyan hija mas lalo ka lang ma-i-stress niyan. Asikasuhin mo na lang muna ang mga anak mo. Iyon lang naman ang mahalaga. Hayaan mo si Ivo galit lang iyon sa iyo dahil tinago mo ang kambal sa kaniya ng mahabang panahon," malungkot na wika ni Tiya sa akin. Napatango na lamang ako sa kaniya at hinawakan ang kamay ni Avery. Mayamaya ay magigising na raw ito sabi ng Doctor.