Nilibot ng mata ni Aldo ang pagligid pagkuwa’y may kinawayan ito na ilang saglit lang lumapit naman sa kanila. Sa malayo, babaeng-babae ang hitsura sa suot na low cut black satin evening gown pero nang lumapit, nahalata na ni Enso na kagaya rin niya si Vanessa. Pagkakaiba lang nila, cross-dresser ito samantalang siya bihis lalaki pa rin.
“Giovani, I want you to meet Enso,” pakilala ni Aldo sa kaniya.
Eksaheradong tumingin si Vanessa sa likuran, sa kaliwa at sa kanan. “Sinong kausap mo BFF?”
Natawa si Aldo. “Okay Miss Vanessa, this is Enso. Plus one ni Mr. Evangelista.”
Napa-‘O’ ang labi nitong pinapula ng lipstick. “Ikaw pala iyong sinasabi ni Candy na sinamahan ni Greta.” Lumapit ito sa kaniya, hinagod siya ng tingin mula ulo pababa. Sa fitted na suot niya, para na rin siyang nakahubad sa paningin ni Vanessa. “Who’s your sugar Daddy?”
“Giovani…” kunwaring banta ni Aldo sa kaibigan. Naisip siguro ng binata baka matakot siya at tumakbo na naman ulit.
Inirapan ni Vanessa si Aldo. “Ano ba? Tinatanong ko lang naman kung may Daddy na siya. Baka kailangan niya ng benefactor e… pwedeng pwede ako,” sinundan ito ng pagtawa. “Wait, magboyfriend ba kayo ni Cliff?”
“They are just friends,” si Aldo ang sumagot para sa kaniya.
“Nice meeting you Enso,” pagkuwa’y sabi ni Vanessa na hinawakan siya sa braso saka marahang pinisil.
“Pero pumunta rin ako rito dahil hinahanap na ni Chairman itong si Aldo.”
“Okay, see you around, Enso,” paalam naman ni Aldo na nakuha pa siyang kindatan bago tuluyang kaladkarin ni Vanessa palayo.
Pabalik na siya sa mesa nila nang mapalitan ng sweet music ang tugtog. Akmang babalik na rin ng mesa si Cliff nang hilahin naman ni Rob sa kamay para muling isayaw. Nakatingin siya sa dalawa nang humarang sa punto de bista niya ang isang payat na lalaki na mahaba ang buhok at naka-eyeglasses.
“Hi!” nakangiting bati nito sa kaniya. “Ikaw ang plus one ni Cliff ‘di ba?”
Kung hindi siya nagkakamali nakita nya ito sa stage kanina. “At ikaw naman ang keyboardist ng Crayons ‘di ba?” Nagsimula siyang kabahan. Miyembro ito ng bandang galit kay Cliff.
“Yes, I’m Julian,” pakilala nito na nakipagkamay sa kaniya. “Sumaglit lang ako para kumustahin sana si Cliff kaya lang nasa dance floor pala.”
Sa friendly na tono ng tinig nito, mukhang wala naman siyang dapat ipag-alala. “Oo nga. Nakorner ni Rob at ayaw ng pakawalan.”
“So…,” ani Julian pagkalipas ng ilang segundong katahimikan sa pagitan nila. “Nagustuhan mo ba ang tugtog namin?”
Pamilyar naman si Enso sa mga tinugtog nila na karamihan, kanta ng mga sikat na banda. Mga kantang ten years after gusto pa ring pakinggan ng mga tao. Classic sound kumbaga at nagkaroon ng mga revival versions. Wala nga lang isa man ang bago sa pandinig niya.
“Oo naman at ang galing ninyo. Tutugtugin niyo rin ba sariling kanta ninyo?”
Mapakla ang ngiting gumuhit sa mga labi ni Julian. “Wala pa kaming natatapos na original na kanta namin. Meron dati pero hindi kami nagandahan kaya hindi na itinuloy.”
Tumango lang siya sa hindi makaisip ng sasabihin.
“Kaming dalawa talaga ang close ni Cliff sa banda. Alam mo bang siya ang original composer ng Crayons Band?”
Nakuha ng sinabi ni Julian ang atensiyon niya. “Talaga?”
“Yup. As a matter of fact, may kanta siyang kinomposed na buong banda ang nagandahan.”
“Tutugtugin niyo ba ngayon?”
Umiling si Julian. “Actually, nang kumalas si Cliff sa grupo, hindi na niya tinapos.”
Sayang naman kung ganoon.
“Kaya nang makita kong nandito siya, gusto ko sanang siyang kamustahin at itanong na rin baka tinapos niya after. Kailangan kasi namin ng kanta na malaki ang pag-asang mag-hit para mapansin ulit kami.”
“Pero galit ang banda ninyo sa kaniya dahil umalis siya hindi ba?”
“Si Jetter lang ang galit sa kaniya.” Sabi nito na nang makita siyang nag-iisip kung sino ang binanggit na pangalan, “Si Jetter ang Lead Guitarist at tumatayong leader ng Crayons.”
“Julian!”
Nagulat si Enso sa boses ng tumawag sa kausap.
“Speaking of the devil,” mahinang sabi naman ni Julian bilang pakilala na rin sa paglapit ng lalaking nakita nga niyang gitarista ng banda kanina.
Matangkad lang siya ng dalawang pulgada sa guwapong lalaki. Medium built ang pangangatawan, mahaba ang buhok na hapit ang pagka-pony-tail sa likod ng ulo.
Hinawakan ni Jetter sa balikat si Julian. “Bakit ka nandito? Sasalang na tayo after ten minutes,” napatingin ito sa kaniya at ngumiti na bigla ring naglaho nang mapagsino siya. “Ikaw ang kasama ni Clifford sa game kanina,” tumingin ulit ito kay Julian at pagalit nang magtanong, “anong sadya mo sa kaniya?”
“Nakasalubong ko lang siya sa pagkuha ko ng tubig,” paiwas namang paliwanag ni Julian.
Duda si Jetter sa sagot ni Julian pero tumango rin. “Tayo na,” yaya nito sa ka-band mate.
“Cliff…” Nagbalik ang kaba sa dibdib ni Enso nang makita ang binata na nakalapit na pala sa kanila nang hindi niya napansin.
Pagdating pa lang nila kanina, naiusal na ni Enso na wala sanang komprontasyong maganap sa pagitan nina Cliff at former band mates nito. Kung meron man, sana maging friendly.
“Anong meron dito?” tanong ni Cliff na tumabi sa kaniya habang hindi naman bumitiw sa pagkakahawak sa braso nito si Rob.
Pansin ni Enso ang pagtagis ng mga bagang ni Jetter nang magtama ang tingin nila ni Cliff.
“Wala naman,” si Julian ang sumagot na nakangiti. “Nangungumusta lang Pare.” Hindi nito nagawang palamigin ang tensiong bumalot sa paligid.
Humakbang ng isa palapit si Jetter na hindi tinanggal ang tingin kay Cliff. “Kinuha namin ang gig na ito dahil may nakapagsabing hindi ka aattend.”
Napakapit na rin si Enso sa kabilang braso ni Cliff nang magtangka itong humakbang para lapitan si Jetter. “Tama ka, pero may nakapagpabago ng isip ko. Wala nga pala akong dapat iwasan sa pagtitipong ito. Wala rin akong atraso sa inyo kaya walang dahilan para umiwas sa inyo at paliitin ko ang mundo ko.”
Nakakuyom ang kamao ni Jetter na napailing. “Anong tawag mo sa pang-iiwan mo sa amin sa ere?”
“Ipinaliwanag ko naman sa iyo ang dahilan pero nakinig ka ba?”
Humugot ng malalim na hininga si Jetter. Ramdam ang tinitimping hinanakit sa tinig. “Alalahanin mong may isang tao pang iniwan mo rin kung kailan kailangang-kailangan ka niya.”
“Hindi ko siya iniwan Jet, alam mo ‘yan,” mahinang sabi ni Cliff.
“Tayo na Jet,” sabi ni Julian na inakbayan ang kaibigan. “Oras na para sa second set. Hinihintay na tayo.”
Suminghal ng pagkadisgusto si Jetter saka ibinaling ang tingin kay Enso. “Mag-ingat ka kay Clifford. He is not the guy you think he is.”
Iyon lang at lumayo na sa kinatatayuan nila ang dalawang band members at nagtungo sa stage.
May kinalaman kaya kay Carlo ang babala sa kaniya ni Jetter? Si Carlo kaya ang tinutukoy nito na iniwan din ni Cliff?