Ilang saglit pa, nasa gitna na sila ng bakanteng espasyo sa harapan ng stage para sa final game. Binigyan sila ng tig-isang karayom at suot na rin ang isang oversized na t-shirt na tig-isang kamay lang nila ang nakalabas sa manggas. Kanan ang kay Cliff, kaliwa naman ang sa kaniya.
Hinawakan ulit ni Cliff ang kamay ni Enso sa loob ng tshirt. “Para synchronized tayo ng galaw,” paliwanag nito na sa kaniya.
Tama si Cliff dahil nang magsimula ang oras at bumagsak ang mga lobo, ang kamay nilang magkahawak ang nagiging sinyales kung saan hahakbang ang isa sa kanila at susundan naman ng isa. Kani-kaniyang sutsot ang audience kung aling lobo ang papuputukin nila. Kakaunti na ang natirang lobo nang pumatak sa zero ang countdown timer na naka-flash sa projector.
Pagkatapos hubarin ang oversized tshirt, isa-isa nilang pinulot ang mga nakabilot na papel na nagmula sa pumutok na lobo sabay abot sa game master na binibilang naman kada ibigay nila.
“Suma total, ang maidadagdag na perang donasyon para sa mga bata sa bahay ampunan ay twenty-three thousand pesos.”
“Salamat,” sobrang sayang sabi sa kaniya ni Cliff. “Malaking tulong na iyan para sa mga bata.”
“Salamat sa iyo” sabi naman niya. Kung wala lang siguro sila sa gitna ng maraming tao, baka nagawa na niyang yakapin si Cliff. Parang maiiyak siyang hindi mawari sa tuwa na isiping makakatulong siya sa mga bata at nag-enjoy pa ng husto.
Hindi naman nagtagal ang sayang iyon sa kaniyang dibdib dahil nang makabalik sila sa mesa at magpatugtog ng dance song habang naghahanda sa second set ang Crayons Band, hinawakan ni Rob ang kamay ni Cliff saka niyakag na sumayaw.
“Mayamaya na at medyo pagod pa ako sa game,” paiwas na sabi ng binata sa nurse.
“Why do I feel you’re running away from me?” nagtatampo ang tinig nito.
“Katatapos lang kasi ng laro.”
Umiling si Rob. “Siguro kung siya ang nagyaya sa iyo, baka hindi pa natatapos magsabi e kinaladkad mo na sa dance floor.”
Napasuklay sa buhok si Cliff. “Hindi naman sa ganoon, Rob.”
Napaisip tuloy si Enso kung gaano ba ang level of closeness ng dalawa at kung biglang nabago ba ito ngayon. Nang tumingin sa kaniya si Cliff na parang kinukuha ang go signal niya habang kita naman sa sulok ng mata niya ang matalim na tingin sa kaniya ni Rob, napilitan siyang tanguan ang binata.
“Seriously?” naiiritang sabi naman ni Rob nang maintindihan ang tinginan nila.
“Okay, tara.”
Saka lang mabilis na nagbago ang mukha ni Rob na parang maasim na sampalok na biglang ibinabad sa tunaw na asukal.
Hindi alam ni Enso kung maiinis o maaawa siya kay Rob na kahit magmukha itong naghahabol, balewala lang basta makuha lang ang atensiyon ni Cliff na pasulyap-sulyap naman sa diresyon niya habang nagsasayaw.
Minabuti niyang magpunta sa hapag para kumuha ng tubig. Nauhaw siya sa paglalaro sa game. Buti na lang at sila ang nanalo ni Cliff kaya sulit naman ang pagod.
“Red wine?” alok ng nagsalita sa kaniyang likuran.
Pagharap niya, may hawak si Aldo na dalawang wine glass na may lamang pulang likido hanggang kalahati.
Sa naalala ni Enso na anak ito ng may-ari at boss na rin ni Cliff, sinabihan niya ang sariling mag-behave. “Salamat pero pasensiya na Sir Aldo, pang tubig lang ako.”
“Okay,” tugon naman nito. Ibinaba sa mesa ang isang baso saka nakailang lagok sa laman ng natirang hawak na baso. “By the way, congratulations. You two were a great team in that game.”
“Salamat po.”
“Can you just call me Aldo? And just drop that ‘po’ coz I’m only thirty five.” Abot-tainga ang ngiti nito.
Napangiti siya. Kumpara sa unang dalawang pagkukrus ng landas nila ni Aldo, ngayon lang siya nakaramdam ng pagiging kampante. Kung babalewalain lang niya ang sinabi sa sarili na limitahan ang bilang ng circle of friends niya dito sa taong 2006, isa si Aldo sa idadagdag niya sa listahan.
Naiintindihan na rin niya ngayon kung bakit inglisero ang lalaki dahil galing ng Amerika.
“Okay,” sang-ayon niya.
“By the way, we probably met at the wrong foot earlier in the salon. I didn’t intend to make you uncomfortable when I approached you. There is just this strange feeling I’ve felt that we’ve met before even I knew it myself that we definitely haven’t. I’m sorry, it will never happen again. ”
Tumingin siya sa mga mata nito at kahit siya may kakaibang pakiramdam sa lalaki. Hindi niya mawari, parang instant connection sa kanilang dalawa pero sigurado siyang hindi in a s****l way.
Tumango siya saka inilahad ang kamay. “Wala kang dapat alalahanin. Nag-over react din ako kanina.”
Napatingin siya kina Cliff at Rob na nasa dance floor pa rin. Halatang napipilitan lang si Cliff na halos nakatayo lang sa harapan ng umiindak namang si Rob sa saliw ng dance music.
“Boyfriend mo si Mr. Evangelista?”
“Hindi,” mabilis niyang sagot, hindi dahil ayaw niya kay Cliff kundi dahil iyon ang totoo. Ang pagkamalan sila ni Aldo na may relasyon ay nagdulot ng kakaibang kiliti sa kanyang puso.
“But you like him.”
Unexpected ang tinuran ni Aldo at hindi siya nakasagot. Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa kanila hanggang nakaisip siya kung paano ma-divert ang topic. “Ang saya ng father mo at nagbalik ka.”
“Yeah, I guess. Unfortunately, I didn’t came back to stay.”
Naalala niya kanina na hinahanap ni Aldo ang may-ari ng salon. Umiinom si Aldo ng red wine nang magtanong siya. “Dahil kay Miss Vanessa?”
Hindi mapigiling naibuga ni Aldo ang wine na nasa bibig saka tumawa. Nang makita ang pagtataka sa mukha niya saka ito nagsalita. “Magkaibigan lang kami ni Vanessa. Actually he’s here.”
He?