Kasalukuyan kong pinapanuod ang aking mag-ama na kumakain ng kanilang almusal sa mesa. Napasimangot ako dahil hindi man lang ako binilhan ni Ivo ng makakain. Tanging sakto lamang ang pagkain na binili niya sa kanilang dalawa.
“Nanay, bakit hindi ka pa po kumakain? Gusto mo po bang share na lang tayo nitong chicken ko?” tanong ni Gavin habang pinapakita sa akin ang isang hita ng manok. Nakakalahati na niya ito. Napangiti na lamang ako sa kaniya at umiling.
“Hindi na, anak. Busog pa si Nanay. Makita lang kitang kumakain ay busog na ako.”
Bigla akong nakarinig ng pag-ismid kaya napalingon ako kay Ivo. Napailing lang ito sa sarili at nagsimula ulit kumain. Sinusubuan din niya si Gavin kaya natutuwa ako. Masaya akong nakikitang mahal na mahal niya ang kambal. Natatakot kasi akong baka iba rin ang turing niya sa kanila. Alam kong aalalagaan niya ito kapag nasa puder sila ng kanilang ama. Malinaw rin ang kinabukasan nila sa kaniya kaya wala akong ipag-alala. Subalit hindi ko naman kayang mawalay sa kanila. Sila ang buhay ko, kapag nawala sila sa akin ay katapusan na ng mundo ko.
“N-Nanay…”
Napalingon ako kay Avery. Nanlalaki ang aking mga matang nakatingin sa anak kong babae. Gising na siya! Mabilis akong lumapit sa anak ko’t hinawakan ang kaniyang kamay.
“Avery, anak? Si nanay mo ito, kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa’yo, anak ko?” malambing na sambit ko sa bata. Umiling lamang siya at napatingin sa gawing gilid ko.
“T-Tatay?”
“Y-Yes, anak? A-Ako nga ang D-Daddy mo,” naiiyak na sambit ni Ivo sa kan’yang anak. Dahan-dahan naman akong umalis sa puwesto ko at pumalit sa Ivo. Nakasilip lamang ako kay Avery habang hinahaplos siya ni Ivo sa ulo.
“Nanay, okay na po ba si Avery?” tanong ni Gavin sa akin habang nakatingala. Napangiti ako at kinarga s’ya.
“Oo, anak. Makakapaglaro na kayo ng kapatid mo,” masiglang sambit ko sa kan’ya.
“Gianna, huwag mo munang paasahin ang bata. Kita mong hindi pa magaling ang anak mong isa papalaruin mo na sila…” Napalingon ako kay Ivo, kumunot ang aking noo sa sinabi niya.
“Hindi ko naman intensyong-”
Napahinga ako ng malalim at umiling. Hindi ko na lang siya pinansin at napatingin kay Gavin na nakunot din ang noo. Ngumiti ako ng matamis sa bata at lumipat sa kaliwang parte ni Avery. Ngayon ay okay na ang aking anak na babae, papaalisin na ba niya ako sa buhay nila? Nangingilid ang aking luhang napatingin kay Avery.
“Nanay, bakit ka po naiiyak?” mahinang tanong ni Avery sa akin kaya napailing ako.
Habang patagal ng patagal ay para bang dinudurog ang aking puso. Walang inang may gustong mawalay sa kanila ang mga anak nila. Kaya ipaglalaban ko ang aking karapatan bilang ina nila. Hindi ko sila bibitawan kailanman.
“Wala, anak. Masaya lang ang nanay dahil magaling na ang kaisa-isang prinsesa ko,” saad ko sa kaniya at hinalikan siya sa noo. Ngumiti ito ng matamis kaya roon na tumulo ang aking luha, sobrang na-miss ko ang matatamis ng ngiti ng anak ko. Lalo na’t kapag may problema ako, ang ngiti nila ang nagpapawi no’n.
“N-Nanay, sasama po ba tayo sa bahay ni Tatay kapag puwede na po akong umuwi? Gusto ko pong makilala sina Lola at Lolo. Sa T.V. ko lang po kasi sila nakikita eh. Nanay, sa bahay tayo ni Tatay titira ah, please…”
Napalingon ako kay Ivo, seryoso lang itong nakatingin sa kaniyang anak na babae.
“Oo nga po, Nanay. Gusto po namin na kompleto po tayo sa isang bahay. Para happy family na po tayo!” masiglang sambit ni Gavin sa akin. Napangiti ako sa kaniya ngunit deep inside sobrang sakit na ng aking puso dahil alam kong hinding-hindi mangyayari iyong sinasabi nila.
Pangarap kong magkaroon ng buong pamilya ang aking mga anak pero hindi puwede. May ibang asawa na ang kanilang Tatay at hindi kami ang unang priority niya.
“Mga anak, puwede kayong tumira sa bahay ni Tatay pero hindi kasama ang Nanay niyo,” saad ni Ivo sa kanila. Bigla akong nainis dahil sa sinabi niya. Bakit ba ang hilig niyang mambigla? Kita ko ang papaiyak na si Avery kaya agad kong pinatahan siya.
“J-Joke lang iyon, Avery-”
“Stop this crap, Gianna. Hinding-hindi kita papasukin sa bahay ko,” inis na sambit ni Ivo sa akin kaya nanlalaki ang aking mga mata. Wala ba siyang pakiramdam?
“Hindi p-po k-kami sasama sa inyo, Tatay kapag hindi kasama si Nanay. Hindi ba Gavin?” Napalingon kami kay Gavin, tumango lang ito. Biglang tumahimik ang paligid. Tila ba nag-iisip ng malalim si Ivo. Napahinga siya ng malalim saka unti-unting tumango.
“S-Sige… Isasama natin sa bahay si Nanay niyo,” ngiting saad ni Ivo sa kanila kaya napangiti ako ng malaki. Ganoon din ang aking mga anak na tuwang-tuwa dahil sa sinabi ng kanilang ama.
Thank God! Hindi na kami magkakahiwalay ng mga bata.
“Let’s talk outside, Gianna,” malamig na sambit niya sa akin kaya napalingon ako sa kaniya.
“Paano ang mga bata?” tanong ko sa kaniya.
“Let Tiya Sabel, take care of them, ‘di ba nasa labas naman siya?” tanong niya sa akin na ikinatango ko.
“Nanay s-saan po kayo pupunta ni Tatay?” mahinang tanong ni Avery. Ngumiti ako sa kaniya at hinawakan ang kaniyang kamay.
“May paguusapan lang kami ng Tatay mo, babalik din naman agad kami. Magpahinga ka na lang muna riyan dahil mamaya ay aalis na tayo,” ngiti kong sambit sa aking anak.
“O-Okay po, Nanay. Balik po kayo kaagad ah,” saad niya sa amin kaya napatango na lang ako. Napatingin ako kay Gavin na kasalukuyang nakaupo sa kama ni Avery.
“Ako na po ang bahala kay Avery, Nanay.”
Nagkatinginan naman kami ni Ivo, umiwas siya ng tingin sa akin at mabilis na tumalikod.
“Follow me,” malamig na tugon niya sa akin. Napakagat ako ng labi dahil sa sobrang kaba. Ano na naman kaya ang pang-i-insultong sasabihin niya sa akin?
Bumungad sa amin si Tiya Sabel na nakaupo sa labas. Agad naman siyang tumayo’t lumapit sa akin.
“Kumusta na si Avery?” tanong niya.
“Okay na po, Tiya. Puwede po bang pakibantayan ang kambal, mag-uusap lang po kami ni Ivo,” pakiusap ko sa kaniya.
“S-Sige.” Kita ko ang pag-aalala sa kaniyang mukha ngunit ngitian ko siya to say that I am fine.
Napangiwi ako nang makitang dire-diretso palang naglakad si Ivo kaya sobrang layo na ng pagitan namin sa isa’t-isa. Agad akong kumaripas ng takbo para maabutan s’ya. Hingal-hingal ma’y nagawa ko pa ring ikalma ang aking sarili. Nakarating kami sa garden, nilibot ko ang aking paningin, mabuti na lang at wala namang tao roon hindi ako mapapahiya kapag may sinabi na naman siyang masama sa akin.
“Hindi na ako magpaligoy-ligoy pa. Gusto ka ng anak kong sumama sa amin-” Agad ko siyang pinutol dahil hindi ko gusto ako lumabas sa kaniyang bibig.
“Anak natin, Ivo. Anak ko rin sina Avery at Gavin,” seryosong sambit ko sa kaniya.
Hindi niya ako pinansin at sinamaan lang ng tingin.
“Don’t cut me when I am talking, bitch.”
Napakuyom ako ng kamao dahil sa sinabi niya. Ano pa bang pang-iinsulto ang matatanggap ko sa ama ng anak ko? Hindi ko ata kayang nasa iisang bubong lamang kami subalit kailangan ako ng mga anak ko kaya titiisin ko ang sakit na binibigay niya.
“I-Im s-sorry,” mahinang sambit ko.
“What I am saying is I want you to live with us. Na-realize kong kailangan ka ng kambal at hindi madaling malayo sila sa’yo dahil ikaw ang nagpalaki sa kanila.”
“Salamat, Ivo. Maraming salamat!” masiglang sambit ko sa kaniya. Sobra ang aking kagalakan dahil sa sinabi niya. Hindi ako makapaniwalang sasabihin niya ito sa akin, hindi ko inaasahang ito ang sasabihin niya. Akala ko’y kukunin niya na ang mga anak ko na wala ako sa tabi nila.
“In one condition,” ngising saad niya sa akin na ikinakunot ko ng noo.
“Alam mo namang may asawa ako ‘di ba? Gusto kong manilbihan ka bilang kasambahay namin, hindi kasi papayag ang asawa ko na manirahan ka sa loob ng mansiyon. Tanggap niya ang mga bata subalit ikaw ay hindi,” ani niya.
Napapikit ako ng mariin dahil sa sinabi niya. Paano na lang ang pagiging manager ko sa coffee shop na pinagtatatrabahuan ko? Ilang taon ko rin iyon inalagaan at malaki-laki na rin ang aking sahod doon.
“P-Pero mayroon akong trabaho, gusto ko ring makaipon para sa mga anak ko. Malaki-laki na ri ang aking sahod doon,” saad ko sa kaniya. Tumawa siya ng nakakainsulto sa akin.
“Malaki? Eh katiting lamang iyon kumpara sa kinikita ko. Ako na ang bahala sa kinabukasan at gastusin nila. Kung ayaw mo, eh ‘di huwag. Binibigyan ka na nga ng pagkakataong makasama ang mga anak ko’t aarte-arte ka pa!” inis na saad niya sa akin at nagsimula nang umalis sa harap ko ngunit agad ko siyang hinawakan. Huminga ako ng malalim at tinitigan siya.
“S-Sige…. Payag na akong maging k-kasambahay n’yo.”
Ngumisi lang ito sa akin at mabilis akong iniwan sa garden. Napaupo na lang ako sa upuan dahil sa sobrang hina. Nanginginig pa rin ang tuhod dahil sa sobrang kaba. Nakakamatay ang mga titig niya.