Chapter 2

1419 Words
Mula sa bayan ng Misericordia ay nagtungo kami sa maliit na bayan ng Villa Aqua kung saan ang mga bahay ay napalilibutan ng siyamnapung porsyento ng tubig at ang sampu naman ay kalupaan.   Pagdating namin sa naturang lugar ay tila nakapagtatakang halos lahat ng mata ay nakamasid sa amin. May ilan pang kaagad na pumapasok sa kanilang mga tahanan sa hindi malamang dahilan. Animo’y mga kalaban kami na ano mang oras ay mananakit sa kanila hanggang sa hindi na nakawala sa pandinig ko ang bulungan ng dalawang ginang na naroon na nag-uusap.   “May dayo na naman.”   “Kawawa naman sila.”   “May bago na naming biktima ang isinumpang kambal.”   Bigla silang tumigil sa pagsasalita at kaagad na pumasok sa kanilang mga bahay sa hindi malaman na dahilan. Napatingin naman ako sa batang babae na kasama namin na ngayon ay magiliw na nakangiti.   Sakto palubog na ang araw nang makarating kami sa bahagi ng Villa Aqua na may lupa. Halos kasi lahat ng kabahayan ay sa tubig nakalutang na animo’y mga balsa. Ngunit ang isang ito ay hindi ganoon, dahil tila may lupang daanan patungo sa mismong pinakadulong bahagi. Ang nakapagtataka pa ay parang isang kahon lamang ang nakatayo sa may gitnang bahagi ng pabilog na lupain.   “Maligayang pagdating sa Locus Autem Divina,” magiliw na sabi ng batang babae.   Napasalubong ang kilay ko matapos marinig ang sinabi niya. Hindi ito ang lugar na hinahanap namin. Sadya bang iniligaw kami ng batang ito? Locus Autem Divina? Ito ang unang beses na narinig ko ang lugar hindi kagaya ng Villa Aqua. Wala rin ito sa mapa na tila nakapagtataka.   “Bata, niloloko mo ba kami ha?” tanong ni Immitis habang naglalakad papalapit sa bata nang biglang may sumulpot na isang batang lalake. Halos magkasing taas lang sila at tantya ko ay hindi sila nagkakalayo ng edad.   “Diyan ka lang!” mariing utos nito ngunit hindi iyon pinansin ni Immitis bagkus ay nakangiti pa itong dire-diretsong naglakad papalapit sa dalawa at sa hindi inaasahang pangyayari ay kaagad na tumilapon si Immitis palayo sa dalawa.   “Immitis!” Kaagad akong humangos papalapit kay Immitis at ganoon din si Lux.   Hindi namin inakala na ganoon ang biglaang mangyayari. Kasalukuyang nakaupo si Immitis habang pinupunasan ang dugong lumabas mula sa sugat na natamo ng kaniyang labi.   “Hindi basta-basta ang dalawang batang iyan, Acutus. Mag-iingat kayo,” sabi ni Immitis na sinang-ayunan naman ni Lux.   “Tama ka, Ginoong Lux. Isang bola ng awra ang lumabas sa batang lalake na siyang naging dahilan ng pagtilapon ko,” pagkukwento naman ni Immitis. Iyon ang bagay na hindi ko nakita.   “Pero wala naman akong nakita,” sabi ko habang nag-iisip pa ng mga susunod na gagawin.   “Mabilis kumilos ang lalake at mapanlinlang naman ang babae. Tiyak na hindi sila basta-bastang mga batang paslit lang,” paliwanag ni Lux.   Humakbang ako paabante para mas marinig ko ang isasagot nila sa mga tanong ko.   “Anong kailangan ninyo?” tanong ko sa dalawang bata.   “Hindi ba kayo itong humingi ng tulong sa kapatid ko?” tanong ng batang lalake. “Bakit kami ang tatanungin ninyo kung ano ang kailangan namin?”   Napalingon ako kay Lux na ngayon ay seryoso lang na nakatingin sa dalawa at nakikinig sa usapan namin.   “Nagkakamali ka, ang kapatid mo ang siyang lumapit sa amin,” tugon ko.   Lumingon ito sa kaniyang kapatid at napayuko naman ang batang babae at saka nagtago sa likuran ng batang lalake.   “Ano ang kailangan ninyo sa kapatid ko?” diretsong tanong nito.   “Hinahanap namin ang lugar ng Regia Mundi,” seryosong tugon ko na animo’y hindi bata ang ngayon ay kaharap ko.   “Tama nga ako. Ang Regia Mundi ang inyong sadya,” sagot nito habang hindi inaalis ang pagkakatitig sa akin. Lumingon ito sa kapatid at tumango. Tila isang senyas na hindi naming malaman kung ano ang ibig sabihin.   “Naroon ang daan sa loob ng silid na iyon ang daan patungo sa Regia Mundi,” sabi ng batang babae. “Maaari kayong pumasok kung nais n’yo talagang marating ang lugar na hinahanap ninyo.”   “Acutus, mabuti pa ay umalis na tayo rito. Nag-aaksaya lang tayo ng oras sa dalawang batang iyan. Marahil ay nais lang nilang makipaglaro sa atin,” sabi ni Immitis. Ngunit iba ang sinasabi ng pakiramdam ko. Naniniwala ako sa batang babae na alam niya ang daan patungo sa Regia Mundi. Akmang hahakbang na paalis si Immitis sa lugar nang muling magsalita ang batang lalake.   “Wala na kayong makikitang ibang daan patungo sa isang bayang nakalutang sa kalangitan maliban sa silid na ito.” Muling bumaling ang atensyon niya sa batang lalake at sumalampak ng upo sa sahig.   “Kayo na ang bahalang magdesisyon ni Ginoong Lux, Acutus.”   “Isang bayang nakalutang sa kalangitan? Ngunit wala naman kaming nakikita na kahit na ano?” puna naman ni Lux. Napatingala rin ako sa kalangitan ngunit tanging mga ulap lang at ang bughaw na langit ang natatanaw ko.   “Dahil lumalabas lang ang lugar sa oras na may mga dayo kaming pinahihintulutang pumasok sa lugar na iyon,” sagot ng batang babae.   Ngayon ko napatunayang totoo nga ang kutob ko. Base sa sagot ng batang babae ay sila ang susi patungo sa nasabing lugar. Kung ganoon ay magiging madali lang pala dahil kailangan lang naming silang kumbinsihing padaanin kami sa loob ng silid na iyon.   “Bibigyan namin kayo ng sapat na oras upang mag-isip. Bukas ng umaga pagsibol ng liwanag ng sikat ng araw ay hihintayin namin ang inyong sagot,” sabi ng batang lalake bago naglakad papasok sa naturang silid kasunod ang batang babae.   Nang makapasok na ang mga ito ay napagpasyahan namin nila Lux, at Immitis  na pag-usapan ang aming magiging pasya. Tahimik akong sumalampak ng upo sa tabi ni Immitis habang si Lux naman ay tila pinag-aaralan ang labas ng naturang silid. Inikot pa nito ang kabuuan ng lugar bago nagpasyang lumapit sa amin at maupo.   “Acutus, wala naman akong nakikitang kakaiba sa silid na iyon pero nakapagtataka lang na walang bintana ang naturang silid. Wala ring kahit na anong butas. Tanging isang pintuang selyado lang ang napansin ko na mayroon ito,” sabi ni Lux.   “Paano sila nakakahinga sa loob kung walang kahit na anong butas doon?” Kaagad naming napuna ni Immitis ang bagay na iyon na siya ring kasalukuyang tumatakbo sa isip ko.   “Marahil ay dahil sa may iba pang lagusan maliban sa pintuang nasa harap,” sagot ko. Iyon lang kasi ang naiisip kong tanging dahilan upang hindi nila kinakailangang manatili sa loob.   “Ang Regia Mundi…” bumuntong-hininga si Immitis dala ng malalim na pag-iisip bago muling nagsalita. “Marahil ay doon sila naninirahang talaga at etong Locus Autem Divina ay isa lamang lagusan patungong Regia Mundi. Samakatwid, wala tayong ibang pagpipilian kung hindi ang pumasok sa naturang silid.”   “Tama ka, iyon din ang naiisip ko. Ang magkapatid na iyon lang ang siyang susi upang matagpuan natin ang natatagong lugar,” sabi ni Lux.   “Oo nga pala, ba’t ngayon ko lang naalala. Mayroon nga pala akong gamit dito na maaaring makatulong sa atin nang sa gayon ay hindi tayo nahihirapang mag-isip dito.” Kaagad namang hinalungkat ni Immitis ang kaniyang dalang supot na hindi kalakihan, at yari sa kurdoroy na kulay itim. Kaagad nitong pinakita sa amin ang isang salamin sa mata na yari naman sa metal, at mga diyamante.   “Ano ‘yan? Laruan?” sabi ni Lux na may halong pang-aasar.   “Hindi mo pa nga pala ako lubusang nakikilala, Ginoong Lux. Hayaan mo at ipakikita ko sa’yo kung ano ang kayang gawin ng laruang ito.” Kaagad na isinuot ni Immitis ang naturang salamin, at tiningnan ang kabuuan ng labas ng silid. Naglakad pa ito palapit sa naturang silid at inikot ang paligid nito bago bumalik sa kinaroroonan naming. Naupo ito sa sahig at muling hinalukay ang kaniyang dalang supot, at kinuha ang isang kahoy na kulay itim na tantya ko ay may sukat na sampung pulgada ang bawat anggulo nito. Inilapag niya ito nang patayo sa sahig bago muling kinuha ang salaaming isinuot niya kanina at itinapat sa naturang kahoy. May pinihit pa siyang kung ano sa gilid ng salamin hanggang may lumabas na mga pigura sa kahoy kung saan nakatapat ang salamin.   “Iyan ‘yong magkapatid hindi ba?” tanong ko.   Napakunot naman ang noo ni Lux dahil tila hindi niya maintindihan ang mga nangyayari.   “Lux, isang imbentor si Immitis, at marahil isa ang kagamitang ito ang imbensyon niya,” sabi ko. Kaagad naming napatingin si Lux kay Immitis at nginitian lang siya nito nang may halong pang-aasar. Wala na rin naming sinabi pa si Lux at itinuon na lang ang pansin sa naturang repleksyon ng salamin.   “Iyan ang loob ng silid,” sabi ni Immitis.   “Teka, nasa loob lang sila kung ganoon.” Iyon kaagad ang bagay na napuna ko. Kasalukuyan lang silang nakaupo roon sa loob at naglalaro ng bola na animo’y mga normal na bata lang hanggang sa mapansin ko ang kakaiba sa dalawang bata. “Sandali, ano iyan? Maaari mo bang ihinto, Immitis?”   May maliit na buton na pinindot si Immitis, at tumambad sa amin ang tunay na itsura ng dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD