Tumatagaktak ang pawis sa noo ni Acutus habang namimilipit sa ginaw na nararamdaman. Ramdam niya ang mabilis na pagbagsak ng kaniyang katawan dahil sa mataas na lagnat. Halos hindi niya maimulat ang kaniyang mga mata nang mga oras na iyon dahil sa matinding panlalamig. Nararamdaman niya na lang na tila may nagpupunas ng mga pawis na naiipon sa kaniyang noo at leeg. "Acutus, lumaban ka. Kailangan mong lumaban. Hindi ko kakayanin kung mawawala ka sa akin." Iyon ang mga salitang naririnig niya. Ang boses na iyon ay kilalang-kilala niya subalit nauunahan siya ng galit sa sarili sa mga nangyari kung kaya alam niyang hindi niya kayang harapin ito. "Acutus..." Naramdaman niya ang likudong mabilis na bumagsak sa kaniyang pisngi. Alam niya na kaagad na umiiyak na naman ito nang dahil sa kaniya.

